HALOS ISANG ORAS ang lumipas nang marating ni Pinuno ang talon. Singtaas ito ng tatlong palapag at ang ang ilalim nito ay isang mabatong batis. Mabuti na lamang at kumikinang sa sinag ng buwan ang tubig kung kaya naaaninag pa ni Pinuno ang kanyang daraanan. Uminom siya ng tubig mula sa batis saka pinagmasdan ang talon.
Inilabas niya ang gintong kuwintas at hinawakan ang pendant nitong ulo ng Bakunawa. Itinaas niya ang pendant upang masilayan nito ang buwan. Kumislap ang mga mata ng Bakunawa at nakita niyang naghiwalay ang tubig sa talon upang magkaroon ng lagusan na animo'y kweba. Itinaas ni Pinuno ang kanyang kanang kamay at marahang itinuro ang kweba. Ilang segundo lang ay nagdatingan ang mga alitaptap upang bigyan siya ng ilaw sa kanyang daraanan.
Sinundan ni Pinuno ang mga alitaptap papasok sa lagusan. Mabuti na lamang at mas mataas ito kaysa kanya kaya hindi na siya kailangan pang tumungo upang makaraan. Ilang sandali pa ay nakita ni Pinuno ang dulo ng kuweba. Narating na rin niya sa wakas ang kanyang balay.
Ilang buwan bago siya dumating sa Linangan ay pinadalhan na siya ng sulat galing kay Dr. Agtayabun na ipinaliwanag kung paano siya mabibigyan ng proteksyon ng eskwelahan. Sa labas ng Linangan, buong buhay niya ay nanirahan siyang mag-isa sa isang villa na pag-aari ng isa sa mga matatandang Maginoo. Hindi siya pinayagang lumabas ng bahay dahil sa panganib na dala ng Silakbo. Dahil hindi rin siya nakapasok sa anumang paaralan, ipinagpatuloy na lamang niya ang pagsasanay sa loob ng villa. Minsan ay may mga guro na pumupunta roon upang turuan siya, ngunit bago siya marating ng kahit na sino ay dumadaan silang lahat sa mga gwardiyang itinalaga ng mga matatanda.
Kung nabubuhay pa ang pamilya ni Pinuno, malamang ay hindi siya nag-iisa sa villa. Kung nabubuhay pa ang mga magulang niya, malamang ay hindi rin siya ihihiwalay sa mga kaklase niya ngayon sa Linangan.
Sana, kung hindi siya naging pinuno, malamang ay buhay pa ang kanyang buong angkan.
Ngayon, nakahiwalay siya sa lahat para sa kanyang kaligtasan at sa kaligtasan ng lahat ng Maginoo. Nag-iisa siya sa isang lugar na walang lokasyon at walang panahon.
Binagtas ni Pinuno ang mabatong daan patungo sa kanyang sariling balay. Wala pang ilaw ito kung kaya itinaas niya ang kamay at marahang iwinagayway. Sumunod ang mga alitaptap sa kanya at nagsipagsiksikan sa mga lampara na nakasabit. Nagliwanag ang paligid ng kanyang tahanan at nakita niyang gawa ito sa matitibay na kahoy. Itinulak niya ang mabigat na pinto at bumungad sa kanya ang isang maluwang na patyo. Maaari siyang magsanay ng Kali mag-isa. Pwede ring gamitin sa meditation. Bawat naman gilid ng patyo ay nakakonekta sa tatlong kwarto: ang isa'y kusina at kainan. Sa kabila nama'y may mga upuan na pwedeng gamitin sa pagbabasa ng mga aklat na nakasalansan sa dingding. At sa kabilang banda nama'y ang kanyang tulugan.
Umupo si Pinuno sa sahig na kahoy at hinubad ang kuwintas. Bumalik ang kadena nito sa ulo ng Bakunawa. Darating ang panahon na kailangan niyang paghandaan ang paghaharap nila ng may-ari ng kakambal ng kanyang kuwintas. Naalala niyang pinagsabihan siya nito kanina. Parang punyal ang mga salitang iyon galing sa babae.
Napahiga si Pinuno sa sahig. Ninamnam niya ang lamig nito na nanuot sa kanyang likuran saka nagpadala siya sa halina ng tulog.
~oOo~