NAALIMPUNGATAN si Celina nang biglang makaramdam ng pangangalay ng mga braso. Noon lamang ulit niya napagtantong nakagapos nga pala ang kanyang mga kamay sa magkabilang gilid ng kama.
"Ashton!"
Tiningnan niya ang wall clock dahil maliwanag na sa labas. Pasado alas dose na ng tanghali. Sa nakabibinging katahimikan sa labas ay mukhang wala pa ring plano ang lalaki na pakawalan siya.
"Ashton! Ashton, pakawalan mo 'ko dito!"
"Ashton, ano ba?! May nakakarinig ba sa'kin d'yan? Nanay Martha! Monica! Tulungan niyo 'ko! Pakawalan niyo ko! Parang awa niyo na!"
Ngunit, kahit anong gawin niya'y wala man lang ni isa sa mga kasama niya sa bahay ang pumansin sa mga sigaw niya. Halos mapatid na lang ang kanyang mga ugat sa lalamunan sa lakas ng ginagawang pagsigaw pero wala iyong silbi. Alam niyang natatakot ang mga itong makialam sa away nila. Lalo pa't labis nilang kinatatakutan si Ashton.
"Buwisit!" palatak niya. Muli'y pilit na naman niyang hinihila ang mga kamay mula sa pagkakatali. Na para bang magagawa niyang makawala roon sa pagpupumiglas lang niya.
"Ashton! Ashton, nasa'n ka ba? Pakawalan mo na ako dito! Parang awa mo na! Ano ba! Ashto—!" Hindi na niya natapos pa ang sinasabi nang biglang makarinig ng malalakas na pagkalabog mula sa pintuan ng kanilang silid. Mukhang may taong balak na sirain ang pintuan niyon para lamang makapasok sa loob.
"Sino 'yan? Tulungan mo 'ko!" Ngunit, sa loob-loob niya'y nagtataka siya. Sino ang taong mangangahas na pumasok sa kanilang bahay at bibigyang permiso ni Ashton na gibain ang pintuan ng kanilang silid?
Gayunpaman ay pinili na lang niyang manahimik at hintayin itong makapasok. Nang sa gayon ay makita ng taong ito kung gaano siya kasamang tratuhin ng kanyang asawa.
"Huwag kang mabahala, Binibini! Nariyan na ako upang iligtas ka!"
Isang baritonong boses ang narinig niyang nagsalita mula sa labas. Kilala niya kung kanino ang boses na iyon. Ngunit, hindi niya ito lubos na mapaniwalaan. Papaanong ang kilala niyang nagmamay-ari ng tinig na iyon ay gagawin ang ganitong bagay? Nakakapagtaka.
Mayamaya pa'y tuluyan na ngang nabuksan ang pintuan ng silid matapos ang halos apat na ulit na malalakas na pagsipa roon. Halos mapaigtad siya mula sa kinahihigaan nang bumagsak ang buong pinto sa sahig. Ngunit, mas nagulat siya nang makilala ang lalaking may gawa ng lahat ng iyon.
Si Ashton!
At bago pa man niya mabawi ang pagkagulat ay dali-dali ang ginawa nitong pagdulog sa kanya. "Ayos ka lang ba, Binibini? Huwag kang mabahala. Ligtas ka na." Kinalagan din nito ang tali sa kanyang mga kamay.
"Nasaktan ka ba? Sino ang may gawa nito sa iyo?" patuloy ito sa pagtatanong. Bahagya rin nitong sinapat ang kanyang mga braso't binti upang tingnan kung may natamo siyang sugat. Maliban sa ilang gasgas sa may pulsuhan ay wala naman na itong nakitang sugat. For the first time, she saw him breathed a sigh... of relief. Nakita rin niya ang pag-aalala sa mga mata nito—and it was sincere.
Ang mga bagay na nakita niya sa mga mata nito ang nagtulak upang hayaan lang niya ang lalaki. Hindi niya magawang magprotesta o awayin ito dahil labis siyang nababalot ng pagtataka. Tanging ang pag-obserba na lang sa bawat kilos nito ang kaya niyang gawin ng mga oras iyon. At nang sandaling hawakan nito ang kanyang mga kamay sa pagsipat ng ilang galos niya roon ay tila may kung anong kumiliti sa loob niya. Pakiramdam din niya'y biglang nagtatatalon ang kanyang puso.
Ngunit, nang matauhan ng kaunti ay pilit niyang nilabanan ang nararamdaman. May mali rito! Hindi ito tama! Naisip niya. Bakit bigla-bigla na lang ang pagbait at pagbabago ng ugali ni Ashton? Ano na namang pakulo ito? Pagkuwa'y kaagad niyang iwinaksi ang mga kamay nito't umalis sa ibabaw ng kama upang gumawa ng kaunting distansya sa pagitan nila.
"Ashton... A-anong ginagawa mo?"
"A-ashton? G-ginagawa?" Tila naguguluhan din ito.
At muli niyang nakita ang kainosentehan sa mukha nito. Tsk! He's acting like a fool!
"Will you please stop acting like that?!" bulyaw niya sa lalaki. Ayaw niyang nakikita ang ganitong eksprisyon sa mukha nito. Mas palagay pa siya kung puro galit ang nakikita niya't naririnig mula rito. Hindi rin niya maintindihan pero mas natatakot siya sa biglaang pagbabago ng ugali nito.
"A-ano?" kunot-noo siya nitong pinakatitigan. Na tila hindi lubos na maunawaan ang ipinapakita niyang katarayan.
"O-okay... Aalis na ako. Maghiwalay na tayo, Ashton! Hindi ko na kaya ang mga pinaggagagawa mo! Stop fooling around! Kung bago mo na namang paandar 'to, you better stop it right now... Dahil hinding-hindi na ako maniniwala pa sa 'yo!" Sabay talikod at nagtuloy-tuloy na sa paglabas ng kuwarto.
Ngunit, bago pa man siya tuluyang makaalis ay muli siyang huminto sa tapat ng pinto. At humarap kay Ashton. Bakit hindi man lang siya nito hinabol para pigilan? Nakita niyang nakatayo lang ito roon habang hinahatid siya ng tingin.
Sarkastiko siyang napangiti. Totoo ba talaga ang lahat ng ito? Seriously? Ni hindi man lang niya ako pipigilang umalis? Samantalang nagawa nga niya akong ikulong dito ng mahigit fifteen hours para lang hindi ko siya iwan! Ano 'to, lokohan?
"Wala ka man lang bang sasabihin sa'kin?" panunudyo niya sa natitigilang asawa.
"H-ha? M-may kailangan ba akong sabihin? Marahil ay nais mo nang makabalik sa inyong tahanan... matapos ang matagal mong pagkakabilanggo sa kakaibang silid na ito. Mag-iingat ka na lang sa daan. Paalam..." seryoso't matalinhaga nitong pahayag matapos igala ang paningin sa kabuuan ng silid. At sa napapansin ni Celina ay manghang-mangha ang lalaki sa mga nakikita nito sa paligid.
Nawi-wirduhan na rin siya sa paraan ng pananalita nito. Napaka-makata. Dito pa lamang ay puno na siya ng mga katanungan. Hindi naman ito mukhang nagpapanggap lang. Dahil sa tuwing babasahin niya ang mensahe sa mga mata nito'y totoong damdamin ang nakikita niya mula roon.
Napabuntong-hininga na lamang siya. Hindi na niya kaya pang magtagal dito ng ilang oras at ayaw na niyang titigan ang lalaki. Lalo lamang siyang naguguluhan. Natatakot din siyang baka makagawa ng bagay na pagsisisihan niya sa huli.
Pinilit na lang niyang isaksak sa utak ang lahat ng kasamaan nito sa kanya at sa pamilya nila. Iyon lang ang dapat niyang isipin. Kaya nagpasya na siyang muling humakbang paalis. At nang walang Ashton na pumigil sa kanya hanggang baba ng hagdanan ay hindi na siya huminto pa. Balot man siya ng pagtataka'y pinalagay na lang niyang natauhan na ito sa mga pinaggagagawa sa pamilya nila't pinapalaya na siya.
Sa huli ay napangiti na lang siya. Mga ngiting may halong luha dahil sa pagkagalak. Mabuti't hindi na niya kailangan pang tumakas sa pagkakataong ito. Inisip na lang niya ang kanyang ina. Sabik na sabik na siyang makita ito. Maging ang kanyang ama'y gusto na rin niyang muling ipagluto ng pagkain. Sa wakas magagawa na niya!
SA LABAS pa lamang ng nasabing ospital kung saan naka-confine ang kanyang ina'y hindi na siya mapakali. Kating-kati na ang kanyang mga paa na takbuhin ang daan papuntang silid nito.
"Dad... Mom..." Pagbungad pa lang niya sa pintuan ay wala na siyang tigil sa pag-iyak. At lalo pa siyang napahagulgol nang sa wakas ay masilayan na niya ang nakaratay na ina.
Maraming aparato ang nakakabit sa katawan nito. Nagpapakita lang na hindi nagiging maganda ang takbo ng pagpapagamot nito.
"Celina!" Gulat na gulat man ay nagkukumahog na lumapit sa kanya ang ama. At niyakap siya ng sobrang higpit.
Agad naman siyang gumanti ng yakap dito. At nang sandaling iyon ay hindi na rin napigil ng kanyang ama ang mapaiyak.
"Daddy!"
"Celina... you're here... You're here!"
"Yes, Dad... Hindi ko na po kayo iiwan ni Mommy. Simula ngayon ay magkakasama-sama na po tayo palagi... I really miss you!" pagkakalma niya sa ama.
Dama niya ang panginginig ng katawan nito dahil sa pag-iyak at labis na pangungulila. Ganoon din naman siya.
"C-celina... Anak..." mahinang usal ng kanyang ina. Nagising ito nang marinig ang kanyang boses. Bagay na napakatagal na panahon na nitong hinihintay-hintay.
Bahagya rin nitong iniangat ang isang kamay na tila nagsasabing abutin niya kaagad iyon. Doon pa lang ay ramdam na niya ang labis na pananabik ng kanyang ina. At hindi naman niya ito binigo. Mabilis siyang kumawala sa pagkakayakap sa ama't kaagad na ginagap ang kamay ng ina.
Nang mga sandaling iyon ay halos madurog ang kanyang puso sa magkakahalong imosyon. Ang saya-saya niya na halos magtatalon na ang kanyang puso sa labis na tuwa, dahil nakita na niya itong muli. Pero, naroon ang sobra-sobrang pagkaawa niya sa kalagayan nito. Hindi niya lubos akalain na napakalaki na ng ipinayat nito na halos hindi na niya mamukhaan ayon sa pagkakatanda niya ng hitsura nito noon. Labis siyang nanlulumo sa nakikitang kalagayan ng kanyang ina. Awang-awa siya... sa puntong kung maaari lang sana'y hilingin na niyang siya na lang ang magkasakit at pumasan ng lahat ng sakit na dinaramdam nito.
"Mommy... I'm sorry. I'm so sorry po..."
Napakalambot din ng kamay nito—walang lakas at nanginginig. Ngunit, nagawa pa rin nitong pisilin ng mariin ang kanyang mga kamay. Na para bang ayaw na itong pakawalan pa.
"I miss you so much..." Hinalikan niya ang ina sa kamay, sa magkabilang pisngi nito, sa ilong, sa noo, at maging sa mga labi upang lubos na ipadama ang kanyang prisensya. Matagal na niyang gustong gawin ito. Upang kahit papaano'y mabawasan man lang ang paghihirap, at mapapawi na rin ang matagal na pangungulila nito sa kanya.
"I-I love you, Anak..." Matamis ang mga ngiti ng matanda. Hindi rin maitago ang biglang pag-aliwalas ng mukha nito. At nagniningning ang mga mata dahil sa sobrang saya kahit pa nangingilid na iyon sa mga luha.
"I love you more, Mom... Magpagaling po kayo, ha? Lumaban ka lang."
"S-si Ashton... kumusta siya?" Biglang nawala ang mga ngiti sa labi niya nang marinig na sambitin nito ang pangalan ng kanyang asawa. Agad siyang bumaling sa ama na nagtatanong ang mga mata.
Sunod-sunod na iling lang ang naging tugon nito. Kung gayon ay inilihim dito ng kanyang ama ang kalagayan niya sa poder ni Ashton. Marahil ay upang hindi na ito lalo pang mag-alala, dahil hindi rin iyon makakabuti sa karamdaman nito.
Naiintindihan niya ang ama. At gano'n din ang siguradong gagawin niya. Kaya naman, malapad ang kanyang pagkakangiti na muling humarap sa ina. "He's fine, Mom. Busy lang po siya palagi sa trabaho kaya hindi pa makadalaw sa inyo. P-pero... pinapakumusta ka po niya. Gustong-gusto ka na rin niyang makita."
"M-mabuti naman kung gano'on. Palagay na rin ako't maayos ang relasyon ninyong dalawa."
"O-opo, Mom. M-masaya po ako sa k-kanya..." At pinasundan niya iyon ng matamis na ngiti.
"HERE'S your coffee, Anak." Marahang inilapag ni Ronald ang dalang kape sa harapan ni Celina.
Sandali muna silang nagpunta sa canteen ng ospital para makapag-usap ng sarilinan. Anumang pag-uusapan nila'y hindi na dapat pang marinig ng kanyang ina.
"Thanks, Dad!" Agad siyang humigop kahit na mainit pa ang kape. Pampakalma na rin dahil kinakabahan siya sa pag-uusapan nila ng kanyang ama. Marami siyang kailangang ipaliwanag. Lalong-lalo na ang paglilihim niya rito ng totoong kalagayan sa kamay ng asawa.
"Dad, I'm sorry... for everything," simula niya nang maupo na rin ang ama sa tabi niya.
"No! Ako ang dapat na humingi ng tawad, Celina. I was supposed to be the one protecting you... but, look! Hanggang dito lang ang kaya ko. Ni hindi ko madala sa magandang ospital ang mommy mo," nanlulumong turan nito. Balot ng pagsisisi ang mukha.
"Dad, kasalanan ko rin po kung bakit pinutol ni Ashton ang medical support kay Mommy... Kung naging maingat lang sana ako sa mga kilos ko, hindi siya naghihirap ng ganito."
"Pero paano mo nalamang narito kami? Hindi naman ako pinayagan ni Ashton na makausap ka o makita man lang no'ng nagpunta ako sa bahay niyo," kunot-noo nitong tanong.
"What? Nagpunta po kayo sa bahay? Kailan?"
"Two months ago. Noong ipinaputol niya ang lahat ng suporta sa mommy mo. Nagpunta ako ro'n para kausapin siya... at ikaw. Pero hindi niya ako binigyan ng chance kahit na makita ka. Gusto kong malaman kung anong nangyari pero ipinagtabuyan lang niya ako."
"I'm so sorry, Dad. Kung alam ko lang—"
"It's okay. It's okay, Anak... Alam kong naiipit ka lang din. Wala kang kasalanan dito. Don't blame yourself." Sunod-sunod ang ginawang pag-iling ni Ronald. Ayaw nitong isipin niyang siya ang may kasalanan ng lahat.
"Dad..."
"By the way, how did you find us? At paano ka pinayagan ng asawa mong pumunta rito?
"From a friend. And you wouldn't believe it, Dad... But, he just let me go."
"Ano? Ginawa niya 'yon? Hindi kaya may iba na naman siyang binabalak?" Biglang gumuhit ang pag-aalala at galit sa mukha nito. Mariin din nitong naikuyom ang mga kamay.
"Don't worry, Dad. Ano man ang balak niya, hindi na ako papayag pang apihin niya tayo ulit. At hindi na rin ako babalik sa kanya. Hindi na po, Dad..." mariin niyang turan. Ngayong nakalaya na siya sa poder nito, hindi na siya muli pang papasakop dito.
...to be continued