Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 19 - Nang Magsinungaling si Mapulon (Part II)

Chapter 19 - Nang Magsinungaling si Mapulon (Part II)

NAKATUON LANG SI Dian sa pagbabasa ng listahan na ibinigay ni Ginton. Maliban sa kanyang schedule, ito rin daw ang mga dapat sundin sa kanilang mga klase. Hindi niya magawang itaas ang mukha dahil pakiramdam niya'y nakatitig ang mga kaklase niya sa kanya. Hula ni Dian, sanlibo't isang pangungutya ang nais sabihin ng mga ito sa kanya dahil sa isiniwalat ni Ginton kanina. Kahit siya ay hindi makapaniwala na simbolo ng napipintong pag-iisang dibdib nila ni Kidlat ang kuwintas na iniwan sa kanya ng kanyang ina. Lalong hindi siya makapaniwala na uso pa rin ang arranged marriage sa mga Maginoo hanggang ngayon. Hello, ang naisip niya, malalaos na nga ang Facebook, may arranged marriage pa rin? Ngunit sa lahat ng mga bagong rebelasyon at kahibangang ito, iisa lamang talaga ang ikinaiinis niya. Matatanggap niya na maaari ngang nagkasundo ang kanilang mga pamilya. Sige, hayaan na 'yon, tutal mukha namang maayos na tao itong si Kidlat. Pero bakit namang kailangan niyang pagsilbihan ang lalaki sa balay nito? Ano ang tingin ng mga Maginoo sa asawa ng Pinuno? Aliping sagigilid?

Tila hinatak palabas si Dian mula sa kanyang sariling mundo nang maramdaman niya ang bahagyang paghampas ng kawayan sa kanyang balikat.

"Hoy, kanina ka pa nakatingin sa list mo," ang sabi ng humampas sa kanya. Pakiramdam niya'y uminit ang katawan niya nang marinig ang tinig na iyon. Ang tinig na lagi niyang pinakikinggan sa kanyang cellphone, bago ito naubusan ng baterya. Lintik na eskwelahan 'to. Bakit ba walang kuryente?

"Hoy, naiintindihan mo ba 'yang binabasa mo?" ang narinig ni Dian na tinig na patuloy pa rin sa pakikipag-usap sa kanya.

"Ayokong tumingin," sagot ni Dian.

"Bakit, mai-in love ka na naman sa akin?" ang biro ng tinig.

"Sira," ang sabi ni Dian. "Hambog."

"Hamburger?"

"Oo. Hamboger. Ikaw 'yon."

"Gusto mo ng hamburger?"

"'Wag ka ngang maingay, hindi ako makapag-focus."

"Akala mo naman marunong magbasa. Sige, i-try mo pa. Basahin mo nga nang malakas 'yung unang word. Game, dali."

Kakaiwas ni Dian sa mga matang mapanuri ng mga kaklase ay hindi niya namalayang nakasulat pala sa Baybayin ang mga salita sa listahan ni Ginton.

"Ano 'to?" sabi ni Dian sabay tingin sa maaliwalas na mukha ng katabi. Nakangiti agad ang lalaki. Naalala ni Dian ang mga larawan na naka-save sa kanyang mga cellphone. Mga larawang ninakaw niya sa Internet: mga larawan ni Map bilang miyembro ng kanilang boy group.

"Sabi ko na nga ba, e," ang sagot ni Mapulon. "Akina, ita-translate ko," dugtong nito. Napatingin siya sa katapat na mesa at naroon si Kidlat. Tahimik na nagbabasa ng sariling listahan.

"Baka dapat magpatulong ka kay Kid," bulong ni Map kay Dian. Bagay na ikinaasar ng babae kaya't itinulak nito nang bahagya si Map.

"Pwede ba?" ang sabi ni Dian. May halos inis sa tinig nito.

"Pwede naman siguro." Hindi naintindihan ni Map ang tono ni Dian. Hindi pa man nakakasalita ang babae ay nakalakad na si Map patungo kay Kid, dala ang listahan.

"O, Pinuno, patulong daw," sabi ni Map. May pagkasinungaling ang loko.

Tiningnan muna ni Kid si Dian na noo'y nanglalaki ang butas ng ilong kay Map. Nakangisi naman ang huli na parang sinasabing naisahan niya si Dian. Kinuha ni Kid ang listahan saka sinulatan ang mga Baybayin sa mga titik na maiintindihan ni Dian.

"Gosh, dapat kasi kung hindi ka marunong, aralin mo," ang narinig ni Dian na sabi ng isang boses na kasing tinis ng kuko na paulit-ulit na kumakamot sa chalk board.

Bago pa man makasagot si Dian ay naramdaman na niyang hatak-hatak siya ni Mapulon palabas ng silid. Naiwang nagsusulat pa rin ng listahan si Kidlat.

Dinala si Dian ni Mapulon sa may hagdan sa labas ng animo'y bahay bato na nasisilbing silid-aralan.

"Bakit tayo lumabas?" tanong ni Dian kay Map.

"Mainit sa loob. Walang aircon," sagot ni Map habang pinapaypayan ang sarili ng isang papel.

"Teka muna," sabi ni Dian. Pabalik na siya upang sugurin ang mga kaklase nang pigilan siya ni Map.

"'Wag ka munang bumalik. Paypayan mo muna ako," sabi nito, sabay bigay ng papel kay Dian.

"Alam mo, kayong mga Maginoo... iba rin kayo, 'no," sagot ni Dian.

"Bakit? Ano'ng kasalanan ko?" tanong ni Map habang nakangiti pa rin.

"Iba rin kayo," sabi ni Dian. "Tingin n'yo sa 'kin alipin, 'no?"

Unti-unting nawala ang ngiti ni Map.

"Alipin?"

"Bakit ba kailangang sa balay pa ni Kidlat ako mag-serve? Pwede namang sa dorm o kaya sa canteen o kaya sa library... Dahil ba sa fiancée niya ako? Ganoon ba ang tingin ninyo sa mga tulad ko? At ikaw! Inidolo kita dahil akala ko mabait ka, tapos gagawin mo rin akong utusan? Gusto mong paypayan kita? Iniligtas mo ako sa mga Silakbo para may tagapaypay ka?"

Parang niratrat ni Dian si Map dahil walang preno ito sa pananalita. Ibinato ni Dian ang papel pabalik kay Map. Sinalo ito ng lalaki sabay balik nito sa kamay ni Dian.

"Hindi na, 'wag mo na 'kong paypayan, ayan na. Ikaw na lang magpaypay sa sarili mo. Ang init e," sabi ni Map saka bumalik ito sa loob.

Gigil na gigil na si Dian sa mga nangyayari ngayong mga nakakaraang araw. Ramdam niya ang pag-init ng kanyang mga tainga. Malamang ay namumula na ang mga ito. Gamit ang papel na pinuwersa ni Map sa kanyang kamay ay nagpaypay siya para maibsan naman ang nararamdaman niyang init dulot ng kanyang pagkainis.

Isang babae ang umakyat patungo sa kanyang kinaroroonan. May nakapulupot na lilang tela sa kanyang ulo at may dekorasyong asul at itim ang suot nitong uniporme. May mga dala itong mga aklat at isang mahabang papel na parang lumang mapa ng Pilipinas. Mukhang ito na ang kanilang hinihintay na guro.

"O, Dian," ang narinig niyang sabi ng guro gamit ang boses nitong medyo paos. Itinatago ng mahaba at maitim na buhok nito ang mga pilat sa kaliwang pisngi. Napansin ni Dian na mukhang may limampung taong gulang na ito.

"Ma'am....?"

"Mayumi. Bakit mo naman ginagamit na pamaypay 'yang listahan mo?"

"Ma'am?" muling tanong ni Dian. Inayos niya ang kinayumos na pamaypay at nakita niyang listahan nga ito ni Ginton, ngunit sa gilid ng bawat salitang Baybayin ay may salin na sa alpabetong naiintindihan niya. Hindi ba't nagsusulat pa lang si Kidlat nang siya ay lumabas? Paanong nakuha agad ito ni Mapulon at naibigay sa kanya?

"Gumagawa na rin pala ang student council ng mga listahan na may alpabetong Pilipino," ang narinig niyang banggit ni Prof. Mayumi. "Para saan pa ang mga aralin sa Baybayin? Bakit pa tayo mag-aaral?" ang sabi pa nito habang naglalakad papasok sa silid-aralan. Sumunod na lamang si Dian sa guro, habang napalitan ng hiya ang nararamdamang inis.

~oOo~