Elyssa
"Ayaw ko rito, Ali," saad ko na gumaralgal pa ang boses. Naiiyak na sa hindi maipaliwanag na damdaming gumugupo sa aking sistema. Natatakot ako na may kasamang kaba. Kasama ng pagdaloy ng ibat-ibang emosyon ang pagdaloy ng isang alala na pilit ko nang kinakalimutan at ayaw nang balikan pa. Alaalang ayaw akong tantanan at pilit na hinahabol.
Tahimik akong pumapalakpak sa sulok pagkatapos magsayaw ng babaeng nakamaskara. Masaya ako at talagang ipinagmamalaki ko siya dahil sa kanya pumatok ang club na pareho naming pinagta-trabahuan. Siya bilang dancer at ako bilang isang waitress. Gabi-gabi siyang nagsasayaw kaya halos puno ang club bawat gabi.
Pareho kaming hanggang doon lang ang trabaho. Hindi na kami lumalagpas pa roon. Hindi kami nagbebenta ng katawan. Hindi kailanman naging interesado sa anumang tawag ng laman o ng malaking halaga para sa aming katawan.
Alam kong kinaiinisan kami ng mga babaeng kasama namin. Wala na kaming pakialam sa iniisip nila. Basta kami marangal at walang dungis.
Nag-iba na nga lamang nang makilala ko ang isang lalaki isang gabi. Mag-isa lamang siya sa kanyang mesa. Mukhang malungkot habang nilalaro ang basong may yelo.
Habang naglilinis sa malapit na mesa ay pinagmasdan ko siya. Batid ko'y nasa kalagitnaan na ang edad niya sa kuwarenta. Kahit pa may edad na ay napakaguwapo nito. Malakas ang dating niya sa akin.
Bumilis ang tibok ng aking puso at agad na nag-iwas ng tingin dahil napadako ang mga mata niya sa akin.
Nagkunwari na lamang akong hindi siya napansin at nagpatuloy sa pagpupunas kahit tapos naman na iyon kanina pa.
"Can you join me?" Napapitlag ako nang maramdaman ang bulto ng tao na nasa tabi ko na. Napalunok ako at hindi nakahuma sa kinatatayuan. Naestatwa ako at tanging ang mga mata lang ang gumagalaw dahil sa labis na kaba. "Malungkot kasi mag-isa kaya kung puwede ay samahan mo ako?" Muli niyang sambit. Ang mababang tono nito ay nagdulot sa akin ng hindi maipaliwanag na damdamin.
"H-hindi kasi..." nauutal ako. Hindi ko maituloy-tuloy ang nais sabihin. Gusto ko siyang tanggihan pero wala namang boses na lumabas sa aking bibig.
"Tapos ka naman na yata sa trabaho mo. I can pay the rest of your night." Doon ako napabaling sa kanya. Napasimangot akong humarap sa gawi niya.
"Hindi po ako bayarang babae dito. Isa lamang po akong waitress na..."
"Hindi ko naman sinabing bayaran ka, Miss. I'm just asking for a favor. Malungkot kasi ang mag-isa...but then, kung hindi talaga puwede..."
Napabuntong hininga ako sa malamlam at maitim na mga mata niya. Nangungusap ang mga matang iyon, bagay na nakapagpasang-ayon sa akin na samahan siya.
Pinagtitinginan ako ng ibang mga kasama ko roon. Nagbubulong-bulungan pa sila na tila ba malaking balita ang nasasaksihan. Napailing ako dahil alam ko kung ano ang tumatakbo sa kanilang isipan.
Lima na lamang kaming natira dahil patapos naman na at halos wala nang tao. Hinihintay na lang namin ang pagsasara ng club.
Wala pa rin kangiti-ngiti ang mukha ng lalaki habang naroon ako nakaupo sa harapan niya. Hindi niya ako kinakausap. Parang ginawa lamang niya akong palamuti sa mesa niya
Hindi na rin naman ako umimik dahil mas gugustuhin kong hindi kami nag-uusap ng lalaking kaharap. Isang estranghero na ewan ko kung bakit lumambot ang loob ko dito.
Habang umiinom siya ay muli ko siyang pinag-aralan ng palihim. Mukha siyang mabait. Mukha ring may kaya dahil hanggang ngayon ay nakapang-opisina pa ito. Ang coat ay nakasabit sa mahabang sofa na inuupuan nito. Alam kong hindi siya basta-bastang tao.
"Pasado ba akong maging boyfriend o pasado ba akong maging tatay?" Tanong niya na dahilan ng pagkasamid ko. Kasalukuyan kasi akong umiinom ng coke in can habang pinag-aaralan siya. Napatagal yata kasi ang lata sa bibig ko.
"Ano pong pinagsinasabi ninyo?" Pagmamaang-maangan ko. Muling ibinaba ang hawak na inumin.
Humalakhak siya dahilan ng pagtataas ko ng kilay. Pero agad ding naibaba iyon dahil sa kanyang pagtawa. Nakakadala kasi ang kanyang halakhak kaya napangiti na rin ako.
"Lauro, by the way," sabi niya sabay lahad ng kanyang kamay. Hindi na ako nag-atubili pang abutin iyon at magpakilala na rin.
"Elyssa."
Ngumiti siyang muli at tumango-tango.
"Napakagandamg pangalan, kasing ganda ng may-ari," palatak niya na ikinangiti ko. Kung iba siguro ang nagsabi ay inirapan ko na at binara. Iisipin kong binobola lamang ako. Kakaiba ang epekto sa akin ni Lauro. Magaan ang loob ko sa kanya.
Ang gabing iyon ay nasundan pa. Hindi naman siya gabi-gabing naroon sa club pero malimit niya akong dalawin. Kung minsan ay hinihintay niya ako kapag natapos na ang aking trabaho ng madaling araw at doon kami nag-uusap ng kung ano-ano lamang.
Masaya siyang kasama. Pakiramdam ko nahanap ko ang isang taong masasandalan ko at magiging bayani sa masalimuot kong buhay.
Hindi ko alam kung anong pakiramdam ang unti-unting humihigop sa inosente kong puso. Basta ang alam ko masaya akong kasama siya, masaya akong nakikita siya. Masaya akong pinagtutuunan niya ako ng pansin.
Hindi lang ako basta masaya. Ibat-ibang emosyon ang pinaramdam niya sa akin. Ang hindi ko maintindinhan ay ang mabilis at malakas na pintig ng aking puso pagdating sa kanya.
"Sino iyon?" Nagulantang ako at nataranta nang mabungaran si Anassa sa may bintana. Nakasilip ito roon at pinapanood ang papaalis na si Lauro.
Hindi ako nakapagsalita at nakaawang lang ang labi. Nagulat talaga ako dahil dati naman tulog na ito kapag dumadating ako. Nauuna kasi itong umuwi kaysa sa akin.
Nangungupahan kami ng kuwarto dahil mas madali sa amin ang magtrabaho at pumasok sa eskwela kesa ang araw-araw na pag-uwi sa bahay.
"Boyfriend mo?" Tanong niya at hinarap na ako. Napatitig ako sa nang-aalaskang mukha niya. Maganda si Anassa, sexy at kaakit-akit. Kaya marami ang nahuhumaling dahil matalino at magaling dumiskarte. Magaling rin siyang magpa-ikot ng lalaki kapag ginusto niya. Ginagamit niya ang kanyang alindog para mapaamo sila na hindi isinasakripisyo ang kanyang katawan. Hindi siya bumibigay sa kagustuhan ng mga lalaking iyon na siya'y matikman.
Dumiretso ako sa banyo na hindi siya sinasagot kaya sinundan niya ako.
"Mukhang may kaya ah, ang gara ng sasakyan!" Palatak niyang muli na hindi naalis ang ngisi sa labi. Inirapan ko siya bago sumagot.
"Isa lamang siyang kaibigan," sabi ko na hindi sigurado sa sarili. Hindi ko rin alam kung ano nga ba talaga kami ni Lauro sa isa't isa.
Tuloy, sa gabing iyon hindi ako nakatulog. Nagsusumiksik ang isang alalahanin at katanungan sa utak ko.
Kung sa akin lamang, alam ko at sigurado ako sa nararamdaman ko. Gusto ko si Lauro at masaya ako na kasama ko siya lagi.
"May problema ka ba?" Tanong niya isang gabi na sinundo niya ako. Tahimik lamang kasi ako at malalim na nag-iisip. Ilang buwan na rin kaming ganito ang set-up.
"A-Anong meron... t-tayo, Lauro?" Kapagdaka'y tanong ko. Kahit kinakabahan ay nagkaroon ako ng lakas ng loob para magtanong kung ano nga ba ang nararamdaman niya sa akin.
Ginagap niya ang kamay ko. Nanlamig ang katawan ko dahil unang pagkakataon niyang hinawakan iyon. Inilagay niya ang kamay ko sa kanyang labi at hinalikan. Sobrang bilis ng pintig ng aking puso. Halos habulin ko rin ang aking hininga dahil sa malakas na pagkabog nito at kaba.
Tila ba tumigil ang ikot ng paligid nang tumitig siya sa mga mata ko.
"Gusto kita Elyssa. Gusto kita noon pa."
Sobrang tuwa ko na hindi ko napigilan ang pagsilay ng malawak na ngiti sa labi. Ngayon lang ako umibig sa unang pagkakataon at sa lalaking kaharap ko ngayon. Wala akong pakialam kung malayo ang agwat namin sa edad. Ang mahalaga sa akin ay pareho kami ng nararamdaman. "Mahal kita pero hindi ko alam kung tama bang mahalin kita ngayon."
Naging malikot ang mata ko sa pagtitig sa kanya, kunot-noo. Kung kanina ay parang nasa langit ang pakiramdam ko, ngayon ay para akong ibinagsak sa matigas na lupa. Iniuntog sa pader.
"B-bakit?" hindi ko naituloy ang pagtatanong ko nang hilain niya ako at halikan sa labi. Wala akong nagawa kundi ang tumugon. Mahal ko si Lauro.
Para lamang pala basagin ng isang balita ang pagpapantasya ko na magiging masaya ako sa piling ng lalaking minamahal ko.
"Pamilyado siyang tao, Ely!" bungad sa akin ni Anassa isang gabi na hindi ako nakapasok dahil may sakit ako. Ipinakiusap ko sa kanya na kausapin si Lauro dahil alam kong naghihintay siya sa akin.
Napabalikwas ako ng upo, bigla na namang nahilo kaya napasapo ako sa noo.
"Buntis ka ba?" Mangha akong agad na napabaling ng tingin kay Anassa. Lumuluhang napailing ako.
"Dapat lang! Hindi siya nararapat sa iyo. Niloloko ka lang niya kaya mas makakabuting iwanan mo na," ika niyang muli. Ni hindi magawang yakapin ako para damayan.
Nanginginig at namamanhid ang katawan ko sa nalaman. Ayaw kong tanggapin. Hindi! Hindi iyon totoo. Mahal ako ni Lauro kaya hindi niya ako kayang lokohin at saktan. Hamagulgol ako sa aking palad. Alam kong pinapanood lamang ako ni Anassa. Nakamasid lang, ni hindi magawang maawa.
"Buti na lang wala ka kanina. Sumugod doon ang asawa niya kaya hindi ko na rin siya nagawang kausapin." Nanatili akong nakikinig. Kahit alam kong sinasadya na niyang sabihin iyon lahat sa akin. Prangkang tao si Anassa. Bagay na kinaiinisan ko sa kanya. "Mas okay na rin na nalaman ng maaga, sa totoo lang mas lalo lamang akong nakumbinse na ginagamit ka lamang niya. Past time kumbaga." Nagngitngit ako sa galit at matalim ko siyang binalingan ng tingin. Nang magtama ang mga mata namin, hindi ko man lamang siya makitaan ng anumang emosyon. "Wala ka sa kalingkingan ng asawa niya!" Saad niya bago ako tuluyang tinalikuran. Pumasok siya sa banyo.
Imbes na isang araw lamang ako a-absent ay inabot ako ng isang linggo. Hindi ko kasi alam paano harapin ang lahat ng nalaman ko. Paano ko haharapin ang taong mahal na mahal ko pero ngayon ay nagdudulot ng matinding sugat sa puso ko.
Hindi ko siya kayang harapin sapagkat maari akong maging tanga at patawarin siya. Hindi ko na kilala ang sarili ko dahil sa matinding pagmamahal sa kanya.
Gusto kong umalis sa club. Ayaw ko nang magpakitang muli sa kanya. Nang isang sulat ang natanggap ko. Sulat na tumatapos ng lahat.