Chereads / The Gentleman's Wife / Chapter 11 - CHAPTER 11: STARTING ALL OVER AGAIN

Chapter 11 - CHAPTER 11: STARTING ALL OVER AGAIN

"IKAW ang aking asawa?"

"O-oo... A-ako nga, Ashton." Bahagya pa siyang nasisinok sa pagkukumpirma na siya nga ang asawa nito. Hindi niya maiwasan ang mailang sa sitwasyon nila. Hindi siya sanay sa ugaling nakikita niya rito ngayon.

"N-ngunit..."

"Ah, Monica! Ako na ang gagamot sa paso niya." Agad niyang kinuha ang first aid kit na hawak nito para hindi na makapagprotesta pa.

Nakita niya ang pagtataka sa mukha ni Ashton. Kaya bago pa man mabalot ng pagka-ilang ang paligid ay nagprisinta na siyang gamutin ito.

'This is it, Celina! Kailangan mong galingan ang pagpapanggap...' Sabi niya sa sarili.

Dahan-dahan siyang lumapit sa lalaki at naupo sa tabi nito. Bahagya siyang kinakabahan. Dahil bagong-bago sa pakiramdam ang gagawin niyang ito.

Ayaw din niyang titigan ang mukha ni Ashton dahil baka mag-walk out pa siya. Kaya itinuun na lamang niya ang atensyon sa paso nito. Medyo may kalakihan din iyon at hindi birong masakit nga ito.

Bahagya siyang napangiwi dahil parang nararamdaman niya ang sakit. Kaya hindi na rin niya napigilan ang ihipan ito ng ilang ulit. Upang kahit papaano'y maibsan ang pagkirot bago niya ibinabad sa tubig ang braso nito.

Kung titingala lang siya at makikita ang reaksyon sa mukha ni Ashton... Baka lalo lang siyang mailang. Halos matunaw na siya sa pagkakatitig nito. Kaya naman sina Nanay Martha at Monica ay tahimik na kinikilig sa isang tabi.

"Ayan... Okay na!" nakangiti niyang turan matapos linisan at lagyan ng benda ang sugat nito.

"M-maraming salamat!" ani Ashton.

Ewan ba niya kung nahihiya ito sa kanya o ano. Kakaiba kasi ang pananahimik ng lalaki. Hindi rin ito makatingin ng diretso sa mga mata niya.

"You're welcome!" Matamis niya itong nginitian. Hanggang ngayon, pakiramdam niya'y may mga bagay itong gustong itanong sa kanya. Ngunit, nagkakasya na lamang sa pagkimkim ng mga iyon sa sarili.

"Ang perfect nilang tingnan, ohhh!" hindi napigilang bulalas ni Monica. Malapad din ang pagkakangiti nito habang titig na titig sa dalawa.

"Ahm, bakit ba kasi dito kayo sa labas nagluluto? Tsaka, bakit ang daming nakahanda?" Nagtataka niyang iginala ang paningin sa paligid.

"Surprise..." walang kabuhay-buhay na halos magkasabay na turan nina Monica at Nanay Martha.

Bigla naman tuloy siyang nahiya. Bakit ba hindi niya kaagad naisip na pinaghandaan ng mga ito ang pagdating niya? At ito ang kanilang sorpresa.

"A-ah! Ito ba?" ngingiti-ngiti niyang turan. "Sobra-sobra na 'to para sa sorpresa! Iyong pagsalubong niyo pa nga lang sa'kin ay sapat na... But, anyway, tutulong na rin ako sa paghahanda!"

"Pasensya ka na po, Ma'am Celina... napaaga po kasi ang dating niyo. Akala namin mamaya pa kayong gabi darating," nakangiwing pagdadahilan ni Monica.

"Ano ka ba? Okay lang iyon, Monica! Hmmm, ano... tulungan na kitang mag-ihaw? Ituturo ko sa 'yo kung pa'no gamitin ng tama ang tong." Pagkuwa'y baling niya sa natitigilang si Ashton. Labis naman iyong ikinagulat ng lalaki.

"H-ha?"

"Oo! Halika na!" Walang paalam na mabilis niyang hinawakan ang kamay nito't hinatak patayo.

Kailangan niyang magawa ng perpekto ang kanyang pagpapanggap. Dapat itong maniwala at mahulog nang tuluyan ang loob sa kanya para mas matindi ang mararamdaman nitong sakit pagbalik ng memorya nito. Doon man lang ay makaganti siya sa lahat nang kasalanan nito sa pamilya niya.

"Sige..." ito na lang ang tanging nasabi ni Ashton. At malayang nagpahatak sa kanya.

Sa kabilang banda nama'y naroon pa rin at ngingiti-ngiti si Nanay Martha. May kislap sa mga mata nito habang nakatingin sa dalawa.

"Sana maging maayos na ang lahat sa kanilang dalawa..." anito.

"Oo nga po, Nanay Martha. Nakakatuwa silang tingan oh! Buti na lang at napakaswerte ni Sir Ashton kay Ma'am Celina. Sa kabila ng lahat nang mga nagawa niya dati... heto pa rin si Ma'm Celina at handa siyang alagaan."

MATAPOS ang munti nilang salo-salo, kinuha ni Celina ang pagkakataong iyon upang masolo si Ashton. Abala na ang lahat sa pagliligpit. At hindi na sila pinayagan pa ng mga ito na tumulong.

"Ma'am Celina, warning lang po... Hindi po nakakaintindi ng English si Sir Ashton... Simula no'ng magka-amnesia siya, malalalim na Tagalog na lang ang naiintindihan niya." Naalala niyang sabi ni Monica bago niya puntahan ang asawa. Nagtaka man siya pero hindi na lang niya iyon pinansin.

"Heto..." Inabutan niya ang lalaki ng isang baso ng red wine. Pagkuwa'y marahang naupo sa couch na nasa tabi nito.

"M-maraming salamat!"

"Ano nga pala ang ginagawa mo rito?" Hindi niya naiwasang itanong. Malamig dito sa terrace dahil nakaharap ito sa naglalakihang puno sa gilid ng mansyon. Minsan nga'y natatakot siyang mag-isa rito sa pag-iisip ng kung anu-anong bagay na napapanood niya sa mga horror movies.

"Payapa rito... Sa parte ng bahay, ito ang pinakagusto ko. Tila... may bahagi rito sa puso ko ang nagdidikta na malapit ako sa kalikasan. Gustong-gusto kong nakakakita ako ng mga puno," paliwanag nito.

"Ashton... wala ka ba talagang ibang maalalang kahit na ano?"

Yumuko ito at marahang umiling. "N-nais kong may maalala. Kahit isang bagay man lang tungkol sa iyo, Celina..."

Bigla siyang napadiretso ng upo dahil sa sinabi nito. Pakiramdam niya'y pinamulhan siya ng mukha. Napahigpit din ang hawak niya sa baso ng alak sa kamay niya.

"Noong sinabi nila sa akin na may kabiyak ako... l-labis akong natuwa! Ngunit, nalungkot din sa kabilang banda. Iniisip ko tuloy na isa akong malaking inutil! Dahil... hindi ko lubos maisip na nagawa kong makalimutan ang babaeng tinitibok ng aking puso."

"Ashton..." Wala na siyang maapuhap na sasabihin. Bakit ba parang totoong-totoo at mula sa puso ang mga sinasabi nito? Wala siyang makitang ni kaunting bahid ng kasinungalingan.

"Naalala ko nga pala... Hindi ba, ikaw iyong babae sa loob ng isang silid noon? I-iyong n-nakagapos?"

"A-ako nga..."

"Sabihin mo, a-ako ba ang may gawa niyon sa iyo?" Hindi pa man niya kinukumpirma ay basang-basa na niya sa mukha nito ang lihim na pagkastigo sa sarili.

'Oo. Ikaw ngang bwisit ka!' Pero sa sarili na lang niya sinabi ang katotohanang iyon. "H-hindi! Hindi, Ashton..." Sunod-sunod siyang umiling. "Hindi ikaw ang may gawa no'n sa'kin. Iba... Ibang tao. Napakasamang tao na may kakayahang pumatay ng kapwa niya!"

"Mahal ko, p-patawarin mo sana ako... Patawarin mo ako kung wala akong matandaan."

'Mahal ko. Mahal ko? Mula ba sa puso ang pagtawag niya sa akin nito? Gosh! Ano ba 'tong pinasok ko? Bakit parang unti-unting tinutunaw ang galit ko ng mga munti niyang salita?'

Puno ng pagsisisi ang mga mata nito. How she wish na sana ay wala itong amnesia habang humihingi sa kanya ng kapatawaran.

"Patawarin mo rin sana ako sa ginawa kong pag-iwan sa 'yo no'ng nakaraan. Hindi ako nag-isip sa ginawa kong iyon." Hindi nito dapat isipin na galit siya dito noon kaya niya ito iniwan. Kailangan niya itong papaniwalain sa mga kasinungalingan.

"Hayaan mo akong bumawi sa iyo, Mahal ko... Gagawin ko ang lahat upang mapasaya ka. Pangako," anito't pinakatitigan siya sa mga mata.

'Tinawag niya akong "Mahal ko" sa pangalawang pagkakataon!

Hindi na niya alam kung papaano magri-react sa mga sinasabi nito kaya naman tinungga na lang niya ang laman ng baso ng wine hanggang sa huli nitong patak.

"A-ahm... Magpahinga na tayo? Bukas na lang kita kukuwentuhan ng mga bagay na palagi nating ginagawa noon," pag-iiba niya ng usapan.

"Sige. Malalim na rin ang gabi." Nauna pa itong tumayo at pumasok sa loob. Habang siya'y walang ibang nagawa kundi ang sumunod na lang.

Pagdating niya sa loob ng kanilang silid ay nakita niyang nagkukumahog sa pag-aayos ng higaan ang lalaki. "Halika na."

Bigla siyang napalunok ng sariling laway. 'Tama nga ba ang idea kong matulog na kami? O maling-mali? Bakit ba hindi ko naisip na magkatabi nga pala kaming matutulog... dahil "mag-asawa" kami!'

"A-ah, oo. Matulog na tayo..." Malakas pa rin ang kabog ng kanyang dibdib nang pumuwesto na siya ng higa sa kabilang gilid.

Oo. May nangyari na sa kanila noon-ilang beses na. Pero pakiramdam niya ngayon ay virgin pa siya't never been touch ni Ashton.

Hindi niya maintindihan ang kanyang pakiramdam ng mga sandaling iyon. Lalo na nang humiga na rin ito sa tabi niya. Kaya naman mabilis siyang tumagilid patalikod kay Ashton at nagtulog-tulugan na.

Sa kabilang banda nama'y hindi rin mapakalaki si Ashton habang nakatitig sa likod ni Celina. Gusto nitong hawakan ang buhok ng asawa. Gusto nitong yakapin siya hanggang umaga. Ngunit, hindi nito magawa. Tila naduduwag itong gawin iyon.

NAALIMPUNGATAN si Celina nang mapansing wala na siyang katabi sa higaan. Sandali niyang sinipat ang orasan sa ibabaw ng bedside table at napagtantong alas tres pa lang ng madaling araw.

"Nasa'n siya?" kunot-noo niyang bulong. Madilim pa sa paligid kaya hirap siyang tukuyin kung nasaan ito. Tahimik din sa loob ng kanilang silid.

Una niyang tiningnan ang ibaba ng kama. Baka sakaling nalaglag ito roon. Ngunit, wala. At nang mapadako ang tingin niya sa couch, naroon ito. Tulog na tulog.

Lihim siyang napangiti. Napaka-maginoo na nito ngayon. Pinilit na hindi makapag-take advantage kaya lumayo na lang sa kanya. Ngayon, lalo siyang napanatag at bumalik na sa paghiga.

...to be continued