Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 14 - Kidlat sa Gubat (Part IV)

Chapter 14 - Kidlat sa Gubat (Part IV)

HINDI NAMAN SA nagrereklamo si Dian, at alam na rin naman niyang hindi mahilig sumulat ang tatay niya, pero kapag naiisip niyang dalawang taon silang hindi magkikita at ni hindi man lang makakapag-video call o kahit text, nanghihinayang siya sa pagkakataong ibinigay ni Map sa kanyang tatay. Hindi ba't kung ikaw ay magulang dapat mag-alala ka na mawawala ang anak mo? Hindi ba't magbibilin ka rin ng mga dapat at hindi dapat gawin?

Pero bakit ba itong tatay niya, noong nagpadala ng liham sa anak na kinidnap ng artistang si Map, ay ito lamang ang isinulat:

Anak, ligtas ako. Magtiwala ka kay Map. Alagaan mo ang kuwintas ng nanay mo. Ingat ka.

-Tatay

Kung sabagay, kapag nagtetext sila nito noon, dalawa lang ang paborito nitong ipadala: "K" at "Sige." Ganunpaman ay napaluha pa rin si Dian. Silang dalawang mag-ama lamang ang magkasamang naga-island hopping sa Pilipinas taon-taon, kakalipat nila ng tirahan. Ngayo'y mas malinaw na kay Dian ang dahilan ng kanilang paglipat. Alam niyang naghirap ang kanyang tatay, maitago lang siya sa mga tumutugis sa kanilang Maginoo, ngunit sana'y nalalaman din ng ama niya na hindi pamilya ng nanay niya ang naghahanap sa kanila kundi mga Tiwalag ng angkan. Ilang taon ding sigurong nagtiis ng pasakit ang tatay niya dahil sa isip nito'y hindi siya mapatawad ng mga kamag-anak ng nanay ni Dian. Kung may pagkakataon pa, sana'y makausap niya ang tatay, o mapadalhan ng sulat, para maipaliwanag kung ano ang tunay na nangyari.

Ngunit bago ang lahat nang iyon, kailangang malaman muna ni Dian ang tunay na dahilan sa pagpunta niya sa Linangan. Hindi niya lubos na maintindihan na tanging pag-aaral lang ang kanyang gagawin dito sa kagubatan. Ang sabi ni Map, dito lang sila maaaring manatili habang nag-iisip ng plano ang mga Maginoo kung paano magagapi ang Silakbo. Pero bakit pakiramdam niya'y may iba pa siyang dapat malaman at gawin? Kailangan lang ba niyang paniwalaan si Map, tulad ng gusto ng kanyang tatay?

Tiniklop ni Dian ang sulat at inilapit sa kanyang puso. Bukas, magsisimula ang kanyang bagong buhay. Wala siyang kaaalam-alam sa mga Maginoo at sa mga gawain sa Linangan. Sana'y buhay pa ang kanyang ina upang masabihan siya ng mga dapat at hindi dapat iasal sa eskwelahang ito.

Pumikit si Dian. Naalala niyang muli ang mga kwento ng nanay niya upang patulugin siya. Ang Linangan siguro ang lihim na lugar sa gubat na gustong puntahan ng nanay niya noon.

Napadilat muli si Dian. Teka... kung dito nag-aral ang nanay niya, maaaring may mga naiwan siyang alaala sa Linangan? Marahil ito ang pakay niya sa pagpunta sa eskwelahang ito: ang lubos na makilala ang kanyang ina upang maintindihan niya rin ang kanyang pagkatao. Sana, kung mayroon man siyang matuklasang mahalaga, matulungan niya si Map na alamin kung ano ang nangyari noong araw na namatay ang kanyang ina.

Narinig ni Dian ang mababang tunog ng pagkulog sa 'di kalayuan. Pumunta siya sa may balkonahe at sinilip ang labas. Dahil ang kwarto niya ay nasa itaas na palapag ng dormitoryong nakabitin sa higanteng puno, kitang-kita niya ang pagguhit ng kidlat mula langit patungo sa isang bahagi ng kagubatan.

Sa isip ni Dian, malamang ay mayroong tinamaan ng kidlat sa gubat.

ISANG BINATILYO, MAY labimpitong taong gulang, ang nakatayo sa harap ng arko ng dalawang punong may nakaukit na Tikbalang. Marumi ang kanyang puting polo, dala ng pinaghalong pawis, putik, at dugo.

Alon-alon ang itim na buhok ng lalaki dahil sa lakas ng ihip ng hangin mula sa loob ng gubat. Mataman namang nakatitig ang malamlam na mga mata nito sa gitna ng daan kung saan nagingitim ang nasunog na lupa. Tinamaan ito ng kidlat kanina.

Kinuha ng lalaki ang isang pulseras mula sa bulsa ng dala niyang backpack. Iba-iba ang kulay ng mga diyamante ng pulseras na iyon – ang Simbolo ng kanyang angkan. Isinuot niya ang pulseras saka lumapit sa isang Tikbalang. Bago niya naipakita sa lamang-lupa ang mga diyamante ay biglang natumba ang binatilyo – tila may tumulak sa kanya nang malakas pagkat napasubsob siya at kumaskas ang kanyang braso sa lupa. Mabilis siyang gumulong palayo at tumayo. Nagkamali siya kanina dahil hindi siya nakikinig. Ngayo'y hindi na siya muli magkakamali.

Hinanda ng lalaki ang sarili. Lumingon sa kanan. Sa kaliwa. Umikot. Tiningnan ang likod. Walang tao o hayop.

Itinatak niya sa sarili na hindi siya mamamatay ngayong gabi. Kailangan pa niyang makapasok sa Linangan.

Biglang mayroong humablot sa kanyang marungis na polo. Umikot siya upang hindi siya mahatak nito. Napunit ang polo at dinala ito ng hangin sa malayo. Natanggal din sa pagkakahatak ng kanyang damit ang inilagay niyang bendahe sa dibdib at braso. Ngayo'y wala nang pang-itaas ang lalaki at kitang-kita na ang mga laslas nito sa katawan. Ang iba ay dumurugo pa, tanda na siya ay nakipaglaban na kanina.

"Magpakita kayo," ang mahinang sabi ng binatilyo. Singlalim ng kulog ang kanyang boses.

Pagkidlat ay nakita niyang mayroong dalawang taong nakaitim ang nakatayo sa pagitan niya at ng daan patungo sa Linangan. Alam na niyang hindi siya papapasukin ng mga ito hangga't hindi siya napapaslang at nakukuha ang pulseras.

Unang umatake ang mga nakaitim. Inilabas nila ang kanilang mga punyal – balak nilang dagdagan pa ng laslas ang katawan ng binatilyo. Kung hindi laslas ay nakamamatay na saksak ang nais ng dalawang ito.

Mabilis pa sa kidlat ang ginawang pag-iwas ng binatilyo. Inilabas niya ang kanyang tirador saka tumakbo patungo sa puno upang makabwelo ng sipa at sa pagtalon niya'y nilagyan niya ng batong may lason ang tirador. Itinutok niya iyon sa isang Tiwalag, hinatak at binitawan ang goma. Sapul sa mata ang kalaban. Sa pwersa ng bato ay natumba siya at namilipit sa sakit. Ilang sandali pa ay nangingisay na ito.

Wala namang pakialam ang kasama nitong isa pang Tiwalag. Sa Silakbo, patay kung patay. Walang emosyon para sa misyon. At ang misyon ngayon ay makuha ang pulseras at mapaslang ang batang ito.

"Hindi ka ba napapagod, Bulalakaw?" ang sabi ng natirang Tiwalag. Garalgal ang tinig nito.

Malalim na paghinga ang sinagot ni Blake sa Tiwalag. Ngayong ginamit nito ang buong pangalan niya, ibig sabihin ay sa dinami-rami ng mga mag-aaral na pumunta sa Linangan, tanging siya lamang ang piniling patayin at nakawan ng Simbolo.

Tumakbo ang Tiwalag patungo kay Blake, nakataas ang dalawang kamay na may mga punyal. Tumakbo na rin si Blake paatake sa Tiwalag. Tumungo siya dahil gusto niyang saktan ang gitna ng katawan ng kalaban. Alam niyang pag ginawa niya ito ay mapaparalisa niya ang kalaban, ngunit masasaksak naman siya sa kanyang likod. Bahala na, sa isip niya, basta hindi nila makuha ang Simbolo.

Bumwelo sa hangin si Blake, tila nag-ipon ng lakas ang mga braso saka hinampas iyon sa tiyan ng kalaban. Narinig niya ang pag-ubo ng kalaban. Bumagsak ito sa lupa saka sumuka ng dugo.

Napaluhod si Blake sa tabi ng Tiwalag. Ngayon lang niya naramdaman ang hapdi ng dalawang punyal na nakasaksak sa kanyang likuran. Sinubukan niyang abutin at tanggalin ang mga iyon ngunit wala na siyang lakas.

Kumidlat, kumulog, saka napahiga sa kanyang tagiliran si Blake, habol ang hininga.

Kumislap ang mga mata ng dalawang Tikbalang sa arko at bago maipikit ni Blake ang mga mata niya ay nakita niya ang malabong pigura ng dalawang lalaking tumatakbo mula sa madilim na gubat ng Linangan habang sinisigaw ang kanyang buong pangalan.

"Bulalakaw!"

Napatawa si Blake habang inuubo. Si Pinuno talaga, ang hilig gumamit ng full name.

Saka niya pinakawalan ang kanyang ulirat.

~oOo~