TULUYANG pinalaya si Cael at Ithurielle. Labis silang nagpasalamat sa kanilang mga Pinunong Arkanghel at hindi sila pinabayaan. Nagpaalam na sila sa mga Elders at Keepers na hindi na sila magtatagal at kailangan na nilang bumalik sa Paraiso ng Eden.
Habang naglalakad sila palabas ng kastilyo ay naramdaman ni Daniel na may sumusunod sa kanila. Paglingon niya sa likod nahuli niya ang isang Keeper na mabilis nagtago sa pader. Napakunot ang kanyang noo at dahil bigla siyang huminto sa paglalakad kung kaya't napatigil rin ang mga kasama niya.
"Daniel, tayo na," tawag ni Gabriel nang mapansin naiwan si Daniel at may tinitignan sa likuran.
May kung ano sa kalooban ni Daniel ang tila humahatak na maglakad patungo sa pader na 'yon. Hindi siya nag-alinlangan at mabilis na hinakbang ang mga paa upang hulihin kung sino ang sumusunod.
"Daniel!" sigaw ni Gabriel nang bigla itong tumakbo paliko sa isang hallway.
Nahuli ni Daniel na tumatakbo nang matulin ang isang Keeper, "Sandali! Tumigil ka!"
Nahinto at nanigas sa kinatatayuan ang Keeper. Dahan-dahang naglakad si Daniel at nakasunod na rin sila Gabriel, Cael at Ithurielle sa kanya.
"Sino ka? Bakit mo kami sinusundan, ipakita mo sa akin ang iyong mukha," mariin niyang utos.
Ilang sandali pa ang lumipas ngunit, hindi kumikilos ang Keeper. Nauubos na ang pasesnya ni Daniel at mas sumigaw ng malakas, "Sinusuway mo ba ako?!"
Tila nanginig sa takot ang Keeper at muntik nang mapatalon sa lakas ng boses ng Arkanghel. Humugot ito nang malalim na hininga at dahan-dahan pumihit paharap.
Mabilis na nalusaw ang tapang sa mukha ni Daniel nang sandaling tuluyang nakita ang mukha ng Keeper. Isang malaking bato ang bumara sa lalamunan niya at nahirapan siyang makahinga.
"Leonna…"
"Daniel…" maluha-luha na bulong ni Leonna. Kanina ay hindi niya napigilan ang sarili na hindi sumilip sa bulwagan habang nakikipag usap ang mga Arkanghel sa Elders. Kahit sa malayo niya lang pagmasdan si Daniel ay masaya na siya, wala naman talaga siyang planong magpakita ngunit, nahuli siya nito.
Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Daniel at nagmamadaling humakbang papalapit kay Leonna at mahigpit itong hinagkan, "Leonna… mahal ko."
"Daniel…," tuluyan nang pumatak ang luha sa mata ni Leonna. Napakatagal na panahon silang nagkahiwalay at ito ang muli nilang pagkikita. Nalulunod ang puso niya sa saya. Hindi niya inakalang darating pa ang sandaling ito para sa kanilang dalawa.
Tahimik na nagmamasid ang tatlong anghel sa likuran, si Ithurielle ay hindi na rin napigilan ang maiyak. Siya ang naging saksi noon sa pagmamahal ni Leonna at Daniel na tinutulan ng langit at lupa.
Matapos ang tila walang hanggang pagyayakapan ay si Leonna na ang unang kumawala, "Masaya akong makita kang muli," malumanay na hinaplos niya ang pisngi ni Daniel.
Kinuha ni Daniel ang kamay niya at hinalikan ang loob ng palad nito, "Walang araw na hindi kita iniisip, walang araw na hindi ako nagdurusa noong nawala ka. Mahal na mahal kita Leonna, noon hanggang ngayon at magkailanman ikaw lang ang iibigin ko."
Pinunansan ni Daniel ang mga luhang naglalalandas sa pisngi ni Leonna, "Mahal na mahal rin kita, ikaw pa rin at ikaw lang. Kahit nagpakasal ako noon kay Andrew hindi ka naalis dito sa puso ko Daniel."
"Pero, ito talaga ang itinakda ng tadhana para sa atin. Isa na akong Keeper at ito na aking tungkulin. Ito na ang aking mundo."
"Nauunawan ko, masaya ako na masaya ka rito."
Ngunit, nang maalala ni Leonna ang tungkol kay Kreios ay sumiklab ang galit sa kanyang dibdib, "May nagtataksil sa mga Elders, isa sa kanila ang nakikipagtulungan kay Lucas. Ako ang nagpadala ng liham sa inyo tungkol sa hindi pagtawid ni Lexine sa Gates of Judgement. Sa tulong ni Abitto, pinatakas namin ang ating anak. Ang mata ng Samsara ang tangi niyang magiging daan upang makaalis sa mundong ito."
Lumapit na si Gabriel, Cael at Ithurielle sa dalawa.
"Narinig ko sa mga kwentuhan ng mga preso sa dungeon na dadalhin ka daw ng mata ng Samsara sa isang lugar na walang nakakaalam. Kung gayon, saan napunta si Lexine?" si Cael.
"Nararamdaman ko na nakaligtas si Lexine," saad ni Leonna.
"Muling nabuhay si Lexine."
Sabay-sabay silang napalingon sa boses na nagsalita. Natagpuan nila si Abitto na naglalakad papalapit.
"Ano'ng ibig mong sabihin muling nabuhay si Lexine?" nagtatakang tanong ni Daniel.
"Umakyat ako sa mundo ng mga tao, nakita ko siya, muli siyang nabuhay nang tumalon siya sa Samsara. Magkasama na sila ngayon muli ng Tagasundo," paliwanag ni Abitto.
Nakaramdam nang malaking ginhawa si Leonna, "Sa wakas at nagkasama muli sila."
"Pero hindi magtatagal at mahahanap ulit ni Lucas si Lexine, nasa panganib ang kanyang buhay," si Gabriel.
"Cael, Ithurielle, kailangan nating magmadaling makabalik. Kailangan niyong protektahan ang natatanging Nephilim laban sa hari ng kadiliman," ani Daniel.
"Masusunod Pinuno," sagot ng dalawa.
"Meron pa tayong isang problema," ani Abitto.
"Anong problema?" nababahalang tanong ni Leonna.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Abitto sa bawat isang nandoon, sinigurado muna niyang walang ibang nakakarinig sa kanila bago siya nagsalita.
"Nang umakyat ako sa mga mundo ng mga tao, lihim akong nagmasid sa mga galaw ni Lucas."
Nahigit ng bawat isa ang hangin sa dibdib sa kaba sa maaring marinig. Mabilis na tumaas ang tensyon sa lahat.
"Isa-isang kinakausap ni Lucas ang bawat pinuno ng bawat angkan at lahi ng iba't ibang dark entities sa underworld upang sumanib sa kanya. Ang mga hindi pumapayag ay tinatakot niya na kung hindi sila papanig ay papatayin niya ang mga kalahi nila. Marami na siyang pinatay na mga inosenteng buhay."
Labis na nagimbal ang bawat isa sa narinig.
"Bakit niya ginagawa ang lahat ng ito?" naiiling sa tanong ni Ithurielle.
"Nais bumuo ni Lucas nang malaking hukbo upang lumaban sa atin at maghasik ng lagim sa mundo," nangigigil na komento ni Gabriel. Kilala niya si Lucas at alam na alam niya kung gaano ito kasakim sa kapangyarihahan.
"Ganoon na nga, ang narinig ko ay nakipag-kaisa na sa kanya ang karamihan sa malalaking angkan ng mga bampira, lobo, Sorcerres at maging ang makapangyarihang Gibbon Family ay makikiisa sa kanya," tugon ni Abitto.
"Napakasama talaga ni Lucas, hindi siya titigil hangga't hindi siya nagtatagumpay. Isa si Kreios sa mga nalason niya dahil si Kreios ang traydor sa mga Elders," saad ni Leonna na may namumuhing mga mata.
"Kailangan natin agad makabalik at protektahan ang Nephilim," si Gabriel.
Sa huling pagkakataon ay muling hinagkan ng buong higpit ni Daniel si Leonna, "Pakiusap Daniel, 'wag mong pababayaan ang ating anak."
"Makakaasa ka mahal ko, sa pagkakataon ito hindi na ako papayag na may mangyari pa ulit na masama sa ating anak."
Nagkaisa ang bawat isa at hinanda ang mga sarili sa malaking digmaan na kailangan nilang harapin. Sa isang matinding laban upang protekahan ang natatanging Nephilim at ang buong sanlibutan laban sa hari ng kadiliman.