-*-*-*-*-*-*-
Sa loob ng isang eskwelahan, isang batang babae na may itsura ng 10 years old, may maalon na buhok, maputing balat, at bilugan ang mga mata ang palakad-lakad na parang may hinahanap.
Hindi bagay, kungdi tao ang kanyang hinahanap. Siya ay nagliligalig kung saan-saan para makahanap ng taong karapat-dapat na makausap ang mga Bookstore Deities at pagkalooban ng isang extra-limited edition na item.
Naupo siya sa isang bakanteng bench malapit sa New Building para magpahinga. Kanina pa siya paikot-ikot at naghahanap ng target. Iniisip niya kung saan mahahanap ang target nang mapansin niya ang isang nakahandusay na papel sa kanyang paanan.
Napailing siya sa nakita. "Kawawa naman ang papel na ito. Pagkatapos sulat-sulatan, ay basta-basta na lamang itinatapon ng mga tao. Tapos kapag kailangan, nagmamakaawa para lang makakuha." Kanina niya pa kinakausap ang sarili pero okay lang naman dahil wala namang nakakakita sa kanya.
Sinilip niya ang ilalim ng bench. Mas maraming papel ang isiniksik sa mga butas ng upuan. Katamaran nga naman ng mga tao oh.
Isang babae mula sa New Building ang lumabas. Tiningnan siya nang masinsinan ni Pymi at naramdaman niya ang panghihinayang nito habang naglalakad, bitbit ang isang malaking trash can. Charlotte. Siya si Charlotte.
May kung ano siyang naramdaman sa kanyang puso. Parang may nagwawala. Ganito ang nararamdaman niya, sa tuwing mayroong taong karapat-dapat turuan ng matinding leksyon. Malakas ang kutob niyang, konektado ito sa kanyang hinahanap na next target.
Sinundan niya si Charlotte papunta sa likod ng miniforest ng paaralan, dito sa dumpsite. Nakita niyang naglabas ng hand gloves at facemask si Charlotte at isinuot ito. Pagkatapos, binuksan niya ang container saka itinabi ang takip. Nagdesisyon siyang lapitan ito para kumpirmahin ang kanyang hinala. Nagpalit siya ng anyo bilang isang first year student.
"Hi ate! Ano yan?"
"Magtatapon ako ng mga basura. Puno na kasi ang basurahan namin eh," sagot niya sa bata habang ibinubuhos ang laman ng basurahan.
Sinimulan niyang i-segregate ang mga nabubulok na bagay tulad ng wrapper, papel, at balat ng saging sa mga hindi nabubulok katulad na lamang ng mga plastic bottle at cellophane. Napukaw ang atensyon ng bata sa mga gamit na nasa basurahan.
Una ay ang tupperware na may lamang nabubulok na pagkain. Pangalawa ay ang mga kutsara't tinidor na inaamag na. Pangatlo, ay ang mga raketa ng badminton na ngumiwi nang kaunti. Pang-apat ay ang shuttlecock na nabawasan lang ng kaunting feather. At ang panghuli, ay isang maduming face towel na may marka ng mga footprints at mantsa ng mga ketchup at toyo.
Napasinghap ang bata sa nakita. Sinong matinong tao ang magtatapon ng mga gamit na ito, na parang wala lang?
"Itatapon mo 'to? Sayang naman! Pwede pa ito ate!"
"Oo nga eh," sagot ni Charlotte. Mababakas sa tono nito ang panghihinayang.
"Ate! Kanino ba ang mga gamit na iyan?"
"Kila Andy at Ark ang mga iyan. Sabi ko nga sa kanila, wag nilang itapon. Iyang baunan, pwede pang hugasan at ibabad sa kumukulong tubig. Iyang face towel, lalabhan mo lang, choks na. Tapos Burlington pa naman iyang mga racket at shuttlecock! Ewan ko ba dyan sa dalawang yan! Ganyan talaga sila. Ugali na talaga nila iyan. Tapon here, tapon there. Hay, nakakaloka! "
Anderson Dela Vega. Arwin Kael Dela Vega. Ngayong nakahanap na siya ng target, kailangan na niyang bumalik. Kaya naman, nagpaalam na siya sa kausap. "Ay, ate! May pupuntahan pa pala ako! Kailangan ko ng umalis! Babye!"
Hindi na nakasagot pa si Charlotte dahil mabilis na tumakbo palayo ang bata. Ilang segundo lang ay nawala na ito kaagad sa kanyang paningin- isang kataka-takang bagay na hinayaan nalang niya.
Laganap talaga ang mga burara sa mundong ito. At dahil dyan, nabubuhay ang ate niyang si Ppela, ang dyosa ng mga papel para bigyan ng leksyon ang mga taong hindi marunong magpahalaga ng kung anumang meron sila.