Chereads / The King's Avatar (Tagalog) / Chapter 22 - Pagreretiro ni Ye Qiu

Chapter 22 - Pagreretiro ni Ye Qiu

Hindi pa rin maintindihan ni Chen Guo. Kahit walang pakialam si Ye Xiu, bakit siya tinanggap ng kabilang grupo sa party?

"Ano ba talaga yung nangyari?" Tanong ni Chen Guo.

"Hula ko noong una nila akong sinali, may masama silang plano sa akin. Pero pagkatapos nilang Makita na maayos ako maglaro, ramdam siguro nila na ang laki kong tulong kaya hinayaan na lang nila ako." Sabi ni Ye Xiu.

"Nagtrabaho ka sa kanila ng walang kapalit?" Si Chen Guo na ang naasar para kay Ye Xiu.

"Wala 'yon. Okay lang." Habang sinasabi ito ni Ye Xiu, may humagibis na lance at pinatay nito ang Spider Lord na pinaligiran nilang lima. Maraming nakitang system messages si Chen Guo sa chat box. Pinili nila Seven Fields, Sleeping Moon, Sunset Clouds, at Drifting Water na talikdan ang equipment na drop mula sa Spider Lord.

"Anong ibig sabihin nito?" Namangha si Chen Guo.

"Ang laki siguro ng silbi ko sa kanila kaya pinilit nila akong maunang pumili ng equipment. Hay, wala akong magagawa!" Habang sinasabi ito ni Ye Xiu, desidido niyang tinalikdan ito. Dahil lagi siya ang pinapaunang mamili, kanina pa siya nakakolekta ng isang set ng Blue equipment. Pero hanggang ngayon, gusto pa rin siyang paunahin ng mga kagrupo sa pamimili.

Halos napipi si Chen Guo. Masyado naman atang nagpapakumbaba si Ye Xiue sa deskripsiyon niya. Paano 'to gumagana sa kanila? Hindi ba siya ang boss? Core lang ng party ang pwede sa priority picks pagkatapos makapatay ng BOSS. Maliban doon, may tagong kondisyon pa na dapat magkakaibigan kayo na alam ang isa't isa. Pero itong party members? Bago siya matulog, parang magkakaaway pa sila. Noong nagising siya, paanong parang magkakapatid na sila?

"Klaruhin mo kung paano 'to nangyari?" Hindi titigil si Chen Guo hangga't 'di niya nalalaman ang sagot.

"Kasi marami nga akong tinulong sa kanila!" Sabi ni Ye Xiu.

"Gaano karami?"

"Ako yung nagbuhat sa kanila para sa first clear ng Spider Cave at Spider Emperor." Wika ni Ye Xiu. "Nakakumpleto ka ng tatlong first clears sa isang gabi?" Gulat na gulat si Chen Guo. Limang taon niya nang nilalaro si Chasing Haze ngunnit wala siyang first clear na nakapaskil sa pangalan niya ni isa. Itong si Ye Xiu naman na buong gabi hanggang umaga lang naglaro, hindi pa nga umabot ng saktong 12 oras pero nakakuha na siya ng tatlong first clears. Kagulat.

"Swertehin ka sana." Sabi ni Ye Xiu sa kanya. Nag-unat siya at tumayo mula sa upuan. Nag-log out na rin ang party members. May mahinang paalam siyang narinig mula sa kanyang headphones. Kinuha ni Ye Xiu ang headphones mula sa kamay ni Chen Guo at sumigaw ng "Kita ulit tayo mamaya!" bago mag-log out sa laro.

"Inaantok na ako. Matutulog na lang muna ako." Sabi ni Ye Xiu.

"Gusto mo bang kumain muna bago ka matulog?" Habang nagtatanong si Chen Guo, tiningnan niya si Ye Xiu at wala siyang nakitang bahid ng antok sa pagmumukha nito. Nag all-nighter siya at may umaga pa. Mukha rin naman siyang pagod pero konti lang. Kaso nga lang, kahapon, noong unang beses silang nagkita, parang sobrang lungkot niya at parang kalahating patay na siya. Hindi niya talaga masabi kung dahil ba iyon sa kulang na tulog.

"'Di na kailangan! Kakain na lang ako pagkagising!" Pinatay ni Ye Xiu ang computer at tumakbo. Binigay ni Chen Guo sa kanya kagabi ang susi sa bodega ng ikalawang palapag. Pagkatapos buksan ang pinto ng nakakaawang maliit na bodega, tinakpan niya ang mukha ng unan at natulog. Sa kwartong ito, bagay namang matulog dito kapag umaga nang maayos. Kapag nakasara ang pinto, may konting ilaw na nanggagaling sa bintana ngunit hindi naman siya naiistorbo nito.

Mabilis nakatulog si Ye Xiu. Maganda at mahimbing din ang naging tulog niya. Pagkagising niya ay gabi na naman. Ang hirap isipin na nakakatulog ng maayos ang taong nakaranas ng matinding pagtaas-baba. Umupo siya sa kanyang higaan ngunit hindi niya binuksan ang ilaw. Nagsindi siya ng sigarilyo at pagkaubos nito, tumayo na siya at umalis ng kwarto.

Sarado ang pinto sa dalawang maliit na silid-tulugan. Alam ni Ye Xiu na ang isa sa mga kwarto ay kay Chen Guo samantalang ang isa naman ay sa para sa dalagang nagngangalang Tang Rou. Narinig niya na matagal nang nagtratrabaho si Tang Rou sa Internet Café. Halos dalawang taon na raw siyang nag-tratrabaho rito ngunit ngayon lang siya nagpaalam para magbakasyon ng ilang araw. Para sa mga ibang empleyado na nangangailangan ng titirhan, nakatira sila sa apartment na malapit sa Internet Café. Ang kwarto ni Ye Xiu ngayon ay para sa mga naghihintay ng bakante. Ipinangako ni Chen Guo na kapag may umalis na empleyado, pwede na siyang lumipat doon.

Nang pumunta siya sa banyo, may nakita siyang sticky note sa salamin. Dahil sa inip, binasa niya ang nakalagay sa sticky note at nalamang para sa kanya pala iyon. Naghanda si Chen Guo ng tuwalya at sepilyo para sa kanya.

Kinuha niya ang sticky note at medyo di niya alam kung ano ang gagawin. Hindi niya naisip na maasikaso pala ang kanyang boss. Masasabi niyang nagpapasalamat siya kay Chen Guo dahil dito.

Pagkatapos ayusin ang tuwalya at sepilyo, inikot muna ni Ye Xiu ang tingin niya. Alas nuebe na pala. Wala pa siyang kinakain buong araw. Pumasok siya ng Internet Café at na-abnormalan. Kahit na mas mahal at mas mataas ang kalidad ng ikalawang palapag, parang may kulang pa rin. Litong bumaba si Ye Xiu. Sa huli, habang pbaba siya ng pababa, para bang mas lalong dumidilim. Walang nakabukas na ilaw sa unang palapag ng Internet Café.

"May nangyari ba?" Litong inikot ni Ye Xiu ang tingin. Napansin niyang kahit nakapatay lahat ng ilaw sa unang palapag, sobrang dami ng tao at may konti pang nakikisiksik. Sa pader sa may bandang timog, may malaking projection na nakasabit sa taas. May pinakitang senaryo ang projector at umalingawngaw ang tunog nito sa buong Internet Café. Tahimik lang ang lahat, nakaupo man sila sa harap ng kanilang computer o nakatayo sa daanan. Parang nakalimutan nila kung ano ang silbi ng Internet Café at para bang nasa sinehan sila, tahimik nilang pinagmamasdan ang projector. Mabilis ding narinig ni Ye Xiu ang commentator na nagsasalita sa projection. Limang salita na napakapamilyar para sa kanya.

Ye Qiu, One Autumn Leaf.

Ang projection na ipinapakita, sa kanyang gulat, ay parte ng kasaysayan ng professional career niya sa Glory. Buong pusong inilarawan ng commentator ang serye ng mga nakuha niyang titulo sa Glory.

Tatlong beses na league champion, tatlong beses na MVP, dalawang beses na Rising Star, at isang beses na One Hit, One Kill.

Si Ye Qiu ang nasa tuktok ng Glory Professional Alliance. Siya ang modelo ng bawat professional Glory player.

"Ngayon, alalahanin nating lahat ang Battle God One Autumn Leaf na kinontrol ni Ye Qiu sa pamamagitan nitong serye ng nakakabilib na imahe." Gumamit ang commentator ng napakalungkot na tono sa pagsasalita. Dati, nagsisigawan ang mga tao sa bawat pagkakataon na nakakakita sila ng kanyang larawwan. Ngunit ngayon, napakatahimik ng Internet Café. Walang sigawan. Tahimik lang silang nakatingin sa mga larawang nagpapakita isa-isa. Alam nila na mula ngayon, lahat ng larawang iyon ay parte na lamang ng nakaraan.

Sa araw na iyon, nagtawag ang Excellent Era Club para sa news conference at inihayag ang pagreretiro ng kanilang team captain na si Ye Qiu.

Ang misteryosong eksperto naman na ito ay hindi man lang pumunta sa sarili niyang retirement news conference. Lagda lang ni Ye Qiu sa kontratang nagsasaad ng kanyang pagreretiro ang ipinakita nila sa mga tao. Sinabi rin ng manager ng Excellent Era na tinanggihan ni Ye Xiu ang ibang posisyon sa club at umalis ng Excellent Era Club mag-isa.

Tuloy-tuloy ang pagkutitap ng screen. Duels, slaughters, records. Pinakita ng commentator ang malungkot na sitwasyon ng Excellent Era at ni Ye Qiu. Sa loob ng Internet Café, rinig na rinig ang mga mahihinang hagulhol mula sa mga manlalaro ng Glory.