Piniling magtago ni Pyrus nang marinig na binanggit ang pangalan niya ng mga kababaihang nag-uusap. Hindi man sana niya gustong pakinggan ang pag-uusap ng mga ito ngunit nadala siya ng kuryosidad kung ano ang pinag-uusapan ng mga ito. Isa pa, kung hindi niya narinig ang kaniyang pangalan, hindi niya pagkakaabalahang pakinggan ang pag-uusap ng mga tagasilbi.
"Nakita ko na si Prinsipe Sagani kaya para sa akin, higit na mas magandang lalaki ang prinsipe kaysa kay Pyrus," turan ng isang babae at umakto pa itong tila isang bulating binuhusan ng asin.
"Nakita ko na rin si Prinsipe Sagani kaya para sa akin, higit na kaakit-akit si Pyrus. Gusto ko ang bilugang mga mata ng pinuno ng mga kawal at ang kaniyang ilong na kahit hindi katangusan, bagay na bagay pa rin sa kaniya."
"Sang-ayon ako sa iyo, Halana. Mas kaakit-akit si Pyrus kaysa kay Prinsipe Sagani. Gusto kong hagkan ang mapula niyang labi at gusto ko ring makita ang makisig niyang katawan."
Napailing na lang si Pyrus sa mga narinig niya mula sa mga kababaihan. Hindi niya lubos maisip kung bakit inihahambing siya ng mga ito kay Prinsipe Sagani gayon ay alam niyang wala siyang laban dito. Isa itong prinsipe at siya ay isang hamak na pinuo ng mga kawal ng palasyo ng Maganlahi.
Matagal nang kilala ni Pyrus ang prinsipe ng palasyo ng Bonum. Kung tutuusin, pagdating sa pisikal na anyo ay alam niyang may laban siya ngunit kung usaping pagbihag sa puso ng mga kababaihan, alam niyang wala siyang laban. Alam din niyang wala siyang laban dito kung gugustuhin nitong kunin ang puso ng babaeng matagal na niyang iniibig.
"Aray!"
Bumalik lang ang diwa ni Pyrus nang marinig ang malakas na tinig. Kahit hindi pa niya ibinaling ang tingin kung saan niya na rinig ang tinig na iyon, alam niyang ang prinsesa ang nagmamay-ari niyon. Hindi siya maaaring magkamali dahil pamilyar na siya sa tinig nito.
Hindi natuloy ang tangkang paglapit ni Pyrus kay Prinsesa Impa matapos nitong hablutin ang mahabang buhok ng babae. Nanlaki ang mga mata niya sa ginawa ng prinsesa kaya naman tila naparalisa ang buo niyang katawan. Tanging pagtingin na lang sa prinsesa ang nagawa niya habang bahagya nitong sinasabunutan ang tagasilbi.
"Bakit hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo?" mataas ang tonong tanong ni Prinsesa Impa matapos nitong bitiwan ang buhok ng babae.
"Prinsesa, kung tutuusin kayo ang may kasalanan dahil kayo itong kumakaripas ng takbo."
"Ako pa ngayon ang may kasalanan kung bakit nadapa ako!" bulyaw ni Prinsesa Impa sa babae habang nakapamewang ito. "Kung sana, nagtatrabaho kayo, hindi sana ako nadapa. Alam mo bang isa sa gusto ng mga lalaki sa ating mga babae ay ang dede natin? Paano kung tuluyang napipi ang dalawang bundok sa dibdib ko? Paano pa ako makakahanap ng asawa?"
"Paumahin, Prinsesa Impa."
"Nakakasira kayo ng araw!" Sandali pang tinitigan ni Prinsesa Impa ang babae bago ito lumakad palayo kasunod ang pinsan nitong si Magan.
Napabuntong-hininga na lang si Pyrus habang sinusundan ng tingin sina Prinsesa Impa at Magan. Nasaksihan din niya kung paano magmadali sa pagtakbo ang prinsesa at alam niyang patungo ito sa hari at reyna. Nakasisiguro siyang sabik na sabik ito sa ibabalita ng mga magulang nito.
"Kung hindi lang talaga prinsesa ang pangit na iyon, sinabunutan ko na siya!"
Pumintig ang tainga ni Pyrus nang marinig ang sinabi ng babae. Hindi niya gustong makaririnig siya ng hindi maganda patungkol kay Prinsesa Impa. Nangako rin siya kay Haring Matipuno na poprotektahan niya ang kaisa-isa nitong anak sa mga taong nananakit sa damdamin nito.
"Maging ako, naiinis din sa pangit na iyon. Kung tutuusin, tayong magaganda ang karapat-dapat maging prinsesa at hindi ang tulad niyang pangit. Palibhasa'y anak ng hari at reyna kaya nandito sa palasyo ng Maganlahi."
"Sang-ayon ako sa iyo at parang ang hari at reyna na rin ang sumuway sa batas ng Maganlahi," pahayag pa ng isang babae.
"Parang nababaliw na rin ang prinsesa dahil sinabi ba namang may bundok daw siya sa kaniyang dibdib. Pangit na nga, baliw pa."
Nasaksihan ni Pyrus ang paglaki ng mga mata ng mga tagasilbi matapos niyang lapitan ang mga ito. Halos lumuwa na ang mga mata ng mga ito dahil sa pagkabigla at tila nakakita ang mga ito ng multo. Naramdaman din niya ang takot na nararamdaman ng mga tagasilbi dahil pakiwari niya ay alam ng mga babae na narinig niya ang pinag-usapan ng mga ito.
"Heneral Pyrus, kanina ka pa ba nakikinig sa aming pag-uusap?" hindi makatingin nang diretso na tanong ng babae.
"Oo magaganda kayo ngunit huwag ninyong gawing rason ang inyong kagandahan para manlait ng kapwa. Kung ano man ang nakita ninyong negatibo sa isang tao, sarilinin na lang ninyo at huwag ninyo nang ipalabas pa sa inyong bibig." Malalim na humugot na hininga si Pyrus para kalmahin ang sarili. "Hindi man maganda ang pag-uugali ni Prinsesa Impa, respetuhin pa rin ninyo siya dahil siya ang prinsesa ng Maganlahi. Kahit ganoon ang ugali niya, alam kong mabuti pa rin ang puso niya at alam kong alam ninyo ang dahilan kung bakit naging ganoon ang ugali ng prinsesa."
"Paumanhin, Heneral Pyrus."
"Ulitin pa ninyong pagsalitaan ng hindi maganda ang prinsesa, alam na ninyo ang mangyayari. Sige na, magtrabaho na kayo."
"Ano, gusto na naman akong makita ni Prinsipe Sagani?" pag-uulit ni Impa. Halos lumuwa na rin ang mga mata niya sanhi ng labis na pagkabigla dahil sa ibinalita ng mga magulang niya.
"Tama ang iyong narinig. Nakiusap si Prinsipe Sagani sa iyong ama na kung maaari ay payagan na siyang makita ka."
Umiling si Impa bilang pagtutol sa kaniyang mga magulang. Gustuhin man niyang makapalagayan ng loob si Prinsipe Sagani na mas matanda sa kaniya ng tatlong taon ngunit nahihiya siyang humarap sa binata dahil ubod ito ng guwapo. Mga mata pa lang nitong medyo singkit ay tila kusang nahuhubad ang kaniyang damit-panloob. Ang matangos nitong ilong ay mas lalong nakadagdag sa angking kaguwapuhan nito. Ang may kapulahan at manipis nitong labi ay pinagpapantasyahan niya.
Sa tuwing nagagayak nga ang prinsipe sa palasyo ng Maganlahi ay palaging nagtatago si Impa kaya naman malaking katanungan para rito kung ano ang itsura niya. Sanay na rin naman siyang magtago sa tuwing may bumibisita sa kanilang palasyo kaya panatag siyang hindi malalaman ng prinsipe na ang prinsesang akala nitong ubod ng ganda ay ubod pala ng pangit. Masaya na siyang pinagpapantasyahan siya ng prinsipe kahit hindi pa nito nakikita ang itsura niya.
"Anak, panahon na siguro para ipakita mo na ang itsura mo kay Prinsipe Sagani. Nakasisiguro kami ng iyong ina na matatanggap ka niya."
Tumaas ang kilay ni Impa dahil nainsulto siya sa sinabi ng kaniyang ama. Kahit nainis siya sa sinabi nito ay pinili niyang manahimik. Tila ipinamukha nito sa kaniya na ubod talaga siya ng pangit. Alam na niyang pangit siya at hindi iyon mawawala sa isip niya.
"Anak, tama ang iyong ama." Tumayo ang reyna mula sa pagkakaupo nito sa tronong gawa sa ginto para lapitan si Impa. "Mabuti ang puso ni Prinsipe Sagani."
Iniwas ni Impa ang mukha niya nang akmang idadampi ng kaniyang ina ang mga palad nito sa kaniyang pisngi. "Ayokong magpakita kay Prinsipe Sagani."
"Anak, pagbigyan mo na si Prinsipe Sagani. Nakikiusap kami ng ama mo sa iyo."
Lumakad palayo si Impa nang hindi man lang nagpapaalam sa kaniyang mga magulang. Hindi niya maisip kung bakit hindi pa rin siya maunawaan ng mga ito kahit paulit-ulit na niyang tinanggihan ang kagustuhan ni Prinsipe Sagani na makita siya. Kung ubod lang siya ng ganda tulad ng kaniyang ina, siya pa ang hihiling sa kaniyang mga magulang na araw-araw silang magkita ng prinsipe.
Inilapat ni Impa ang kaniyang katawan sa malambot niyang higaan. Matapos ang ilang sandaling pagtitig sa kawalan ay binalingan niya ng tingin si Magan na nakaupo sa tabi niya habang pinagmamasdan siya. Ipinagtaka niya ang ngiting nakaguhit sa mapula nitong labi.
"Bakit ganiyan ka makatingin, Impa?"
Umupo si Impa at tinaasan niya ng kilay si Magan. "Ikaw, bakit ganiyan ka makangiti? Huwag mong sabihing nato-tomboy ka sa akin?"
Napahawak sa dibdib si Magan at nagpakawala ito ng malalim na buntong-hininga. "Iniisip ko kasi kung ano ang mangyayari kapag nagkita na kayo ni Prinsipe Sagani."
"Sabihin mo na lang na pangit ako dahil alam kong iyon naman ang pinahihiwatig mo."
"Basta wala akong sinabi. Galing mismo 'yan sa bibig mo." Tumayo si Magan at lumapit ito sa bintana kung saan tanaw ang palasyo ng Bonum.
"Kapag gumanda talaga ako, aagawin ko sa iyo 'yong boyfriend mo."
"Wala akong boyfriend," tugon ni Magan nang hindi nito nililingon si Impa.
Tumayo si Impa at lumapit din siya sa bintana para tanawin ang palasyo ng Bonum kung saan nakatira si Prinsipe Sagani. Malalim siyang napabuntong-hininga nang maisip ang kagustuhan nitong makita siyang muli. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng kaba na tila maiihi siya sa kaniyang salawal kahit pa alam niyang puwede niyang taguan ang prinsipe.
"Akala mo talaga, tungkol sa kagustuhan mong magparetoke ang sasabihan sa iyo ng hari at reyna 'no, Impa?"
"Sa tingin mo, magugustuhan kaya ako ni Prinsipe Sagani kahit ganito ang itsura ko?" tanong ni Impa sa kaniyang pinsan habang nakatuon ang tingin niya sa palasyo.
"Kung magiging mabait ka, bakit hindi."
Nakataas ang kilay na sinulyapan ni Impa ang kaniyang pinsan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
Muling napabuntong-hininga si Magan at napailing pa ito nang mabalingan ng tingin si Impa. "Try mo kayang maging mabait, Impa. Pangit ka na nga, ang pangit pa ng ugali mo."
"Pangit ah." Bahagyang sinabunutan ni Impa ang kaniyang pinsan. "Gaga ka talaga. Pinapayagan kitang tawagin akong Impa para maging pantay lang tayo pero ang sabihan akong pangit, naku magkakamatayan talaga tayo."
Sinuklay ni Magan ang buhok nito gamit ang mga daliri nito at ngumiti ito. "Mas pagkatiwalaan mo ang taong sinasabi nang harapan ang mga negatibong katangian mo kaysa sa taong pinupuri ka nang harapan pero nililibak ka naman kapag nakatalikod."
Muling bumalik si Impa sa kaniyang higaan. Bagsak ang balikat niya nang umupo roon. "Magan, naguguluhan na ako. Dapat ko na nga bang ipakita kay Prinsipe Sagani ang itsura ko? Baka kasi tumili 'yon kapag nakita ako."
"Basta ako, sang-ayon ako sa hari at reyna na panahon na para makita ka ni Prinsipe Sagani."