Chapter 89 - Chapter 89

Dahil sa ulan, naging maulap ang kalangitan dahilan upang hindi makasilip ang araw at malayang nakakapaglakad ang kampon ni Vincent nang umaga.

Kitang-kita ni Elysia ang unti-unting paglapit ng mga chiroptera mula sa himpapawid at dahil hindi makakagamit ng apoy ang hukbo nila, wala siyang nagawa kun'di ang magbigay ng isa pang hudyat sa kaniyang mga kasama. 

Agad niyang kinuha ang kaniyang pana at sinunggaban ang mga palaso sa likuran. mabilis niyang pinaapoy ang hawak na palaso at pinakawalan iyon sa tumpok ng chiroptera na papasugod, ang isang palasong nag-aapoy ay sapat na upang mapigilan ang mabilis na pagsugod ng mga halimaw na iyon.. Sa kabila ng patuloy na pag-ulan, kumislap ang mga mata ni Elysia sa determinasyon habang binibigkas ang bawat utos sa kaniyang nasasakupan.

"Maghanda ang lahat sa lupa! Bantayan ang bawat sulok!" sigaw niya, ngunit alam niyang ang mga kalabang nasa ere ang pinakamahirap talunin. Sa likod ng kaniyang isipan, naririnig rin niyang nagbibigay ng utos si Vladimir sa bawat sulok ng palasyo. Habang nasa itaas siya ng tore, alam niyang nasa baba naman ang binata at pinamumunuan ang pakikidigma sa mga bampirang nasa lupa.

Mula naman sa itaas, ang mga chiroptera ay bumaba nang mabilis, gamit ang kanilang mga matatalas na kuko at walang kapantay na bangis. Isa-isa nilang sinagpang ang mga kawal ni Elysia, halos wala nang nagawa ang mga ito kun'di ang ipagtanggol ang kani-kanilang mga sarili gamit ang kanilang mga kalasag at sibat.

Sa gitna ng kaguluhan, isang malaking anino ang lumitaw sa likuran ni Elysia. Tila nagbabanta ang presensya nito— ang hari ng mga chiroptera. 

"Tunay ngang napakabango ng dugo mo, tao," anang hari ng mga chiroptera, ang kanyang tinig ay parang dagundong ng kulog. Ang kanyang mga pakpak ay bumalot sa buong paligid, tila dinadala ang kadiliman sa bawat galaw nito.

Humarap si Elysia, hawak ang kanyang espada na noo'y hinugot na niya mula sa kaluban nito. "At masangsang naman ang amoy mo, kasing sangsang ng mga budhi niyon, wala pa man ay nabubulok na sa impy*rno."

Bago pa man ito makasagot, bigla niyang itinaas ang kanyang espada, bumalot sa kanya ang isang ginintuang aura. Tumama ito sa mata ng kaharap, na siyang ikinasilaw nito dahilan para ito'y mapaatras. Ngunit hindi nagpatinag ang hari, bagkus ay ngumisi ito at sumugod nang buong lakas gamit ang mga kuko nitong kasingtibay ng bakal.

Nagsalubong ang espada ni Elysia at ang kuko ng nilalang— naglikha iyon ng nakakapangilabot na sensasyon sa hangin. Ang bawat pagtama ng kanilang pag-atake ay nagdudulot ng malakas na alingawngaw sa paligid, na parang ang langit at lupa ay bumabalikwas sa kanilang bawat bakbakan. Bagaman nagkakagulo na ang paligid, ang buong atensiyon ni Elysia ay nakatuon lang sa hari ng mga chiroptera. 

Ang madilim na ulap sa kalangitan ay tila nagtitipon, waring sumasabay sa umaatikabong bakbakan. Ang mga mata ni Elysia ay nagliliyab sa determinasyon— bakas sa mata ng dalaga na hindi siya magpapadaig sa kalaban.

"Isang pagkakamali ang pagsugod niyo ngayon dito sa Nordovia," sigaw ni Elysia, buong lakas niyang tinaga ang hari gamit ang kaniyang espada ngunit mabilis lang itong nakaiwas. Tila ba nakikita nito ang bawat pag-atake niya, kahit pa nakatalikod ito o hindi ito nakaharap sa kaniya. Gayunpaman, hindi siya nagpakita ng panghihina ng loob, bagkus ay pinaramdam niya sa kaniyang kalaban na determinado siyang magapi ito sa lalong-madaling panahon.

Nagpatuloy ang mainit na sagupaan sa pagitan ni Elysia at ng hari ng Chiroptera, tila ba tuwang-tuwa pa ito habang paulit-ulit na kinakalmot si Elysia hanggang sa tuluyan niyang matamaan ang dalaga sa braso nito. Umagos mula roon ang masaganang dugo na ikinasabik pa lalo ng halimaw. Mula sa kuko nito, humahalakhak na dinilaan nito ang naiwang dugo ni Elysia sa kaniyang mga kuko.

"Napakasarap, tunay ngang kakaiba ka. Humanda ka, dahil hindi na ako magdadalawang-isip na kitilan ka ng buhay. Mapapasaakin ang dugo mo." Nanlilisik ang mga matang sigaw nito.

Napangisi naman si Elysia nang makita nito ang paglunok ng halimaw sa kaniyang dugo.

"Masarap ba? Hangal ka kung inaakala mong, basta-basta mo na lang akong mapapaslang. Nakalimutan kong sabihin sa'yo na kalahati ng dugo ko ay isang Alarion. At ang dugo ng mga alarion ay lason para sa mga tulad niyon nilalang ng dilim." Nakangising wika ni Elysia. Iniangat ni Elysia espada at walang kaabog-abog niyang hiniwa ang palad , pinatulo niya sa talim ng kaniyang sandata ang kaniang dugo habang ang mga mata niya at nakatuon lamang sa hari.

"Nararamdaman mo na ba ang pagdaloy ng lason sa mga ugat mo?" tanong ni Elysia. 

"A—ano ito? Anong ginawa mo sa akin?" Sigaw ng halimaw habang tila sinisilihan ang buong katawan nito. Napaluhod ito sa harap ng dalaga at bigla-bigla ay namimilipit na ito sa sakit. Umaatungal ito at halos dumagundong sa buong tore ang sigaw nito.

"Hindi lahat ng masarap, nakakabusog. Ang iba, nakakalason. Pero syempre, huli na ang lahat para sa 'yo. Inihatid ka ng iyong kasakiman sa iyon katapusan, kaya magpaalam ka na." Itinarak ni Elysia ang talim ng kaniyang espada sa namimilipit na hari ng mga chiroptera. Mula sa dibdib nito, tumagos ang talim patungo sa kaniyang likod. Bumulwaka ng masasaganang itim na dugo ng halimaw at walang buhay na itong bumagsak sa sahig na kinalulugmukan nito.

Nang makita naman ito ng mga kawal ay malakas na naghiyawan ang mga ito, na siyang nagpataranta naman sa mga natitirang chiroptera na umaatake sa kanila. Saglit na tila nawalan ng direksiyon ang pag-atake ng mga ito dahil sa pagkawala ng kanilang pinuno. Wala namang inaksayang oras ang grupo ni Elysia at isa-isang kinitilan ng buhay ang mga ito. Subalit, hindi nagtagal, nakarinig sila ng nakakabinging atungal mula sa baba ng tore. Nagitla si Elysia at napahawak nang mahigpit sa kaniyang mga sandata. Napakalakas ng atungal na iyon na nagbigay ng nginig sa buong pagkatao ng dalaga.

"Si VIncent?" tanong ni Elysia. Patakbong lumapit sa kaniya si Kael at humahangos na huminto sa harap niya.

"Isang hari ang muling itinalaga, nagkagulo ang mga chirotera ngunit bigla silang nakabawi dahil sa sigaw na iyon. Hindi mapasok ni Haring Vlad ang isip mo prinsesa, kaya pinapunta niya ako rito, pursigido silang mapaslang ka," anunsyo ni Kael.

Ngunit bago pa man siya makapagsalita, isang puwersa ang tila sumunggab sa kaniya, dahilan para tumilapon siya at tumama ang kaniyang katawan sa haligi ng tore. Napaung*l siya sa sakit at pakiramdam niya ay tila may dumagan na kung ano sa dibdib niya. Sa pagmulat ng kaniyang mata, doon niya naaninag ang isang nilalang na siyang umatake sa kaniya. Ilang beses pa niyang ikinurap-kurap ang kaniyang mga mata bago naging malinaw sa paningin niya ang nilalang na iyon. Tila tubig na umaalon ang buo nitong katawan, at bahagya rin itong nawawala-wala sa paningin niya. Matangkad at mapusyaw ang balat nito habang ang mga buhok nito ay kakulay ng araw. Namumula ang mga mata habang nanlilisik na nakatingin sa kaniya.

"Isa kang isinumpa?" gulat na tanong ni Elysia, gamit ang buong lakas niya, itinulak niya ito palayo sa kaniya, bago mabilis na dinampot ang espadang kanina ay nabitawan niya.

"Hindi isinumpa, kun'di pinagpala," sagot nito at tila kidlat sa bilis na umatake sa kaniya.

Sa sobrang bilis nito ay hindi kaagad nakapaghanda si Elysia, sa kabutihang palad ay mabilis na kumilos si Kael upang sanggahin ang atake nito bago pa man ito tumama sa kaniyang katawan.

"Pakialamerong nilalang!" Isang malakas na suntok ang pinakawalan nito sa mukha ni Kael, walang pagdadalawang isip niya namang sinabayan ng suntok ito at nagsalubong ang kanilang mga kamao. Naglikha iyon ng pagyanig sa hangin at parehong napaatras. Habang iniinda ni Kael ang sakit, tila hayok naman ang katunggali nito at walang sakit na naramdaman.

Dahil natuon ang pansin ng kalaban kay Kael, mabilis naman tumayo si Elysia at napahawak sa kaniyang dibdib. Bahagya pa siyang napaubo at sumuka ng dugo dahil sa tindi ng natamo niyang pag-atake kanina.

"Prinsesa, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Lira.

"Hindi ko alam, masakit ang dibdib ko, napuruhan yata ako." Sapo-sapo ang dibdib na wika niya. Itinukod niya ang braso sa haligi at tumayo.

Mabilis namang lumapit si Lira sa kaniya at may liwanag na lumabas mula sa maliliit nitong kamay. Kakaibang init ang naramdaman niya, kasabay ng paggaan ng kaniyang pakiramdam.

"Salamat Lira, maayos na ang pakiramdam ko."

"Mag-iingat ka prinsesa, hindi sila basta-basta. May mga kasama silang salamangkero na siyang nagbibigay sa kanila ng kakaibang lakas. Mukhang isinugal na ni Vincent ang lahat at nakipagkasundo na rin siya sa prinsipe ng impyerno." Saad ni Lira.

Napakunot naman ang noo ni Elysia sa sinabi ni Lira. Hindi kasi niya maunawaan ang nais nitong tumbukin.

"Literal na nakipagkasundo si Vincent kay Belfagel na isa sa mga prinsipe ng impyerno kaya higit silang malalakas sa normal." Paliwanag ni Lira at doon lamang napagtanto ni Elysia ang bigat ng mga nangyayari.

Kaya pala ganoon na lamang katindi ang tinamo niya sa atake ng bampirang iyon. Dahil may tulong na galing sa dem*nyo ang mga ito.

"Naloko na, kaya pala hindi ko na rin magawang kausapin si Vlad. Lira, alamin mo ang nangyayari sa kanila." Utos ni Elysia habang patuloy na pinapana ang mga chiropterang nagbabalak na lumapit sa kanila.

"Kasama ni Haring Vlad ang kaniyang mga alagad, lumabas na ang mga katulad niyang damphyr at kasalukuyan nang nakikipaglaban sa mga kampon ni Vincent." Tugon ni Lira habang inaalalayan si Elysia.

Nabalot ng matinding kaguluhan ang buong palasyo at hindi malaman ni Elysia kung may katapusan pa ba ito.

Related Books

Popular novel hashtag