Sa ilalim ng madilaw na ilaw, nagmukhang mas maputla si Xinghe.
"Minor na aksidente lamang ang nangyari. Sinabi na din ng doktor na hindi ito seryoso. Magiging ayos din ako pagkatapos ng ilang araw na pahinga.", ayaw na niyang magsabi pa ng iba at baka lalong mag-alala ang kanyang tiyo, "Tito, mahina pa ang iyong katawan, bakit hindi ka muling bumalik sa iyong higaan?"
May sakit sa bato si Chengwu. Isa pa, isa siyang general cleaner kaya kailangan niyang matulog ng maaga upang maaga din siyang makapasok sa trabaho.
"Masama ang kutob ko noong hindi ka pa umuuwi, kita mo iyan may nangyari na ngang masama sa iyo," malungkot na sabi ni Chengwu, "Hindi pa ba sapat na naaksidente ka na noon anim na taon na ang nakalilipas? May galit yata ang Diyos sa Xia Family…"
Mahirap makipagtalo sa lohika ni Chengwu dahil tunay namang hindi mainam ang nararanasan ng Xia Family.
Namatay ang kanyang ama, nawala ang kanyang memorya pagkatapos ng aksidente, at maging ang kanyang kasal ay nauwi sa diborsyo.
Noong malayo sa kanila ang swerte, nagkasakit naman si Chengwu sa bato at ang gastusin sa buwanang dialysis niya ay halos umubos na ng panggastos nila sa araw-araw.
Ang anak na lalaki ni Chengwu na si Xia Zhi ay isang matalinong estudyante, at nararapat sa pinakamagaling na unibersidad ng kanilang bansa.
Ngunit dahil sa iniisip niya na huwag nang dumagdag pa sa gastusin ng kanilang pamilya ay mas pinili pa niyang mag-aral sa isang lokal na kolehiyo. Mas mababa ang gastusin ngunit nilimitahan nito ang magandang kinabukasan sana ng binata.
Ngayong naaksidente na naman siya kaya naiintindihan niya kung bakit ganoon na lamang ang sama ng loob ng kanyang tiyuhin sa Diyos dahil sa mga pangyayari sa buhay nila.
Ngunit tahimik na nagpapasalamat si Xinghe dahil sa aksidenteng ito ang nagbalik ng kanyang nawalang alaala.
"Tito, tingnan mo ako, ayos lang ako kaya huwag ka nang mag-alala. Nagpapasalamat pa nga ako sa aksidente ngayon dahil bumalik na ang nawawala kong memorya. Kaya sigurado akong magbabago na ang kapalaran ng pamilya Xiä mula ngayon."
Parehong nagulat si Xia Chengwu at Xia Zhi sa narinig.
"Seryoso ka ba Ate?"
Tumango si Xinghe, "Bakit ako magbibiro sa ganitong usapin? Hindi ako makatulong sa pamilyang ito dati dahil sa wala akong maalala, pero ngayon magbabago na ang lahat."
"Yay, Ate. Nabalik na ang nawala mong alaala!" masayang sambit ni Xia Zhi. Ngayon ay 20 taong gulang na siya ngunit mananatili siyang bata sa isipan ni Xinghe.
Ngunit bigla itong may naisip at naging kakaiba ang ngiti nito.
Sa isang banda, si Chengwu ay mas naging masaya para kay Xinghe. Hindi niya naisip na ang pagbabalik ng alaala ni Xinghe ngayon ay may epekto sa pagtingin nito sa mga paghihirap nila ng mga nagdaang taon.
Naiintidihan ni Xia Zhi ang mga panahong nawala ang alaala ni XInghe at ang mga pangyayaring naranasan ng pinsan noong mga nagdaang taon na mahirap sikmurain.
Kung tutuusin, nahirapan si XInghe na tanggapin ito.
Ngunit hindi siya ang tao na nananatili sa nakaraan. Dali-dali niyang natagpuan ang sarili.
Nagpaalam si Xinghe na siya ay magpapahinga dahil sa napagod siya pagkatapos ng ilan pang palitan ng salita sa kanyang pamilya.
Bumalik na rin sa kanyang higaan si Chengwu.
Noong naghahanda ng matulog si Xinghe, nakarinig siya ng mahinang katok. "Ate, tulog ka na ba?"
"Gising pa ako, pasok ka," sagot ni Xinghe at naupo siya sa kanyang kama.
Pumasok si Xia Zhi na may dalang mangkok ng lugaw.
"Ate, naisip ko kasing baka hindi ka pa kumakain kaya gumawa ako ng lugaw mula sa tira nating pagkain. Nilagyan ko na din ng itlog para dagdag na protina na makatutulong sa iyong paggaling. Ingat, mainit pa ito."
Mapagmahal na sambit nito at inilapag na ni Xia Zhi ang mangkok sa mesang nasa tabi ng kama.
Tiningnan ni Xinghe ang binatilyo na nakatindig sa tabi ng kanyang kama. Anim na taon ang nakalipas, si Xia Zhi ay isang estudyanteng walang muwang, dalisay at may mabuting puso. Ngayon, nawala na ang kadalisayan sa kanyang mga mata ngunit nanatiling mabuti ang puso nito.
Tama si Xia Zhi na hindi pa siya nakakakain simula nung umagang iyon. Kinuha niya ang maliit na mangkok at unti-unting sumusubo ng lugaw.
Umupo si Xia Zhi sa paanan ng kanyang kama, nakatitig sa kanya at makikita ang sari-saring emosyon sa kanyang mga mata. "Ate, natatandaan mo na ba ang lahat?", ang tanong na din niya sa wakas.