Chereads / The Gentleman's Wife / Chapter 12 - CHAPTER 12: HOW TO BE A HUSBAND?

Chapter 12 - CHAPTER 12: HOW TO BE A HUSBAND?

PUPUNTA sa kusina at babalik sa dining area. Pupunta ulit sa kusina at babalik na naman sa dining area. Kanina pa hindi mapakali si Ashton. Manaka-naka rin siyang sumusulyap sa maids quarter para abangan ang paglabas ni Aling Martha o ng kahit na sinong katulong mula roon.

Tahimik at patay pa rin ang mga ilaw sa buong kabahayan. Tanging ang maliwanag lamang na sinag ng buwan na tumatagos sa mga salaming pader ang nagsisilbi niyang ilaw upang kahit papaano'y makita ang paligid.

"Kay tagal namang magising ni Nanay Martha!" maktol niya. Inip na inip na siya sa paghihintay.

Bahagya rin niyang sinulyapan ang orasan. Alas dos pa lamang ng madaling araw. Ngunit, hindi naman niya mabasa ang nakalagay doon. Kaya, iiling-iling na lamang na tinungo niya ang gilid ng pader na salamin upang pag-aralan ang paligid. Kung pagbabasehan ang lokasyon ng buwan sa kalangitan, masasabi niyang matagal pa ang umaga.

Lalo tuloy siyang hindi mapakali. Upo-tayo na rin ang kanyang ginagawa maliban sa palakad-lakad.

"Ano kaya ang aking gagawin? Papaano kung magising na siya? Papaano ko siya haharapin? Ano ba ang dapat kong ikilos sa kanyang harapan? Haist!" sunod-sunod niyang tanong sa sarili.

Nakakaramdam siya ng labis na kaba sa isiping hindi niya alam kung papaano maging asawa. Kung ano ang dapat niyang ikilos? Paano niya tratuhin si Celina? Ano ang mga dapat niyang ipakitang aksyon? Natatakot siyang magkamali. Nag-aalala siyang makagawa ng bagay na hindi nito magugustuhan. 

Bagong-bago kasi ang ganitong pakiramdam para sa kanya. Hindi niya alam kung paano maging isang asawa. Para sa kanya ay napaka-wirdo ng ganitong pakiramdam.

Inis na naisuklay niya sa buhok ang kanyang mga kamay. Gulong-gulo siya. At nais niyang humingi ng tulong kay Aling Martha sa mga dapat niyang gawin upang hindi siya magkamali. 

HINDI NA NIYA alam kung gaano siya katagal na naghintay sa may dining area. Ngunit, nanatili siyang gising. Maya't maya rin ang kanyang pagsilip sa may hagdanan patungong ikalawang palapag ng bahay, upang mabantayan ang paggising ng kanyang asawa. Impit din siyang nagdarasal na sana'y maunang magising si Aling Martha kaysa rito. 

Mayamaya lang ay may biglang nagbukas ng pinto mula sa maids quarter. Tanaw niya ang pagsilay ng liwanag sa loob niyon--tanda na may gising na sa mga katulong. Kasabay niyon ay ang paglabas ni Aling Martha na bahagya pang pupungas-pungas.

Dali-dali siyang tumayo't sinalubong ang matanda. 

"Nanay Martha!" 

"Ay kabayong naiihi!" Halos mapatalon ang matanda sa pagkagulat. Agad din nitong nasapo ang dibdib upang kalmahin ang sarili. 

"A-ah, paumanhin po, Nanay Martha... Hindi ko ho nais na gulatin o takutin kayo," agad naman niyang hingi ng paumanhin. 

"Bakit ka narito? Kay aga-aga pa, ah! Kanina ka pa ba gising? Anong kailangan mo?Nagugutom ka ba? Anong gusto mong kainin? Sandali, ipaghahanda kita." 

"A-ah... Nanay Martha!" Pinigilan niya ito nang akmang tatalikod na upang magtungo sa kusina.  "A-ano po kasi..." Napapakamot siya sa hiya. Hindi niya alam kung papaano magsisimulang magtanong. 

"M-may problema ba, Ashton?"

"Kailangan ko po ng tulong ninyo..." nakayukong turan niya. 

Hindi umimik ang matanda kaya nagpatuloy siya. "A-ano po ba ang dapat kong gawin? B-bilang may asawa... a-ano po ba ang karaniwang ginagawa ng lalaki sa pagsalubong sa umaga k-kasama ang kanyang asawa? D-dapat ko po ba siyang ipagluto ng pagkain? Ipaghanda ng pampaligo? A-ano po ang unang-una kong dapat na sabihin sa kanya? A-ano po ang dapat kong ikilos--" 

"Naku! Ang binata ko!" Putol ni Aling Martha sa iba pa sanang sasabihin ni Ashton. Malapad ang pagkakangiti ng matanda at puno ng kahulugan ang makikita sa mga mata nito. Ngunit, nangingibabaw ang tuwang nakikita niya roon. "Ashton... hindi mo kailangang gawing perpekto ang iyong mga kilos sa harapan ng iyong asawa. Mabait at isang mabuting tao si Celina. Kahit anong pagkakamali man ang gawin mo, ilang ulit ka mang makagawa ng kasalanan sa kanya, maiintindihan ka niya."

"Ngunit--" 

"Halika rito..." Iginiya siya ng matanda papunta sa kusina. Binuksan din nito ang ilaw doon upang makapag-usap sila ng maayos. At pinaupo siya sa tabi ng mesa. "Ang pagmamahal at pagpaparamdam nito sa taong tinitibok ng puso mo ay hindi nangangailangan ng pagsasanay... Hindi mo kailangang sumunod sa dikta ng ibang tao. Ito..." Itinuro nito ang kanyang puso. "Ito lamang ang dapat mong sundin. Kung ano ang sinasabi ng iyong puso, iyon ang sundin mo. Natural na lalabas sa mga kilos mo ang totoong laman ng puso mo. Alam kong nahihirapan kang basahin ang laman ng damdamin mo... iyon ay dahil wala kang maalala. Ngunit, alam mo ba kung ano ang pinakamagandang nangyari sa pagkakawala ng iyong memorya?"

"A-ano po?" 

"Iyon ay upang sa pagkakataong ito'y nangibabaw ang totoong laman ng iyong puso... na hindi mo maramdaman noong isip pa ang mas umiiral sa iyo. May kasabihan tayo na... ang isip ay nakakalimot, ang memorya ay nawawala. Ngunit, ang laman ng puso, nananatiling naroon ano man ang mangyari. Hindi ito nakakalimot; hindi ito nawawala. Maaaring nag-iiba sa paglipas ng panahon, ngunit, patuloy itong makakaalala." 

Todo ang pagkakakunot ng kanyang noo habang titig na titig sa matanda. Ang sarap pakinggan ng mga sinabi nito, ngunit, nahihirapan siyang intindihin ang mga iyon. "Maaari niyo po bang dalian ang pagpapaliwanag?" nakangiwi niyang turan. 

Biglang natawa ng malakas ang matanda. At napabuntong-hininga muna bago muling nagwika. "Ang nais ko lamang sabihin ay... magpakita ka ng pawang kabutihan sa iyong asawa. Mahalin mo siya at huwag na huwag sasaktan. Naiintindihan mo na ba?" 

"A-ah... iyon po pala ang ibig ninyong sabihin! Gagawin ko po iyan. Maraming salamat po!" Maging siyang nangingiti na lang din sa sarili. Bakit ba kasi siya nag-iisip ng kung anu-anong bagay kung maaari naman niyang ipakita ang natural at totoong tinitibok ng kanyang puso? 

"Oh, pa'ano ba yan... bumalik ka na sa inyong silid. Matulog ka ulit. Itong binata kong 'to, oo... Alas kuwatro pa lang ng madaling araw. Dapat ay nasa kalagitnaan ka pa ng iyong panaginip sa mga sandaling ito!" Iiling-iling ito na nangingiti. 

"Ah, h-hindi na po ako makatulog. Tutulungan ko na lamang po kayong maghanda ng agahan. Nais kong ipagluto ang aking asawa. Sa tingin niyo po kaya... matutuwa siya?" 

"Bakit naman hindi? Siguruhin mo lamang na masarap ang iyong ihahain upang mapangiti mo siya," biro nito. "Ipag-uutos ko rin kay Monica mamaya na pumitas ng mga rosas sa harden para ibigay mo kay Celina..."

"Ako na lamang po ang pipitas ng mga bulaklak. Nais kong gawin ang lahat upang mapasaya siya." Matamis ang kanyang pagkakangiti. Kitang-kita ang pagkasabik niya na makita ang magandang mukha ng kanyang asawa habang nakangiti rin sa kanya. 

"Susuportahan kita d'yan!" Sabay kindat sa kanyang alaga. 

INAANTOK pa si Celina, ngunit, bahagyang makirot sa mata ang pagtama ng sikat ng araw kaya pinilit na lamang niyang bumangon. 

Una niyang sinapat ang couch kung saan natulog si Ashton. Wala na ito roon. Napahinga siya ng maluwag dahil hindi niya alam kung papaano ito papakitunguhan. Kailangan muna niyang linawin ang isip sa mga hakbang na dapat niyang gawin. 

Ngunit, una sa lahat, hindi siya makakapagsimula ng araw hanggat hindi nakakamusta ang mga magulang. Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone sa bedside table at nagtipa ng mensahe sa ama. 

Celina: [Good morning, Dad! :) Kumusta po kayo d'yan ni Mommy?]

Dad: [Good morning din, anak! Heto, naghahanda na kami para sa biyahe namin sa makalawa. Kabilin-bilinan ng mommy mo na kailangan kong damihan ang jacket dahil malamig sa States sa mga panahong ito.] 

Celina: [Dapat lang po, Dad! haha Tsaka, 'wag niyo pong kalimutan ang vitamins niyo. Pupunta po ako d'yan bukas para i-check ang mga inimpake niyo...] 

Dad: [Haaay! Parehong-pareho talaga kayo ng mommy mo! Hindi pa ako ulyanin! Kaya hindi mo na kailangan pang guluhin ang mga inayos ko.] 

Hindi niya napigilan ang matawa sa kanyang ama. Kilala niya ito kapag natutuliro. Alam niyang hindi pa nito naiimpake ang mga gamot nila. Ngunit, sa mga sandaling ito, malamang ay iyon na ang ginagawa nito dahil naipaalala na niya. Ayaw talaga nitong aminin na makakalimutin na ito kung minsan.

Dad: [Kumusta ka naman d'yan? Kumusta ang asawa mo?] 

Celina: [Totoong may amnesia siya, Dad... At ibang-iba na ang ugali niya ngayon. Kaya 'wag na po kayong mag-alala sa akin dito. Mabait na po ang Ashton na kasama ko ngayon.] 

Dad: [Mabuti naman kung gano'n. Kahit papaano'y mapapanatag ang loob ko sa pag-iwan namin sa iyo dito sa Pinas.]

Celina: [Magiging maayos na po ang lahat sa pagkakataong ito, Dad. Ang isipin niyo na lang po ay ang pagpapagaling ni Mommy.] 

Dad: [Mahal ka namin anak...] 

Celina: [Naku, Dad! Kanina ko pa po iyan hinihintay na sabihin niyo para bumangon na ako! :) Mahal na mahal ko rin po kayo ni Mommy... to the moon and back!] 

Dad: [Siya sige... bumangon ka na d'yan at pagsilbihan mo na ang iyong asawa! Magpakabuti ka sa kanya, ha? Para hindi na bumalik ang dati niyang ugali. Marami pa akong gagawin. Tatawag na lang ako mamaya.] 

Napangiti na lang siya at mabilis na bumaba ng kama. Diretso niyang tinungo ang banyo para mag-shower. 

NAKAAYOS na ang hapag para sa almusal. Maraming pagkain ang nakahain, ngunit, dalawa lamang ang pinggan na naroon. Nagpasya sina Aling Martha na huwag na munang sumabay sa kanila sa unang almusal nila na magkasama. 

"Ashton, tulog pa siguro si Celina. Gusto mo bang tawagin ko na siya habang mainit pa ang mga pagkain?" suhistyon ni Aling Martha. 

"Hindi na po! Ako na lamang ang tatawag sa kanya. Hindi po ba, ang asawa ang dapat na gumawa niyon?" 

"S-sige... Kung iyan ang pasya mo, Hijo." 

Agad na tumayo si Ashton para magtungo sa kanilang silid. Pinakiramdaman niya muna sa loob. Tahimik pa rin. Naisip niyang tulog pa nga ito kaya naman, basta na lang siyang pumasok. 

Ngunit, sa pagkagulat niya'y isang unan ang mabilis na dumapo sa kanyang mukha. Kasabay nang pagtili ng kanyang asawa. Sa halip na manakbo ay tila napako siya sa kinatatayuan at hindi niya magawang gumalaw. 

Nakatambad sa kanyang harapan ang halos hubad na katawan ng kanyang asawa. Tanging ang isang manipis na tuwalya lamang ang saplot nito sa katawan. Mukha itong bagong paligo.

"Ashton, ano ba? Don't you even know how to knock?! Hindi ka ba marunong kumatok?" bulalas ni Celina. Sobra itong pinamumulhan ng mukha at mahigpit ang ginawang pagkakahawak sa kaperaso ng telang nakabalot sa katawan nito. 

"P-pasensya ka na... H-hindi ko s-sinasadya! Paumanhin! S-sa labas na lamang muna ako maghihintay." Dali-dali siyang lumabas ng silid at mabilis na isinara ang pinto. "I-ipagpatuloy mo na ang iyong pagbibihis!" sigaw pa niya mula sa labas. 

"Naku naman! Napaka-inutil mo talaga, Ashton! Ano ba ang ginawa mo?!" pagalit niya sa sarili. Hindi siya mapakali sa labas ng pintuan na parang nasilihan ang puwet sa labis na pag-aalala sa nagawang pagkakamali. 

Sa kabilang banda, labis man ang pagkagulat ni Celina ay nagkukumahog na lang siyang nagbihis. 

"Ang tanga mo talaga, Celina! Hindi mo man lang naisipang i-lock ang pinto habang ganito ang histura mo! Hindi mo naisip na ano mang oras ay puweding pumasok dito si Ashton!" pagalit din niya sa sarili. 

Kahit naman nakita na ni Ashton ng hubo't hubad ang kanyang katawan ay iba pa rin ang kanyang pakiramdam. Masyadong pa-virgin ang reaksyon ng kanyang katawan. 

Matapos magbihis ay nakayuko niyang binuksan ang pintuan. Katulad ng inaasahan ay naroon pa rin nga ang kanyang asawa. Muli, ay labis ang pagkagulat nito at biglang napaayos ng tayo. Nanatili lang din siyang nakayuko dahil ayaw niyang salubungin ang tingin nito. Pakiwari niya'y labis pa rin ang pamumula ng kanyang pisngi. 

"A-ah, Celina... paumanhin muli," turan ni Ashton. At pilit na kinakalma ang sarili. "Naparito pala ako upang sabihing nakahanda ang agahan natin." 

"S-sige. Salamat! Tayo na..." Tipid niya itong nginitian at nagpatiuna nang maglakad pababa ng hagdanan. 

...to be continued