Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 25 - Mga Batas na 'Di Nasusulat (Part I)

Chapter 25 - Mga Batas na 'Di Nasusulat (Part I)

ITINIGIL MUNA NG mga guro ang mga natitirang klase sa hapon dahil sa nangyari sa lagusan. Pinabalik ang mga mag-aaral sa dormitoryo sa kagubatan habang iniutos ni Agtayabun na manatili sa walog sina Dian at Kidlat. Ramdam ni Dian ang matatalim na irap ng mga kababaihan nang malaman ng mga ito na makakasama na naman ni Dian si Kidlat. Sa isip ni Dian, mas mabuti pang magsisigaw ang mga ito ng mga mapapanakit na pananalita tulad ng mga kaklase niya noon sa junior high school dahil makakalaban pa siya ng singhalan. O kaya ng hatakan ng bag. O ng buhok. O hatawan ng Arnis. Ngunit hindi ganito ang mga Maginoo. Tahimik sila. O kaya nama'y nagbubulungan lamang. Sa tuwing tumatalikod siya, nauulinigan niya ang mga buntong hininga, pati ang tono ng pakikipag-usap ng mga ito sa kanya, na tila sa ilong lumalabas ang mga salita. Ang alam lang ni Dian, hindi siya kabahagi ng Linangan. Hindi siya tanggap ng mga kamag-aral niya. Umaalimpuyo ang damdamin niya dahil wala siyang magawa. Pati na ang plano niyang tumakas ay hindi natuloy.

Gusto sana niyang isipin na wala siyang pakialam. Ngunit ayaw rin naman niyang magsinungaling sa sarili niya. Buhay at kinabukasan niya ang nakataya sa bawat kilos niya sa Linangan. At ngayong nalaman ng mga guro, at ni Pinuno, ang plano niyang pag-alis, hindi niya malaman kung anong klaseng pagpapaliwanag ang kanyang gagawin. Paniguradong parurusahan siya ng kanilang administrador. Mukha pa namang masungit at hindi mapapakiusapan ang matanda.

Tanging huni na lamang ng mga ibon at lagaslas ng mga dahon ang narinig sa paligid. Nakaalis na ang mga mag-aaral at natira na lamang sa gitna ng mga silid-aralan na mukhang mga bahay na bato sina Dian at Kidlat na nakatayo at naghihintay sa pagdating ng mga guro. Dahil sa dalawa na lamang sila, mistulang napakalawak na ng quadrangle na ito. Hindi maipaliwanag ni Dian kung anong klaseng kirot ang naramdaman niya sa kanyang sikmura nang marinig niya ang seryosong tinig ng katabi.

"Kumain ka na ba?" ang tanong ni Pinuno.

Napahigpit nang hawak si Dian sa strap ng kanyang backpack.

"Wala akong gana," tugon niya.

"Pagkatapos nito, sumama ka sa akin sa balay," utos ni Kidlat.

"May sarili akong room," ang sabad ni Dian.

"May pagkain do'n," sabi ni Kidlat. "Sa balay ka na maghapunan."

Hindi matanggal ni Dian ang kamay sa strap ng kanyang bag. Hindi niya mawari kung ano ang gagawin. Napatingin sa kanya si Kidlat.

"Huwag kang mag-alala," sabi nito. "Kasama mo ako."

Sabay dating ng isang maliit na binatilyo na may makapal na salamin. Si Ginton.

"Advance party ka ba, Ginton?" tanong ni Kidlat.

Tumango si Ginton sa harap ni Kidlat, tanda ng paggalang saka binalingan ng tingin si Dian. May halong panghuhusga ang sulyap na iyon.

"The teachers are having a meeting," ani Ginton. Hindi pa rin nito inaalis ang tingin kay Dian. Napatingin sa kakahuyan si Dian upang hindi magtama ang kanilang mga mata. "I guess you're not happy here."

"Ginton," ang sabi ni Kidlat.

"Then again, this is not a place to be happy. We all have a purpose here."

Sinulyapan ni Kidlat si Dian. Hindi pa rin tumitingin ang dalaga kay Ginton nang magsalita ito. Mahinang mahina ang tinig niya nang kanyang sabihing, "Ang purpose ko ba talaga rito eh maging asawa lang ng Pinuno?"

"That's up to you."

Doon na napatingin si Dian kay Ginton. Napansin ng dalaga na nakataas ang isang kilay ng lalaki.

"May choice ako?"

"Technically, yes. Most likely, you'll still choose to be with Kid."

Napabuntong hininga si Dian. Paasa lang itong kausap niya.

"What's not to like?"

"'Yung posisyon niya."

"So..." ang sabi ni Kidlat, "kung hindi ako ang Pinuno, papayag kang magpakasal sa akin?"

Halos mabali ang leeg ni Dian sa pag-iling.

"Bakit ako magpapakasal sa 'yo?"

Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Kidlat. "Ano ba talaga ang gusto mo?" tanong niya.

Noong una, ang gusto lang naman ni Dian ay makaligtas mula sa mga humahabol sa kanyang Silakbo. Binigyan din siya ni Map ng pag-asang matutunan ang tungkol sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang ina. Ngunit kung ang magiging kapalit niyon ay ang pagkakakulong sa Linangan at pagsunod sa mga utos ng mga matatanda, kahit pa hindi siya lohikal, parang ayaw na ni Dian na ipagpatuloy pa ang pamamalagi sa Linangan. Baka dapat, lumabas na nga siya, balikan ang kanyang dating buhay, at sumama sa kanyang tatay at habambuhay na lang pagtaguan ang mga Silakbo. Gusto niyang sabihin ang lahat ng ito, ngunit hindi niya maipaliwanag nang maayos. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin na hindi naman mukhang nagmamagaling siya. Wala naman siyang maipagmamalaki.

"Hindi ko alam," ang itinugon na lang niya. "Hindi lang ako sanay siguro... Kailangan ba talagang sundin lahat? Lahat-lahat?"

"We follow two kinds of laws," ani Ginton, "the laws of our country, and the laws of the Maginoo. Our laws here are unwritten because they are taught to us as tradition. And tradition is our lifeblood. They are given to us by the spirits of our ancestors. The unwritten laws are too important to us that breaking them would mean... We can't escape, you know."

"Hindi naman ako tatakas," ang pagsisinungaling ni Dian.

"Good," ang mabilis na sagot ni Ginton.

"Pero hindi rin ako basta susunod na lang sa mga sinasabi ninyo," ani Dian. Natagpuan niya ang maliit na tinig sa kanyang kalooban.

"You know, I respect and admire what you're saying, and I may not agree with you," ang mahinahong sabi ni Ginton, "but I know, in time, you will choose what is fair."

"Hindi lahat ng batas, fair," sabi ni Dian. "Lalo na 'yung mga batas na hindi nakasulat."

"Our laws are still our laws... Wait for the teachers here."

Tinapik ni Ginton ang balikat ni Kidlat saka nagsimulang maglakad palayo. Tumigil ito nang makailang hakbang at nagsalita nang hindi lumilingon.

"We're counting on you."

~oOo~