Sigawan rito, sigawan roon. Kalampagan ng mga sandata at pagbubungguan ng mga talim ang tanging naririnig ni Elysia. Purong kaguluhan ang pumupuno sa kaniyang mga mata na tila ba walang katapusan. Hindi rin mawala-wala sa dibdib niya ang matinding pag-aalala para kay Vladimir.
Kaya, nang makita niyang humuhupa na ang pag-atake ng mga chiroptera sa panig nila, mabilis siyang tumakbo pababa ng tore. Iniwan niya sa mga pinagkakatiwalaan kawala ng pagdepensa sa lugar na iyon at minabuting bigyan ng tulong ang mga nasa baba. Malakas pa rin ang ulan at alam niyang nahihirapan ngayon ang mga kasama niya sa pagdepensa sa baba.
Sa pagdating niya sa pasilyo na nag-uugnay patungo sa labasan, nakasalubong naman niya ang grupo ni Ravi na noo'y kinakalaban ang iilan sa mga bampirang nakapasok na sa palasyo. Duguan na si Ravi at nahihirapan na itong protektahan ang punong pintuan ng palasyo.
Hawak ang kanyang pan, nagmadaling pumosisyon si Elysia upang makita ang buong labanan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, huminga nang malalim, at tinawag ang kaniyang kapangyarihan.
"Mula sa liwanag ng langit, himukin mo ang aking palaso upang durugin ang kadilimang nangangahas na sakupin ang mundo," bulong niya habang ang kanyang kamay ay unti-unti nang nag-aapoy.
Biglang nagningning ang kanyang pana, at ang palaso sa kanyang kamay ay nabalot ng apoy— isang lagablab na tila galing sa araw. Binanat niya ang pana, at tinutok ito sa gitna ng hukbo ng mga bampira na nakapalibot sa grupo ni Ravi.
"Ito na ang katapusan ninyo," sabi ni Elysia, puno ng determinasyon.
Pinakawalan niya ang palaso, at sa isang iglap, lumipad ito na parang nagngangalit na bulalakaw. Nang tumama ito sa lupa, isang pagsabog ng purong liwanag ang tumabon sa buong lugar. Umatungal at nagsigawan ang mga bampirang unti-unting tinutupok ng apoy ni Elysia.
"Madali kayo, Ravi. Nasaan na sin Zyrran?" agap na tanong niyua habang tinutulungang makatayo ang binata. Malubha ang natamo nitong sugat na marahil ay nakuha niya noong pinagtutulungan na siya ng mga bampira.
"Kasama niya si Haring Leodas at kasalukuyan silang nasa bulwagan. Hindi na sila pinasama ni haring Vladimir sa digmaan dahil, paniguradong tutugisin sila ng mga bampira para makuha ang mga bato nila." paliwanag ni Ravi.
"Kung gano'n, balikan mo na sila. Kailangang magamot ang sugat mo at kailangan bantayan mo rin sila. Kami na ang bahala rito. Darating na rin ang iba ko pang mga kasama para tulungan tayo. Mabilis na sumunod si Ravi at tumalima na patungo sa bulwagan ng trono ni Vladimir kung saan naroroon ang Hari at prinsipe ng mga Ravaryn. Nanatili naman si Elysia roon at agad na inutusan ang mga kawal na ipagtanggol ang bukana.
Tumakbo si Elysia sa kung saan naririnig niya ang hiyawan ng mga tao at kalansing ng mga espadang nag-uumpugan. Dinala siya ng kaniyang pandinig sa labas ng palasyo kung saan naghahalo ang ingay ng malakas na ulan at ingay na nagmumula sa mga sandatang nag-uumpugan, maging ang ingay ng sigaw at atungal ng mga nasasaktan. KItang-kita ng dalawang mga mata niya ang mga kawal na paisa-isang nagbabagsakan dahil sa mga sugat at pinsalang natatamo nila sa laban. Gayon din ang paglupasay ng mga kalaban nila at paliligo ng mga ito sa sarili nilang mga dugo.
Luminga-linga siya sa paligid, sa pagbabaka-sakali na makita ni Vladimir. Hanggang sa matanaw niya si Luvan na nakaluhod sa isang parte , hawak-hawak ang tiyan nitong nagdurugo na noon.
"Uncle Luvan, nasaan si Vlad?" humahangos niyang tanong sa lalaki. Npatingala naman si Luvan at napatingin sa isang gawi. Sinundan niya ang linya ng tingin nito at doon niya nakita si Vladimir nakasalukuyang nasa gitna ng isang matinding labanan laban kay Vincent. Nasa harap sila ng isang tore malapit sa hardin ng palasyo at bagaman umuulan, bahagyang payapa ang kanilang kinaroroonan, animo'y humihinto sa ere ang bawat butil ng ulan dahil sa bilis ng dalawang naglalaban.
Bagaman napakabilis ng dalawa, kitang-kita ni Elysia nang detalyado ang paglalaban ng dalawa. Nakatayo si Vladimir sa gitna ng malawak na hardin, ang kanyang espadang gawa sa pilak ay kumikislap sa liwanag na nagmumula sa poste ng tore sa 'di kalayuan. Nasa harap niya si Vincent, na may malagim na ngiti sa kanyang mukha. Ang mga mata nito ay namumula at kumikislap habang ang kanyang mga kuko ay nagiging matalim, tila handa nang punitin ang lahat ng kanyang mahahawakan.
"Vincent, hindi ko hahayaang sa pangalawang pagkakataon ay magtagumpay ka na paslangin ang aking magiging Reyna. Matutupad na ang propesiya ng pagkawasak mo. HIndi mo na matatakasan ang iyong katapusan," sigaw ni Vladimir, bakas sa mukha ng binata ang determinasyon.
"Talaga ba kapatid? Hindi ang isang mababang uri lang ang makakatalo sa akin. ISa ka lang mahinang uri ng tao na nalahian ng malakas na bampira. Ano ang karapatan mong magsalita ng ganiyan sa harap ko? Napakataas naman ng ambisyon mo para talunin ako." Tumatawang tugon ni Vincent.
Biglaang umatake si Vincent, gamit ang kanyang malahalimaw na bilis, ngunit maagap itong nasangga ni Vladimir gamit ang kanyang espada. Nagka-engkwentro ang kanilang mga armas— pilak na talim laban sa mga kuko ni Vincent. Ang bawat banggaan ay naglalabas ng alingawngaw na parang kulog sa paligid.
Habang naglalaban, patuloy na ininsulto ni Vincent si Vladimir. "Mahina ka, Vladimir. Hindi mo kailanman matatalo ang isang tulad ko dahil takot ka sa sarili mong kapangyarihan!"
Ngunit sa halip na bumigay, mas lalong nagningning ang determinasyon ni Vladimir. "Hindi lang ako ang may kahinaan rito, Vincent. Nais mo bang ipaalala ko na kahit ang mga immortal na tulad natin ay may kahinaan rin?" pagkasabi niyon ni Vladimir, hinugot niya ang isang maliit na punyal sa kaniyang tagiliran at mabilis na isinaksak sa tiyan ni VIncent nang makalapit siya rito.
Kitang-kita ni Elysia ang pagdaluhong ng atake sa katawan ni Vladimir matapos ang pagsaksak niya sa kapatid. Tumalsik si Vladimir mula sa kanyang kinatatayuan matapos salubungin ang malupit na suntok ni Vincent. Bumangga siya sa pader at nag-iwan ito ng malaking pinsala sa sementadong dingding. Nagbabaga ang mga mata ni Vincent, galit na lumalapit kay Vladimir habang hawak nito ng isang kamay ang parte ng tiyan niyang nasaksak ng binata.
"Hindi mo ako matatalo nang ganito lang," aniya, bago mabilis na sumugod pabalik kay Vladimir.
kisap-mata lamang nang muling salubungin ng mukha ni Vladimir ang kamao ni VIncent. Humagod pa ang matatalas nitong mga kuko sa makinis na mukha ng binata at nag-iwan iyon ng tatlong mahabang sugat sa kaliwang pisngi niya. Dahil sa pag-aalala, hindi napigilan ni Elysia ang hindi mapasigaw. Halos sabay pang lumingon ang dalawang binata sa gawi niya at lalong lumapad ang ngisi ni VIncent nang makita siya.
"Mabuti naman at narito na ang ating panauhing pandangal." Tumayo nang maayos si Vincent at dinilaan ang dugo ni Vladimir na naiwan sa kaniyang kamay. "Kamusta ka na prinsesa, mukhang lalo kang gumaganda. Inihanda ka na ba nila sa koronasyon mo? Kung hindi pa, huwag kang mag-alala, dahil inihanda ko na ang kabaong na paghihimlayan mo." Tumawa si Vincent na puno ng panunuya habang malakas na tinapunan ng sipa si Vladimir sa paanan nito. Napaigik si Vlad at mabilis na tumayo upang pigilan si Vincent sa binabalak nito kay Elysia. Ngunit hindi na niya ito naabutan pa.
"Ely, mag-iingat ka." Naisigaw na lamang ng binata. Mabilis na iniangat naman ni Elysia ang Soare at isinangga ito sa pag-atake ni Vincent. Nang makita naman ni VIncent ang espada, ay bigla niyang iniiwas ang kaniyang sarili at mabilis na lumayo sa dalaga.
"Bakit naririto ang sandatang iyan?! Bakit nasa 'yo ang espadang iyan?" tanong ni Vincent, matalim ang mga titig nito sa dalaga, bakas sa boses nito ang pagtataka at pagkabahala.
"Bakit, natatakot ka ba?" pakutyang tanong ni Elysia at iwinasiwas sa ere ang kaniyang espada. Nanatiling nakatuon ang mga mata niya sa kilos at kinaroroonan ni Vincent habang lumalapit siya kay Vladimir. Nang tuluyan naman siyang makalapit ay nag-aalala niyang tinunghayan si Vlad at tinulungan itong tumayo. Doon nakita niyang may malaking sugat na rin ito sa tagiliran at hindi maampat ang pagdurugo nito.
"Ayos ka lang ba? May sugat ka." puna ni Elysia. Umiling si Vladimir at binaliwala ang sakit na dulot ng pinsala nito sa katawan.
"Maghihilom din ito, maya-maya. Kuko lang niya ang nakasugat sa akin at wala ito sa sugat na idinulot ko sa kaniya." mahinang tugon naman ni Vladimir.
Napatingin naman si Elysia sa sugat ni Vincent at nakita niyang hindi rin tumitigil ang pagtagas ng dugo nito. Nanatiling nakangisi ito na tila nahihibang na. Ramdam din ni Elysia ang kakaibang itim na awra na bumabalot sa buong katawan ni Vincent.
"Nasabi sa akin ni Kael na nakipagkasundo na sila sa dem*nyo. Gaano ba kalakas ang dem*nyong iyon?" Tanong ni Elysia.
"Malakas si Vincent, kung tutuusin, hindi na niya kailangang makipagkasundo sa kahit sino para pahirapan ako. Ngunit napilitan siya dahil napag-alaman niyang gumawa ako ng hukbo ng mga dhampir. Bagaman kalahating tao ang mga tulad ko, hindi maipagkakailang mas mabilis at mas malakas kami kaysa sa mga ordinaryong bampira at bukod pa roon, dahil sa dugo naming tao, kaya naming hawakan at gamitin ang mga sandatang nagpapahina sa mga bampira. Nawalan siya ng kumpiyansa sa sarili niyang lakas, dahil sa isip-isip niya, hindi siya maaaring matalo kaya niya nagawa iyon." Paliwanag ni Vladimir. Muli nitong hinawakan ang sarili nitong sandata at tila nawala na sa isip nito ang lubha ng tama nito sa tagiliran.
"Mabilis rin ang paghilom mg mga sugat namin katulad ng sa bampira at iyon ang kinatatakutan niya. Hindi nila kayang gamitin ang mga sandatang gawa sa pilak na siyajg kahinaan rin ng mga dhampir laban sa amin, dahil ang paghawak lang dito ay makakasunog sa kanila. Pero kami, dahil protektado kami ng dugo naming tao, hindi mahirap sa amin na puksain sila. Malakas si Belfagel pero hindi niya kayang makidigma kasama nila." Dagdag pa ni Vladimie habang nakatingin nang matalim sa kapatid.
Humagalpak naman ng tawa si Vincent. Animo'y nalilibang ito sa pakikinig sa mga sinasabi ni Vladimir.
"Hindi na kailangan pang sumali ni Belfagel sa laban, dahil dito pa lang, tatapusin na kita. Masyado nang mahaba ang inilagi mo sa mundong ibabaw. Hindi ako makakapayag na isang kalahating tao lamang ang mamumuno sa mga bampira? Bakit ikaw? Bakit hindi ako na puro? Hangal si Ama para isalin sa'yo ang pamumuno. Mahina ka at walang ambisyon, at mananatili kang gano'n hanggang sa iyong kamat*yan. At ang kaluluwa mo isasama ko sa impy*rno at iaalay sa mga dem*nyo!" Humahalakhak na sigaw ni Vincent at mabilis itong naglaho sa kanilang paningin. Sa isang iglap, nasa harapan na nila ito at wala silang nagawa nang biglang sumabog ang malakas nitong awra dahilan para tumilapon sina Vladimir at Elysia.