Chereads / Hidden Marriage (Tagalog) / Chapter 20 - Nagkalat sa lahat ng dako ng Entertainment Industry ang mga Ex niya

Chapter 20 - Nagkalat sa lahat ng dako ng Entertainment Industry ang mga Ex niya

Chapter 20: Nagkalat sa lahat ng dako ng Entertainment Industry ang mga Ex niya

Pagkaalis ng dalawang matanda pagkatapos ng hapunan, lumapit si Lu Jingli sa kanyang kapatid para sa kanyang gantimpala, para siyang asong kumakawag ang buntot. "Kuya, ang galing ko 'di ba? 'di ba?"

May ibinatong maliit na bagay ang kapatid niya sa kanya.

Nasalo ito ni Lu Jingli sa isang kamay. "Anong laruan 'to?"

Habang tinitignang mabuti, nanlaki ang mga mata nito.

Susi ito ng sasakyan. Susi ito ng 100th anniversary Bugatti race car na matagal na niyang minamata, nag-iisa lamang ito!

"Oh! Ang pinakamamahal ko!" niyakap ni Lu Jingli ang susi at hinalik-halikan. "Kuya, I love you!"

Kahit kailan ay 'di bumigay si Lu Tingxiao noon kahit na anong pangungulit ni Lu Jingli sa kanya. Sinong mag-aakalang ibibigay ito sa kanya ng kuya niya sa dahilan lamang ng kaswal niyang pagsabi ng kung anu-anong salita sa harap ng mga magulang nila?

Mas mataas ang katayuan ng Ning Xi na 'yun sa puso ng kuya niya – higit pa sa akala niya!

Habang iniisip 'to ni Lu Jingli, lalo rin siyang 'di mapakali. "Kuya, sigurado ka bang si Ning Xi? 'Di ka nagbibiro at gusto mo talagang magpakasal?"

"Magpakasal," mariin ang boses ni Lu Tingxiao at walang puwang para sa pagdududa o anuman.

Napabuntong-hininga si Lu Jingli. Dahil siya ang may karanasan, siya ang nagbigay ng payo. "Kung ganun, hayaan mo akong ipaalala sa'yo na ihanda ang sarili mo. Ang paghabol sa mga babae, parang paglalaro ng video game. May iba't ibang levels: easy mode, normal mode, difficult mode, at hell mode. At sigurado akong sa hell mode si Ning Xi!

Kadalasan, ang mga babae may kahinaan, pero kay Ning Xi, gusto mo gumamit ng pera? Sa ganda niyang 'yun 'di pa rin siya kagila-gilalas sa industriya, ibig sabihin 'di siya 'yung tipong tumatanggap ng mga financial sponsor at shady deals. Gusto mong gumamit ng pag-ibig? Tignan mo 'yung mga naging lovers niya noong nasa ibang bansa pa siya. Nasa lahat ng dako ng entertainment industry ang mga ex niya at lahat sila kakaiba. Nung una kong nakita 'tong listahan, bumilib ako, 'di pa ako napapabilib ng ganito noon!

At kung gusto mo siya mabuntis? 'Wag mo nang balakin pa at isiping gagana, naka-focus siya sa career niya ngayon at ayaw niya magka-anak. Kahit subukan ko mismo, 80% ang tsansang GAME OVER na para sa'kin; para sa baguhang tulad mo isasakripisyo mo lang ang Experience Points mo!"

Masama ang tingin sa kanya ni Lu Tingxiao. "100%"

Napangisi si Lu Jingli. "Okay, okay, okay, 100% GAME OVER para sa'kin, 'wag mo masyadong pansinin ang mga maliit na baga, pwede ba? Ang punto ko, pusta ko pareho kami ni Ning Xi, 'yung tipong ayaw magpakasal o magka-anak. 'Yung mga ganitong klase ng tao may pag-aalinlangan sa pag-ibig, kalayaan ang buhay niyan. Kung gusto mong laru-laro lang? Madali 'yun. Kung ang gusto mo kasal? Naku mahirap 'yan!"

"'Yan ay dahil wala ka pang nakilalang gusto mong pakasalan o makasamang magka-anak."

Ang madalas na mahigpit at malamig na mukha ni Lu Tingxiao ay naging maamo mula sa liwanag sa bintana.

'Di makapaniwala at binilang ni Lu Jingli kung ilang salita ang lumabas sa bibig ng kapatid niya. "Ah, ang mga taong in love talaga kakaiba, kahit walang experience binibigyan ako ng leksyon! Pero may sense naman 'yung sinabi mo! Bale ano na? Kailangan mo pa ba ang pinakamamahal mong kapatid para tulungan ka?"

Binigyan lang siya ni Lu Tingxiao ng dalawang salita. "No need."

Nabahala si Lu Jingli. "Anong 'no need'? Iba ang pagsuyo sa babae sa pag-close ng business deal. Isipin mong mabuti. 'Di mo ba talaga kailangan ang matalino, gwapo, mala-diyos at habuling coach…"

Pilit pang itinataas ni Lu Jingli ang sarili nang biglang bumukas ang pinto ng study room.

Lumingon ang dalawang magkapatid para tignan.

Nakatayo sa may pintuan si Little Treasure.

Bakas ang gulat sa mga mata ni Lu Tingxiao.

"Ah, Little Treasure…" nagulat din si Lu Jingli.

Talaga bang lumabas si Little Treasure sa kanyang kwarto ng ganitong oras?