Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 17 - Ang Kakambal (Part III)

Chapter 17 - Ang Kakambal (Part III)

WALANG NAGAWA SI Kidlat kundi sundin ang batas ni Datu na maghugas sila ng pinggan ni Dian. Kahit pa si Kidlat ang kinikilalang Pinuno ng lahat ng mga Maginoo, bata man o matanda, kailangan pa rin niyang iparamdam sa mga estudyante na hindi siya dapat ituring na mas nakatataas sa kanila. Dapat ipakita niya na sa loob ng Linangan, pantay-pantay ang lahat. Ang totoo, iilan lamang sa mga estudyante ang nakakaalam na sa loob ng paaralang ito, mayroon ding mga Maharlika na tinatanggap kung maipapakita nila at tatanggapin ng paaralan ang Simbolo ng kanilang angkan. Ngunit karamihan sa mga Maharlika, mga timawa, at mga alipin ay wala nang nalalaman tungkol sa mga Maginoo. Daang taong inalagaan o itinago ng mga matatandang Maginoo ang kanilang mga angkan – pinrotektahan mula sa mga dayuhan – ang ilan pa nga'y nakianib pa sa mga mananakop para lamang maipagpatuloy ang kanilang tinatamasang karangyaan. Para kay Kidlat, mahalaga man ang mga ginawa ng mga matatanda upang maintindihan nila ang kanilang kasaysayan, ngunit mas mahalaga pa rin kung ano ang magiging kinabukasan ng mga kabataang Maginoo – at naiintindihan niya na nasa kanyang mga balikat nakapatong ang responsibilidad na ito.

Kaya hindi na siya nagreklamo na maghugas ng pinggan.

Nang sabihin niya ito kay Dian, humalakhak lang ang dalaga. Iniwasan ni Kidlat na tingnan ang pagtawa ni Dian dahil may kakaibang epekto ito sa kanya – iyong parang nagkakaroon ng daga sa dibdib at mahirap lumunok.

"May pa-history lesson ka pa," sabi ni Dian habang sinasabon ang isang bandehado. "Maghuhugas ka lang, dami mong sinasabi. Nung nasa labas ka, kawawa siguro 'yung mga kasama mo sa bahay. Naiimagine ko."

Seryosong sumagot si Kidlat. "Wala akong kasama sa bahay."

"Iniwan ka na siguro dahil 'di na sila nakatiis," ang sabi ni Dian. Gusto lang naman niyang asarin si Kidlat, pero bakit mukhang nasaktan ito?

Nanatiling tahimik silang dalawa hanggang matapos nilang hugasan at patuyuin lahat ng pinggan, baso, kubyertos. Tirik na ang araw nang ibaba ni Dian ang huling baso na kanyang hinugasan. 'Di niya lubos maisip kung paano nila tinapos ni Kidlat ang parusa ni Datu, pero nakatulong siguro na hindi na sila nag-usap kaya mabilis ang kanilang trabaho.

Napaupo sa isang tabi si Dian dahil sa pagod. Mukhang hindi na niya kakayanin kung may ipapagawa pa sa kanya ngayong araw. Nais na lamang niyang bumalik sa dorm at matulog. Pero nang maisip niyang nasa tuktok pa ng puno ang kwarto niya, tila nagreklamo ang mga kasukasuan niya at nagsabing sa lupa ka na lamang humilata. Minasahe na lang ni Dian ang braso na noon pa lamang nagsimulang sumakit. Saka niya sinulyapan si Kidlat na nakatunghay sa bintana na para bang may pinapanood mula roon. Tahimik pa rin ang lalaki na noo'y sinisinagan ng araw. Ibinaba ni Dian ang tingin at baka biglang balingan siya ni Kidlat at sabihan na naman na nangingialam siya.

Si Kidlat ang unang bumasag sa katahimikan.

"Ano'ng plano mo?"

Plano? Ano'ng plano?

Nahulaan siguro ni Kidlat ang kalituhan sa mukha ni Dian kaya binago nito ang tanong.

"Hindi ka ba papasok? May klase na 'ata."

"Saang kamay ng Diyos ko pa kukunin 'yung lakas para pumasok?" ang sarkastikong tanong ni Dian. Gusto na talaga niyang matulog maghapon. Nagulat na lamang siya nang makita ang kamay ni Kidlat sa harapan niya. Bakit ito ibinibigay ng lalaki? Gusto ba nitong makipagholding hands? Hindi pa siya handa! Nangulubot pa ang balat niya sa kamay sa dami nang hinugasan!

"Tutulungan na kitang tumayo," sabi ni Kidlat. "Tara na. Baka parusahan pa tayo ulit."

Iyon naman pala ang ibig sabihin ni Kidlat. Hinawakan ni Dian ang kamay ng lalaki at ginamit iyon para pilitin ang sariling makatayo.

"Ang bigat mo," ang reklamo ni Kidlat.

"Wala kang pakialam," sagot naman ni Dian.

SINUNDAN NA LAMANG ni Dian si Kidlat papunta sa unang klase nila. Ang sabi ng huli ay kailangan nilang pumunta sa walog dahil naroon ang karamihan sa mga kubo kung saan sila mag-aaral. Nang maratin nila ang lambak ay dinatnan nila ang ilan sa kanilang mga ka-pangkat na nagsisimulang humilera sa harap ni Datu. Sa tabi ni Datu ay may isang lalaking nakasalamin na may makapal na lente at 'di hamak na mas maliit kay Datu. Ngunit iisa ang kanilang ipinakikitang reaksyon – seryoso. Napaisip tuloy si Dian na ganoon yata talaga ang mga mayayamang Maginoo. Mas seryoso ang mukha, mas mataas ang posisyon o kaya nama'y mas mahalaga ang angkan, dahil sa kanilang lahat, pinakaseryoso pa rin si Kidlat.

Unang nagsalita ang kasama ni Datu. Nagpakilala itong si Ginton.

"Good morning," ani Ginton. "Each of you has seven sets of uniforms. Claim yours at the admin office. It's over there," sabi niya sabay turo sa kubo sa kaliwa. "You are expected to wear the uniform properly every day."

"There will also be a rotation of your duties here," patuloy ni Ginton. "As you know, a while ago, two of your classmates washed the dishes for you. That's temporary. So starting this afternoon, you will be given your assigned duties. Some of you will be assigned in the library, while others will be assigned in the rooms or the kitchen. We don't have hired cleaners in Linangan, so everyone is expected to fulfill his or her responsibility."

Narinig ni Dian ang ilang mga babaeng kaklase na gusto nang magreklamo. Hindi natinag si Ginton.

"As heirs and heiresses of your clans, you are expected to follow these rules. If you think you can't do it, tell us right away and we'll make changes."

Isa-isang ibinigay ni Ginton ang mga papel kung saan nakasulat ang cleaning duty nila. Maliban kay Dian, wala namang nakapansin na hindi binigyan ng papel si Kidlat.

Nang makita ni Dian ang schedule niya para sa cleaning duty ay napanganga siya. Iisa lang ang kanyang assignment: ang balay ni Pinuno.

Nilapitan ni Dian si Ginton upang humingi ng paliwanag. Hindi kaya nagkamali lang siya o kaya nama'y tinamad na lang at iyon na lang ang nilagay para sa buong taon?

"Ginton," ang tawag ni Dian.

"Yes?" sagot ni Ginton. Walang ngitian. Walang reaksyon.

"Akala ko kasi may rotation," ang sabi ni Dian. "Bakit buong taon akong naka-assign sa Pinuno?"

Napalakas yata si Dian ng pananalita dahil napatingin ang mga babae sa kanya. Tila gusto siyang kainin ng mga ito.

"I thought it was obvious," sabi ni Ginton.

Napakamot ng ulo si Dian.

"You have twin symbols, right?" sabi ni Ginton sabay turo sa Bakunawa ni Dian.

"So?"

"That means you're betrothed to him."

~oOo~