PINAGMASDAN NI DIAN ang kanyang kwarto. Kahit ang dorms ay nakasabit sa puno, mukhang matibay ang mga ito at hindi basta-basta mahuhulog. Sakto lang ang sukat ng kwarto. May kamang malambot at sa harap nito ay isang maliit na mesa para gawing kainan o 'di kaya'y aralan. Ipinatong niya ang backpack sa mesa saka binuksan ang isang maliit na pinto. Mabuti naman at may sarili rin siyang toilet. Mukhang moderno naman ito kahit pa ang buong kwarto ay gawa lang sa kahoy. Naisip niyang may mahika sigurong ginamit upang maitayo ang dormitoryo. Hinaplos ni Dian ang dingding na kahoy at naalala niya ang kaguluhan kanina. Hindi kasi nakinig ang mga Maginoo kung saan sila magsisipasok kaya nasigawan pa sila ni Datu na huwag pumili ng kwarto dahil may mga pangalan na ang mga pinto. Ang tagal nila tuloy nakatayo sa mga tulay na bitin habang iniisa-isa ni Datu ang mga pangalan at itinuturo ang mga kwarto.
Sa isang higanteng puno ay may dalawampung baitang na tig-dalawang kwarto. Dahil ang mga mag-aaral ay humigit-kumulang limang daan, labing tatlong puno ang magkakakonekta ng mga tulay na nakabitin upang maging mga dormitoryo. Ang ilan sa mga babaeng nakasalamuha ni Dian, nais mag-dorm sa mas mababang baitang. Ang iba naman, lalo na 'yung sumita sa kanya kanina, mas gusto sa mas mataas na baitang. Si Dian ay napasama sa pangkat na malapit na sa tuktok ng puno. Kapag siya ay pumunta sa kanyang balkonahe ay tanaw niya ang kabuuan ng gubat. Para siyang nasa parola at siya ay isang sundalong nagbabantay.
Binuksan niya ang kanyang cellphone at nakitang mauubos na ang battery nito. Dali-dali niyang kinuha ang charger saka naghanap ng masasaksakan. WALANG MASASAKSAKAN. Paano siya tatawag sa kanyang tatay? Tsinek niya ang mga mensahe. Walang pumapasok dahil wala ring signal. Sana pala'y itinapon na rin niya ang cellphone sa balon. Para saan pa na mayroon siyang MP3 folder ng mga kanta ni Map kung hindi rin niya mapapakinggan ang mga ito? Napahiga si Dian sa kama dahil sa panglulumo. Dapat kasi ay bumili na siya ng powerbank!
Biglang narinig niya ang kanta ni Map. Tiningnan niya ang kanyang cellphone ngunit lowbat na ito. Saan nanggagaling ang kanta? Sa labas?
Dali-daling binuksan ni Dian ang pinto at nakitang naghihintay sa labas si Map. Kumakanta.
"Ba't andito ka?" ang tanong ni Dian. Hindi naman siya nagagalit. Kinikilig lang nang kaunti. Hinaharana ba siya ng idolo niya?
"Hindi naman bawal, eh," sagot ni Map habang nakangiti. "May ibibigay lang ako sa 'yo."
Isang sulat ang ipinasa ni Map sa kanya.
"Galing sa tatay mo."
Hindi na napigil ni Dian na tumulo ang luha.
"Salamat," ang nasabi na lang niya.
Alam na ni Map ang gagawin. Kumaway na lang ito at saka tumalon na parang lumilipad pababa sa lupa.
"Sweet dreams!" ang sabi ng binata habang nakalagay sa likod ang dalawang kamay at naglakad nang palayo na parang walang nangyari.
Pagkasara ni Dian ng pinto ay humiga siya sa kama at binuklat ang sulat ng kanyang ama.
"BULAGA!" ANG GUMISING sa natutulog na Pinuno.
Bumungad sa kanya ang mukha ni Map na nakangiti. Sa gulat ay naitulak niya ito.
"Bakit ka naman sa sahig natutulog? May higaan ka naman," tanong ni Map na tumabi sa kanya sa pagkakaupo sa sahig. "Lamig dito."
"Okay na ba ang lahat?" tanong din ang sinagot ni Pinuno.
"Okay na okay," sabi ni Map na tuwang-tuwa sa sarili. "Okay na okay rin 'tong balay mo ha. Pwede bang dito na rin ako tumira?"
"Tumigil ka nga, Mapulon," sabi ni Pinuno na naaasar nang kaunti.
"Ganon, full name talaga, KIDLAT?" sagot naman ni Mapulon habang nanglalaki ang mga mata sa kausap.
"Salamat," ani Kidlat na parang hindi naman nagpapasalamat.
"Pero Kid, umatake sila kanina sa airport," sabi ni Map. Biglang sumeryoso ang tono nito.
"Dito sila susunod na aatake," tugon ni Kid.
"Safe naman dito sa Linangan."
"Walang ligtas na lugar, Map. Tandaan mo 'yan."
"Alam ko naman 'yon," sabi ni Map. Humiga siya at tiningnan ang buwan. "Hindi na ba ako makakabalik sa labas?"
"Bahala ka," sagot ni Kid. "May mga bodyguard ka naman dahil artista ka, pero nakahanda ba ang mga bodyguard mo sa Silakbo?"
Tumawa si Map. Tawang hindi masaya.
"Kung ako nga at si Mang Basilio, muntikan na e."
Hinubad ni Map ang kanyang pang-itaas at ipinakita kay Kid ang mga latay.
"Muntikan na akong malaslas."
Kinuha ni Kid ang isang maliit na panyo sa bulsa. Binuklat niya iyon at naging coin purse ito. Binuksan niya ito at kumuha ng isang maliit na bote ng ointment.
"O heto," sabi niya kay Map. "Baka sabihin mo hindi kita inaalagaan."
"Hindi ako pwedeng masugatan, Kid," ang sabi naman ni Map. "Puhunan ko kaya 'tong physical features ko."
"Physical features," ulit ni Kid. Hindi pa rin ito ngumingiti.
"Napakahirap mo namang pasayahin," sabi ni Map.
"Wala namang dahilan para maging masaya."
Napansin ni Map na hawak ni Kid ang Bakunawa. Itinuro niya iyon.
"Hindi pa ba sapat 'yan na dahilan para maging masaya ka?"
"Ito? Hindi naman saya ang dala nito," sabi ni Kid. "Panganib. Kamatayan."
Napabalikwas si Map. "Well, depende naman sa 'yo kung ano'ng gagawin mo. Basta ako, kung ano 'yong inutos mo sa 'kin, tinapos ko. Mission accomplished."
"Salamat."
"Kung nagpapasalamat ka, ikaw ang maglagay ng ointment sa akin."
Imbes na lagyan ni Kid ng gamot ang mga latay ni Map ay pinaghahataw niya ang mga ito.Napasigaw sa sakit ang huli habang tumatawa.
~oOo~