Chereads / My Wife is my Father's Mistress / Chapter 14 - Chapter 13

Chapter 14 - Chapter 13

Elyssa

Nakaday-off ako ng dalawang araw. Ngayon ang balik ko sa club kaya naman napaaga ako. Nasa locker room na ako at bihis na nang dumating ang ibang mga kasama ko. Mga waitress at mga babaeng binabayaran para tumeybol. Inihanda ko ang sarili ko dahil alam kong ako ang unang-una na makikita ni Bev.

Pero nabati ko na lahat walang Bev na sumulpot. Nangawit tuloy ang leeg ko kakalingon doon at dito.

Nakakunot noong sinarhan ni Alice ang tingin ko sa pinto.

"Hindi ka mapakali riyan, may hinahanap ka?" mataray na tanong niya. Tinaasan pa talaga ako ng manipis niyang kilay.

"W-wala naman," nauutal kong sagot at pilit na ngumiti.

"Don't worry. Walang mambubully sa iyo ngayon. Kahapon pa hindi pumasok iyong si Bev. Hindi na yata makalakad dahil pinahirapan!"

Kunot noo kong hinarap si Alice. Inismiran ako.

"Pihirapan sa kama! Iyong lalaking lagi niyang ka-table, binayaran siya para sumama. Ang gaga ayun! Nasarapan yatang bumukaka!" Sarkastiko niyang saad. Nagtawanan ang ibang nakarinig. Maging ako man ay napangiti na sa sinabi ni Alice. Sabagay, hindi lang naman isang beses na nangyari ang ganoon sa mga babaeng sumasama sa customer. Minsan nga kapag nagustuhan ang serbisyo nila, ibinabahay na rin sila.

Pero karamihan bumabalik kasi napagsawaan na.

"Girls, marami nang customer. Larga na!"sita sa amin ng baklang manager. Nagkumahog na kaming lahat na umalis doon sa staff room.

Nagkanya-kanya na kaming lahat. Pupuntahan ko na sana ang isang table nang may sumitsit sa akin.

Nagsalubong ang aking kilay. Nakakabastos lang ang paraan ng pagsitsit ng taong iyon. Inignora ko iyon pero umulit kaya napabaling ako sa pinakadulong lamesa. Naningkit ang mga mata ko nang makita si Ali, malawak ang ngiti at itinaas ang bote ng beer na iniinom.

Pinandilatan ko siya ng mata. Lalo lamang siyang natawa dahilan ng paglabas ng biloy na nagustuhan ko sa kanya. Napapailing na lamang ako na tumalikod at inasikaso ang ibang customer.

Minsan ay napapalingon ako sa kanya pero hindi ko pinuntahan. May mga nag-uunahan kasing mga waitress na silbihan siya. Kaya lang sa tuwing mapapadaan ako sa gawi niya lagi niya akong sinisitsitan para kunin ang atensiyon ko.

Iniignora ko siya hanggang sa makakaya ko. Alas onse pa lang ay halos kalahati na lamang ang customer. Ito ang araw na pinakamatumal dahil hindi nila masyadong gusto ang pagtatanghal. Hindi ito patok sa manonood.

Naglilinis ako sa kabilang mesa kung saan malapit kay Ali. Huling lamesa bago ako magpahinga. Nararamdaman kong pinapanood niya ang bawat kilos ko nang muli niya akong sitsitan. Binagsak ko ang basahan na panlinis ko at hinarap ko siya.

Iyon lamang hindi ko inaasahang nasa malapit lamang pala siya. Nabangga ko ang kanyang katawan dahilan ng muntikan kong pagkakabuwal. Naagapan naman niya lamang ako at nahawakan sa beywang.

Biglang nanuyo ang lalamunan ko at nakabuka pa ang bibig. Bigla na lamang bumilis ang tibok ng puso ko. Naitulak ko siya ng bahagya. Binitawan niya naman ako noong maayos na akong nakatayo.

"Sorry, nagulat ba kita?"

"Hmmm! Hindi ka lang nanggugulat, nakakainis ka pa!" asik ko sa kanya. Paraan ko para pakalmahin ang puso kong naghuhumerantado sa hindi malamang dahilan. At para na rin itago ang pagkataranta ko sa presensiya niya. Kung bakit ganito ang epekto niya sa akin ay hindi ko maintindihan.

"Paumanhin naman, hindi mo kasi ako pinapansin eh," sabi niyang napakamot pa sa batok. Napalabi ako sa kanya.

"At bakit kita pag-aaksayahan ng panahon ko eh nagtatrabaho ako!" mataray kong saad sa kanya. Pinameywangan ko pa.

Hindi niya ako pinansin. Naupo siyang muli sa kanyang mesa.

"Halika rito, samahan mo ako," anyaya niya sa akin na ikinataas ng kilay ko. Tinampal pa nito ang upuang malapit sa tabi niya.

"At bakit naman ako makiki-table? Hindi ako bayarang babae rito...waitress lang ako!" Tinalikuran ko siya.

"Sino ba kasing nagsabing isa kang bayaran. Gusto ko lang naman na samahan mo ako. Ang lungkot kasi mag-isa eh, please."

Napaharap akong muli sa kanya. Bigla ay gusto kong matawa sa itsura niya. Nagpapa-cute kasi ito gamit ang mata.

"Hindi nga ako puwede. Isa pa, napakaraming ibang babae riyan na halos idikit na ang sarili sa iyo, bakit hindi na lang si..."

"Tsk, aayain ba naman kita kung sila ang gusto ko. Come on, kailangan ko lang ng kausap."

Malungkot ang tono niya at pati mukha ay malungkot na rin. Tila rin may bahagi sa pagkatao ko na gustong samahan si Ali. Pagkatapos kong malinisan ang huling mesa ay naupo ako sa mesa niya. Hindi nga lamang sa kanyang tabi.

Ino-offer-an niya ako ng maiinom pero ayoko.

"Nagmahal ka na ba ng maling tao?"

Nagsalubong ang kilay ko sa tanong niyang iyon. Bigla-bigla may pagda-dramang nalalaman.

"Bakit ikaw?" Balik na tanong ko imbes na sagutin siya.

Tinitigan niya ako gamit ang matang puno ng lungkot.

"Hindi ko alam kung maling tao ba ang narito." Tinuro niya ang kanyang puso. "Ayaw akong pansinin eh," natawa ito sa sarili. "Pero may mga kakilala akong maling mga tao ang minahal nila kaya sila nasaktan. Mali ang iukol nila ang isang pagmamahal sa taong hindi naman worth..."

"Walang mali sa pagmamahal," putol ko sa sasabihin niya. "Ang mali siguro ay pinili silang saktan ng taong minamahal nila," ika ko. Ang drama ng isang ito. Napakuha tuloy ako ng isang bote ng beer sa bucket at uminom na rin.

"So nagmahal ka na nga ng maling tao?" Ulit niyang tanong. Nilalaro ang bote sa kamay.

Nagdalawang-isip ako kung mag-o-open up ba ako sa isang ito. Oo nga at madalas niya akong iligtas. Pero ewan ko kung mapagkakatiwalaan ko siya. Bumuntong-hininga ako.

"Isang beses na akong nagmahal ng maling tao. Isang beses na akong nasaktan," sagot kong muling tumungga ng alak. Inubos ko iyon habang pinapanood niya ako. Pagkatapos ay inilapag ko ang bote. Tumayo ako. "Aalis na ako. Pinagtitinginan na ako ng mga kasama ko."

Maglalakad na ako nang inabot niya at hawakan ang palapulsuan ko. Nandoon na naman ang pakiramdam ng parang kuryente. Tila may paru-parong naglalaro sa aking sikmura.

"Nabayaran ko na the rest of your night. Okay lang na maupo ka na at hindi magtrabaho." Mabilis akong napatingin sa kanya at salubong ang kilay. Nakatingala siya sa akin na may ngisi sa labi. "Magpahinga ka naman kahit konti. Nagpapayaman ka ba?"

Naupo akong muli at tinitigan siya ng masama.

"Kung gusto kong magpayaman dapat noon pa nagpa-table na ako at sumama sa mga mayayamang matanda rito," nakasimangot na singhal ko sa kanya. Muling kumuha ng bote ng alak at uminom.

Tumawa siya pagkatapos ay iniamba ang boteng hawak niya sa akin para makipag-toast.

"I have a proposition," saad niya bago tunggain ang alak.

Lalong nagsalubong ang kilay ko at napatigil sa pag-inom. Hinintay ko ang susunod niyang sasabihin.

"Date me."

"Ano?!" Natapatayo ako at naibagsak ang bote na hawak. "Eh may katok ka pala sa ulo eh, hindi porke't pumayag ako na samahan ka ngayon dito sa tingin mo mababayaran mo na ako," nagpupuyos sa galit kong singhal sa kanya. Kanina lang ay nagugustuhan ko na siya, ngayon naman biglang bumaliktad dahil sa inaasal niya.

"Hear me out first, okay? You need to calm down!" Kalmante niyang saad. Natatawa pa.

"Lasing ka ba o baka naman nakadroga ka? Dinadamay mo pa ako sa kahibangan mo!" Muli akong naupo at kumuha muli ang beer. Hindi ako pala-inom pero dahil sa isang ito! Hays!

"I just really need someone to talk to. Ayaw mo noon babayaran kita para lamang makausap. Parang girlfriend lang, no string attach."

"Bakit ako? Napakarami diyan na willing siguro kahit hindi mo na bayaran!" Ika ko na naguguluhan pa rin. Tumitig siya sa akin na para bang pinag-aaralan niya ako.

Inirapan ko siya bago muling tumungga.

"I like you!"

Nabuga ko ang iniinom. May lumabas pa yata sa ilong ko dahil sa narinig.

Ano ang sabi niya? Gusto niya ako o nabibingi lang ako.

"Gusto ko ang ugali mo. Sa tingin ko magkakasundo tayo kahit kakikilala lang natin. Magaan ang loob ko kapag ikaw ang kausap ko," sabi niya. Ako naman ang umaral sa kilos niya. Seryoso siya?

"Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa utak mo pero ang sagot ko ay hindi. Masyado nang komplikado ang buhay ko para gawin pang mas komplikado. Sorry, hanap ka na lamang ng iba!"

Tumawa siyang muli. Pagkatapos ay may nilabas sa pitaka at iniabot sa akin.

"It's my card. Kapag nagbago ang isip mo, tawagan mo ako." Tinitigan ko lamang iyon. "Isa pa hindi ko kayang makipagrelasyon sa iba. May mga bagay na mas gugustuhin kong ganitong set-up. Gaya ng kung gusto nating kumawala makakawala tayo na hindi nasasaktan ang isa't isa." Pagpapatuloy niya at inilapag sa mesa ang card. "I just want to help you."

Padarag ko iyong kinuha. Mahigpit ang hawak ko doon at halos malamukos na. Umalis ako sa harapan niya na hindi nagpapaalam. Nagpupuyos ako sa galit. Ano ang akala niya sa akin? Akala ko isa siyang matinong lalaki. Akala lang pala iyon! Kapareho lang siya ng iba, manggagamit rin.