Chereads / The Gentleman's Wife / Chapter 18 - CHAPTER 18: HEART BEAT

Chapter 18 - CHAPTER 18: HEART BEAT

THE GENTLEMAN'S WIFE

MAHIRAP mang paniwalaan pero natapos ang isang linggo na walang pagtatalong namagitan kina Ashton at Celina.

Pinilit ni Celina na maging maayos ang relasyon nilang mag-asawa. Hindi naman siya nahirapan dahil maging si Ashton ay iyon din ang gusto.

"Ano 'yang ginagawa mo?" nakangiting bati ni Celina sa asawa nang mahuling abala ito sa pagkalkal sa refrigerator.

"Ah, naghahanap ako ng karne na puwede nating ihawin sa tabing dagat. Magkakaroon tayo ng munting na salo-salo," anito. Hindi man lang ito nag-abalang lingunin siya't patuloy pa rin sa paglabas ng kung anu-anong laman ng ref.

"Hmm... Bakit? Anong meron? Para saan ang munting salo-salo?"

"Malalaman mo rin mamaya." Sandali siya nitong nilingon para ngitian at kindatan.

"O-okay..." Ilang beses siyang napakurap. Sandali rin siyang natigilan. Sa tuwing gagawin nito ang gestures na iyon ay tila ba palaging may kuryenteng kumikiliti't nagpapatalon sa kanyang puso. "Ashton, kailangan mo ba ng tulong ko?" Pinilit niyang labanan ang pagka-ilang na iyon.

"Ayaw ko sana... Ngunit, wala rito sina Nanay Martha at Monica upang tumulong sa akin. Kung kaya, maaari ba?" nahihiyang saad nito.

"Oo naman! Magkukunwari na lang akong walang alam sa sorpresa mo hanggang sa maipaghanda mo ang lahat," natatawa niyang tugon. At mabilis na lumapit dito para kunin ang mga karne. "Ako na ang magma-marinate ng mga 'to. Ihanda mo na lang ang ihawan sa labas."

"S-sige!" Mabilis namang tumalima si Ashton sa ipinag-uutos niya.

Sa isang linggong pamamalagi nila rito'y hindi pa natityempohan ni Celina kung sino ang nagdadala ng kanilang mga groceries. Dalawang beses na niyang naabutan ang dining table na puno ng mga supplies tuwing gigising siya sa umaga.

Marahil ay mahigpit na ibinilin ni Aljohn sa mga ito na huwag magpapakita sa kanila dahil baka magpumilit siyang sumama pabalik ng seyudad.

May pocket WiFi din itong ipinadala upang regular niyang makakausap ang mga magulang sa ibang bansa. Kahit papaano'y wala na siyang mahihiling pa. Tinutupad naman nito ang mga pangako sa kanya. Kaya naman, kailangan din niyang gawin ng maayos ang parte niya.

MAGANDA ang pagkakaayos ni Ashton ng picnic set up sa buhanginan sa tabi ng dagat. Dinala nito sa pampang ang dalawang lounge chair beach at isang maliit na lamesang kasingtaas lang din ng mga upuan. Habang nag-iihaw ay nakahanda na rin ang ibang mga pagkain sa lamesa kagaya ng pasta, fresh fruits, at isang bote ng red wine na nakababad sa ice cubes. Malapit nang lumubog ang araw. Kaya tamang-tama lang para sa hapunan ang mga inihanda nila.

Bagot na rin sa upuan si Celina dahil ayaw naman siyang patulungin ni Ashton sa pag-iihaw. Wala na siyang ibang ginawa kundi ang lantakan at papakin ang ilang mga prutas na nasa lamesa. "Hindi ka pa ba tapos sa iyong sorpresa?" tanong niya.

"Kaunting paghihintay pa..." natatawa nitong sagot habang nagpapapak ng inihaw na karne.

"Marami ka pa bang iihawin? Dadalawa lang naman tayo, e. Kasya na sa atin iyong minarinate ko kanina."

"Patapos na ito. Hindi na ako nagdagdag pa. Nagugutom ka na ba?" Sandali siya nitong sinulyapan. At nakataas ang kilay na hinintay ang sagot niya.

"Hmmm, hindi naman. Busog na nga ako sa kakapapak ng mga pagkain dito, e," natatawa niyang sagot. "Sabik na kasi akong malaman kung ano ang sorpresa mo." Kahit papaano'y nahihiwagaan talaga siya kung para saan ang mga inihahanda nito. Hindi pa naman niya kaarawan at lalong matagal pa ang kaarawan nito. Kaya wala siyang maisip na dahilan.

"Haay, ang mabuti pa magtampisaw ka na muna sa dagat para hindi ka mabagot sa paghihintay," nakangising turan nito.

"Mabuti pa nga siguro..." Agad siyang tumayo at walang kaabog-abog na tinanggal ang manipis na damit. Isinunod din niya ang maong shorts kaya ngayon ay lantad na sa mga mata ni Ashton ang magandang hubog ng kanyang katawan na tanging two piece bikini lang ang natirang saplot.

Lingid sa kaalaman niya ang biglaang panlalaki ng mga mata ni Ashton sa nasaksihan. At hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na makita ang pagkatulala nito dahil diretso na niyang tinungo ang dagat. Lumingon lamang siya nang ganap na makarating sa abot hanggang dibdib na lalim ng tubig--bagay na bahagyang nakapagpakalma na kay Ashton.

"Ah, Celina!" tawag nito matapos ang ilang minuto.

"Bakit?"

"May kukunin lamang ako sa loob ng bahay," paalam nito.

"Okay... Sige!"

Isang matamis na ngiti lamang ang itinugon doon ni Ashton at tuluyan nang tumalikod.

Likod pa lamang ay lantad na ang kakisigan ng lalaki. Matipuno ang pangangatawan nito at hindi rin nakaligtas sa kanyang mga mata ang abs na napapanatili nito kahit hindi nag-iinsayo sa gym.

Hindi tuloy niya mapagkit ang mga mata sa asawa. Ngayon lamang din niya nagawang titigan ang katawan nito ng matagal.

"Haist! Celina! Ano bang ginagawa mo? Pinagpapantasyahan mo ba ang katawan ni Ashton? Ngayon pa lang binabalaan na kita! Tigil-tigilan mo 'yan!" pagalit na bulong niya sa sarili. At bahagya pang sinampal-sampal ang pisngi.

Nang hindi pa nakuntento ay matagal niyang iniloblob ang sarili sa tubig. Gusto niyang pawiin ang mga bagay na gumugulo sa isipan niya ngayon. Maging ang pagkalito ng kanyang damdamin sa mga bagay-bagay na dapat ay hindi niya nararamdaman. Nais niyang sumama na ang lahat ng iyon sa alon ng dagat at tangayin sa napakalayong lugar upang matauhan na siya.

Ngunit, nang sandaling akala niya'y kalmado na siya... Siya namang pagbalik ni Ashton sa dalampasigan. At katulad kanina'y tila sumasayaw na naman ang kanyang puso. Lalo pa ngayong tanging swimming trunks na lang ang suot nito. Nakabandera na ang mala-Greek God nitong pangangatawan at perpekto iyon kahit saang angulo niya tingnan.

'Sobrang hot niya!' Sigaw ng kanyang isip.

Lalo pa siyang pinamulhan ng mukha nang ngitian siya ng asawa. Ang mga ngiti nito... Iyon ang pinakapaborito niya kay Ashton. Kahit noon pa man, hindi na niya maiwasang mapahanga sa tuwing makikita niya ang mga ngiti nito. Para itong anghel na kayang iduyan sa alapaap ang 'sangkatauhan sa pamamagitan lamang ng matatamis nitong mga ngiti.

MAYAMAYA pa'y bigla na lang siyang natauhan nang humampas ang isang malakas na alon sa kanya. Tila sampal iyon na nagpapahiwatig na dapat na siyang matauhan. Noon lang din niya naramdamang parang nanghina ang kanyang mga tuhod at hindi niya napigilang anurin siya sa medyo mababaw na bahagi.

Nakita rin niyang palapit na sa kanya si Ashton. Kaya naman dali-dali niyang inayos ang sarili at tumalikod sa gawi nito. Hindi niya kayang panoorin ang asawa sa ganito ka-intimate na sandali. Pakiramdam niya'y hihimatayin siya sa labis na panghihina.

Nais niyang lumayo at magkulong na lamang sa loob ng kuwarto hanggang umaga. Ngunit, hindi niya magawang humakbang. Parang na-magnet na siya sa kinatatayuan.

Hanggang sa maramdaman na lamang niya ang maiinit na pares ng brasong marahang yumakap sa kanyang baywang mula sa likuran. Kasunod niyon ang unti-unting paglapat ng kanilang mga balat. Ang init na hatid ng katawan nito'y tila kuryenteng kumikiliti sa bawat ugat ng kanyang katawan.

Sa pagkabigla ay agad siyang nagpumiglas. Ngunit, hindi siya nito hinayaang makawala. Bagkus ay lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakayakap. Sinubukan din niyang pumihit paharap dito. Ngunit, hindi rin siya nito hinayaan.

"Huwag!" mariing pakiusap ni Ashton. "Nais kong manatili lamang tayong ganito."

"Ashton..."

"Pagmasdan mo ang papalubog na araw... napakaganda, hindi ba?" anito. At lalo pang isiniksik ang sarili sa kanya. Inihilig din nito ang baba sa kanyang kanang balikat.

Nag-aagaw na kulay dilaw at pula ang kalahati ng kalangitan dahil sa liwanag na hatid ng araw. At sinasalamin din iyon ng malawak na karagatan. Hindi maikakailang napakaganda nga nitong pagmasdan.

"O-oo... Ang g-ganda..." Hanggang ngayon ay natitigalan pa rin siya. Hindi na niya magawang mag-isip ng tama ng mga sandaling iyon.

"Ito ang aking sorpresa!" nakangiti nitong sabi. "Pangarap ko na mapanood natin ito ng magkasama..."

Hindi niya napigilan ang matawa. Napakababaw ng kaligayahan nito. "At kailan mo pa naging pangarap ito?"

"Kahapon lang... Mag-isa ko kasing napanood ang paglubog ng araw. Nakakagaan siya ng pakiramdam at may hatid na kakaibang saya. Ngunit, mas doble ang sayang nararamdaman ko ngayong kasama kita," seryosong saad nito.

Biglang naglaho ang mga ngiti sa labi ni Celina. May haplos sa kanyang puso ang mga sinabi nito.

Mayamaya pa'y ginagap nito ang kanyang kamay at ikinulong iyon sa malalaki nitong palad.

"Naaalala mo pa ba iyong sinabi mo sa akin noong inihatid natin ang iyong mga magulang paalis?"

"Alin doon?" Napakunot-noo siya.

"Noong... inilahad mo ang iyong kamay sa akin at sinabing huwag na huwag ko itong bibitawan ano man ang mangyari."

"Ah..."

"Naisip ko na... hindi sapat na hawakan ko lang nang mahigpit ang iyong mga kamay. Dahil, kahit malakas ang aking mga braso, may takot pa rin akong baka makawala ka sakaling may malakas na puwersa ang humila sa 'yo palayo sa akin. Kaya naman... mas mainam na iyong ganito. Yakap kita nang mahigpit. Kahit may mga bagay man na pilit tayong paghiwalayin, itataya ko muna ang aking buhay bago ako bimitaw," matalinhagang paliwanag nito.

"Ashton..." maluha-luhang sambit ni Celina at pilit na kumawala rito. Hindi na niya kayang hindi ito harapin.

Gusto niya itong sabihang tumigil na. Ngunit, tila umurong ang kanyang dila. Gusto niyang humakbang na palayo upang huwag nang marinig ang iba pa nitong sasabihin. Ngunit, nawalan siya ng lakas na humakbang nang sandaling magtama ang kanilang mga mata.

"Celina..." muling ginagap ni Ashton ang kanyang mga kamay. At mariin itong pinisil habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang mga mata.

"Hmmm?"

"Nahihirapan ka ba?"

"Saan?" kunot-noo niyang tanong.

Bigla itong napabuntong-hininga. "S-sa pagkawala ng aking memorya..."

"B-bakit mo naman naitanong?"

"May pakiramdam akong nahihirapan ka. Ngunit, pinipilit ko namang makaalala. Sinisikap kong hanapin sa aking isipan ang mga bagay na pinagsasaluhan natin ngayon... Kung gaano tayo kasaya, ang pakiramdam na yakap kita, at kung paano ako mabaliw sa tuwing hahagkan kita..."

Unti-unting nagbaba ang tingin ni Ashton sa mapupulang labi ni Celina. Ang kaninang mga kamay nito na mahigpit na nakahawak sa kanyang mga kamay ay dahan-dahang gumagap sa kanyang mukha.

Nang mga sandaling iyon ay tila huminto ang mundo ni Celina. Tanging ang malakas na tibok na lamang ng kanyang puso ang malinaw na rumirihistro sa kanyang pandinig. Kusa na ring pumikit ang kanyang mga mata't hinintay na lang ang paglapat ng kanilang mga labi.

Ang sabi ng kanyang isip, mali ito. Ngunit, mas malakas ang sigaw ng kanyang puso na ito ay tama.

At hindi nga siya binigo ng asawa. Mabilis nitong tinawid ang maliit na distansya ng kanilang mga labi at puno ng pagmamahal siyang hinalikan.

Ramdam niya at tila nanunuot sa kaibuturan ng kanyang puso ang bawat halik nito. Matamis at malambot ang mga labi nito na para siyang idinuduyan sa ulap. Puno ito ng pag-aalaga at paggalang.

Ibang-iba talaga sa gawain ng totoong Ashton na nakilala niya.

Lumalim pa ang mga halik na iyon. Maging siya'y hindi na napigilan ang sariling yumakap sa baywang nito nang mahigpit. Nais niyang lalo pang damhin ang mainit nitong katawan. Nais niyang namnamin ang tamis ng pagmamahal na kanilang pinagsasaluhan.

...to be continued