Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 24 - Ang Pagpapasya (Part III)

Chapter 24 - Ang Pagpapasya (Part III)

HINDI MALAMAN NI Kidlat kung nasaan si Dian. Nagpaikot-ikot na sila ni Map sa walog, naghanap sa mga silid-aralan, nagpunta sa bulwagan at baka naroon at kumain, ngunit hindi nila nakita ang dalaga.

Nais na sanang puntahan ni Map ang dormitoryo, ngunit naulinigan niya sa dalawang babaeng galing doon na nakita nila si Dian na dala ang backpack at patungo sa lagusan. Medyo kumulo pa ang dugo ni Map nang marinig niya mula sa dalawang tsismosa na mabuti nga't aalis na si Dian, nang magkaroon naman sila ng pagkakataon kay Pinuno. Hahagisan sana ni Map ng hamburger ang dalawa para tumigil na sa pagsasalita, ngunit naisip niyang mali iyon, at masisira ang imahe niya sa Maginoo. Baka kumalat pa sa labas na nagkulang siya sa pasensya dahil kay Dian. Lalong lalaki ang tsismis. Baka ipatawag pa siya ng kanyang manager at ipaalala sa kanya ang kontrata na bawal magkanobya... At napadpad na sa pagpapakasal nang lihim ang utak ni Map habang si Kidlat naman ay pasulyap-sulyap sa daan patungo sa kakahuyan.

Umasa si Kidlat na makitang bumabalik si Dian dahil nagbago na ito ng desisyong umalis sa Linangan. Ngunit walang Dian na bumalik. Malinaw na nakapagpasya na ito na tumakas. Nakaramdam ng kaunting kirot sa puso si Kidlat. Kung dahil lang sa maliit na bagay ay mas pipiliin ni Dian ang tumakas, baka nga hindi siya nababagay sa mundo ng mga Maginoo. Baka nga nararapat siyang bumalik sa mundo ng mga maharlika at timawa kung saan mas malaya siya. Makakasama pa niya ang kanyang ama. Ngunit hindi maisip ni Kidlat kung paano mabubuhay nang tahimik ang mag-ama, lalo na't inutusan niyang gamitin ni Map ang kuwintas ng ina ni Dian upang makipag-usap sa dalaga. Siguradong nasagap na ng mga tiwalag ang pag-uusap nila at madali nang matutunton si Dian kung siya ay lalabas sa paaralan. Kapag nagkataon ay hindi niya mapapatawad ang sarili niya kung mayroong masamang mangyari kay Dian. Hindi niya maipagtatanggol ito.

Biglang nakarinig ng sitsit si Kidlat. Napalingon siya sa direksyon ng kanyang balay. Sitsit iyon galing kay Bulalakaw na noo'y nagme-meditate sa hardin. Bumulong si Bulalakaw habang nakapikit. Sa pandinig ni Kidlat, buo at malakas ang tinig ng kaibigan.

"Panganib... malapit sa mga Tikbalang," ang sabi ni Bulalakaw.

"Panganib?" ulit ni Kidlat. Lumapit sa kanya si Mapulon. Naghintay ng kasunod na sasabihin ni Bulalakaw.

Sa balay, napadilat si Bulalakaw sa nakita niya sa kanyang hiraya at napabulalas, "nasa panganib si Dian!"

Hindi na naghintay pa sina Kidlat at Mapulon. Tumakbo papunta sa kakahuyan si Kidlat. Iisa lang ang nasa isip niya ngayon – ang mailayo sa kapahamakan si Dian.

Tumalon naman si Mapulon sa malapit na puno at dinala siya ng hangin sa tuktok nito. Kumuha siya ng dalawang sanga saka tumalon sa kasunod na puno upang humabol kay Kidlat, sabay bato sa kaibigan ng mga sanga upang gamiting baston.

"HIJA?" ANG TAWAG ni Paul sa estudyanteng nakanganga. "Bakit ka nandito? Wala ka bang klase?"

Hindi nakasagot si Dian. Sasabihin ba niyang aalis na siya sa Linangan ngayong nakita niya ang kapangyarihan ng lalaking kaharap niya? Sino ang mag-aakalang may tao na kayang tawagin ang hangin? Kahit nga pagsipol ay hindi magawa ni Dian.

"W-wala po," sagot ng dalaga matapos niyang mabatid na nakanganga siya sa pagkamangha.

"Kung ganoon, ano'ng ginagawa mo rito?" ang tanong ni Paul habang lumalapit sa estudyante. Kitang kita ni Dian sa mga mata ng guro ang pagnanais nitong malaman ang dahilan ng kanyang pagpunta sa lagusan. Alam na kaya nito ang balak niya na tumakas?

"Hindi ka makakatakas," sabad ni Lakan na noo'y kinokolekta ang mga nilipad na mga dahon at inilalagay sa kanyang ratan na basket.

"Hindi po ako tatakas!"

"Hija, wala namang ibang dahilan para magpunta ka rito," ani Lakan. Hindi ito tumitingin kay Dian. Parang umiiwas ito. "Isinara na namin ang lagusan nang dumating ang Pinuno. Wala ka namang gagawin dito maliban sa..."

Isang lagutok ang umalingawngaw. Binalingan nina Paul at Lakan ang pinanggalingan niyon: isang puno sa kabila ng arko. Sa tuktok niyon, sa mayabong na mga dahon, sa gitna ng mga sanga, ay isang anino ng lalaki.

"Bumalik ka na sa loob, hija, dali!" ang utos ni Paul. Itinaas niya ang mga kamay upang tawaging muli ang hangin at ibalik ang Sigwa. Umihip ang malakas na hangin na nagmula sa kabundukan, dala ang isang makapal na ulap.

Tumalon mula sa puno ang anino at nagpakita ang Silakbo na naka-itim. May kinuha ito sa kanyang likod at nakita ni Dian na dalawang maliliit na kutsilyo iyon. Nagsimulang tumakbo ang lalaki patungo sa arko.

"'Yung Bulong!" sigaw ni Paul na hindi makaalis sa kanyang pwesto dahil sa pagkontrol ng hangin pabalik sa lagusan.

Dahil palapit na ang Silakbo at wala nang panahon para sa orasyon, kumuha ng patpat si Lakan at iginuhit iyon sa lupa. Tumalsik ang bahaging iyon ng lupa sa mukha ng lalaki. Napaurong ito.

"Dian!" ang narinig ni Dian na sigaw ng isang lalaki sa kanyang likuran. Biglang hinatak siya nito upang lumayo sa Silakbo na nagsimula na namang tumakbo. "Bumalik ka na sa loob," sabi ni Kidlat sabay turo sa kakahuyan.

Nagtagumpay na makapasok sa lagusan ang Silakbo. Balak nitong dumiretso sa pag-atake kay Kidlat ngunit naharang ito ng patpat na hawak ni Lakan.

"Samahan mo na ang kaklase mo sa loob, Pinuno," ang mariing utos ni Paul.

"Kaya naming lumaban," ang narinig ni Kidlat na sambit ng kasamang dalaga. Tiningnan niya nang masama si Dian na parang sinasabing, "huwag."

Ngunit sa kisig at liksi ng Silakbo ay nalaslas nito ang braso ni Lakan. Sinipa ng estranghero ang guro at sumadsad ang matanda sa gilid ng daan, sa tabi ng kanyang basket.

Bumaling ang Silakbo kay Kidlat na noo'y naglabas na ng kanyang baston.

"Pinuno, huwag!" sigaw ni Paul na hindi maibaba ang mga kamay dahil hindi pa lubos na bumabalot ang Sigwa sa Linangan.

Kumulog, kumidlat, at umatake ang estrangherong nakaitim. Biglang hinatak ni Dian si Kidlat sa kanyang likuran, sabay hablot sa baston na hawak ng binata upang ipagtanggol ang Pinuno. Sa isip ni Dian, mas mahalaga si Kidlat sa mga Maginoo. Sa gulat ay hindi nakapalag si Kidlat.

Biglang umihip ang hangin na tila pagaspas ng higanteng bagwis at bago pa man malapitan ng Silakbo si Dian ay nilipad na ng hangin ang estrangero palabas sa arko. Bumagsak ito sa lupa na gula-gulanit ang itim na damit at may mga mahahabang laslas ang balat.

Tiyempo namang bumalot na sa arko ang mga ulap na dala ng Sigwa. Lumiwanag ang paligid at sa pagtayo ni Lakan ay iginuhit niyang muli ang patpat sa lupa. Mula sa lupa ay lumabas ang mga baging na pumulupot sa mga binti at braso ng Silakbo.

Napaluhod sa pagod si Paul dahil sa pagod. Itinayo siya ni Lakan habang bumubulong na kung sino pa raw ang mas bata ay siya pa ang mas mahina. Sabay dating naman ng ibang mga Maginoo na sa tingin ni Dian ay mga propesor. Dali-daling kinuha ni Kidlat ang baston niya mula kay Dian at hinatak niya ang dalaga papunta sa kanyng likuran upang maitago sa mga matatandang Maginoo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasulyapan ni Dian ang namumuno sa Linangan – si Agtayabun. Bago pa maitago ng matanda ang maliit na kutsilyo ay nasulyapan na ito ni Dian. Nagtagpo ang kanilang mga mata at sandaling nagtitigan.

"Bakit hindi mo kami tinawag?" ang tanong ni Agtayabun. Nakatingin pa rin ito kay Dian.

"Wala na pong oras," sagot ni Paul na umakbay na kay Lakan upang makatayo.

Pinuntahan ni Agtayabun at iba pang mga guro ang estranghero. Tanging damit na lang nito ang nakaposas. Nakatakas ito.

"Katotong Hagibis," ang tawag ni Agtayabun sa malaking guro na iniimbestiga ang itim na damit, gamit ang kanyang tungkod. "Sabihan mo ang Malakanyang na ipagpaliban muna ang pulong." Tumango ang guro saka naglakad pabalik. Sumunod na ang ibang guro. Nagkatinginan lang sina Agtayabun at Kidlat. Hindi mawari ni Dian kung tumango ang matanda kay Kid.

"Salamat po at dumating kayo," ang sabi ni Paul kay Hagibis. "Kung hindi'y baka nasaktan na ang Pinuno."

"Bakit? Natakot ba ang Silakbo sa hitsura ko?" tanong ni Hagibis na may kasamang hagikgik.

"Hindi po ba tinulak ninyo ang Silakbo palabas ng Linangan?"

"Ako?" ang sabi ng guro, sabay iling.

"Lahat ng guro, pumunta muna sa aking opisina, ngayon din," utos ni Agtayabun.

Lahat ay bumalik na sa kakahuyan patungo sa walog. Naiwan na lamang si Lakan na pinulot isa-isa ang mga dahong gamot at ibinalik sa kanyang basket. Luminga-linga siya sa paligid. Saka binaling ang tingin sa itaas ng mga puno. Lumagasgas ang mga dahon ng mga puno kahit walang hangin.

"Kung kailangan mo ng gamot, puntahan mo lang ako," ang sabi ni Lakan sa hangin, saka siya sumunod sa mga guro.

Sa itaas na puno, may nakaupo sa malaking sanga. Hawak-hawak niya ang braso na may punit na uniporme. Sa laslas na iyon ay kita ang kanyang makinis na balat. Gumuhit ang dugo roon at nagsimulang humapdi. Napasitsit sa sakit ang binata.

"Yari," ang sabi ni Map, "buti hindi sa mukha..." Napatawa siya nang marahan.

~oOo~