Chereads / Legend of the Bladed Hand / Chapter 11 - Kidlat sa Gubat (Part I)

Chapter 11 - Kidlat sa Gubat (Part I)

HABANG NAG-IISIP SI Dian kung sasagot ba siya o hindi kay Pinuno ay narinig niya ang mahina ngunit masakit na pananalita ng babaeng sumita sa kanya kanina. Maliit ang tinig nito kahit pa ito'y medyo bumubulong. Iyong tipong gusto mong sakalin.

"My God, guys," ang sabi ng babae. Nabaling ang tingin ng lahat sa kanya. "Wala kasing breeding."

Napangisi ang ilang Maginoo sa mga salitang iyon. Naramdaman na lamang ni Dian na ipinatong ni Map ang kamay sa kanyang balikat – parang sinasabing, oo alam ko, gusto mo ng bugbugan, pero kung anuman 'yang iniisip mo ay huwag mo nang ituloy. Mabuti na nga't naroon si Map, kung hindi'y kanina pa niya nilamukos ang mukha ng babaeng ito at siguradong tanggal na siya sa Linangan bago pa man magsimula ang mga klase.

Sa mga sandaling iyon ay hindi napigil ni Dian ang sarili, at ng iba pang Maginoo, na tingnang muli si Pinuno. Parang naghihintay sila ng reaksyon mula sa kanya.

Ngunit hindi nagsalita si Pinuno, bagkus ay nakatitig lang ito kay Dian. Magkasalubong pa rin ang makakapal na kilay. Nagsimula siyang maglakad palayo at iwan ang lahat na parang wala siyang pakialam.

"Tulad ng sinabi ko kanina," ang narinig nilang sabi ni Datu, "hindi ninyo maaaring dalhin ang mga armas ninyo."

Tiningnan ng lahat si Dian. Naghihintay.

Napansin ni Dian na napatigil sa paglalakad si Pinuno.

"Wala akong armas," ang sabi ni Dian. "Kahit pa hubaran ninyo ako ngayon, wala kayong makukuha sa 'kin."

Pilit na tumawa si Map.

"Wala siyang dala, guys," sabi nito. "Kasama ko siya kanina pa. Sigurado ako." Sabay lumingon siya kay Datu at tumango.

"Kung nakapagsakripisyo na ang lahat, sumunod kayo sa akin," utos ni Datu.

ILANG MINUTO RING sinundan ng mga Maginoo si Datu patungo sa mas madilim na bahagi ng gubat. Hindi makapagreklamo ang mga ito sa bigat ng mga bitbit na maleta dahil nasa likuran lang ni Datu si Pinuno at baka kung ano ang sabihin sa kanila nito. Kahit pa may kaartehan ang mga batang ito, sa isip ni Dian, mukhang may takot pa rin sila sa kanilang lider. Hindi inalis ni Dian ang tingin sa likod ni Pinuno habang nagtataka kung bakit naglalakad ito nang walang dalang bag.

Tuluyan nang lumubog ang araw at ang buwan na lamang nag nagsilbing liwanag sa kinatatayuan ng mga Maginoo. Maya-maya pa'y tumigil si Datu sa harap ng isang kalesa na hatak ng isang puting kabayo. Makinang ang puting buhok nitong sinisilayan ng sinag ng buwan. Napaisip si Dian kung bakit sa dami nila – na halos tatlong daang Maginoo – ay bakit nag-iisa lang ang kalesa.

"Sa dako pa roon," ang sabi ni Datu habang nakaturo sa dilim, "ang lagusan patungo sa Linangan."

Narinig ni Dian ang bulungan. Ibig bang sabihin ay lalakarin pa rin nila ang lagusan? Mukhang para lang sa isa ang kalesa. Tinapik siya ni Map at sinabihan ng, "Tara," ngunit hindi sumama si Dian sa kanya. Nanatili si Dian na pinanood si Pinuno.

Kahit pa masama ang loob ng mga mayayamang mag-aaral ay nagpatuloy ang mga ito sa paglalakad. Isa-isa silang nilamon ng dilim.

Nagsimulang maglakad si Pinuno patungo sa kalesa. Inilagay niya ang paa sa tuntungan upang makaakyat.

Hindi namalayan ni Dian na bumalik si Map para sunduin siya. "Dian, let's go."

Nagsimulang maglakad si Dian at nang mapatapat siya kay Pinuno na noo'y umaakyat sa kalesa, bumulong siya kay Map, "Bakit siya lang ang sasakay?"

Napatigil sa pag-akyat si Pinuno. Ilang segundo siyang nakahawak sa kalesa, saka parang napahiya ito at bumaba.

"Hindi ka ba sasakay?" ang tanong ni Datu kay Pinuno.

Umiling si Pinuno.

"Malayo at masukal ang daan papunta sa balay mo," paliwanag ni Datu.

"Maglalakad na lang ako."

Humarap si Pinuno sa kanan kung saan mayroong makitid na daan na pinalilibutan ng mga kawayan. Nagbuntong hininga siya saka nagsimulang maglakad nang mag-isa. Ano ba ang kaibahan nito sa nakasanayan na niya? Alam naman niyang ganito na ang kanyang tadhana – ang mag-isang lumakad sa patutunguhan. Mag-isang lumaban.

~oOo~