Chereads / The Sleeping Chaka / Chapter 4 - Chapter 3

Chapter 4 - Chapter 3

Napailing na lang si Magan dahil tila nalibot na niya ang palasyo ng Maganlahi ngunit hindi pa rin niya nahanap si Impa. Gusto man niyang hanapin sa labas ang kaniyang pinsan ngunit ayon sa mga kawal ay nakita ng mga ito ang prinsesa na naglilibot-libot sa buong palasyo. Hindi tuloy niya alam kung saan pa niya ito hahanapin.

Gusto na lang magpahinga ni Magan ngunit kailangan niyang makita si Impa. Kung hindi lang niya mahal ang kaniyang pinsan, hahayaan na lang niya itong kainin ng lupa sa tindi ng kahihiyan kung magkataong mangyari ang naisip niya. Kahit maubos na ang lahat ng tubig sa kaniyang katawan dahil sa matinding pawis ay ipinagpatuloy pa rin niya ang paghahanap dito.

"Impa!" pagtawag ni Magan sa kaniyang pinsan na papalabas na ng palasyo.

Matapos lingunin si Magan ng kaniyang pinsan ay mas binilisan nito ang paglakad na tila nais siya nitong takasin. Nakaramdam siya ng inis sa ginawa nito na tila gusto niyang kalbuhin ang kulot na buhok nito sa baba. Tumakbo siya para habulin ito.

Akala yata ng pinsan ni Magan ay kukulitin niya itong magpunta sila sa siyudad para magsimba dahil araw ng Linggo. Kung sakali mang iyon ang dahilan niya, hindi niya ito masisisi dahil minsan nang nagalit ang hari at reyna nang malaman ng mga ito ang palihim nilang pagpunta sa siyudad. Isa sa ipinagbabawal ng hari ang lumabas sa lugar kung saan sakop ang palasyo ng Maganlahi maging ang iba pang palasyo tulad ng Bonum. Ayaw nitong mabago ang mga paniniwala at pananaw ng mga tao sa lugar nila kaya naman ibang-ibang ang pamumuhay nila kumpara sa ibang mga siyudad. Tila nga napag-iwan na sila ng teknolohiya.

Sa katunayan nga, teenager pa lang si Magan at ang kaniyang pinsang si Impa, nagpupunta na sila sa ibang siyudad kaya hindi kataka-taka na ibang-ibang ang pananalita nila kumpara sa lahat ng tao sa lugar nila. Sa madaling salita, millenial nilang maituturing ng kaniyang pinsan ang kanilang mga sarili. Mas gugustuhin pa nga nilang tumira sa ibang siyudad dahil may gadgets doon ngunit sa kanilang lugar, ni kahit de-keypad lang na cellphone ay wala sila.

"Impa, gusto mo ba akong taguan? Alam mo bang mahalaga ang sasabihin ko sa iyo?" Bahagya pang napayuko si Magan dahil hiningal siya sa paghabol kay Impa.

"Magan, sino ang binibining ito?"

Nanlaki ang mga mata ni Magan nang marinig ang pamilyar na tinig ng isang lalaki. Hindi siya maaaring magkamali, si Prinsipe Sagani ang narinig niya. Agad niyang itinuwid ang kaniyang katawan at ibinaling ang tingin sa lalaking nasa harapan ng kaniyang pinsan. Tama nga siya dahil ang prinsipe iyon. Nakatingin ito sa kaniyang pinsan.

"Bakit tinawag mo siyang Impa, Magan?" Sandaling ibinaling ni Prinsipe Sagani ang tingin nito kay Magan bago nito muling ibalik ang tingin kay Impa. "Siya ba si Prinsesa Im—"

"Naku, nagkakamali ka, Prinsipe Sagani." Lumapit si Magan sa prinsipe at pumuwesto siya sa bandang likuran nito. Matapos niyang magpakawala ng malalim na buntong-hininga ay sinulyapan niya si Impa at pinandilatan niya ito. "Imposible siyang maging prinsesa. Tingnan mo naman ang itsura niya. Saka baka namali ka lang ng dinig dahil ang sabi ko, impakta hindi Impa."

"Siguro nga'y nagkamali lang ako ng dinig."

Napahawak si Magan sa kaniyang dibdib dahil nakahinga siya nang maluwag. Tinaasan niya ng kilay si Impa dahil nakatitig ito sa kaniya. Alam niyang nagtitimpi lang ito dahil sa mga sinabi niya. Ayaw man sana niyang sabihin iyon ngunit iyon ang kusang lumabas sa bibig niya. Kung tutuusin, dapat nga ay magpasalamat pa ang kaniyang pinsan dahil hindi niya ito binuking.

"Binibini, maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?" tanong ng prinsipe.

Napalunok si Impa habang nakatitig ito sa prinsipe. "A-Ako si—"

"Chaka ang pangalan niya, Prinsipe Sagani." Napatakip si Magan sa kaniyang bibig dahil hindi niya alam kung bakit iyon ang unang lumabas sa kaniyang bibig.

"Chaka, napakagandang pangalan at kakaiba. Binibini, bagay na bagay sa iyo."

"Tama, bagay na bagay nga sa kaniya, Prinsipe Sagani," tugon ni Magan. Pigil ang pagtawa niya dahil hindi niya gustong iparinig iyon sa prinsipe. Pakiwari nga niya ay umuusok na ang tainga ng kaniyang pinsan dahil sa galit.

"Siya ba'y nagtatrabaho rito, Magan?"

"Nagtatrabaho nga siya rito at isa siyang tagasilbi." Lumapit si Magan sa kaniyang pinsan at hinawakan niya ang manggas ng suot nitong mala-gown. "Kung nagtataka ka dahil ganito ang suot niya, ganito raw kasi ang kasuotan nila sa lugar nila. Galing kasi siya sa ibang lugar."

Bahagyang napatango ang prinsipe. "Masaya ako dahil binali na ng hari ang batas niya."

"Aba, parang sinabi mong ang pangit ko talaga ah," nakapamewang na turan ni Impa habang nakangisi ito. "Wala kang makikitang kagaya ko rito sa buong palasyo lalo na sa buong mundo."

"Pagpasensyahan mo na siya, Prinsipe Sagani." Kinurot ni Magan ang kaniyang pinsan at pasimple niyang inilapit ang bibig sa tainga nito. "Magtigil ka."

"Bakit sa tingin mo, papayagan ko kayong lait-laitin ako? Humanda ka talaga sa akin mamaya," mahinang tugon ni Impa habang nakangiti itong nakatingin sa prinsipe.

"Gusto mong sabihin ko sa prinsipe na ikaw si Prinsesa Impa?"

"Ito naman, hindi mabiro."

Bumuntong-hininga si Magan at sinulyapan niya si Pyrus na nasa tabi ng prinsipe. "Pyrus, sa hari at reyna ang punta ninyo 'di ba?"

"Doon nga, Magan," tugon ni Pyrus. "Prinsipe Sagani, mauna na tayo."

Sinundan ni Magan ng tingin ang papalayong sina Pyrus at Prinsipe Sagani habang nakahawak siya sa kaniyang dibdib. Hindi niya alam kung bakit siya pa ang kinabahan gayon ay wala naman siya sa katayuan ng kaniyang pinsan. Pakiramdam nga niya ay nabunutan siya ng tinik sa lalamunan.

"Bakit sa dinami-rami ng pangalan, Chaka pa ang sinabi mo?"

Sinulyapan ni Magan ang kaniyang pinsan at tinaasan niya ito ng kilay. "Paano ba naman kasi, halatang-halatang kinakabahan ka at alam kong nahirapan kang makaisip ng pangalan. Dapat nga, magpasalamat ka pa sa akin."

"Magpapasalamat ako kung Marikit ang sinabi mong pangalan ko."

"Hindi mo ba narinig ang sinabi ng prinsipe? Bagay na bagay nga raw sa iyo ang pangalang Chaka."

Sa halip na mainis ay napangiti si Impa. Napahawak pa ito sa dibdib bago ipikit ang mga mata. "Grabe, ang guwapo talaga ni Prinsipe Sagani. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang napagmasdan nang malapitan ang mukha niya."

"Alam mo ba kung bakit siya pumunta rito?"

Napadilat si Impa at bahayang tumaas ang kilay nito. "Bakit nga ba? Saka ang aga naman niyang pumunta rito. Wala pa yatang alas-otso 'no?"

"Kaya nga kita hinabol dahil gusto kong sabihin sa iyong papunta na si Prinsipe Sagani rito."

"Parang kahapon lang sinabi ng mga magulang ko na gusto akong makita ni Prinsipe Sagani tapos nandito na agad siya? Ni hindi man lang ako inabisuhan."

"Biglaan nga kasi saka inutusan akong ipasabi sa iyong papunta na si Prinsipe Sagani. Bakit ba kasi tinatakbuhan mo ako?" Napailing na lang si Magan habang nakatingin siya sa kaniyang pinsan.

"Gusto ko muna kasing magmuni-muni." Sandaling sinuklay ni Impa ang buhok nito bago nito tinaasan ng kilay si Magan. "Bakit nga pala ipinakilala mo ako kay Prinsipe Sagani bilang isang tagasilbi? Dapat sinabi mo man lang na pinsan mo ako o 'di kaya, kakambal."

"Okay ka lang? Sa tingin mo, maniniwala 'yon?"

"Sabihin mo, maaga lang akong nabulok kaya hindi tayo magkamukha."

Napailing si Magan at hinawakan niya ang kamay ni Impa. "Tara na nga para maayusan kita. Susubukan kong pagandahin ka."