Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 9 - Balong Malalim (Part II)

Chapter 9 - Balong Malalim (Part II)

NOONG BATA PA si Dian ay takot siyang matulog.

Kasalanan ito ng mga loko niyang kaibigan na kasama sa elementary team ng Arnis. Grade Four siya noon at kakapasok pa lang sa team. Sa unang tingin ay mukhang kiming kumilos ang batang Dian. Mahaba ang buhok na laging nakatirintas at laging malinis ang damit kahit patapos na ang araw sa eskwela. Ngunit upang makibagay sa teammates niyang kung tawagin ni coach ay "magagaspang," nagsimula siyang mag-asal barako.

Isang hapon, habang recess ay nagkumpulan ang magkaka-team sa gilid ng klasrum kung saan sila nagsasanay ng Arnis. Itinaas ni Dian ang isang paa habang sinisipsip ang huling patak ng juice sa Tetrapak. Mataman niyang pinakinggan ang mga ka-team sa usapan nila.

"'Yung kapitbahay namin, hindi na gumising kaninang umaga. Dinala sa ospital. Patay raw."

"Pwede ba 'yon, 'di na magising?"

"Tanga, totoo 'yon. Sabi ng lola ko inuupuan ng Bangungot."

"Tanga, paano naman uupo 'yung Bangungot eh masamang panaginip 'yon?"

"Hindi a. Babaeng malaki ang katawan. Umuupo sa natutulog."

"Magsama kayo ng lola mo, pareho kayong engot."

At siyempre, dahil damay na ang lola, nagkasuntukan na ang magkakaibigan. Hindi na nakisawsaw pa sa usapan ng mga engot si Dian. Naalala na lang niya na hindi siya nakapagsalita hanggang sa makauwi siya sa bahay, kumain ng hapunan, at humiga sa kama.

Hindi niya maipikit ang mga mata. Baka kasi biglang maay umupong babae sa kanya habang siya ay natutulog. Baka hindi siya magising.

Bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang nanay. Akmang papatayin na nito ang ilaw nang napasigaw si Dian ng "Huwag, 'nay!"

Umupo sa tabi niya si Maya at nagtanong ito, "Anak, maga-alas dose na. Hindi ka pa ba matutulog?"

Umiling lang ang batang Dian, sabay yakap sa unan.

"May pasok ka pa bukas." Ngumiti ang kanyang nanay. Marami ang nagsasabi na nakuha ni Dian ang ganda ng kanya ina: ang maliit na hugis ng mukha, maaamong mga mata, maitim at mahabang buhok. Pero ang kanyang balat na kayumanggi, namana niya sa kanyang tatay.

"'Nay, totoo po ba ang bangungot?"

"'Wag mong isipin 'yon. Baka kaya hindi ka makatulog?"

"Sabi po kasi ni Eman kanina, 'yung kapitbahay nila hindi na gumising."

"Ilang tao ba ang kakilala mo na hindi na natulog tapos 'di na nagising?"

"'Yung kapitbahay lang po ni Eman."

"Ganon naman pala. 'Wag mo nang isipin 'yon. Kung 'di ka matutulog, manghihina ang katawan mo. Dadalhin ka rin sa ospital.... Kailangan mo ring magpahinga, lalo na't nagpa-praktis ka ng Arnis."

"Pero 'di po ako inaantok," ang sabi ni Dian.

Tinabihan ni Maya sa paghiga ang anak, saka niyakap.

"Halika nga rito," sabi nito, "gusto mo bang kwentuhan kita?"

Mula noon, tuwing gabi bago matulog si Dian, tumatabi sa kanya ang nanay niya upang siya ay yapusin at sabihan ng iba't ibang kwento – hindi iyong mga kwento nina Snow White o Cinderella, kung 'di iyong tungkol sa mga gustong nilang gawin o puntahang mga lugar – mga pangarap nilang dalawa.

Sa dami ng mga pangarap na iyon, at dahil na rin siguro sa katagalan ng panahon, ay nalimutan na ni Dian ang mga detalye, maliban sa isa. Nais balikan ng nanay niya ang kinalakihang eskwelahan. Doon sa bundok, na may talon at ilog, mga kubo na nakapalibot sa nagtataasang puno na konektado ng mga nakabiting tulay, mga matatayog na kawayan... Iyon ang kwento ng kanyang ina na nakatatak pa rin sa isip niya.

Kung tama ang hinala niya, ito ang isa sa mga pangarap nilang mag-ina na matutupad ngayon. Dangan lamang at hindi niya kasama ang kanyang nanay.

Dahil ilang buwan lang, nang iwan sa kanya ng nanay niya ang maliit na kahon bilang regalo para sa kanyang kaarawan, ay hindi na niya muling nakita ang kanyang ina.

At nagsimulang muli ang takot niyang matulog.

Sa loob ng pitong taon, hinayaan niya ang sarili na matulog nang mababaw – iyong tipong sa konting kaluskos ay magigising na siya. Baka kasi habang siya ay natutulog ay may isang taong bumisita sa kanya. Isang babae na magbabalik upang tabihan siya at yakapin at kwentuhan.

Sa loob ng pitong taon, hindi siya binalikan ng kanyang nanay. Tinanggap na lamang ng kanyang tatay na wala nang babalik.

Ngunit umasa pa rin si Dian. Gabi-gabi, bukas ang kanyang diwa. Naghihintay sa hindi darating.

"ACTUALLY... ANO BA ang alam mo tungkol sa nanay mo?" tanong ni Map na nagpabalik sa diwa ni Dian. "May alam ka ba kung nasaan siya ngayon?"

Napatitig si Dian kay Map. May posibilidad ba na buhay ang kanyang ina? Ilang saglit pa ay sinagot niya ang kausap.

"Hindi na siya nagpakita," ang sabi niya. "Hinahanap n'yo?"

"Ang alam namin... wala na siya," seryosong sagot ni Map. Napabuntong hininga si Dian. Umasa siyang buhay pa ang kanyang ina.

"Pero," patuloy ni Map, habang tinitingnan ang reaksyon ni Dian. "Hindi namin alam kung nasaan siya ngayon. Kung saan siya inilibing."

"Kung magi-stay ako sa Linangan..." Balak ni Dian na gamitin ang dalawang taon upang alamin ang lahat ng dapat niyang malaman tungkol sa kanyang nanay.

Tumango si Map. "Pwede ka naming tulungan. Besides, 'yon na ang ginagawa namin."

Napaisip si Dian. Kung sa pagpasok niya sa Linangan ay mapoprotektahan siya at ang kanyang ama – kahit man lang sa loob ng dalawang taon – at malalaman pa niya ang nangyari sa kanyang ina, mas mabuti nga sigurong sumama siya kay Map.

Sana ay hindi siya nagkamali. Sa ngayon, pagkakatiwalaan niya muna ang binata.

"Malapit na po tayo," ang sabi ni Mang Basilio.

"Ihanda mo na ang kuwintas mo," utos ni Map kay Dian.

"Para saan?"

Ngumiti si Map.

"School ID."

~oOo~