Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 23 - Ang Pagpapasya (Part II)

Chapter 23 - Ang Pagpapasya (Part II)

MINSAN, KAILANGAN DING takpan ang mga mata upang mailigtas ang sarili sa kapahamakan, lalo na kung ang katotohanang makikita ay magdudulot ng pasakit o kamatayan. Ilang taon ding ganito ang pinaniniwalaan ni Paul. Walang araw o gabi na hindi niya naalala ang dulot na sakuna ng lahat ng mga taong sangkot sa giyera noon. Mapa-Maginoo man o Silakbo. Walang bida o kontrabida. Lahat ay may kinalaman. Lahat ay dapat managot.

Noong bata pa siya ay wala siyang kaalam-alam na ang amo ng kanyang ama sa mansyon ay isang Maginoo. Ang narinig lang niya noon sa kanyang amang drayber ay respetadong propesor si Don Malayari, at marami itong ari-arian na minana pa mula sa kanyang mga ninuno. Hindi naman na nagtanong pa noon si Paul, dahil kitang kita naman sa lawak ng mga taniman ng buko ang yaman ng matanda. Nang mamatay ang ama ni Paul ay kinupkop siya at pinag-aral ni Don Malayari. Tinuruan din siya nito ng sining ng pakikipaglaban, bagay na ikinagulat niya noon dahil kahit pa namumuti na ang mga buhok ng matanda ay malinaw itong magpaliwanag at matikas at maliksi pa rin ito.

Sinuklian ni Paul ang kabutihang-loob ng matanda ng pagsisilbi sa hacienda. Kapag may ilang buwan na hindi umuuwi sa mansyon ang matanda, pumupunta si Paul sa koprahan upang tumulong sa mga manggagawa. Naaalala pa niya na pinagsabihan siya ni Don Malayari dahil inuuna pa niya ang kopra bago ang pagkuha ng pagsusulit. Nang sumapit ang ika-labimpitong kaarawan ni Paul ay binigyan siya ni Don Malayari ng kuwintas na kahalintulad ng sa matanda. Ginto ang kadenang makapal at may pendant itong hugis ulap. Ipinaliwanag sa kanya ng matanda na kailangan niyang sumama sa pupuntahan nito, at doon ay kikilalanin siya bilang Palos.

Sa Linangan kung saan nabinyagan si Palos ng bagong pangalan nabuksan ang mga mata niya sa katotohanan ng mga Maginoo. Dahil na rin sa siya ay inampon na ng matandang Malayari, naging maganda ang pakikitungo ng lahat sa kanya. Nabulag si Palos sa mga ipinakitang kabutihan ng mga Maginoo, kung kaya noong nagpasya ang matanda na manatili sa Linangan at imbitahan siyang maging kanang kamay sa pagtuturo ng Arnis ay hindi siya nagdalawang-isip.

Kahit pa alam niyang hindi siya magiging Maginoo, bawat araw ay nagsanay si Palos na kumilos na katulad nila. Kailangan niyang hubarin ang pagkakakilanlan bilang Paul at maging isang tunay na alagad ni Don Malayari. Nakita ni Palos ang kanyang kinabukasan bilang tagapagmana ng mga itinuturo ni Don Malayari, at nangako siya rito na tatanawin niyang malaking utang na loob ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na makapagturo rin sa loob ng Linangan.

Ngunit nagbago ang lahat nang magkaroon ng 'di pagkakaunawaan ang mga Maginoo. Nagsimula iyon nang umuwing naghihimutok si Don Malayari galing sa pagpupulong ng mga matatanda. Hindi matanggap ng administrador ng Linangan na si Agtayabun ang suhestiyon ni Malayari na ipagpaliban ang pagpili sa susunod na Pinuno. Noong mga panahong iyon ay tinamaan ng malubhang sakit ang Pinuno at iniuwi siya sa Visayas, kung saan naroon ang kanyang ama at ina. Dahil wala siyang tagapagmana, nais ni Agtayabun at ng nakararaming matatandang Maginoo na pumili na ng bagong Pinuno upang maisalin ang Gintong Anito sa kanya. Nang gawin ng mga Babaylan ang seremonya ay pinili ang isang sampung taong gulang na lalaki. Narinig lamang ni Palos na ang pangalan nito ay Kidlat.

Hindi matanggap ni Malayari na ibibigay sa isang bata ang Anito dahil masisira nito ang kanyang kamusmusan. Noong gabing iyon ay hindi mapakali si Malayari dahil inamin nitong gagamitin ng ibang Maginoo ang seremonya ng pagsasalin ng Anito sa bata upang manakaw ang kapangyarihan ng Pinuno.

At nangyari nga ang ikinatatakot ni Malayari. Bago isalin ang Anito sa bata, dumanak ang dugo sa pagitan ng mga Maginoo at ng mga Silakbo, na siyang nagnanais na mapasakamay nila ang kapangyarihang mamuno sa mga mayayamang angkan. Noong araw ring iyon ay natulad si Kidlat kay Palos – walang ina o ama. Nag-iisa. Dinala ni Malayari ang bata sa Linangan upang maitago, ngunit dahil sa pagkukulang ni Agtayabun ay natunton sila ng Silakbo, na mga dating mag-aaral din ng Linangan. Ang ilan pa sa kanila ay mga dating kaklase ni Palos.

Tandang-tanda pa ni Palos ang pangyayari noong araw na iyon. Dito, sa kinatatayuan niya, sa daan sa pagitan ng lagusan ng dalawang Tikbalang at ng Linangan, lumusob ang kanyang mga dating kaibigan, at sa pagnanais na mabigyan ng pagkakataong tumakbo at makapagtago si Palos, hinarap ni Malayari ang mga dati nitong mag-aaral. Ginamit nito ang kanyang kapangyarihan upang tawagin ang Sigwa nang hindi makalapit sa Linangan ang Silakbo. Naubusan ng lakas si Malayari at binawian ito ng buhay.

Inamin ni Palos sa kanyang sarili na natakot siya noong sandaling iyon. Natakot siya na baka hindi niya magawang tawagin ang Sigwa upang maging dingding sa pagitan ng mga Silakbo at ng Linangan. Natakot siya na baka hindi niya kayaning labanan ang mga dating kamag-aral, dahil isa lamang siyang ampon at wala siya ni isang patak ng dugong Maginoo.

Sa madaling salita, duwag siya.

Naduwag siyang lumaban, gamit ang mga natutunan sa matandang Maginoo na umampon sa kanya. Naduwag siyang labanan ang mga tunay na Maginoo na 'di hamak ay mas magaling sa kanya. Naduwag siya kaya siya tumakbo at nagpakalayo-layo. Naduwag siya kaya nagbalik siya sa pagiging Paul.

Umiwas si Paul sa mga kompanyang alam niyang Maginoo ang may-ari. Bumalik siya sa hacienda upang ibilin lamang kay Agtayabun ang pamamahala nito. Sa loob ng pitong taon ay nagpalipat-lipat siya ng trabaho bilang office worker sa mga maliliit na startup company. Buwan-buwan ay binibigyan siya ng balita ni Agtayabun ukol sa hacienda. Nakakatanggap din siya paminsan-minsan ng mga tawag mula sa mga manggagawa sa koprahan. Ngunit ni minsan ay hindi sumagi sa isip niya na balikan ang dating buhay. Hindi rin niya ginalaw ang salaping patuloy na pumapasok sa kanyang bank account dahil lahat ng iyon ay galing pa rin sa matandang umampon sa kanya na siya ring nagsakripisyo para mabuhay ang isang duwag na taong tulad niya.

"Andito ka rin pala," ang narinig ni Paul. Hindi pala siya nag-iisa rito. Binalingan niya ang tinig at nakita niya si Lakan na nagbubunot ng mga halaman sa gilid ng daan. Magkahalong kulay lupa at halaman ang suot nitong barong at pantalon, kaya hindi agad siya napansin ni Paul.

"Magandang araw po, Prof," ang bati ni Paul sa propesor na noo'y tumayo sa pagkakatalungko.

"Kanina ka pa nagsisintir diyan," ani Lakan. "May naaalala ka?" Kapansin-pansin na ngayon ang mukha nitong marungis. Itinago ng putik ang ilang bahagi ng kanyang mukha na may kulubot.

Umiling si Paul.

"Ako, naaalala ko pa noong naging estudyante kita," ani Lakan. "Forty-one na yata ako noon? O forty-two? Dapat magreretiro na ako noon, pinigilan lang ako ng tatay mo."

"Si Don Malayari po?"

"Oo. Gusto niyang turuan kita noon. Ayaw niya na iba ang magtuturo sa 'yo. Akala naman ng matandang 'yon napakagaling ko. Nakakapagod na kaya."

"Bakit po kayo nagpatuloy?"

Inamoy ni Lakan ang dahon na bagong kuha niya.

"Kailangan e."

Katahimikan.

"Buti napabalik ka ni Agtayabun."

"Kailangan daw po," ang seryosong tugon ni Paul.

"Ganyan naman sila. Laging 'kailangan' ang rason. Handa ka na ba, Palos?"

"Paul na lang po."

"Wala akong pakialam. Ilabas mo na ang kuwintas mo."

Tumango si Paul at tumalima. Nakita niyang inilagay ni Prof. Lakan ang mga dahon na binunot kanina sa isang basket saka lumapit ito sa lagusan ng dalawang Tikbalang.

"Bakit pa kasi bubuksan ito kung alam namang may mga naghihintay na Silakbo sa labas," reklamo ni Lakan.

"Darating daw po kasi ang presidente. Kailangan daw pong magpulong mamaya."

"Eh nasaan sina Hagibis at Mayumi? Nasaan si Prof A? Dapat narito rin sila para kung sakaling mangyari ulit–"

Napatigil si Lakan sa pagsasalita. Umubo na lamang siya upang mapunan ang katahimikan.

"Buksan mo ang mga mata mo," sabi ni Lakan kay Paul.

Tumango si Paul at itinaas ang kuwintas. Sumipol ang hangin.

Sa harap ni Paul ay nakita niyang humawak sa Tikbalang si Lakan at nag-orasyon. Pagkatapos ay pinuntahan ang isa pang Tikbalang at iyon naman ang binulungan.

Unti-unting nagliwanag nang bahagya ang paligid. Animo'y tinatanggalan ng kulambo na nakabalong ang buong Linangan habang umiihip ang malakas na hangin. Dahan-dahang nawawala ang Sigwa.

Dali-daling tumakbo patungo sa kanyang basket ng mga dahon si Lakan upang takpan ito at hindi liparin ang mga halamang gamot na pinaghirapan niyang hanapin at bunutin.

Nakataas pa rin ang mga kamay ni Paul habang patuloy sa pagtalilis ang Sigwa. Lingid sa kaalaman niya at ni Lakan ay may isang dalagita sa kanilang likuran na kanina pa nakanganga sa pinanonood. Si Dian.

~oOo~