Napangisi ako sa isip nang makita ko kung ano ang reaksiyon ni papa. Hindi niya inaasahan na darating ako na may kasamang babae, asawa ko pa.
Maging ako ay nagulat din naman. Hindi ko akalaing nandito siya. Naisip kong marahil ay dumadalaw lamang.
Hinila ko si Yssa o Ely, Elyssa ang buo niyang pangalan at gamit niya ang Yssa sa club. Hinila ko siya palapit sa akin at inakbayan ko siya. Nakangiti ko siyang tinitigan habang halos manliit siya sa kinatatayuan.
Siguro hindi niya rin inaasahan na makakatagpo niya agad at makikilala ang aking ama. Hindi ko rin naman nasabi na may ama pa ako. Gusto ko sanang hindi na niya makilala ito dahil para sa akin wala na akong itinuturing na ama.
Ngumiti si papa, akala naman niya hindi ko napansin ang matalim na titig niya kanina sa kamay kong nakaakbay sa aking asawa.
"Bakit ka narito, hijo?" Sa mababang boses ay tanong niya. Tumayo siya at lumapit sa amin.
Naramdaman ko ang tensiyon sa katawan ni Ely. Napansin ko rin ang paglagay niya kay Ashley sa kanyang likod na para bang itinatago niya ito. Tahimik lang din naman ang bata.
Napaisip ako pero ipinagsawalang bahala ko iyon noong nasa harapan na namin si papa.
"At may dala ka pang babae." Hindi ko alam kung tama ba ang pagkarinig ko. Napakadiin ng pagkakasabi niya sa huli niyang katagang babae.
Akala niya ba lahat ng babae ay parang sa kabit niya? Huwag na huwag niyang maihahalintulad si Elyssa sa babae niya dahil iba ito roon.
Muli kong sinulyapan si Ely na nakatungo at nakatitig sa sahig. Hinigpitan ko ang pagkaka-akbay ko sa kanya kaya siya napatingala sa akin.
Napakunot-noo ako dahil hanggang ngayon ay numumutla pa rin ang itsura niya. Hindi makatingin ng diretso.
"It's okay," I mouthed bago hinarap si Papa. "Kakakasal lang namin at dito kami titira!" Walang kagatol-gatol na sagot ko. Walang emosyong nakatitig sa mga mata ni papa.
Muling rumehistro ang gulat sa kanyang mukha. Nakita ko ang pagtaas-baba ng kanyang lalamunan. Agad din naman siyang nakahuma at humalakhak. Magaling talaga siyang umarte.
"Ganoon ba? Wow! congrats sa inyo," palatak niya at lumapit sa amin.
Hindi ko inaasahan ang pagyakap niya. Naestatwa ako at hindi agad nakakilos kaya malaya niyang nayakap din ang asawa kong biglang napahawak sa laylayan ng t-shirt ko.
Parang napuno ng tensiyon ang buong paligid namin. Hindi ko talaga matanto kung anong nangyayari pero kakaiba ang aura ng paligid.
"Ate?"
Napabalik ang huwisyo ko sa maliit na tinig na galing kay Ashley. Siguro maging siya ay nakaramdam ng tensiyon. Si papa ay napasilip sa likod ni Ely. Mas lalong nagsalubong ang kilay.
Natataranta naman si Ely na tumugon sa kapatid. Bumaba ito para pantayan ang kapatid.
Muling bumaling ang mga mata ni papa sa akin pagkatapos niyang pakatitigan ang magkapatid. Nagsukatan kami ng tingin.
"Sir, saan po namin ilalagay ang mga gamit ninyo?" Bungad na tanong ni Kuya Juancho. Siya na rin ang bumasag ng katahimikang bumalot sa aming lahat.
"Can you please put it all in my room," utos ko na nakatitig pa rin kay papa.
Nakita ko mula sa gilid ng mga mata ko ang pagtingala sa akin ni Ely na nakaawang ang bibig.
Alam ko Ely, ang usapan namin ay maghihiwalay kami ng kuwarto. Mamaya siguro kapag nakaalis na si Papa. Sa ngayon doon muna para hindi kami halata.
"Kumain na ba kayo? Magpapahain ako kay Minda ng pagkain kung hindi pa," saad ni papa na tumalikod na sa amin at naglakad muli papunta sa sofa at prenteng muling naupo.
"Why you're here?" Hindi ko na mapigilang tanong pagkatapos kong utusan si Nay Minda na ihatid sina Ely at Ashley sa kuwarto ko.
"Dito ako nakatira."
"What?" hindi ko mapigilan ang malakas na bulaslas. Lumapit sa kanya at nag-aapoy ang mata sa galit. Nakatayo na ako sa harap niya at nakakuyom ang kamao. Nakapagitan sa amin ang kahoy na center table.
"My dear son, wala ba akong karapatan para tumira sa sarili kong pamamahay!" Sabi niyang ni hindi ako tinapunan ng tingin. Nagde-kuwatro pa itong naupo at muling inilipat ang pahina ng binabasa.
Nagtiim ang aking bagang. Mabigat rin ang aking dibdib at napupuno nang galit.
"As far as I know, ayaw na ayaw mo rito. Lagi ka na lang napapaso sa bahay na ito sa tuwing umuuwi ka," hindi ko mapigilang ibulaslas ang galit ko.
Umiling-iling lang si papa na para bang wala lang. Ni hindi ko makitaan ng anumang pagsisisi.
Tumayo ito.
"Still, this house is mine, son. You have your choice of staying or you can leave."
Lalo akong nagpuyos sa galit dahil sa sinabi niya. Malaki ang bahay. Dalawang palapag at may anim na kuwarto. Isang master's bedroom, ang kuwarto ko at dalawang guest room. Dalawa rin ang kuwarto sa baba na para kay Nanay Minda at Kuya Juancho. May sariling theater room sa basement at Gym para sa akin noon. Kung tutuusin, malaki ang bahay para sa aming lahat.
Tinalikuran niya ako, naglakad palayo at umakyat sa hagdan. Nakakailang hakbang pa lang siya nang tumigil at muli akong nilingon.
"But..." may kung anong ngiti ang sumilay sa kanyang labi. "I want you to stay. Your wife and you can stay, even that child with her can stay."
Naiwan akong nakatunganga. Pagkatapos niya iyong sabihin ay agad na siyang pumanhik.
"Hijo?" tawag sa akin ni nanay Minda. May pag-aalala ang kanyang mukha. Sa lahat ng tao ito ang nakakikilala sa akin ng husto maliban kay mama. Lumaki akong kasama siya. "Pagpasensiyahan mo na ang iyong ama." Pero lumaki akong lubos ang pagka-loyal niya sa ama ko. Mabait siya sa amin ni mama noon pero alam kong mas pibapaboran niya ang aking ama.
"Hanggang kailan siya rito, nay?" Walang emosyong tanong ko. Naupo ako sa maliit na sofa.
"Nakatira na rito ang ama mo noong isang buwan pa. Pinapa-renovate niya yata ang kanyang Condo kaya hindi ko alam hanggang kailan," sagot niya na inaayos ang magazine sa mesa.
Madali lang naman ang magpa-renovate. Kayang-kaya niya iyon ipagawa ng mabilisan. Kaya nagtaka talaga ako kung bakit tumagal siya rito sa bahay.
"Asawa mo ba talaga si Elyssa, hijo?" Napatingala ako kay Nanay Minda. May pagdududa kasi sa tono ng tanong niya.
"Dadalhin ko ba naman siya rito kung hindi ko siya asawa, Nay. Kasal na po kami," sabi kong itinaas ang kamay kung nasaan ang palasingsingan ko. Ipinakita sa kanya ang singsing. "Hindi na ako bata para hindi makapagdesisyon para sa sarili..."
"Hindi ko naman sinasabing masama na nagpakasal ka agad, hijo. Nabigla lang ako. Pero mukha namang mabait si Elyssa at responsable. Maganda rin kaya bagay kayo," aniya na lalong nagpaigting ng aking panga. "Sana ay manatili kayo rito. Hindi na bumabata ang ama mo, siguro ay matutuwa iyon kapag nabigyan mo na siya agad ng apo, ano?"
Napahugot ako ng malalim na hininga at napapikit. Hindi ko kayang manatili sa iisang lugar na kasama ang ama ko.
"Baka maging digmaan araw-araw dito, Nay Minda. Ayaw kong madamay ang asawa ko at kapatid niya sa gulo namin ni papa. Aalis din kami rito," saad ko, tumayo na at tinalikuran na rin siya.
"Ali, hindi ba panahon na para ayusin ninyo ng ama mo ang lahat. Siguro, iyan din ang kailangan ng Mommy mo. Nagsisimula ka na ng sarili mong pamilya. Hindi ba't nararapat na rin na magpatawaran na kayo at kalimutan ang lahat..."
Napahigpit ang pagkuyom ko sa aking kamao. Muling nanumbalik ang sakit sa aking dibdib. Bilang isang anak, sino ba naman ang hindi gustong maging maayos ang lahat sa ama nito. Bilang isang anak, nangungulila rin naman ako sa isang ama at nagnanais na maging masaya kasama siya. Pero isa rin akong anak na nasaktan at nakasaksi sa paghihirap at sakit na dinanas ng aking ina. Kaya bilang isang anak ng aking ina, hindi basta-basta na lamang ako makakalimot at magpapatawad.
Isa pa, humingi ba ng tawad si papa? Hindi! Nakitaan ko ba siya ng katiting na pagsisisi? Hindi! Parang wala lang sa kanya ang nangyari kay mama. Ipinupursige pa rin nito ang annulment. Wala lang sa kanya na lumayo ang loob ko. Wala lang ako sa kanya bilang anak! Kaya bakit ako magpapatawad!
"Huwag na ninyong ipasok ang mga ibang gamit. Aalis rin kami agad kapag nakahanap na ako ng matitirhan namin."
Tuluyan ko ng iniwan sa sala si Nay Minda. Pumasok ako sa kuwarto kung saan naabutan ko si Elyssa na hindi mapakali. Hindi maipinta ang hilatsa ng mukhang humarap sa akin.
"Ayaw ko rito, Ali," saad niyang gumaralgal ang boses at naiiyak.