Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 6 - Hindi na Hawak ng Kapalaran ang Buhay Niya

Chapter 6 - Hindi na Hawak ng Kapalaran ang Buhay Niya

Isa himala na ang aksidenteng iyon ay hindi pumatay kay Xinghe, at alaala lamang ang nawala.

Bago pumanaw ang kanyang ama –malamang ay naramdaman nitong may masamang balakin ang bagong asawa – ay agad na nakipag-ugnayan sa matandang Mr. Xi at nakiusap na maikasal si Xinghe sa Xi Family.

Kaya pagkamatay niya, si Xinghe na nawalan ng alaala ay naging asawa ni Mubai.

Pagkatapos ng mga kasiyahan at problema, napagdesisyunan niya na makipagdiborsyo at nilisan ang pamilyang Xi.

Ang diborsyo niya ay usap-usapan sa buong siyudad kung kaya't imposibleng hindi ito malaman ng kanyang madrasta. Iyon nga lang, sa loob ng tatlong taon, hindi siya nito inalok ng tulong. Sa totoo lamang, lumapit na si Xinghe upang humingi ng tulong noong muntikan na siyang mawalan ng tirahan ngunit itinaboy lamang siya ng madrasta.

Ang biglaang pagbabago sa ugali bago at pagkatapos ng aksidente ay sobrang nakakabahala kaya kahit sino ay mag-iisip na may kinalaman ang mag-ina sa pagbagsak ni Xinghe.

At naniniwala siya na ang kanyang madrasta at ang stepsister niya ang may pakana ng kaniyang aksidente!

Ngayong napagmuni-muni na niya, maging ang pagkamatay ng kanyang ama ay kahina-hinala.

Hindi naman palainom ng alak ang kanyang ama, kaya paano nangyari na nahulog ito sa hagdanan dahil sa kalasingan?

Sumumpa si Xinghe na alamin ang katotohanan at pagbayarin si Wu Rong [1] at Wushuang [2] sa kanilang ginawa!

Nang lisanin niya ang istasyon ng pulis, matagal ng lumubog ang araw.

Hindi bumalik si Xinghe sa ospital kundi dumeretso siyang umuwi.

Ang diborsyo niya kay Mubai ay iniwan siyang walang pera. Ang kanyang tiyuhin ang kumupkop sa kanya.

Si Xia Chengwu ay ang nakababatang kapatid ng kanyang ama, at dating nagtatrabaho sa hotelier business ng pamilya Xia. Ang kanyang katapatan at kakulangan sa katalinuhang humawak ng negosyo ang naging hadlang upang siya ay maging matagumpay na propesyunal.

Ang kanyang madrasta at anak nito ang kumuha ng lahat ng ari-arian ng kanyang pumanaw na ama, at walang natira para sa kanya, sa tiyuhin at sa pinsan niya. Natagpuan ni Xinghe na pareho sila ng sitwasyon ng pamilya ng kanyang tiyuhin.

Ngunit mabait ang kanyang tiyuhin at pinilit nito na manatili si Xinghe sa kanya. Itinuring siya ng tiyuhin na parang tunay na anak.

Ang utang na loob na ito, babayaran ni Xinghe habang siya ay nabubuhay.

Pagkatapos ng mga maruruming eskinita, natagpuan ni Xinghe ang sarili sa isang magulo at sira-sirang residensyal na lugar. Nagpatingin-tingin siya.

Hindi kalabisan na tawagin itong slum area.

Madumi, mabaho at magulo ang naaangkop na paglalarawan dito.

Hindi inakala ni Xinghe na mauuwi siya sa lugar na ito.

Bago nawala ang kanyang memorya, nabuhay siya sa karangyaan. Kahit wala ang kayamanan ng kanyang ama, kaya niyang mabuhay ng marangya dahil sa kanyang talento at abilidad.

Sa gulong ng buhay, dati siyang matayog at mapagmataas.

Ngunit bigla siyang ibinaba ng kapalaran.

Isang aksidente ang nagbaba sa kanya hanggang sa dumausdos siya mula sa itaas, at nagdala sa kanya sa lugar na ito.

Ang kapalaran niya ay maihahalintulad sa mga asawa ng hari sa mga lumang Chinese drama; paborito noong una, inabandona kalaunan.

Hindi mahirap makita na naging masama ang kanyang loob noon.

Pero ngayong nagbalik na ang kanyang alaala, babawiin niya ang lahat ng nawala sa kanya!

Sa kanyang talento at abilidad, naniniwala siyang makakaalis din siya sa lugar na ito.

Hindi na hawak ng kapalaran ang buhay niya ngayon!

Huminto si Xinghe sa tapat ng isang luma ngunit matibay na pintuan at mahinang kumatok.

Mabilis na bumukas ang pintuan at nakita niya ang payat na binata. Agad itong nagtanong, "Ate, ano ang nangyari sa iyo? Bakit ang dami mong sugat?"

Malumanay na sumagot si Xinghe. "Wala ito. Nabundol lamang ako, hindi naman seryoso ang mga sugat ko."

"Xinghe, ikaw ba iyan? Gaano kaseryoso ang aksidente, nagpunta ka na ba sa ospital, saang parte ng katawan mo pa ang may pinsala?", si Chengwu na may kulay abong buhok, ay agad na lumapit upang kilatisin si Xinghe, "May masakit pa ba sa iyo? Sino ang nakabundol sa iyo?"

"Malubha ba ang tama mo ate? Kailangan mo ba ng tulong?"

Dahil sa punung-puno ng pag-aalalang tanong kanyang tiyo at pinsan, nag-init ang puso ni Xinghe.