Chapter 77 - Chapter 77

Ilang beses pang inulit ni Elysia ang pagkokontrol sa apoy patungo sa pisi, subalit ilang ulit din siyang nabigo. Kahit anong gawin niya ay natutupok pa rin ang pisi. Gabi na, kaya minabuti na nila ang huminto at bumalik sa loob ng palasyo. Matapos ang mabilis na hapunan kasama ang mga bata, ay bumalik naman si Elysia sa kaniyang silid upang magnilay at magpahinga.

Malalim ang iniisip niya habang nakatingin sa kaniyang mga kamay, nakakunot ang noo niya habang patuloy na nagtataka kung bakit ganoon ang ibinigay na pagsasanay sa kaniya ni Tandang Gwirem. Likas sa apoy ang tupukin ang kahit anong bagay na madampian nito at wala silang kontrol dito. 

"Ano ba ang ibig ipahiwatig ni Tandang Gwirem rito? Nakakapagtaka naman, apoy ang pinag-uusapan at hindi ito tulad ng tubig na madali lamang kontrolin. Mapangwasak ang elemento ng apoy, hindi ito katulad ng tubig, hangin at ng lupa." sambit ni Elysia sa kaniyang sarili. Napahiga siya sa higaan at napatingin sa kisame. Kahit anong gawin niya ay hindi pa rin niya maisip kung sa anong dahilan ito pinapagawa sa kaniya ng matanda.

Hanggang sa hindi na niya namalayan, nakatulog na siya. Umaga na nang magising siya at nakapa niya sa tabi niya si Vladimir na natutulog na rin. Marahan siyang bumangon at tinungo ang bintana upang itabing roon ang makapal na kumot upang hindi makapasok ang nakakasilaw na sinag ng araw. Alam niyang madaling araw nang natulog ang binata kaya hahayaan muna niya itong makapagpahinga ng maayos.

Paglabas niya ng silid, sa halip na sa kusina ang punta niya katulad ng kaniyang nakasanayan, tinungo muna niya ang training ground upang magpapawis. Bitbit ang kaniyang pana, tahimik niyang tinahak ang landas patungo roon. Pagdating, ay hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at nagsimula na sa kaniyang pagsasanay.

Malalim siyang napahinga bago hinatak ang pisi ng pana, nasa tamang posisyon na siya, at akmang nakaturo na rin ang talim ng palaso sa kaniyang target. Muli siyang bumuntong-hininga bago pinakawalan ang pisi at humagibis naman ang palaso patungo sa target niya.

Ilang beses pa niyang ginawa iyon, hanggang sa maubos na ang mga palaso sa kaniyang sisidlan. Bumuga siya ng hangin at nilapitan ang mga pana sa target, upang kunin ito. Dahil pagsasanay lamang iyon, ordinasyong palaso lamang ang gamit niya. Isa-isa niya itong hinugot mula sa target at napansin niya ang pangingitim ng dulo ng palaso sa bandang may talim. Para bang nanggaling ito sa pagkakasunog kaya napakunot ang noo niya.

Isang ideya ang agad na pumasok sa kaniyang isipan, kaya naman tinawag niya ang isang kawal at inutusan itong kumuha ng isang batyang tubig. Pinaayos rin niya ang isang target at pinalayo ito sa kahit anong, maaaring maakit ang apoy.

"Prinsesa, nakahanda na po ang lahat." Untag ng kawal sa kaniya. Tumango siya at muling dinampot ang mga palaso at isinilid iyon sa sisidlan bago isinukbit sa kaniyang balikat. Tumayo siya, samponmg metro ang layo mula sa kaniyang target habang ang kawal naman ay tumayo, isang dipa ang layo sa target, nasa paanan nito ang balde ng tubig na pinahanda ni Elysia.

Agad na inayos ni Elysia ang posisyon niya at inihanda ang kaniyang pana at palaso. Matapos maikabit ang palaso sa pana, marahan naman ang ginawa niyang paghatak sa pisi nito bago niya kinontrol ang apoy at pinagapang ito mula sa kaniyang kamay patungo sa palaso. Nang mapakawalan niya ang palaso at patuloy itong nagliliyab, subalit bago pa man ito tumama sa target ay bigla naman itong naupos at naging abo, bago bumagsak sa lupa.

"Tama nga, pwede pala ang ganito. Malaking bagay ito para sa pagtugis sa mga Chiroptera na nasa ere, kailangan kong magawa ito ng tama." Bulong na wik ni Elysia sa sarili at mas pinag-igihan pa niya ang konsentrasyon ibinibigay sa kaniyang pagsasanay.

Ilang beses pa siyang nabigo at tila naubusan rin siya ng lakas, dahil sa paulit-ulit na paglikha ng apoy.

"Grabe, nakakawala ng lakas pala ang tuloy-tuloy na paggamit ng apoy. Pakiramdam ko, nasusuka ako." Sapo-sapo ni Elysia ang noo habang nakasalampak sa lupa. Nang mga oras na iyon ay dumating naman si Diana at Vera na may bitbit na basket. Agad niyang naamoy ang mabangong pagkain sa loob nito at doon lang niya napagtanto na hindi pa palas siya nakakapag-almusal.

Parang bata niyang iniangat ang mga pagod na braso at nagmamadaling pinalapit ang dalawa. Tatawa-tawa naman sina Diana at Vera nang halos maluha-luha si Elysia nang makita ang pagkain sa basket.

"Hanga naman kami sa dedikasyon mo Mahal ni Prinsesa, pero sana, huwag mong kalimutang alagaan ang sarili mo. Ano na lang ang sasabihin sa amin ng Hari kung magkakasakit kayo dahil sa pagod at gutom.

Tumingala lang si Elysia at ngumisi sa mga ito habang nilalantakan ang tinapay na dala ng mga ito. Hindi rin nawala ang malaking tipak ng karne na niluto ni Loreen at ang sariwang gatas na lagi nitong hinahanda para sa kaniya.

Napangiti lamang siya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin pumapalya sa pag-aalaga si Loreen sa kaniya. Matapos kumain ay nagpahjnga muna siya at nakipagkuwentuha kay Diana at Vera. Kung ano-anong mga kuwento ang nasasagap ng mga ito sa palasyo at natatawa na lamang si Elysia.

"Kayong dalawa, hindi pa nga kayo nakaka-isang linggo rito mukhang mas alam niyo pa ang nangyayari sa loob ng palasyo ah. At saan niyo naman narinig ang bagay na iyan? Imposible naman siguro iyan. Hindi nga gumagalaw ang kawal na iyon sa harap ng silid namin ni Vlad." Natatawang wika ni Elysia.

"Ano ka ba naman Mahal na prinsesa, hindi lang namin narinig, nakita namin mismo. Ang kawal na iyon na may gintong buhok, nilapitan ang isang katiwala sa kusina kagabi habang natutulog kayo. At mukhang nagkakamabutihan na sila. Kinilig pa nga itong si Vera dahil napakaalaga ng lalaki." Pabulong na kuwento ni Diana. Humagalpak naman ng tawa si Elysia dahil sa kapilyahan ng dalawa.

Mukhang hindi na siya mag-aalalang magiging matamlay ang buhay niya sa palasyo kapag wala si Vlad. Dahil bukod kay Vivian at Loreen , nadagdagan pa ang mag-aaliw sa kaniya.

Nang makabawi naman ng lakas si Elysia ay muli na siyang nagpatuloy. Namangha naman ang dalawa sa naging ideya ni Elysia sa pagsasanay nito. Sa halip na pisi ay ginamit nito sa palaso ang pagsasanay na ibinigay ni Tandanv Gwirem. Bagaman, laging nabibigo ay hindi pa rin huminto si Elysia.

Determinado siyang mapagtagumpayan iyon, alam niyang hindi iyon madali pero hindi siya susuko. Lumipas pa ang maraming araw at patuloy lang sa pagsasanay si Elysia.

Napapakamot pa ang dalaga nang mapagtanto niyang, napakarami niyang nasayang na palaso. Natawa naman si Vladimir at hinaplos lang ang kaniyang ulo na animo'y nagpapatahan ng bata.

"Magpapagawa pa tayo ng mas maraming palaso para sa'yo. Huwag mong isipin ang mga iyon. Gawin mo lang ang alam mong nararapat." Wika naman ni Vlad.

Napangiti naman si Elysia at agad na yumakap sa braso ng binata.

"Kung gano'n, hindi na ako mag-aalala na mauubos ko ang mga palaso sa palasyo." Natatawang wika ni Elysia habang nakayakap sa binata.

Ngingiti-ngiti naman si Vladimir habang nilulubos ang pagdikit sa kaniya ng dalaga. Natutuwa ang binata na mas naging malapit pa ang dalaga sa kaniya. Hindi na ito tulad ng dati na nangingilag pa sa kaniya. Mas naging bukas siya sa mga bagay at usaping nais niyang sabihin sa dalaga nang hindi nagpipigil.

Mas naging komportable sila sa isa't-isa at alam niyang tanggap na rin siya ng dalaga dahil hindi na ito umiilag kapag niyayakap o hinahalikan niya.

"Bakit ganyan ka makatingin? Para ka namang mangagain, Vlad. Tigilan mo nga 'yan." Tumatawang saway ni Elysia.

"Saka ko na gagawin iyan kapag pormal ka ng naging aking reyna. At sa oras na iyon hindi na talaga kita pakakawalan pa." Bulong man ng binata. Humagikgik naman ang dalaga ngunit kapansin-pansin pa rin ang pamumula ng pisngi nito.

Sumapit ang gabi, maagang nagpahinga si Elysia. At dahil nalalapit na ang koronasyon, mas naging abala pa ang binata sa mga ginagawa nito. Hindi naman iyon pinagtuuban ng pansin ni Elysia dahil maging siya ay nagiging abala na rin. At kapag, magkaroon man sila ng oras na magkasama ay sinusulit naman nila iyon.

Isang buwan bago ang kaarawan ni Elysia, isang kaganapan ang siyang yumanig sa buong Nordovia. Kasalukuyang nagsasanay si Elysia kasama si Diana at Vera nang humahangos na papalapit sa kanila si Kael kasama ang tatlong binata.

"Prinsesa, masamang balita, inatake ng mga chiroptera ang Bayan ng Targus." Humihingal na anunsyo ni Kael. Kasabay nito ay ang pag-ugong naman ng malakas na tunog na nagmumula sa mga bayan na siyang hudyat na may nangyayaring hindi maganda sa mga ito.

"Nagsisimula na sila. Kael, magpadala kayo ng mensahe kay Tandang Gwirem. Sabihan mo silang ilikas ang mga tao sa bayang iyon. Gutom ang mga chiroptera at hindi sila mangingilag na biktimahin ang kahit sinong makita nila. Huwag kayong mag-alangan na kitilan sila mg buhay. Kalaban sila na dapat mating puksain. Diana, Vera, maghanda kayo, pupunta tayo sa Targus, ngayon." Utos ni Elysia at dali-daling pumasok sa palasyo.

Related Books

Popular novel hashtag