Chereads / Kiss of Death and Shadows / Chapter 126 - Letter

Chapter 126 - Letter

HINDI TUMITIGIL ang buhos ng tubig mula sa dalawampung talampakang talon. Sadyang malakas ang pressure niyon ngunit hindi iniinda ni Cael ang bigat na dumadagan sa kanyang balikat. Habang nakapikit ang mga mata, wala siyang ibang naririnig kundi ang tunog mula sa talon.

Nakaupo siya sa isang malaking bato na nasa paanan ng talon. Kasing tuwid ng lapis ang likod niya at ninanamnam ang nanunuot na lamig sa kanyang balat. May isang buwan na rin ang nakalilipas simula nang umupo siya sa pwestong iyon. Ngunit para sa isang anghel tila isang oras pa lang siyang nagbababad. Kung sana ay kayang alisin ng tubig ang pangungulila ng kanyang dibdib. Ngunit pansamantala lamang ang katahimikang binibigay nito sa kanya.

Ito ang nag-iisang talon sa loob ng Paraiso ng Eden. Ang Talon ng Kamalayan. Ito ang pinakamainam na lugar upang gawin ang pagninilay-nilay. Iyon ay uri ng pagsasanay sa kamalayan upang patahimikin ang lahat ng ingay sa paligid at iwaksi ang mga isipin. Tanging payapang katahimikan lamang ang iyong mararanasan habang nagninilay-nilay.

"Cael! Cael! Cael!"

Mula sa napakalalim na pagninilay-nilay ay nahugot ang diwa ng anghel. Pagmulat niya ng mga mata, agad niyang nasilayan si Ithurielle. Nakatayo ito sa pangpang sa kabilang panig ng talon.

Nagkunot ang noo ni Cael. Ano ang dahilan at inistorbo siya ni Ithurielle sa kanyang malalim na pagninilay-nilay? Alam ng bawat anghel kung gaano ka importante ang pagninilay-nilay sa Talon ng Kamalayan at ang gambalain ang isang anghel ay may mahalagang ibig sabihin.

"Paumanhin sa aking pag-abala ngunit pinapatawag ka ng Pinunong Daniel!" sigaw ni Ithurielle.

Matapos ang nangyaring digmaan sa pagitan ng anghel at demonyo, muli nang nakabalik sa Paraiso ng Eden si Ithurielle. Nang mamamatay si Lilith ay tuluyan na rin nasira ang sumpang ginawad nito kay Ithurielle. Pinawalang bisa na rin ng sorceress na si Winona ang kapangyarihan ng kwintas kung saan ito noon nakakulong. Tuluyan nang nakalaya ang babaeng Tagabantay.

Tumayo na si Cael mula sa pagkakaupo at mabilis na lumangoy patawid sa kapatagan. Basang-basa ang buo niyang katawan at wala siyang ibang suot na saplot maliban sa puting pantalon. Nang makaahon ay agad niyang hinarap si Ithurielle. Nararamdaman niya na may hindi magandang balita dahil sa labis na pag-aalala sa mukha nito. Namumutla ito at hindi mapakali.

"Halika na Cael."

"Sige, tayo na."

Sabay nilang nilabas ang malalaki at nagliliwanag na mga pakpak at lumipad patungo sa itaas ng talampas kung saan nag-aantay si Daniel. Naabutan nila itong nakatanaw sa malawak na tanawin ng buong paraiso habang pinapanood ang napakagandang paglubog ng araw. Naghahalo ang kulay kahel at indigo sa kalangitan. Sa tabi nito nakatayo ang isa pang Arkanghel, ang pinuno ng hukbo ng mga Tagabantay na si Gabriel.

"Mga pinuno nandito na ako. Inyong ipagpaumanhin at kami ay natagalan." Agad nagbigay galang si Cael at Ithurielle sa dalawa sa pamamagitan ng pagluhod gamit ang isang tuhod na sinabayan ng pagyuko ng kanilang mga ulo at pagsapo ng kanang kamay sa dibdib.

Sabay na lumingon ang dalawang Arkanghel. Unang nagsalita si Daniel. "Maaari na kayong tumayo."

Sumunod ang dalawa. Mabilis na pumintig ang kaba sa dibdib ni Cael ng mga sandaling iyon. Ano kaya ang mahalagang sasabihin ng pinunong Daniel at bakit nandito rin ang kanyang pinuno na si Gabriel?

"Paumanhin kung kailangan ka naming abalahin sa iyong pagninilay sa Talon ng Kamalayan Cael," pagpapatuloy ni Daniel.

Bahagyang iniyuko ni Cael ang kanyang ulo. "Wala po iyon, pinuno. Ano po ang dahilan kung bakit niyo ako nais na makausap?"

Nagpalitan ng makahulugang tingin ang dalawang Arkanghel. Mas lalong kumabog ang dibdib ni Cael. Napalunok siya nang madiin. Si Gabriel ang siyang sumagot. "Cael, sa mga anghel na aking pinamumunuan alam kong ikaw ang pinakatapat at maaasahan. Alam ko rin kung gaaano mo binuhos ang iyong buhay upang pangalagaan ang mortal na si Alexine. Dahil doon kami ay lubos na nagpapasalamat at humahanga sa iyo."

Mabilis na tumusok ang kirot sa dibdib ng binata nang marinig ang pangalan ng babaeng dahilan kung bakit niya piniling ikulong ang sarili sa Talon ng Kamalayan ng isang buwan. Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin siya sa nangyari kahit pa alam niyang lahat ng bagay ay may dahilan. Hindi niya pa rin maiwasan na minsan kuwestyunin kung ano ba talaga ang plano ng tadhana at bakit nangyayari ang lahat ng ito? Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang nabigo na maprotektahan si Lexine. Una ay sa Tagasundo at ang huli kay Lilith. Dahil doon ay sinisisi niya ang sarili. Kung kaya naman hindi niya matatanggap ang pag-hanga na binibigay ng mga Arkanghel sa kanya.

"Maraming salamat pinunong Gabriel, pinunong Daniel. Subalit hindi ako karapat-dapat upang inyong purihin. Sapagkat sa pangalawang pagkakataon ay nabigo ako sa aking tungkulin na protektahan si Alexine laban sa kasamaan. Kaya humihingi ako ng tawad lalo na sa iyo, pinunong Daniel at kasalanan ko kung bakit namatay ang inyong… a-anak."

Maingat na nilagay ni Daniel ang palad nito sa balikat ni Cael. Malumanay na tumitig sa kanya ang golden brown nitong mga mata. Sa ilalim ng titig nito waring nakatayo si Cael sa ilalim ng araw. Mainit iyon at maganda na katulad ng sikat na umuusbong tuwing umaga.

'Huwag mong sisihin ang `yong sarili Cael. Alam akong ginawa mo ang lahat at alam kong minamahal mo rin ang aking anak higit pa sa tungkulin bilang kanyang Tagabantay. Alam ko ang pakiramdam ng umibig sa isang mortal at maging ang sakit na makita mismo ng `yong mga mata ang paglisan nito sa mundo." Bahagyang nagtubig ang mga mata ni Daniel nang muli nitong maalala ang kalunos-lunos na sinapit ng mag-ina nito.

"Subalit lahat ng ito ay plano ng ating Ama. Siya lamang ang nakakaalam ng lahat. Dapat lang tayong magtiwala sa kanya sapagkat lahat ay tiyak na may dahilan."

"Naiintindihan ko pinuno. Salamat sa pang-unawa," saad ni Cael.

"Ngunit hindi lamang upang mag-bigay puri sa iyo ang dahilan kung bakit ka namin pinatawag," dugtong ni Daniel na nagpabalik ng kabang nararamdaman ni Cael.

Mas sumeryoso na ang itsura nito. Ganoon din si Gabriel. Maging si Ithurielle ay hindi mapalagay. May nilabas si Daniel mula sa likuran nito. Isa itong madilaw na papel na nakabilog at may nakabuhol na lasong itim. Nag-isang tuwid ang kilay ni Cael. May kutob na agad siya kung saan nanggaling ang hawak nito. "Isang liham ang pinadala sa akin. Galing ito sa isang Keeper."

Lalong naguluhan si Cael. Bakit magpapadala ng liham ang Keeper?

Ang mga Keeper ang nagbabantay at namamahala ng kaayusan sa Mundo ng mga Kaluluwa. Kung silang mga anghel ang tagabantay sa mga mortal habang nabubuhay ang mga ito sa mundo ng mga tao, ang mga Keeper naman ang nagbabantay sa mga kaluluwa sa kabilang buhay. May ilang libong taon na rin ang nakalilipas simula nang huling makipag-ugnayan sa kanila ang isang Keeper.

"A-ano po ang mensahe nila sa sulat?" tanong ni Cael.

"Sinasabi ng liham na hanggang ngayon ay hindi pa nakakatawid ang kaluluwa ni Alexine sa Gates of Judgement."

Doon labis na nakuha ang atensyon ni Cael. May isang taon na ang lumipas simula nang sinundo ni Abitto ang kaluluwa ni Alexine kung kaya dapat ay nakatawid na ito upang mahatulan at tuluyang matahimik sa mundo ng mga kaluluwa.

Kung ganoon ay isang lost-soul si Lexine. Ang mga kaluluwa na hindi pa nakakatawid sa Gates of Judgement ay mananatiling lost-soul. Hinahatulan ang isang espirito sa pamamagitan nang pagtawid sa Gate. Sa hatol malalaman kung itatapon ang isang kaluluwa sa Ocean of Fire o tuluyang makakapasok sa City of Souls kung saan mananahimik ang lahat ng yumao.

"Kung ganoon, nasaan si Alexine? Hindi ba at sinundo siya ni Abitto?" tanong ni Cael.

Si Abitto ang pinuno ng mga Keeper. Kung kaya nakakapagtakang hindi makakarating si Lexine sa dapat nitong kalagyan. Nakita ng dalawang mata ni Cael ang lahat ng kaganapan nang gabing namatay si Alexine.

"Iyon din ang aming nais malaman Cael. Kung saan man siya dinala ni Abitto, ito ang kailangan nating alamin. Masama ang kutob ko sa mga nangyayari. Siguradong nasa peligro na naman ang kaluluwa ng aking anak. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatahimik."

Binalot ng asim ang pakiramdam ni Cael. Bakit hanggang sa kabilang mundo ay ayaw pa ring tigilan si Lexine ng kampon ng mga kadiliman? Ang buong akala pa naman niya ay sa wakas at magiging payapa na si Lexine sa City of Souls. Na makakasama na nito ang yumao nitong ina na si Leonna. Ngunit mukhang hindi talaga titigil ang mga kalaban sa masasamang plano ng mga ito. Hindi kay Lilith nagtatapos ang pagtatangka sa natatanging "Nephilim."

"Ang isa pang nakakapagtaka, hindi nagbigay ng pangalan ang Keeper na nagpadala ng liham na `to. Sigurado akong palihim niya itong ginawa," wika ni Gabriel

"Kung gano'n, maaaring isa sa mga Elder ang may kagagawan nito," saad ni Cael.

Kung may pitong Arkanghel na namumuno sa pitong hukbo ng mga Anghel. Mayroon namang Pitong Elders na namumuno sa mga Keeper. Ang hula ni Cael, maaaring isang makapangyarihang nilalang ang nasa likod ng pagkawala ni Lexine kung kaya't nilihim ng Keeper ang pangalan nito sa sulat. Marahil natatakot ito na mahuling sumusuway sa Elders at nakikipag ugnayan sa mga Anghel ng palihim.

"Posible, Cael. Subalit wala tayong sapat na ebidensya kung sino ang nagtatagong kalaban," sambit ni Daniel.

"Malakas din ang kutob ko na may kinalaman si Luc––" Kasing tulin ng kidlat na pumihit ang tatlong pares ng mga mata kay Ithurielle. Nanlalaki nang husto ang mata ng mga ito. Makikita ang takot at pagkabahala roon.

Naipit ng babaeng Tagabantay ang dila nito. nagbuntong-hininga si Cael. Muntik nang madulas ang dilang kapatid niya. Mahigpit na ipinagbabawal na banggitin ang pangalan ng isinumpang anghel sa Paraiso ng Eden. Walang kahit sinong anghel ang hindi mapaparusahan sa oras na magkamaling banggitin ang pangalan na iyon.

Nataranta si Ithurielle. "P-patawad aking mga p-pinuno."

Nagbuga ng mabigat na hangin si Gabriel at dahan-dahang napailing. "Kailangan nating kumilos. Kailangan nating protektahan ang kaluluwa ng natatanging mortal at pigilan ang masasamang balak ng mga kalaban. Hindi natin alam kung ano ang maaari nilang gawin at tiyak na manganganib ang sanlibutan sa oras na magtagumpay sila sa kanilang mga plano."

"Tama ang pinunong Gabriel. Kung kaya pinatawag ka namin Caeld dahil ikaw at si Ithurielle ang inaatasan namin na bumaba at magtungo sa mundo ng mga kaluluwa upang hanapin ang aking anak. Kailangan niyo siyang protektahan," paliwanag ni Daniel.

Nagkatinginan si Cael at Ithurielle. "Masusunod pinuno, asahan ninyong gagawin namin ang lahat upang mahanap si Alexine. Sa pagkakataong ito ay hindi na ako mabibigo," sagot ni Cael sabay lumuhod.

Sumunod din si Ithurielle. "Makaka-asa kayo na ililigtas namin ang natatanging Nephilim."

Buo na ang loob ni Cael. Dalawang beses na siyang nagkulang at hindi niya hahayaan na sa pangatlong pagkakataon ay mapapahamak muli si Lexine. Mula noon hanggang ngayon, handa siyang isakripisyo ang buong buhay niya upang ma-protektahan ang babaeng tapat niyang iniibig. Sa pagkakataong ito ay sisiguraduhin niyang hindi na siya mabibigo.

"Antayin mo lang ako, Alexine. Darating ako at hahanapin kita."