Chapter 69 - Chapter 69

Pilit mang itago ni Kael ang kasabikan ay hindi niya ito magawang itago kay Elysia. Natatawang pinagmamasdan ng dalaga ang binata habang mabilis na tumatakbo ang kanilang mga kabayo pabalik sa palasyo.

Saktong padilim na nang marating nila ang palasyo. Sa pagpasok naman ni Elysia ay isang mahigpit na yakap ang sumalubong sa kaniya.

"Galathea? Kailan pa kayo nakabalik?" Gulat na tanong ni Elysia nang mapagtanto kung sino ang yumakap sa kaniya.

"Ely, natutuwa akong makita kang muli. Ang tagal bago ko napapayag si Caled na bumalik rito. Noon pa dapat, kaso ang dami rin kasing inaasikaso ni Caled." Paliwanag ni Galathea.

"Ayos lang iyon, alam ko naman. Pero natutuwa ako dahil napaaga pa rin ang pagdating mo. Kasama mo ba si Caled?" Tanong ni Elysia habang tinatahak naman nila ang pasilyo patungo sa silid ni Elysia.

"Oo, pero inihatid lang niya ako. Nag-usap lang sila saglit ni Vladimir at umalis din aiya agad. Hindi pa kasi niya tapos ayusin ang mga dapat bago ang koronasyon. May limang buwan pa naman bago ang koronasyon hindi ba. Nasasabik na talaga ako. Sana maging maayos ang lahat." Galak na wika ni Galathea.

"Bakit parang lahat kayo sabik sa araw na iyon?" Nagtatakang tanong ni Elysia bago naupo sa higaan niya. Nangunot naman ang noo ni Galathea at marahas na tinapik ang braso ni Elysia bago ito tinabihan ng upo.

"Ano ka ba? Malamang, mahigit isang daang taon na ring walang reyna ang Nordovia at bilang kasangga ng kahariang ito at kaibigan na rin ni Vladimir, masaya ako na sa wakas matutuloy na ang koronasyon," sagot ni Galathea.

"At isa pa, natutuwa ako dahil ikaw ang magiging reyna ni Vladimir. Hindi ba 'yon kagalak-galak?" Dugtong pa ni Galathea na ikinatawa naman ni Elysia.

"Ang dami-dami niyong nag-aabang, pero ito ako, kinakabahan. Hindi lang kasi mahalaga ang bagay na iyon kay Vlad, maging sa akin din. At hindi ko alam kung ano ang mangyayari, kung magiging maayos ba o matutulad lamang ito sa nangyari noon kay Theresa." wika ni Elysia ay napatingin sa bintana, kung saan tanaw nila ang pagkawala ng araw sa kabihasnan.

"Sabagay tama ka, pero Ely, iba ka kay Theresa, si Theresa kasi, mahina, masyado siyang naprotektahan ni Vladimir noon, kung kaya hindi niya nagawang matuto na ipagtanggol ang sarili niya. Iba ka, malakas ka at hinasa ka ni Vlad upang kaya mong protektahan ang sarili mo. Iyan din ang ikinatuwa ko dahil sinunod niya ang suhestiyon sa kaniya ng mga kasangga niya." wika ni Galathea habang hawak ang kaniyang kamay.

"May punto ka, pero hindi mo pa rin maiaalis sa aking ang mag-alala. At isa pa, bukod sa koronasyon, nariyan din ang pagsapit ko sa hustong edad. Panigurado, muling magpapakita ang kapatid ko sa araw na iyon."

"Kapatid? May kapatid ka? Bakit hindi ko ito alam?" gulat na tanong ni Galathea.

"Noong nakaraan ko lang din nalaman, matagal ko na siyang nakilala, siguro bago pa man ako magsimulang matuto ng mga bagay-bagay tungkol sa pakikipaglaban. KUng hindi ko pa nakausap sa panaginip ko ang aking mga magulang, hindi ko malalaman na kapatid ko siya. Pero alam mo ba ang nakakatawa?"

"Ano naman ang nakakatawa?"

"Ang kapatid ko at si Vlad, parang may lihim na alitan." 

Humagalpak sa tawa si Galathea dahil sa narinig. Nakikinita kasi niya ang mga ito kapag magsasalubong ng landas. Kilala niya si Vladimir, isa lang ang dahilan kung bakit ganoon ang trato nito sa kapatid ni Elysia. Isang daang porsyentong sigurado siya na nagseselos ang binata, lalo pa't wala itong kaalam-alam sa tunay na relasyon ni Elysia at ng lalaki.

"Pero seryoso, nasabi mo na ba kay Vlad?"

"Nasabi ko pero hindi ko sigurado kung pati ang tungkol kay Kuya Zuriel nabanggit ko ba ng malinaw. Hayaan mo na, malalaman din naman niya pagdating ng araw." sagot naman ni Elysia. Muli silang nagkatawanan at naglaan pa ng maraming oras na magkausap. Hatinggabi nang maghiwalay ang dalawa, sakto din namang pumasok na sai Vladimir sa silid nila, pagkalabas ni Galathea.

Kasalukuyang inililigpit ni Elysia ang Solyndor at ikinubli niya iyon sa kuwentas namang ibinigay ni Zuriel sa kaniya.

"Lumabas ka kanina?" tanong ni Vladimir at napapitlag pa si Elysia nang yakapin siya nito mula sa kaniyang likuran.

"Oo, namasyal kami ni Kael. Kamusta ang pagpupulong niyo?" tanong niya at napabuntong-hininga lang ang binata. Sa pagkakataong iyon ay ibinalita nito ang mga kaganapang naganap sa mga lugar na hindi naaabot ng kanilang tulong. Iyon ang mga lugar na malapit sa hangganan ng kaharian. At iyon din ang mga lugar na inuunti-unting sakupin ni Vincent.

"Hindi ba't doon din napahamak sina Auntie Loreen?"

"Iba angf lugar na iyon, sa Silangan naganap ang pag-atake sa grupo nina Auntie Loreen at ang balitang dumating kanina ay nagmula sa Timog at Kanluran. Nagiging mas agresibo ngayon ang panig ni Vincent, nais niyang pahinain ang ating panig." wika ni Vladimir at napailing naman si Elysia.

"Hayaan mo Vlad, habang abala siya sa pagpapahina sa atin, hindi niya namamalayan na mas lalo tayong lumalakas. Maraming tulong ang darating sa oras ng kagipitan." Makahulugang wika ni Elysia at napangiti naman ang binata.

"Ganoon ka kasigurado?"

"Oo naman, may mabuti kang puso Vlad, at mahal ka ng mga tao. Mahal ka ng mga nilalang na nasasakupan mo. At sigurado akong sa oras ng kagipitan, sila ang unang kikilos upang tulungan ka. Salat man sila sa kaalaman, hindi sila magdadalawang-isip na tulungan ka at ipagtanggol ang kahariang naging tahanan na rin nila." puno ng emosyong wika ni Elysia.

Natahimik naman si Vladimir at napatda ang tingin niya sa mga mata ni Elysia. KItang-kita niya ang kasiguruhan sa mga mata nito at ang kasiyahan na naroroon sila. Sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi ni Vladimir at iniangat ang kamay upang marahang haplusin ang pisngi ni Elysia.

"Salamat, Ely. Dahil kahit alam mong mapanganib ay nananatili kang matatag sa harapan ko. Nakakatuwa lang isipin na noon ay medyo matatakutin ka pa. Natutuwa ako dahil sa ilangbuwan at taong itinagal mo sa poder ko ay napakalaki na ng pinagbago mo. Pananalita, kilos at maging ang kagalingan mo sa pakikipaglaban." wika naman ni Vladimir.

KInabukasan, muling nagpaalam si Elysia na tutungo sa bayan ng mga manunugis. Sa pagkakataong ito ay makakasama niya sa pagpunta roon si Raion, Raya at Kael. Bilang pagsunod na rin sa nais ni Vladimir na magsama ng marami upang masiguro ang kaligtasan niya sa daan.

Sa bukana naman ng gubat ay sinalubong sila ng mga Yuri na mas naunang dumating sa kanila roon at sabay-sabay na nilang tinahak ang daan patungo sa pusod ng gubat.

"Hindi na tulad ng dati ang mga natitirang manunugis ngayon, sa kadahilanang nasa ilalim na rin sila ng pamumuno ng isang bampira. Pero alam naman namin, mabuti ang hangarin ng hari ng Nordovia at ang tunay na kalaban ay ang Hari ng unang kaharian ng mga ito." wika ng matanda habang tinatahak nila ang matarik na daan paakyat.

"Si Vincent?"

"Wala ng iba, ang ama niya ang sanhi ng napakaraming buhay na nawal noong unang digmaan sa pagitan ng mga tao at bampira. Napakaraming naging biktima at marami rin ang nalipol sa mga naunang manunugis. Sa ikalawang digmaan, napaslang ang unang hari ngunit pinalitan naman ito ng mas dem*nyo pa sa nauna. Magmula noon ay hindi na naging tahimik ang mundo, at nagkaroon rin ng kasunduan ang haring iyon sa mga tao. Sa pagitan ng limang taon, isang alay na birhen ang kinukuha." Wika ng matanda.

Napatango naman si Elysia dahil iyon din ang nakagisnan niya. Iyon din ang naging simula ng pagbabago sa buhay niya, nang minsan siyang ipagkalulo ng mga taong kumupkop sa kaniya bilang alay.

"Pero huwag kang mag-alala Elysia, ngayong nandito na kami, ay sasanayin namin ang mga natitirang manunugis upang magawa nilang makipagsasabayan sa mga matatandang bampira na kasangga ng ating mga kalaban. Pasasaan ba't muling mamamayagpag ang pangalan ng mga manunugis." masayang wika naman ng matanda.

Marami pa silang natalakay habang tinatahak nila ang daan patungo sa pusod ng gubat. Nang makarating na sila roon at ganoon na lamang ang gulat at pagkabigla sa mga itsura ng kanilang nadatnan. Manghang nakatingi lang ang mga ito sa kanila na animo'y natigalgal mula sa kanilang kinatatayuan.

Halatang hindi makapaniwala ang mga ito sa kanilang nakikita. Dahil ang mga tulad ng Yuri ay naging alamat na lamang sa kanila, lalong-lalo sa mga batang manunugis na ngayon lamang nagkakaisip sa kanilang mga responsibilidad. Pero hindi para sa mga mata ng matatandang natitira, dahil halos mapaluhod ang mga ito sa harap ng mga yuri.

"Tumayo kayo kaibigan, alam niyo naman siguro kung bakit kami naririto. Muli nang naibalik ang kuwentas ng Solyndor, dahilan para mabuksan ang lagusan patungo sa mundo niyo. Sa kasalukuyan, hawak na ito ni Elysia na siya ngayon tatayong pinuno ng lahat ng mga natitirang manunugis," anunsiyo ng matanda. Wala silang narinig na pagtutol, bagkus pumainlalang ang sigaw at iyak ng pasasalamat sa paligid.

Mangiyak-ngiyak ang mga ito at may nagsasabi pang , muli nang tatayo ang bandila ng mga manunugis. At muli na silang makakatulong sa kaharian ng Nordovia. Hindi maiwasan ni Elysia ang hindi maluha habang nakangiti. Ito ang inaasahan niya, ang magkaisa sila para sa kahariang nais nilang protektahan. Ito rin ang nais niya dahil na rin kay Vladimir.