Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 8 - Balong Malalim (Part I)

Chapter 8 - Balong Malalim (Part I)

ILANG MINUTO ANG lumipas na hindi na nagsalita si Dian sa loob ng kotse kahit pa katabi niya ang iniidolong singer. Halo-halo na sa kanyang utak ang mga nangyari ngayong araw: ang kuwintas ng kanyang ina na ginamit na Map na paraan upang makausap siya, ang biglang pagtigil ng oras nang sila ay magkita, ang pagkidnap sa kanya ng poging artista, ang pakikipagbuno nito sa mga lalaking nakaitim na diumano'y nais siyang paslangin, at ang pag-iwan niya sa kanyang amang si Rodel.

Pusang gala. Paano na ang tatay niya? Ano na kaya ang nangyari sa kanya? Umubo si Dian na parang nasamid saka tumingin kay Map na nalaman niyang mataman pala siyang pinagmamasdan habang nakangiti. Nakaka-insecure ang ngiti ng lalaki.

"May gusto ka pang itanong?" ang sabi ni Map sa kanya. Nakade-kwatro ang lalaki at nakapatong ang mga kamay sa tuhod. Hindi mo masasabing kakagaling lang nito sa nakamamatay na laban.

"Kung okay lang," tugon ni Dian habang nakatingin sa mga kamay ni Map. Naalala niya na may itinatagong dalawang punyal ang binata sa loob ng sleeves nito.

"Trust me, okay?" ang sabi ni Map.

Napaisip muna si Dian. Hindi naman siya makakalabas ng kotse dahil una sa lahat, mukhang ulap o usok lang ang paligid. Lumilipad ba sila?

Huminga nang malalim si Map saka nagsalita. Sumeryoso ang mukha nito.

"Hindi kita kinikidnap. Ako ang in charge na dalhin ka sa Linangan. Isipin mo na lang na parang home school."

"Parang Hogwarts, ganon?" sabad ni Dian.

"Siguro? Pero wala namang tinuturong martial arts sa Hogwarts," seryosong sagot ni Map habang hinimas-himas ang baba.

"Marunong akong mag-arnis. Anyo," sabi ni Dian.

"Alam ko," tugon ni Map. "Nakakapagtaka naman kung hindi ka marunong no'n, eh ang family mo ang nakakaalam ng mga secrets ng Arnis."

Napakunot ng noo si Dian. Secrets? Bakit parang pati siya ay hindi alam ang mga lihim na ito?

Napansin yata ni Map ang kanyang kalituhan kaya umubo na lang ang binata at pinagpatuloy ang pagpapaliwanag.

"Mahalagang makapasok tayo nang ligtas sa school. Kaya kita sinundo. May mga... sabihin na nating masasamang loob na gusto tayong saktan."

"Kung lahat naman tayo nasa loob ng isang lugar, sa Linangan ba 'yon... Eh 'di mas madali sa kanila na hintayin tayong lahat doon saka nila tayo sugurin."

"Hindi sila makakapasok sa school. Ililigaw sila ng mga Tikbalang."

Gusto sanang tumawa ni Dian pero ayaw niyang masaksak ng iniidolo niya kaya tumango na lang siya at hinayaan ang lalaki na magsalita.

"Ibig sabihin nito Dian, hindi ka makakauwi. Two years."

"Hindi ba parang mukhang ewan lang ang gusto n'yong mangyari, kayong Maginoo?"

"Maginoo ka rin."

"Bahala ka. Isipin mo: gusto tayong patayin nung mga nakaitim, hindi ko alam kung bakit, so kelangan nating lahat na magkulong sa loob ng isang school at hindi lumabas nang two years. Hindi ba parang sine-set-up natin ang mga sarili natin na ma-trap sa loob?"

Tumango si Map. Naiintindihan nito ang punto ng dalaga. "In two years," sabi niya, "sinisiguro ko sa 'yo, wala na ang Silakbo."

"Silakbo?"

"'Yung mga Tiwalag na Maginoo."

"Pa'no sila mawawala kung nasa loob tayong lahat?"

"Basta," ang sabi ni Map. Tila may mga lihim siya na ayaw pang ibunyag. Pinaglaruan ng kanyang mga daliri ang nakasuot na gintong singsing na may puting perlas.

"So... bahala na gano'n ba? Kung hindi tayo namatay ngayon, malamang in two years tayo mapapatay?"

"Kung gusto mong isipin na gano'n, pwede naman," sagot ni Map. Binaling niya ang tingin sa singsing. "We need time... Ang mahalaga kasama natin ang Pinuno sa loob."

"Pinuno?"

"'Yung kausap ko kanina. Siya ang nagsabing sunduin kita."

Sa isip ni Dian, isang matandang lalaki ang pinuno, parang si Dumbledore at ang lider ng Silakbo ay si Voldemort. Kung kasing talino ni Dumbledore ang kanilang Pinuno, malamang makakaisip siya ng paraan upang talunin ang mga Tiwalag. At kung may Dumbledore at Voldemort... si Map marahil ang kanyang Hagrid. Napatingin si Dian kay Map at naisip niya ang hitsura ng mabuhok na higante sa nobela. Hindi napigilan ni Dian ang pagtawa nang malakas. Pati si Mang Basilio ay nagulat.

"Ano'ng nakakatawa?" tanong ni Map. Napapatawa na rin ito. Hawa-hawa na.

"Hinihintay ko lang na sabihin mo, 'you're a wizard,'" sagot ni Dian.

"Hindi ka wizard, may lahi kang Maginoo. Hindi ba naikwento sa 'yo ng father mo?"

Umiling si Dian. Ngayon ay parang naintindihan niya ang ginawa nilang paglipat ng bahay taon-taon. Tumatakas sila sa mga naghahanap sa kanila.

"'Yung father mo, pinakasalan 'yung mother mo na warrior princess ng isang clan sa Hilaga. Hindi pumayag 'yung lolo mo pero tinuloy pa rin nila. 'Yang kuwintas mo, symbol 'yan ng clan mo."

"Makakakita pa ba ako ng mga kamag-anak ko sa Linangan?"

Napawi ang ngiti ni Map.

"Sorry, Dian. Kaya ka pinasundo ng Pinuno... Ikaw na lang ang natitira sa clan ninyo. Seven years ago, nang inatas ang bagong Pinuno at nagkaroon ng mga Tiwalag, napatay sa laban ang ibang pamilya. Kasama na ang mga lolo at lola mo."

"Kasama ang nanay ko?"

"Actually..."

~oOo~