Chereads / The Gentleman's Wife / Chapter 15 - CHAPTER 15: ANOTHER STRUGGLE

Chapter 15 - CHAPTER 15: ANOTHER STRUGGLE

"SAKAY na..." Niluwagan ni Celina ang pagkakabukas ng pintuan ng sasakyan para alalayan si Ashton.

"Salamat!" At sinuklian naman iyon ng isang matamis na ngiti ng lalaki.

Sandali lang na tumango si Celina bilang tugon bago tinungo ang driver's seat.

"Okay! Aalis na tayo..." magiliw niyang turan nang i-start na ang makina ng sasakyan.

Nakalabas na sila ng gate nang sandali siyang napahinto. At tumitig sa asawa. Muli na naman niyang nakita ang maamo nitong mga mata na tila nangungusap sa kanyang puso.

Gayunpaman, ay pigil ang paghingang umusog siya palapit dito. Sobrang lapit na halos marinig na niya ang mabilis na pagtibok ng puso nito.

Bigla tuloy siyang napalunok ng sariling laway sa dagling kaba na bumalot sa kanya sa pagkakalapit nilang iyon. Pinigilan din niya ang sarili na huwag tititig sa mga mata nito, ngunit, hindi niya iyon nagawa. May sariling puwersa sa loob niya ang tila nagdidikta na dapat niyang titigan ang mga matang iyon.

Nakita niya ang labis na pagkabigla sa mukha nito. At kagaya niya'y parang lihim din itong nagpipigil ng kaba.

This is not right! Sigaw ng maliit na bahagi sa kanyang isip. Kaya naman, dali-dali na niyang isinuot ang seatbelt kay Ashton para makadistansya na siya.

"A-ayan... t-tapos na!" Pilit niya itong nginitian. Pagkuwa'y itinutok na lamang ang atensyon sa pagmamaneho.

Matapos iyon ay katahimikan na lang ang namayani sa loob ng sasakyan. Walang may gustong magsalita sa kanilang dalawa. Kaya naman, pinili na lamang din niyang manahimik.

HANGGANG sa marating nila ang airport ay wala silang naging anumang pag-uusap.

Nang ganap na maigarahe ang kanilang sasakyan ay sandali lamang niyang tinanggal ang seatbelt ng asawa at nagpatiuna nang lumabas.

Hindi na siya nag-abala pang lapitan ito nang makitang lumabas na rin ito ng sasakyan. Pinalagay niyang susunod na lang din ito sa kanya kaya hindi na siya lumingon at naghintay para makasabay ito sa paglalakad.

Malaki na ito't may isip kahit pa sabihing wala itong maalala sa mga nakaraan nito.

"Ano ba?! Bulag ka ba? Sadyang tanga? O nagtatanga-tangahan? Hindi ka ba marunong tumingin sa dinadaanan mo?"

Galit na bulyaw ng isang matandang babae ang narinig ni Celina mula sa kanyang likuran. At sa lakas ng boses nito'y tiyak siyang nakakuha na ito ng atensyon ng lahat. Maging siya'y hindi napigilan ang sariling hindi ito lingunin.

Nakita niya ang isang babaeng tila nasa mahigit kuwarenta na ang edad. May kasama itong isang maliit na batang halos nasa apat na taong gulang pa lamang. Pinapagpagan nito ang pantalon ng bata na bahagyang nadumihan mula sa pagkakatumba.

Ngunit, ang hindi niya inasahan ay ang makita si Ashton sa harapan ng mag-inang iyon na siyang sinisigaw-sigawan ng babae, habang wala itong tigil sa paghingi ng paumanhin.

Sa nasaksihan niyang iyon ay parang may biglang kumurot sa kanyang puso. Tila nasasaktan siyang makita sa ganitong sitwasyon ang kanyang asawa.

Kusa na ring gumawa ng hakbang ang kanyang mga paa para sana lapitan ito. Ngunit, mabilis niyang pinigilan ang sarili. Naisip niyang dapat siyang matuwa at hindi makaramdam ng awa para rito. Nang sa gayon ay maramdaman man lang nito kahit papaano ang masaktan.

"Celina... Siya ang totoong siya," ani Aling Martha, habang nakatitig sa pintuan ng kusina kung saan lumabas ang alaga niyang si Ashton. May guhit ng ngiti sa mga labi nito't hindi maitago ang kakaibang kislap ng kaligayahan sa mga mata.

"A-ano pong ibig niyong sabihin, Nanay Martha?" Hindi niya maintindihan ang sinabi nito.

"Ang alaga ko... Si Ashton. Nakikita ko sa kanya ang batang pinalaki't inalagaan ko." Sandali itong huminto at muling ngumiti. "Wala man siyang maalala. Pero puso naman niya ang nakikita ko. Sobra kong na-miss na ganito si Ashton sa akin... na tuwing may problema siya o hindi malaman ang gagawin sa isang bagay, ako ang palagi niyang takbuhan."

"Nanay Martha... B-bakit niyo po sinasabi sa'kin ang mga bagay na iyan?" She's still wondering. Hindi pa rin niya makuha ang nais ipunto ng matanda.

"Celina... Intindihin mo sana siya. Alam ko ang lahat ng mga naging paghihirap mo sa kamay niya. Saksi ako roon. At hindi kita masisisi kung kamumuhian mo man siya. May mga sarili tayong dahilan kung bakit tayo nananatili sa piling ng mga taong parte ng buhay natin... naging mabuti man sila o masama. At hindi kita tatanungin sa pananatili mo. Pero, hiling ko lang sana'y... intindihin mo siya. Hindi siya ngayon ang Ashton na nakilala mo sa panlabas niyang ugali noon. Sana... Sana makita mo rin ang puso niya. Baka sakaling ito na rin ang maging daan para tuluyan na siyang magbago."

Naalala niya ang naging pag-uusap nila ni Aling Martha matapos ang almusal.

Muli niyang sinulyapan ang asawa. Sa nakikita niyang kainosentehan sa mga mata nito'y tila may bumubulong sa isipan niya na mali ang mga ikinikilos niya ngayon. Maling-maling pinaghihigantihan niya ito sa kabila ng kalagayan nito.

Naguguluhan na siya.

Sandali niyang ipinikit ang mga mata para linawin ang isip. At nang sandaling muli siyang magmulat ay nagkusa na ang kanyang mga paa na magtungo sa direksyon ni Ashton.

Paalis na rin noon ang mag-ina, ngunit, wala pa ring tigil ang bibig ng matanda sa pagputak ng kung anu-anong masasamang salita laban sa kanyang asawa.

Sandali siyang napa-ismid at napa-iling na lang. Nagpasya siyang hayaan na lang ito. Hindi rin maitago ang sobrang pagkapahiya sa mukha ni Ashton. Bahagya mang nakayuko ay nakikita niyang umiikot ang mga mata nito sa paligid at sinisipat ang bawat reaksyon ng mga tao. Na lalong nagdudulot dito ng kahihiyan sa tuwing may makikitang mapanghusgang mga tingin.

Naiinis man siyang isiping ayaw niyang nakikita ito sa ganitong sitwasyon, pero hindi rin naman kaya ng kanyang konsensya na tumayo na lang at walang gawin. Kaya naman, walang salitang inilahad niya ang isang kamay sa harapan nito.

Nakita niya ang dagling pagtataka sa mga mata nito at ang pag-aalangan kung ano ang gagawin.

"Hawakan mo ang kamay ko..." komando niya, ngunit, sa mababang tono. "Sige na." Pilit pa niya nang hindi ito kumilos.

Pagkuwa'y dahan-dahan na nga nitong inabot ang kanyang kamay. Bahagya itong nanginginig kaya mariin niyang pinisil ang kamay nito, upang iparamdam na wala na itong dapat pang ikabahala.

"Mangako ka... na kahit anong mangyari, hinding-hindi mo bibitawan ang kamay ko. Naiintindihan mo?"

"Pangako..." Tipid na ngumiti ang lalaki. Pero hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang biglang pagkakaroon ng kislap sa mga mata nito.

'Kinikilig ba 'to o ano?' Hindi niya maiwasang isipin. Ngunit, hindi na lang niya iyon pinansin at iginiya na ito sa paglalakad.

NABABALONG na kaagad ng luha ang mga mata ni Celina sa isipin pa lang na matagal-tagal na naman niyang hindi makakasama't makikita ng personal ang kanyang mga magulang-lalo na ang kanyang ina.

Pero sa pagkakataong ito'y hindi siya ganoong nag-aalala dahil natitiyak niyang mas mapapadali ang pagpapagamot doon ng kanyang ina. Isa pa, nariyan naman ang kanyang ama na magbabantay dito sa buong proseso ng gamutan.

"Celina, don't show your tears in front of your mom..." Pabiro ng kanyang ama. Kahit ito'y halatang nagpipigil lang din ng luha. "Gusto mo bang ang hitsurang iyan ang maaalala ng mommy mo pagpunta ng States?"

"Who's crying, Dad?" pagmamaang-maangan niya. At mabilis na pinunasan ang mga mata.

Iiling-iling na lang na ngumiti ang kanyang ama. Sabay pasimpleng punas din ng sariling luha. Nakatayo ito sa likod ng kanyang ina upang alalayan ang wheelchair nito kaya naman siya lang ang nakapansin niyon.

"Ashton, anak..." Dahan-dahang itinaas ni Clara ang kamay. Pahiwatig na nais nitong lumapit sa kanya ang manugang.

"A-ako po?" Nagtataka man ay agad din itong lumapit matapos tumango ni Celina.

Mabilis na ginagap ng matanda ang mga kamay ni Ashton at pinisil iyon ng mahigpit. "Alagaan mo si Celina, ha? Ikaw na lang ang pamilya niya rito pag-alis namin... k-kaya, huwag mo siyang pababayaan. Mangako ka sa'kin... hmmm?"

"Makakaasa po kayo... Gagawin ko po iyan. Pangako."

"Paano ba 'yan, kailangan na naming umalis," ani Ronald matapos ang announcement ng kanilang flight.

At muli na namang bumuhos ang mga luha ni Celina. Sa pagkakataong ito'y hindi na niya iyon naitago mula sa kanyang ina. Iisipin pa lang niyang matagal na malalayo sa kanya ang mga magulang ay para nang dinudurog ang puso niya.

"Mommy, magpagaling po kayo, ha? Araw-araw akong tatawag sa inyo para 'di ko kayo ma-miss ng sobra..." At muli niyang niyakap ng mahigpit ang ina. Sumunod naman ang kanyang ama.

"Mukhang... wala naman na akong dapat pang ipag-alala sa 'yo rito, Anak." Makahulugang ngumiti si Ronald kay Celina. Pagkuwa'y sandali nitong tinapik ang balikat ni Ashton.

Paniwalang-paniwala ang kanyang ama na bumait na ang lalaki. Nagpasya siyang huwag nang ipaalam pa sa mga magulang ang pakikipagsabwatan niya sa stepbrother ni Ashton, upang paghigantihan ang asawa.

Alam niyang hindi maiintindihan ng mga ito ang dahilan niya. At lalong hindi nila matatanggap na ginagawa niya ang mga bagay na ito para sa pagpapagamot ng kanyang ina.

Salat man sila sa pera sa mga panahong ito'y natitiyak niyang hindi magugustuhan ng kanyang mga magulang ang naging disisyon niya. Pinalaki siya ng mga ito ng may takot sa Diyos at ng may paniniwala sa karma. Kaya nga, kahit hirap na hirap na ang kanyang ama'y hindi nito nagawang kalabanin si Ashton noon alang-alang sa sustentong ibinibigay nito sa pagpapagamot ng kanyang ina.

TULALANG ngingiti-ngiti si Celina habang naglalakad na sila pabalik ng parking lot ng airport. Naglalaro pa rin sa kanyang gunita ang mga tagpo kanina bago sila maghiwalay ng mga magulang.

Walang paalam na yumakap din nang mahigpit si Ashton sa kanyang mga magulang matapos niya. At ginawaran pa nito ng kintal na halik sa noo ang dalawang matanda kagaya ng ginawa niya.

Lubos iyong ikinagulat ng mga ito't walang ibang naging reaksyon kundi ang matawa ng malakas-hindi dahil sa pagkatuwa, kundi dahil ngayon lamang nito iyon ginawa. At idagdag pa ang reaksyon sa mukha ni Ashton na parang kasalanan ang hindi nito pagyakap bilang pamamaalam. Kung kaya, kahit bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalangang gawin iyon ay pinilit pa rin nito ang sarili.

"M-may mali ba a-akong nagawa?" maang na tanong ni Ashton, matapos isa-isang pasadahan ng tingin ang tatlo. At makita sa mga mukha nila ang labis na pagtataka't pagkagulat.

"W-wala! Wala naman, Ashton..." mabilis na tanggi ni Celina. "Ganoon ka talaga magpaalam sa kanila. Ahm, medyo nanibago lang sila kasi matagal-tagal mo ring hindi nagawa ang... ang bagay na iyon." Pagtatahi niya ng kuwento upang manumbalik ang kaninang matatamis na ngiti sa mga labi ng lalaki.

"O-oo! Gano'n na nga!" Agad naman iyong sinakyan ng kanyang ama. Hindi lingid sa kaalaman nito na may amnesia si Ashton. Ngunit, maging ito'y hangad ding magagandang bagay lamang ang maaalala nito.

"Ashton, gusto mo bang mamasyal muna bago tayo umuwi?" Good mood naman siya ngayon kahit medyo malungkot dahil sa pag-alis ng kanyang mga magulang. Hindi dahil sa ginawa ni Ashton, kundi dahil sa isiping mapapabilis ang pagpapagamot ng kanyang ina sa ibang bansa. At gusto rin niyang sandaling makalimot sa kalungkutan.

"O-oo naman! Gusto ko iyan!" walang pag-aalinlangang sagot naman ni Ashton.

Ngunit, bago pa man tuluyang makalapit ang dalawa sa kanilang sasakyan ay sinalubong na sila ng ilang kalalakihang mga nakasuot ng black suit. Unang tingin pa lang ay alam na ni Celina na mga tauhan ito ni Aljohn-ang nakatatandang stepbrother ni Ashton.

"Ma'am Celina, may problema po," bungad ng isang tumatayong leader sa mga tauhan ni Aljohn. Madalas niyang makita ang lalaking ito sa tabi ng kanyang bayaw. Na kung minsan ay tumatayo na ring kanang-kamay nito o sekretaryo.

At ang makita pa lang niya ito sa kanyang harapan ay natitiyak na niyang hindi isang simpleng problema ang sasabihin nito't kinailangan pang sadyain sila rito.

"Anong problema?"

"Kailangan niyo pong sumama sa amin, Ma'am. Pinag-uutos po ni Sir Aljohn," seryosong turan ng lalaki.

"A-ano? Sumama? Saan? At bakit? Ano ba kasi ang problema?" Nagsisimula na siyang kutuban ng masama. Sa kaseryosohan pa lang na nakikita niya sa mukha ng mga tauhan ni Aljohn ay tatakot na siya.

"Tatawagan na lang daw po kayo ni Sir Aljohn kapag naroon na tayo. Sumama na lang po kayo, Ma'am. Pakiusap..." Hindi pa man siya pumapayag ay sumenyas na ito sa iba pang mga kasama at iginiya na sila papunta sa isang luxury black Sedan-na naroong naghihintay katabi lamang ng kanilang sasakyan.

"T-teka sandali! Saan niyo kami dadalhin?" Nagpupumiglas din si Ashton at pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng dalawang lalaki.

"Wait! Hindi niyo na kami kailangan pang kaladkarin. Sasama naman kami... sabihin niyo lang kung saan ba tayo pupunta?" giit ni Celina.

"Ma'am Celina, may mga pulis po sa bahay niyo. May dalang warrant of arrest para sa inyong dalawa ni Sir Ashton. Kaya kami pinapunta dito ni Sir Aljohn... ay para ilayo kayo habang inaayos pa niya ang problema," paliwanag ng lalaki.

Natigagal si Celina mula sa kinatatayuan. Makailang ulit na bumukas-sara ang kanyang bibig, ngunit, wala siyang maapuhap na sasabihin. Ni hindi rin niya alam kung ano ba ang dapat na maramdaman dahil sa nalaman.

...to be continued