Chereads / The King's Avatar (Tagalog) / Chapter 19 - Emperor (4)

Chapter 19 - Emperor (4)

"Makiramdam, makiramdam..." Paulit-ulit na binabanggit nila Seven Fields at ng mga kasamahan niya ang katagang ito hangga't sa malapit na silang mawala sa kanilang isipan.

Sa harapan nila'y hindi na isang halimaw pa ang Spider Emperor, kundi parang isang ordinaryong kalaban na lamang.

Matapos ang makailang ulit na tagumpay sa kanilang mga hangarin ay lubhang naging masaya ang apat, talaga bang nagtagumpay na sila't nararamdaman na nila ang ang tugma at nasasabayan na nila ang isa't-isa?

Dahil sa tuwa nila'y kumalma sila at hindi na nataranta pa, hindi na rin sila kinailangang turuan pa ni Ye Xiu. Matapos ang ilang mga utos sa kasamahan niya ay pinalibutan ni Ye Xiu ang Spider Emperor at pinapatay ang bawat maliliit na gagambang napisa mula sa mga itlog ng Spider Emperor.

"Mag-ingat kayo't ituon niyo lang ang inyong pansin sa labanan! Kaya niyo 'yan!" Ipinaalala ni Ye Xiu ang mga katagang ito sa kanila. Malinaw na madali lang para sa isang tao ang mabagot sa ganitong klase ng paulit-ulit na aksyon. At kung mangyari man iyon ay paniguradong magkakaroon ng trahedya.

Sina Seven Fields at ang mga kasamahan niya naman ay hindi nangahas na ituon ang kanilang pansin sa ibang mga bagay. Nawalan sila ng sapat na oras para mag-alala sa ginagawa ni Lord Grim, dahil alam nila na kapag nagkamali sila ay maaring magkandaletse-letse ang lahat.

Bumagsak na sa kalahati ang Health ng Spider Emperor.

Paulit-ulit na ginawa ni Seven Fields ang mga aksyong kinailangan niyang gawin para patuloy na mapatigil ang Spider Emperor. Sa bilis ng mga pangyayari ay naramdaman niya na para bang namamaga na ang kaniyang mga kamay. Nagsimula silang magkaroon ng agam-agam kung kaya pa ba nilang ipagpatuloy ang lahat ng ito.

Binigyang pansin ni Seven Fields ang kasalukuyang sitwasyon ni Lord Grim. Si Lord Grim ay kasalukuyang tumatalon-talon sa paligid at hinahati ang bawat maliliit na gagambang nakakasagupa niya, pero sa ilang mga sandali lamang ay nagsimulang maglagay ng anim na itlog ang Spider Emperor.

Sabay-sabay ay anim na itlog ang inilagay ng Spider Emperor!

"Naku po!" Tinamaan ng kaba si Seven Fields. Nakita niya, sa dulo ng kaniyang mga mata, ay may isang maliit na gagambang dumeretso kay Sunset Clouds. Sinulyapan niya si Lord Grim, at kaniyang nakita na lubhang malayo ang distansya ni Lord Grim sa maliit na gagambang iyon.

Malinaw na baka hindi niya kayang abutin at patayin ang maliit na gagamba.

Sa huli ay isang "bang", lamang ang kaniyang narinig at sumabog ang katawan ng maliit na gagamba't naging abo na bumagsak sa lupa.

"Anong nangyari?" Nagmamadaling sabi ni Seven Fields. Mabuti na lang ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang gawain niya. Tumatama pa rin ang kaniyang mga atake.

"Parang tinamaan yata ng isang bala ng baril ang gagambang 'yun" Naisip ni Seven Fields. Pero sa mga sandaling iyon ay tanging nasa maliit na gagamba lamang nakatuon ang kaniyang pansin, hindi niya napansin ang armas, at galawan ni Lord Grim.

Matapos maalala ang ginawa ni Lord Grim kanina sa lagusan ng Spider Emperor's Den, nalaman niya sa wakas na talagang may ibang armas na dala si Lord Grim.

Ngayon ay naging dalisay na ang pakiramdam ni Seven Fields, sinulyapan niya ang kaniyang mga kasamahan. Nakita niya na bawat isa sa kanila ay nakatuon ang pansin sa kasalukuyan nilang ginagawa, ni isang beses ay hindi man lang sila tumalikod para matingnan si Lord Grim.

Pero hindi siya nangahas na sabihin sa mga kasama niya ang kakaibang nangyari kani-kanina lang, dahil hindi maaring magkaroon ng kahit na anong distraksyon sa harapan nila sa kasalukuyang takbo ng labanan.

"Sana ay wala nang mangyayaring aksidente..." Tahimik na hiniling ni Seven Fields sa kaniyang puso.

Sa mga sandaling ito ay si Sleeping Moon naman ang nagkaroon ng problema. Halos hindi na nga niya maramdaman ang kaniyang mga kamay, kung gumagalaw pa ba ang mga iyon o hindi na.

Ang mga mata niya ay nakatuon lamang sa screen na nasa harapan niya, nang biglang nakaramdam siya ng matinding pagkahilo, at biglang nagdilim ang kaniyang paningin.

Makiramdam... Kailangan kong maalala ang pakiramdam na 'yun...

Magpakatatag ka! Hinimok ni Sleeping Moon ang kaniyang sarili. Takot siyang makagawa ng pagkakamali, pero hindi lang 'yan ang dahilan ng lahat ng ito.

Alam niya na parang hindi na maganda ang pakikitungo ng mga kaibigan niya sa kaniya, at idagdag pa na ayaw niyang hamakin siya ni Lord Grim. Iyan ang mga dahilan kung bakit nagsikap at nagpurisigi si Sleeping Moon na ipagpatuloy ang lahat ng ito kahit na pagod na pagod na siya.

Pero nagbunga ang ginawa niyang paghimok sa kaniyang sarili, dahil wala pa siyang nagagawang kahit na anong pagkakamali. Pero sa mga sandaling ito, biglang napasigaw si Drifting Water.

May nagawa siyang pagkakamali!

Nung kakapasok pa lamang nila sa lugar na ito ay siya ang manlalarong naging pinakamabagal sa kanilang lahat, at nung sinimulan na nila ang labanan siya rin ang palagiang nagkakamali. Matapos magpursigi ng matagal-tagal ay sa wakas, may nagawa na rin siyang pagkakamali.

At gaya kanina ay ang pagkakamaling nagawa niya ay naging masyadong mabilis siya! Kahit na kasalukuyang hindi pa rin nakakagalaw ang Spider Emperor, kapag ginamit na ni Sleeping Moon ang kaniyang mga Skill. Ano na?

Dahil lubhang naging mas mabilis ang paggalaw ni Drifting Water ay nasa cooldown pa rin ang mga Skill ni Seven Fields, wala pa siyang magagamit na Skill para mapatigil ang Spider Emperor.

Napuno ng kaba ang mga puso nilang lahat, at sa kaloob-looban nila'y umasa sila na sana ay may gawing himala na naman ang kanilang Kuhay Mahusay. Pero sa huli, nakita nila na naglagay ng walong itlog ng sabay-sabay ang Spider Emperor.

Wala na... Sumuko na ang apat. Matapos makitang ginamit na ni Sleeping Moon ang kaniyang mga Skill, ay wala na siyang nagawa kundi ang tingnan na lamang si Seven Fields.

Walang kahit na anong Skill si Seven Fields na maari niyang magamit, at dahil dito ay hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Hindi niya inakala na matapos magpursigi ng ganoon katagal ay ganito lang pala ang mangyayari.

"Seven Fields, umalis ka sa daan!"

Sa kalagitnaan ng kanilang paghihinagpis ay isang boses ang naging liwanag sa ilaw ng kadiliman, walang anu-ano ma'y kaagad na tumakbo sa isang tabi si Seven Fields. Isang Battle Lance ang lumipad at gumuhit sa ere. Gumamit si Lord Grim ng isang Dragon Tooth para saksakin ang Spider Emperor.

Nailapat ang Stun Debuff, pero dahil sa ibinaling ni Lord Grim ang kaniyang pansin sa Spider Emperor, ay hindi niya nagawang patayin ang walong maliliit na gagamba.

Naguluhan ang lahat, naguluhan sila kung aatakihin pa ba nila ang Spider Emperor o papatayin na muna nila ang mga maliliit na gagamba.

Pero sa mga sandaling ito, nakita nila na si Lord Grim ay biglang lumakad ng dalawang hakbang sa harap, at hindi inaasahang nabiyak ang kaniyang Battle Lance sa dalawa. Hinawakan ng dalawa niyang kamay ang Battle Lance at binuhat ang Spider Emperor.

"Hmmph!" Sinamantala niya ang pagkakataon na tumayo ang Spider Emperor para mabuhat niya ang halimaw na iyon at gamit ang isang Iron Bridge, hinampas niya ang Spider Emperor sa lupa.

Grappler Skill: Back Throw.

Hindi lang naglalapat ng pinsala ang Skill na ito sa pangunahing pinupuntirya, ngunit naglalapat rin ito ng pinsala sa mga halimaw na nasa paligid. Ang Back Throw ni Lord Grim ay tumama sa lugar na kung saan nagkakatipon ang walong mga maliliit na gagamba.

Dahil dito ay tinamaan silang lahat at kaagad na naging bangkay.

"Seven Fields!" Sumigaw si Ye Xiu. Kanina pa ay nakahanda na si Seven Fields. Kaagad niyang sinipa ang halimaw, at ngayon ay hindi pa rin nakakagalaw ang Spider Emperor.

"Mag-ingat kayong lahat, hindi ko kayo maliligtas palagi." Sabi ni Ye Xiu.