MAY ILANG ORAS pa bago magsimula ang susunod na klase ngunit wala nang planong pumasok pa roon si Dian. Hindi siya komportable sa mga impormasyong nakukuha niya na paunti-unti: na siya ay anak ng isang Maginoo, na kailangan niyang manatili sa Linangan upang maging ligtas sa mga masasamang loob, na ang ina niya ay ipinagkasundo na siyang ipakasal sa isang lalaking hindi niya kilala... Pakiramdam niya tuloy ay sasabog na siya sa mga nalalaman niya – at hindi pa siya nakakabuo ng isang araw na klase.
Isa pang kinaiinis niya ay ang mga kakaibang aralin na kanilang dapat matutunan sa Linangan. Oo nga't nasa gitna sila ng gubat, at malamang ay walang nakakaalam ng kagubatang ito, ngunit kailangan din ba na ang mga aralin ay nakasulat sa iba't ibang alpabeto na hindi naman niya nababasa? Mabuti sana kung magpapatuloy si Kid sa pagbibigay sa kanyang ng salin, ngunit dahil sa ipinakita ni Dian na kawalang-galang sa pinuno, malamang ay itigil na rin nito ang pagtulong sa kanya.
At huli, kahit pa sabihin ng kanyang ama na pagkatiwalaan si Map, ay mukhang hindi na niya ito magagawa. Nauubos din pala ang kilig. Lalo na't makilala mo na nang lubusan ang taong kinakikiligan mo. Kahit wala pang isang linggo silang magkakilala, ngunit sa inaasal ng binata, mukhang nagkamali nga si Dian na magtiwala nang lubos dito.
Napaupo sa isang malaking bato si Dian habang pinagmamasdan ang mga kabataang Maginoo na magkakapangkat patungo sa kainan sa ibaba ng walog, kung saan naubos ang oras ni Dian buong umaga kasama si Kid dahil sa paghuhugas lamang ng pinggan. Matagal-tagal din bago bumalik sa dating anyo ang kanyang mga daliri na nangulubot sa tagal nitong nakababad sa tubig. Sa isip niya, kung magpapatuloy pa siya sa pag-aaral sa wirdong lugar na ito, mas mabuti na nga ang maghugas ng pinggan, kaysa magsilbi sa balay ni Pinuno. Alam niyang obligasyon iyon ng bawat mag-aaral, at dapat niyang igalang ang tradisyong iyon.
Kung tutuusin, dapat nga lang na tumulong ang bawat isa sa pagpapatakbo ng Linangan, kahit pa mukhang mayayaman ang mga mag-aaral dito, mabuti ngang nakahiwalay sila sa mga mundo nilang nakagisnan at magsanay na mapag-isa. Ngunit kung ang kasarinlan na hatid ng Linangan ay pagkaalipin naman sa mga sinaunang tradisyon, hindi yata katanggap-tanggap iyon. Lumipad ang diwa ni Dian sa mga nabasa niya tungkol sa mga binukot – kung paano ang mga ito ay itinatago ng mga pamilya nila upang mapanatili ang rikit... Hindi kaya balak nina Map na gawin siyang binukot? Pero hindi ba nagsisimula iyon sa pagkabata?
Kung saan-saan na napunta ang imahenasyon ni Dian at hindi na niya namalayan na may kumakalabit na sa kanyang balikat. Napatalon na lamang siya nang biglang may umihip sa kanyang tainga.
"Ay, putakte!" sigaw ni Dian na dahilan kung bakit napatingin sa kanya ang mga Maginoo. Itinaas ni Dian ang kamao upang suntukin ang binatang gumulat sa kanya – walang iba kundi si Mapulon.
"Teka, teka," ani Map habang nakataas ang dalawang kamay na animo'y sumusuko kaagad kahit hindi pa nagsisimula ang bakbakan.
Ibinaba ni Dian ang kamay saka bumalik sa batong inuupuan. Padabog.
"Bakit?" paangil na tanong ng dalaga.
"Ikaw naman, masyado ka palang moody," sagot ni Map. "Tatanungin lang kita kung kakain ka ba. Pinapatanong ni Kid."
"Bakit 'di siya ang magtanong?" sabi ni Dian.
"Malay ko sa inyo," ani Map. "Wala pa kayong one week, LQ agad kayo?"
Hahatawin sana ni Dian si Map, ngunit pinigil niya ang sarili. Hindi pa sila lubos na "close" para gawin niya ito. Saka maraming nakatingin. Baka kung ano ang sabihin ng mga Maginoo. Mukhang mga tsismosa pa man din ang mga babaeng kanina pa nakatitig kay Map na parang mga buwitreng naghihintay ng tamang timing na umatake sa kanilang kakainin–
"Hey," ang narinig ni Dian na sabi ni Map habang marahan siyang tinulak nito sa balikat.
"Ano bang LQ? Hindi nga kami nagkakakilala pa tapos LQ?" ang sinabi na lang ni Dian saka naglakad ito palayo kay Map. Sa lahat ng ayaw ni Dian ay iyong binubuwisit siya ng lamok.
Hindi niya alam na kanina pa siya pinapanood ni Kid mula sa 'di kalayuan. Nagkatinginan sina Kid at Map saka nagtaas na lamang ng kanyang mga balikat si Map na parang sinasabing "'di ko alam."
HINDI NA PUMUNTA sa canteen si Dian. Dumiretso siya sa dormitoryo at saka naupo nang matagal sa kama. Pagkatapos basahing muli ang liham ng kanyang ama nang may apat na beses, hinakot ni Dian ang kaunting gamit at isinilid sa bag, lumabas ng kwarto at pinagmasdan ang paligid. Lahat ng Maginoo ay nanananghalian. Kung hindi niya gagawin ngayon, kailan?
Mabilis na naglakad si Dian pabalik sa masukal na gubat. Kahit pa abutin siya ng gabi kakahanap sa daan, okey lang, basta makaalis siya sa Linangan. Ilang beses sumagi sa kanyang isip ang sabi ng amang si Rodel: pagkatiwalaan mo si Map. Pagkatiwalaan mo si Map.
Ngunit sa pagkakataong ito, hindi niya magawang pagkatiwalaan kahit na sino. Mas mabuti pang magbalik siya sa piling ng ama kaysa masiraan siya ng bait sa loob ng Linangan. Sige, hanap pa sa daan. Pasasaan ba't mararating din ang dulo. Makakalabas din. Makakalaya rin.
~oOo~