Nagkatinginan naman si Vladimir at Leodas dahil sa tugon ni Elysia. Makahulugang ngumiti naman ang binata bago nagkibit-balikat.
"Sadyang napakainosente mong prinsesa. Hindi lahat ng tao may malinis na intensiyon katulad mo. Lalo na sa mga katulad naming Demi-beast. Nakikita mo ba ang batong ito?" Itinuro ng hari ang batong tila nakadikit sa noo nito. Napansin niya rin ito sa bandang ulo ni Zyrran at mayroon din si Ravi. Ang kaibahan nga lang, kulay ginto ang batong nasa ulo ng Hari at ni Zyrran, samantalang kulay pula naman ang kay Ravi.
"Ano po ang mayro'n sa mga batong iyan, hindi po ba dekorasyon lang ang mga iyan na isinusuot niyo?" nagtatakang tanong ni Elysia.
"Hindi ordinaryong bato ang mga ito, prinsesa at alam iyan ng lahat ng nilalang na nabubuhay sa mundo, maging ng ibang mga tao. Ang batong ito ang sisidlan ng aming buhay at kapangyarihan. Para sa mga tao, kayamanan itong maituturing dahil napakaraming bumibili ng mga batong galing sa aming mga Demi-beast," salaysay ng Hari. Ayon pa rito, maayos na nakikihalubilo ang mga demi-beast sa lahat ng nilalang noon. Walang pagdududa at hindi sila nagdadamot, subalit, sadyang mapag-imbot ang mga tao dahil nagawa nilang pagtaksilan ang pagkakaibigan nila kapalit ng materyal na bagay na alam naman nilang tanging nagpapanatili ng buhay nila.
Napakarami ang nasawi, lalo na ang mga kabataan, hindi alam kung paano protektahan ang kanilang mga sarili. Masakit na kamat*yan para sa mga Ravaryn ang kunin ang mga bato sa kanilang noo, brutal at hindi kanais-nais ang dinaranas na sakit ng mga ito bago mamat*y. Iyon ang dahilan kung bakit sapilitang lumayo ang mga demi-beast sa mga tao at iba pang nilalang. Nagpakalayo-layo sila at walang sino man ang nakakapasok sa kanilang isla, maliban kay Vladimir na siya ring tumulong sa kanila noon na tumakas.
Maluha-luhang napatingin si Elysia kay Vladimir. Tila nilakumos ang puso niya sa sobrang sakit dahil sa nalaman. Hindi niya mawari kung anong hirap ang dinanas noon ng mga Ravaryn sa kamay ng mga kauri niya. Ang isipin, isang katulad ni Zyrran na isang bata ang dadanas ng ganoong pasakit, ay hindi niya matanggap.
"Kaya nakakagulat na nagawa mong iligtas ang anak ko nang hindi ka nasisilaw sa kinang ng bato sa kaniyang noo. Noon pa man ay alam na naming mga Ravaryn na ang batong ito ay isang biyaya at isang sumpa. Biyaya, dahil ito ang dahilan kung bakit kami nabubuhay at kung bakit kami malakas. Sumpa, dahil ito rin ang magiging dahilan ng aming kamat*yan." Saad naman ni Haring Leodas. Malamlam ang mga mata nito ngunit bakas rito ang matinding poot na ikinukubli lamang niya sa kaniyang mga ngiti.
"Hindi mapag-imbot ang napili kong Reyna, Haring Leodas, makakaasa ka na sa kaniyang pamumuno, walang tao rito na magiging sakim at sino man ang magtangka ay malayang makakalabas sa ating kaharian. Hindi kailangan ng Nordovia ang mga ganiyang klaseng tao. Napakalawak ng Romania at kahit saan ay maaari silang manirahan, pero dito sa Nordovia magiging makitid ang mundo nila," wika naman ni Vladimir.
Matapos ang kanilang usapan ay pinagpahinga na nila ang Hari ng mga Ravaryn. Isang parte sa palasyo ang ibinigay nila para rito at sa mga anak nito. Kasama ni Haring Leodas ang tatlo sa walong anak niyang babae at si Zyrran. At nasa higit sampo rin ang kasama nilang mga kawal at limang tagapag-alaga maliban pa sa tig-isang tagabantay ng kaniyang mga anak. Laking pasalamat na lamang nila na walang gaanong nasaktan sa mga ito, at bukod pa roon, nagtalaga si Vladimir ng mga kawal na magbabantay sa mga ito ng palihim. Ito ang mga bampirang kawal niya nagtatago lamang sa anino at walang nakakakita. Lalabas lamang ang mga ito sa oras na kakailanganin na sila.
Sa pagkakataong ito ay naging panatag na kahit papaano ang puso ni Elysia. Nagbigay na rin siya ng utos sa mga Yuri na matyagan ang buong paligid ng Nordovia.
Dumaan pa ang maraming araw at naging maayos naman ang naging buhay nila sa palasyo. Dalawang buwan bago ang koronasyon at nagsisimula na ring maghanda ang lahat para sa seremonyas.
Habang abala naman ang lahat ay patuloy naman ang ginawang pagsasanay ni Elysia. Sa pagkakataong ito ay sinanay naman niya ang sarili sa paggamit ng elemento ng apoy na minsang itinuro sa kaniya ni Loreen subalit hindi niya napagtuonan ng pansin.
Nasa kalagitnaan siya ng matinding konsentrasyon nang maramdaman niyang nag-init ang suot niyang kuwentas. Sa pagmulat ng kaniyang mata ay nasilayan niyang naglalabas iyon ng isang nakakasilaw na liwanag. Agad siyang nahumaling rito at tila nilamon ng liwanag na iyon ang buong kamalayan niya.
Sa muling pagmulat ng kaniyang mata ay napadpad naman siya sa isang maliwanag at marangyang bulwagan. Nabababalot iyon ng puti at lahat ng kasangkapan ay gawa sa ginto. Napakaaliwalas rin ng lugar at tanging nakikita niya ay isang upuan na gawa rin sa ginto. Sa tabi naman nito ay isang puting upuan, may nakapatong na gintong tiara roon na tila ba inaanyayahan siyang lumapit.
Napakaganda ng tiara na may detalyadong desinyo. Tila mga maliliit na balahibo iyon na pinagpatong-patong at sa gitna nito at isang kulay apoy na bato.
Akmang hahawakan na niya ito subalit bigla namang bumukas ang pinto na siyang nagbalik sa kaniya sa kaniyang kamalayan. Nang maimulat niya ang kaniyang mata ay nakita niyang nananatiling nakasara ang pintuan ng silid niya. Ibig sabihin ang pinto sa bulwagang iyon ang siyang nagbukas at nagpabalik sa kaniya sa dito sa kasalukuyan.
Agad siyang napaisip kung anong lugar iyong naputahan niya. Malabong bulwagan iyon ng trono ni Vladimir dahil hindi ganoon kaliwanag doon. Itim at pula ang kulay ng bulwagan ni Vladimir, bagaman may halong ginto dahil sa mga kasangkapan. Malayong-malayo iyon sa bulwagang kaniyang nakita.
"Hindi kaya ibang lugar iyon at hindi rito sa Nordovia? Pero bakit? May kinalaman ba ito sa sinabi sa akin ni mama at papa noon? Hindi kaya iyon ang lugar na kinaroroonan ni Kuya Zuriel?" Napakaraming tanong ang biglang gumulo sa isipan niya na naging dahilan para mawala siya sa kaniyang konsentrasyon. Kahit anong gawin niya ay paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang kaniyang nakitang pangitain.
Sumapit lang ang gabi nang araw na iyon ay malalim pa rin ang iniisip ni Elysia. Hanggang sa pagtulog ay naging dala-dala niya ang mga isiping iyon.
Kinabukasan naman,
"O, Elysia, bakit parang nangangalumata yata ang mga mata mo, anong nangyari hindi ka ba nakatulog?" Bungad na tanong ni Loreen sa kaniya.
"Hindi nga po eh, habang nag-iinsayo kasi ako kahapon isang pangitain ang pumasok sa isip ko. Auntie, sa koronasyon ba, magiging kulay puti ba ang lahat?" Tanong ni Elysia at tila nagulat naman si Loreen.
"Puti? Hindi, dahil anim na pung porsyento ng populasyon natin ay mga bampira, kulay, itim, at pula lamang ang magiging dekorasyon natin." Kahit nagtataka, ay sumagot pa rin si Loreen.
"Kung ganoon, tama nga ang hinala ko. Hindi sa Nordovia ang bulwagang nakita ko. Kulay puti at ginto ang nakikita ko. May dalawang upuan rin isang ginto at isang puti. At sa puting upuan, may nakapatong na gintong tiara na nasa hugis ng mga pinagpatong-patong na balahibo." Hilot-hilot niya ang ulo habang nagsasalaysay kay Loreen.
"Kakaiba nga iyang pangitain mo Ely, pero bakit hindi mo balikan ang lugar na iyon sa isipan mo. Minsan ang mga pangitaing ganyan ay nagdadala ng mga babala o paalala. Baka may kumokonekta sayo sa pamamagitan nito at may nais ipabatid."
"Pero paanong gagawin ko, Auntie?" Naguguluhang tanong ni Elysia.
Napabuntong-hininga si Loreen at ngumiti. Pinahinan niya ng pagkaian si Elysia at napatda naman doon ang tingin ng dalaga.
"Ang una mong gawin ay kumain, pagkatapos, bumalik ka sa silid mo at magpahinga. Hayaan mong ang kamalayan mo mismo ang magdala sa'yo sa kung saan mang nais mo. Abala naman si Vlad ngayon at sasabihan ko na lamang si Kael na bantayn ang silid mo. Si Lira naman ay sasabihan ko rin upang makatulong sa pagbabantay sa'yo.
At gano'n nga ang ginawa ng dalaga. Matapos kumain ay bumalik siya sa kaniyang silid at muling humiga sa kama. Nakatanaw lang siya sa magarang kisame habang hinahayaang maging panatag ang sarili. Maya-maya pa ay hindi na niya namalayan ang paglutnag ng kaniyang kamalayan sa alapaap. At mula roon ay muli niyang natanaw ang bulwagan sa hindi kalayuan.
Sa pagkakataong iyon ay nakita niya ito bilang isang parte lamang ng isang malaking gusali na tila ba nakatirik sa isang makapal at malaking puting ulap. Gawa rin sa puting bato ang buong gusali na tila kumikinang pa dahil sa liwanag na nagmumula sa kalangitan.
Ramdam niya ang malamig na ihip ng hangin doon at tila ba nanunuot sa kaniyang buto ang lamig na iyon. Ramdam din niya ang kakaibang gaan ng kaniyang katawan at ang paglutang-lutang niya sa alapaap.
"Ano'ng lugar ba ito?" Tanong niya habang patuloy na inililibot ang kaniyang paningin sa buong paligid. Sa kalagitnaan ng kaniyang pagmamasid ay tila may puwersang humatak sa kaniya pabalik. Bago pa man masagot ang kaniyang mga katanungan ay tila sapilitan siyang inihagis pabalik sa kaniyang katawan.