Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 18 - Nang Magsinungaling si Mapulon (Part I)

Chapter 18 - Nang Magsinungaling si Mapulon (Part I)

NAUNANG GUMISING ANG pang-amoy ni Bulalakaw bago pa man siya dumilat. Kasabay ng kanyang pananaginip na siya ay nagpipiyesta kasama sina Mapulon at Kidlat habang nakaupo silang tatlo sa isang balsa na nakalutang sa lawa. Kulay abuhin ang hamog na bumabalot sa paligid, maging ang tubig na hindi gumagalaw, samantalang tila nilamon naman ng kalungkutan ang mga dahon ng mga puno na nakatayo sa gilid ng lawa dahil mapusyaw na asul ang kulay ng mga ito. Kahit pa pinaliligiran sila ng lumbay at takot, masaya ang tatlo na kumakain. Humihimig pa si Mapulon habang sumisipsip ng manggang hinog. Taas-baba ang mga balikat niya na sumasabay sa tono. Sumasayaw habang nakaupo.

Idinilat ni Blake ang mga mata at nakita niya ang mga magagarang ukit na disenyo sa bintanang kulay kayumanggi. Pumapasok mula rito ang malinis na hanging mula sa gubat. Noon niya nalaman na nakadapa siya sa higaan. Pumasok din sa kanyang ilong ang mabangong amoy ng ulam na niluluto mula sa kusina. Itinukod niya ang siko upang makatayo, ngunit hindi pa kaya ng kanyang katawan. Nakita niyang wala siyang saplot na pang-itaas, ngunit balot ang kanyang katawan ng benda, maging ang ilang bahagi ng kanyang braso at balikat. Siguro'y hindi malalim ang pagkakasaksak sa kanyang likod. Nagpasalamat na lamang siya na hindi nadali ang mga lamang-loob niya, kung hindi'y hindi na niya matitikman ang pagkaing niluluto ngayon.

Narinig niya ang pag-awit ng isang pop song mula sa kusina ng tinig na hindi gaanong sigurado sa tono. Nakasiguro si Blake na si Map nga ang nagluluto.

"Map," ang mahinang tawag ni Blake sa kaibigan.

Narinig niya ang mga yabag na papalapit sa kanya. Inilipat ni Blake ang ulo sa kanyang kanan upang makita naman ang pinto. Naroon si Mapulon. Nakapatong ang asul na apron sa puting long sleeves at kaking pantalon. Hawak ng kanang kamay ang sandok, at sa kabila nama'y kangkong.

"Ano'ng kelangan mo?" ang tanong ni Map habang nakangiti.

"Kapayapaan at pagmamahalan sa mundo," sagot ni Blake.

"Matutupad, kamahalan," sabi ni Map sabay wisik ng sabaw na galing sa sandok sa ulo ni Blake.

Tumawa si Blake pero mabilis siyang nagsisi dahil hindi niya kaya ang hapdi ng sugat sa likod habang taas-baba ang kanyang katawan sa halakhak.

"Sige tawa pa," biro ni Map, "sarap 'no? Ang sakit, 'no?"

"'Pag ako gumaling, lagot ka sa akin," banta ng asar-talo.

"Kahit gumaling ka pa, mas matangkad ako sa 'yo," sabi ni Map habang naglalakad patungo sa kusina. Pinutol-putol niya ang kangkong saka inilahok ang mga dahon at talbos niyon sa sinigang na niluluto, sabay sigaw, "hawakan lang kita sa ulo, 'di mo na 'ko maaabot!" Saka niya ipinagpatuloy ang pag-awit at pagsayaw sa harap ng niluluto.

"Hindi ka magkakaasawa!" pilit na isinigaw ni Blake.

"Tanga! Bawal sa agency mag-girlfriend," sagot ni Map.

"O, eh tanga naman pala eh," hirit ni Blake. Partida, pumipintig pa ang sakit ng kanyang mga sugat.

Sa pagkakataong ito, 'di sigurado si Map kung sino sa kanilang dalawa ang panalo sa asaran. Nang makuha siyang miyembro ng kanilang grupo, kasama sa pinirmahan niyang kontrata ang hindi pagkakaroon ng nobya. Dalawang taon na ang lumipas at sumikat na rin sila, ngunit 'di niya inisip ang pag-ibig, kahit pa lagi siyang pinaliligiran ng mga magagandang babae. 'Di sumagi sa isip niya na magiging suliranin sa pagiging artista niya ang kanyang nararamdaman.

Hindi kailanman.

Hanggang makilala niya si Dian.

"Pakainin mo na kaya ako," ang narinig ni Map na sabi ni Blake mula sa kwarto.

"Maghintay ka," sabi ni Map. "Ibubuhos ko sa 'yo lahat 'to mamaya. Gusto mo 'yon?"

Nang handa nang ihain ang sinigang na baboy na niluto ni Map, inilagay na niya ito sa mangkok para kay Blake. Nagtira siya para sa Pinuno, at kung sakali, kay Dian. Dinala niya ang para kay Blake at inilapag sa maliit na mesa sa tabi ng higaan. Ilang minuto ring nagsuntukan at nagsampalan at naghiyawan sina Mapulon at Bulalakaw habang "tinutulungan" ni Mapulon sa pag-upo ang sugatang kaibigan.

"Hindi ka pwedeng nurse o doktor," ang lait ni Blake. Halos mawalan siya ng ulirat sa sakit.

"Idol ako," sagot ni Map. "Kakantahan na lang kita."

"Pwede bang huwag?" ani Blake, nakasambakol ang mukha. "Sa grupo ninyo, ikaw ang pinakapangit ang boses."

"Visual ako, tanga," sagot ni Map.

"'Di importante 'yung boses 'pag visual?"

"Gusto mong mamatay sa gutom?"

Tinabihan ni Map si Blake sa pagkakaupo saka ibinigay sa huli ang mangkok at isang kutsara. Nang hindi maigalaw ng kaibigan ang mga braso, napapalatak si Map at nagpasya na lamang ito na siya na ang maghawak ng ulam. Kumuha siya nang kaunti at nilagyan ng kamatis – paborito iyon ni Blake – hinipan at inilapit sa bibig ng kaibigan.

"Pa'no kung sa bibig ka nasaksak? Ano'ng mapi-feel mo?" tanong ni Map.

Hindi agad nakasagot si Blake dahil nakasubo sa kanya ang kutsara. Dahil masarap naman ang luto ni Map, hindi na niya ipinagpatuloy ang pagsagot sa insulto nito.

"Nasaan si Kid?" tanong niya.

"Nasa walog," sagot ni Map. "Siya na raw ang kukuha ng uniform natin. Tutal, bukas pa naman daw ang simula ng mga klase, sabi ni Datu."

Hinipang muli ni Map ang kutsara bago ito ibinigay kay Blake.

"Nilagyan ko 'yan ng something something para mabilis kang lumakas."

"Anong bulong ang nilagay mo? Baka lalo akong manghina, ha."

"Sira ka ba?" sabi ni Map. "Si Kid ang marunong diyan. 'Wag mo 'kong ma-libel-libel diyan."

"Slander 'yon," sagot naman ni Blake.

"Si Kid ang bumulong sa 'yo kagabi. Takot nga kami. 'Kala namin..."

Pagkatapos niyon ay hindi nakapagsalita ang dalawa. Patuloy sa pagkain si Blake.

Ilang sandali pa ay hindi na nakatiis si Blake.

"Napakaasim naman nito."

"Gusto mo?"

Ngumiti si Blake, saka tumango na parang bata.

"Ang daming puno ng sampalok dito. Bukas, ipagluluto kita ng sinampalukan," sabi ni Map. Excited ito.

"Teka," sabi ni Blake, "makakatulong ba 'yan sa mga sugat ko?"

"Don't worry," sagot ni Map. "malayo sa bituka 'yung saksak sa 'yo. Sa susunod kasi, isuot mo 'yung salamin mo, para 'di ka nauunahan. Tigas kasi ng ulo mo, ayaw mong sumunod."

"Isusuot ko na lang 'pag dumating na si Kid at 'yung fiancée niya."

Hindi sumagot si Map.

Napatitig sa kanya si Blake.

"Okey ka lang?"

Ngumiti si Map, labas lahat ng ngipin.

"Pa'no ako magiging okey eh hindi ka okey?"

Napatawa si Blake, at muli, nagsisi ito dahil nagsipagsakitan na naman ang mga sugat niya sa likod.

~oOo~