Chereads / My Wife is my Father's Mistress / Chapter 25 - Chapter 24

Chapter 25 - Chapter 24

Kahit nanginginig na ako dahil sa lamig ay nagpatuloy pa rin akong maglakad. Hindi na nga ako muling sinundan ni Lauro. Na malaking ipinagpasalamat ko dahil kung sinundan niya akong muli ay baka nadagdagan na naman ang kasalanan na meron ako.

Nang may makita akong waiting shed sa hinaba ng nilakad ko. Tinunton ko iyon. Hindi ko inalintana ang mapanghing amoy at ang basura na nagkalat. Ang mahalaga sa akin ay may masilungan sa umiiyak na langit.

Tumingala ako sa itaas. Madilim at walang bituin. Tanging ang patak ng ulan ang maririnig kasabay ng aking papalakas na paghikbi. Sakal na sakal na ako. Pakiramdam ko nasa isa akong kumunoy at walang nais tulungan ako para makaahon. Lahat sila ay pilit akong nilulugmok papalunod.

Kahit nandiyan si Papa, si Ashley at ibang taong nagmamagandang loob na abutin ang kamay ko ay hindi ko naman sila puwedeng asahan. Dahil natatakot ako na maging sila, mahila ko sa aking paglubog.

Napaupo ako at niyakap ang sarili. Nang marinig ko ang pagtunog ng selpon na binigay kanina ni Ali. Ayaw ko sana iyong sagutin ngunit muli ay tumunog ito.

Mula sa pagkakaupo ay ginagap ko ang selpon sa maliit na shoulder bag na dala ko. Iyon lang ang nadala ko na gamit at naiwan sa sasakyan ni Lauro ang iba.

Buti na lamang at water proof ang bag na binili ni Ali kaya hindi man lamang napasok ng tubig ang loob. Nang makita ko ang tumatawag ay nagdalawang-isip akong sagutin iyon. Hindi ko kasi kilala.

Hinayaan kong matapos ang tawag na hindi iyon sinasagot. Ibabalik ko na sanang muli sa loob ng bag nang muli, tumunog iyon at iisang numero ang tumawag. Sa pagkakataong iyon ay sinagot ko na.

"Hello."

"Hello, puwede bang makausap si Elyssa Prieto. Si SPO3 Garcia ito ng presinto dos."

Bigla akong kinabahan. Napahigpit ang aking pagkakahawak sa selpon. Napatayo rin ako mula sa aking pagpapakaupo. Doon kasalukuyang nakakulong si papa.

"S-si Elyssa po ito," nanginginig ang boses kong sagot.

Tumahimik sandali ang nasa kabilang linya kaya ganoon na lamang ang kaba ko.

"S-Sir?"

"Ma'am, kung maaari po ay puntahan ninyo ang inyong ama sa San Lorenzo Hospital."

Napatutop ako sa aking bibig

"A-Ano pong n-nangyari?"

"Puntahan na lamang po ninyo sa madaling panahon."

Lalo akong nanlumo dahil wala akong nakuhang maayos na sagot. Natatakot ako na baka may nangyaring masama kay papa. Hindi ako handa.

Diyos ko, huwag ninyong hayaang may mangyaring masama kay papa.

Walang humpay ang luha ko habang hindi alam ang gagawin. Hilam ng luha ang mga mata ko kaya hindi ko agad namukhaan ang taong nasa harap ko. Hinila ako payakap sa kanyang katawan.

Hindi pamilyar ang kanyang amoy. Iba ang init na hatid ng kanyang katawan. Pero nakakaramdam ako ng kapanatagan sa kanyang yakap. Nakahanap ako ng isang kalinga na alam kong kinakailangan ko sa oras na ito.

Lumakas ang hikbi ko at yumakap sa kanya ng mahigpit.

"A-Ali..." pumalahaw ako ng iyak. Kasalukuyan niyang hinahagod ang aking likod. Naramdaman ko rin ang paglagay niya ng jacket sa aking likod.

"Patawarin mo ako. Patawarin mo ako, Ely. Hindi kita naprotektahan," saad niyang patuloy ang paghagod sa aking likod. "Aalis tayo agad sa bahay, hindi ko muling hahayaan na tratuhin ka ng ganoon ni papa."

Lalo akong napayakap sa kanya. Nang humilay siya bahagya at iangat ang aking mukha. Gamit ang dalawang kamay, hinawakan niya ang aking pisngi at pinunasan ang aking luha. Napatitig ako sa malamlam niyang mga mata. Napupuno iyon ng lungkot. Nang maalala ko si Papa.

"S-Si papa, Ali."

Tumango siya na para bang alam na niya. Naging malikot ang kanyang mga mata. Napakurap-kurap ako.

"Tara na, kailangan ka ng ama mo," sabi niyang inakay na ako palabas sa waiting shed na iyon.

Nangangatog man ang mga paa ko, kumapit ako sa kanya. Ginawa ko siyang lakas para magpatuloy. Napatigil ako papasok sa kanyang sasakyan at napatingala sa langit. Kataka-takang maliwanag ang langit. Wala ng ulan, wala ng kulog at tanging katahimikan ng gabi ang naroon.

Napalingon ako kay Ali na matamang nakatitig din sa akin. Binigyan niya ako ng isang matipid na ngiti. Ngiting nagsasabing magiging maayos ang lahat. Na kapag naroon siya, magiging okay ang lahat, na hindi niya ako kailanman pababayaan.

Umasa akong ayos nga lamang ang lahat. Umasa ako para madurog lamang pagkarating namin sa sinabing hospital.

Halos mabuwal ako nang nasa morgue na kami. Kung hindi lamang ako inalalayan ni Ali malamang ay napahandusay na ako sa sahig. Si papa ay nakahiga ngayon sa isang malamig na lugar. Nakatalukbong ang buong katawan nito ng puting kumot. Hindi na humihinga at wala ng buhay.

Hindi maampat ang luha sa aking mga mata habang pumapalahaw ako ng iyak. Ayaw paniwalaan ng utak ko ang nakikita ng aking mga mata. Namamanhid ang buo kong katawan nang lapitan si papa.

"Pa, gising na. Narito na ako para sunduin ka. Pa, bangon na, tara na uuwi na tayo pa."

Masakit, ang sakit-sakit sa dibdib. Hindi ako makahinga na para bang may nakadagan sa akin na sobrang bigat. Hindi ko matanggap na wala na si papa. Na hindi ko man lamang siya nabigyan ng magandang buhay. Ni hindi ko man lamang naiparanas sa kanya na guminhawa.

Masakit, bakit sunod-sunod na dagok ang binibigay ng Diyos sa akin? Bakit Niya ako pinaparusahan ng ganito? Ayaw ko sana Siyang kuwestyunin pero sobra na! Sobra na ang pagpapahirap Niya sa kalooban ko. Sobra na ang binibigay Niyang pagpapakasakit sa buhay ko. Hindi ko na kaya! Para akong mababaliw!

"Pa!" Hiyaw ko habang patuloy ang paghagulgol. "Bangon na! Akala ko ba hindi mo kami iiwanan, ha! Bumangon ka na, pakiusap!" Tinanggal ko ang kumot na nakatalukbong sa kanyang mukha.

Napaawang ang aking bibig hanggang sa napatutop ako dahil sa nakikitang itsura ni papa. Nakangiti ito na para bang masaya na wala na ito.

Sino nga ba naman ang hindi sasaya? Hindi na siya kailanman maghihirap pa. Hindi na niya kami proproblemahin. At ang mahalaga, muli na niyang makakasama si mama. Ang pinakamamahal niyang walang kuwenta kong ina.

Lalo akong napaiyak dahil maging sa kamatayan ni papa, si mama pa rin talaga. Sinundan niya agad ito. Mas pinahalagahan niya si mama kaysa kaming mga anak niya.

Napahawak ako sa aking dibdib. Mas lalong nanikip ito. Hindi ko alam kung saan na ako nasasaktan. Sa pagkamatay ba ni papa? O sa reyalisasyong mas pinili niyang sumama kay mama?

Hindi ako makahinga. Gusto kong humiyaw pero hindi ako makapagsalita. Walang boses na gustong lumabas. Sinuntok ko ang aking dibdib.

"Ely?" Napalingon ako kay Ali na mahigpit pa rin akong hawak. Nakasuporta ang kanyang kamay sa aking beywang.

Gusto kong sabihin na gusto ko na ring mamatay. Gusto ko nang wakasan ang paghihirap ko. Hindi ko na kaya. Hindi ko na kakayanin pa. Hindi na ako makahinga...

"Ely, nandito lamang ako..."

Bago man ako lamunin ng kadiliman. Narinig ko ang katagang iyon mula kay Ali. Muling tumulo ang luha ko dahil alam kong kaparusahan pa rin ito sa akin ng nakaraan. Pangalawa na si Papa sa mga mahahalagang tao na kinuha sa akin para lamang sa isang pagkakamali. Sa isang kasalanan. Napasulyap ako sa lalaking nakaalalay sa akin bago tuluyang bumagsak.

"Patawad, Ali."