Chereads / The Sleeping Chaka / Chapter 2 - Chapter 1

Chapter 2 - Chapter 1

"Ayoko nang mabuhay." Nagpahid muna ng luha si Impa bago niya muling ihakbang ang mga paa niya. Itinuon niya ang tingin sa unahan kung saan tanaw niya ang palasyo ng Maganlahi at kasunod niyon ay ang pag-iyak niya.

Gusto nang tapusin ni Impa ang kaniyang buhay dahil sawang-sawa na siyang magtago sa maskarang palagi niyang suot sa tuwing lalabas siya ng palasyo ng Maganlahi. Ang pagtatago sa maskara lang ang alam niyang paraan para makaiwas sa panlalait ng mga tao sa labas ng palasyo. Naisip nga niya noon na idikit na lang iyon sa kaniyang mukha para hindi na iyon matanggal. Sa paraang iyon, hindi na siya mangangambang maaring tuluyang makita ang pinakatatago niyang itsura sa mga tao sa labas ng palasyo.

Kinuha ni Impa ang salamin sa bulsa ng suot niyang mala-gown na ang kulay ay puti. Pinasadya niyang lagyan iyon ng bulsa dahil doon niya inilalagay ang salamin na palagi niyang dala. Umaasa siyang kapag inaraw-araw niyang tingnan ang kaniyang itsura ay may magbabago roon kahit pa alam niyang imposibleng mangyari iyon.

Napahagulhol ng iyak si Impa nang mapagmasdan ang kaniyang itsura. Patay at makapal ang buhok niya na tila ilang buwan na siyang walang paligo. Sobrang kapal din ng kilay niya kahit inaahit naman niya iyon. Mula sa tainga, mga mata, ilong, labi at bibig niya ay malaki. Kung ano ang kinalakihan ng mga iyon ay siya namang kinaliit ng dalawang bundok sa dibdib niya. Ang baba niya ay mahaba na tila ilang pulgada na lang ay matutusok na ang tila pader niyang dibdib.

Hinagis ni Impa ang salamin dahil maging siya ay naumay na sa kaniyang sarili. "Bakit ako pa ang naging ganito? Puwede naman si Magan na lang!"

Palaging tinatanong ni Impa ang nasa itaas kung bakit sa dinami-rami ng tao sa mundo, siya pa ang pinagkalooban ng kasumpa-sumpang itsura. Tila noong umulan ng kapangitan, nakalimutan niyang magpayong at noong umulan naman ng kagandahan, ang pinsan niyang si Magan ang hindi nakapagpayong. Hindi lang niya alam kung nasaan siya noong umulan ng kagandahan.

"Ano'ng gagawin mo?"

Napatigil si Impa sa pag-iyak nang marinig ang tinig ni Magan. Ikinalma muna niya ang sarili bago niya lingunin ang kaniyang pinsan. "Magpapakamatay ako, Magan. Huwag kang lalapit kung ayaw mong tumalon ako rito."

Sa halip na mag-alala ay tumawa si Magan. Sandali pa itong napailing bago humakbang palapit kay Impa. "Lumapit na ako, Impa. Talon na."

Inirapan ni Impa ang kaniyang pinsan. Muli niyang ibinaling ang tingin sa palasyo ng Maganlahi kung saan tanging magagandang lahi lang ang pinapayagang makapasok at makapagtrabaho roon. Kung hindi nga lang siya anak nina Haring Matipuno at Reyna Marikit ay hindi siya maaaring makapasok doon.

Kung minsan nga ay napapatanong si Impa kung sa sperm cell at egg cell ng kaniyang mga magulang nga ba talaga siya nanggaling. Sa kabila ng kaguwapuhan at kagandahang taglay ng mga ito ay ganoon ang nangyari sa kaniya. Hindi na rin siya nagtaka kung bakit wala siyang kapatid dahil pakiwari niya ay natakot nang muling magsilang ang kaniyang ina.

"Bakit ayaw mo pang tumalon, Impa? Naiinip na ako."

Akmang lilingunin muli ni Impa ang kaniyang pinsan nang itulak siya nito. Hindi na niya nagawang makakapit dito kaya tuluyan na siyang nahulog. Napapikit na lang siya matapos maramdaman ang paglapat ng kaniyang katawan sa damuhan.

"Ano namatay ka ba, Impa? Kung gusto mong tumalon, dapat doon sa mataas hindi rito na isang metro lang yata ang taas."

Dumilat si Impa at tinaasan niya ng kilay si Magan na nakatingin sa kaniya. "Bakit, hindi ba puwedeng mag-practice muna bago ko gawin ang actual na pagpapakamatay?"

"Bakit ba gusto mong magpakamatay?" nakapamewang na tanong ni Magan habang nanatiling nakataas ang kilay nito.

Tumayo si Impa at nagpagpag siya dahil bahagyang nadumihan ang suot niya. Hindi siya tumugon sa tanong ni Magan. Itinuon na lang niya ang tingin sa palasyo ng Maganlahi na tanaw pa rin niya mula sa kaniyang kinatatayuan.

"Dahil ba sa itsura mo?"

Muli ay hindi tumugon si Impa sa tanong ni Magan. Napabuntong-hininga na lang siya nang yakapin siya ng kaniyang pinsan. Kahit nakaramdam siya ng inis dahil sa pagtulak nito sa kaniya ay nagawa pa rin niyang ngumiti. Pagdating talaga sa kaniyang pinsan ay mabilis na lumalambot ang kaniyang puso dahil na rin simula bata pa lang ay magkasama na silang dalawa.

"Hindi sulusyon ang pagpapakamatay sa lahat ng uri ng problema. Ang problema sino-solve, hindi tinatakasan." Ipinatong ni Magan ang baba nito sa balikat ni Impa. "Saka paulit-ulit na lang kitang pinapayuhang kailangan mong tanggapin kung sino ka. Kung hindi mo gagawin 'yon, hindi ka talaga magiging masaya."

"Paano ko ba naman kasi matatanggap ang sarili ko kung lahat ng pangit na katangian, nasa akin na. Sa tingin mo, magiging masaya ako?"

Bumuntong-hininga si Magan at kumalas ito mula sa pagkakayakap kay Impa. "Dito sa mundo, kung gusto mong maging masaya kailangan mong tanggapin kung sino ka at kailangan mong tanggapin na hindi ka perpekto. Kapag ginawa mo 'yon, mararamdaman mong para kang ibong malayang lumilipad dahil alam mong kuntento ka na kung sino o ano ka."

Humarap si Impa sa kaniyang pinsan. "Ayoko mang sabihin 'to pero alam mo, naiinggit talaga ako sa iyo."

"Mas naiinggit ako sa iyo dahil may mga magulang ka pa." Napabuntong-hininga si Magan at bahagya itong lumayo kay Impa. "Kung akala mong masaya ako dahil maganda ako, nagkakamali ka. Hanggang ngayon, nalulungkot pa rin ako dahil bata pa lang ako, naulila na ako sa mga magulang. Kung hindi lang talaga nahulog sa bangin ang kalesang sinasakyan nila, buhay pa sana sila at kasama ko pa rin sila hanggang ngayon."

"Puwede mo namang maging magulang ang mga magulang ko, Magan."

Nakangiting humarap si Magan. "Bago pa tayo magdramahan dito, umuwi na tayo. Hindi ko na keri ang sikat ng araw."

"Ayoko munang umuwi, Magan."

"Inutusan ako ng hari at reyna para hanapin ka. Alam ko naman na rito ka pumupunta kapag wala ka sa palasyo." Mas lumapad ang ngiti sa labi ni Magan. Ilang sandali pa ay muli itong lumapit kay Impa. "May sasabihin sila sa iyo at alam kong magugustuhan mo 'yon."

"Papayag na silang magparetoke ako? Salamat naman kung ganoon." Nagpatalon-talon si Impa dahil sa kasiyahan habang tumitili. Tila gusto nga niyang magpagulong-gulong sa damuhan. "Kapag maganda na ako, makakakita na rin ako ng malaking ibon. Magagawa ko na rin ang dream position ko!"

"Puwede bang tigilan mo muna 'yang kalibugan mo. Saka huwag kang mag-alala, mangyayari rin ang dream position mo kahit patiwarik pa."

"Tara na, Magan." Mas mabilis pa sa kabayo ang pagtakbong ginawa ni Impa dahil gusto na niyang makauwi sa palasyo ng Maganlahi.

"Impa pa, wala kang suot na maskara! Baka malaman ng mga tao na ikaw ang prinsesang gustong-gusto na nilang makita!"