Chapter 70 - Chapter 70

Sumapit ang unang buwan ng taglamig, nagsimula nang pumatak ang nyibe sa lupa. Ito ang unang pag-ulan ng niyebe sa taong iyon at muli na namang nasilayan ni Elysia ang dahan-dahang pagtakip ng puting niyebe sa buong kalupaan ng Nordovia.

Sa kaibuturan ng kagubatan, hindi alintana ng mga manunugis ang lamig na dulot ng niyebe. Patuloy silang nagsasanay sa ilalim ng pagtuturo ng mga Yuri. Ang iba pa nga ay wala pang pang-itaas na damit habang nakikipaglaban sa isa't-isa. Batak sa pagsasanay ang mga katawan ng mga Yuri, kung kaya't ang ganitong lamig ay hindi nila iniinda. Nakatanaw naman si Elysia sa kanila habang nakaupo sa lilim ng isang puno. Sa kaniyang balikat ay nakaupo naman si Lira.

"Ramdam na mula rito ang pagbabago sa mga kasapi ng manunugis prinsesa. Paniguradong malaki na ang maitutulong nila sa oras ng digmaan. Bukod sa kasanayang pisikal, nakita kong may sinasanay rin ang mga Yuri sa kasanayang intelektwal. Hindi talaga basta-basta itong mga kasangga ng iyong mga magulang prinsesa." wika ni Lira habang napapailing pa.

"Ako man ay nagulat din Lira, pero malaking tulong din ito sa nalalapit na kaguluhan. Dahil dito ay may darating na tulong sa atin sa oras ng kagipitan." sambit naman ni Elysia at napatango naman si Lira.

"Tama ka, prinsesa. Siguradong magugulat silang lahat," masayang wika ni Lira

Gamit ang Solryndor ay ikinubli nila sa ibang mga nilalang ang bayan ng mga manunugis, at ang tanging makakapasok at makakalabas lamang ay ang mga nilalang na naroroon na sa loob nang ilagay ang harang. Maging si Luvan ay hindi na magagawang makabalik doon. Hindi rin ito basta-basta masisira ng kahit anong mahika o sandata. Dahil din sa kakayahan ng kuwentas ni Elysia at mahika ng mga Yuri, naisagawa ng mabilisan ang paggawa ng harang.

"Bukas, baka hindi muna ako makakabalik rito, maraming salamat po sa pag-agapay sa mga kasamahan nating manunugis." Wika ni Elysia.

"Ang lahat ng ito ay naaayon sa propesiya. Sige na, humayo na kayo habang may sikat pa ang araw. Mag-iingat kayo sa daan." Sambit naman ni Gwirem habang nakangiti.

"Sige po, Lolo Gwirem." sabad ni Elysia at sumakay na sa kaniyang kabayo. Sumunod naman sa kaniya ang tatlo at sabay-sabay na nilang nilisan ang lugar. Mabilis nilang tinahak ang madaling daan palabas ng gubat, ilang minuto lamang ay nakalabas na sila sa gubat at kasalukuyan na nilang tinatahak ang malamig na daan pabalik sa palasyo.

Lumipas pa ang ilang araw ay mas naging malakas pa ang pag-ulan ng niyebe. Ang dapat na araw na babalik siya sa bayan ng mga manunugis ay pinagpaliban muna niya dahil halos sobrang kapal na ng niyebe sa mga daan. Ayon pa sa mga mensahero ng hari, umabot na sa beywang niya ng isang tao ang niyebe sa labas.

"Hindi makalabas ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay. Mahal na hari, nangangamba kami na kapag nagpatuloy ito, maaaring magkasakit o mamatay ang mga tao." Wika ng isang mensahero. Nakaluhod ito sa harapan nila at napabaling naman ng tingin si Elysia sa binata.

"Ganoon kalala ang mga nangyayari sa mga bayan ngayon?" gulat na tanong ni Elysia. Ni minsan ay hindi niya naranasan ang ganitong sitwasyon.

"Bata ka pa Elysia at alam kong, hindi mo noon nakita ang katulad ng sitwasyon ito. Mahigit tatlumpung taon na rin ang nakakaraan noong huli itong nangyari at mukhang mas malala ang taglamig ngayong taon. Ang mas nakakapangamba pa, iilan sa ating mga bisita ay nasa bayan na," nag-aalalang wika ni Vladimir. Nangungunot pa ang noo nito habang tila malalim na nag-iisip.

"Sanay sa malamig ang ibang nilalang, ngunit may iilan na hindi talaga nakakatagal." Sabad ng mensahero at napailing naman si Elysia. 

"Gaano ka delikado ang paglabas, Vlad? Hindi ba kaya ng karwahe ang daan?" Tanong ni Elysia sa binata.

Umiling si Vlad at matiim na napatitig sa dalaga.

"Alam ko ang iniisip mo Ely at hindi, hayaan mong ang mga kawal natin ang gumalaw. Masyadong malamig sa labas at hindi mo kakayanin." Tutol ng binata.

"Pero Vlad, paano naman ang mga tulad kong tao? Hindi nila kakayanin, lalo na ang may mga hindi maayos na tirahan na malayo sa bayan. Paano sila, hahayaan na lang ba natin sila?" Giit na tanong ni Elysia.

"Hindi ko naman sinabing hahayaan natin sila, ang sinasabi ko, hindi ikaw ang pupunta. May mga kawal tayo na mas nakakatagal sa lamig at sila ang gagawa ng nararapat."

"Vlad, alam mo namang hindi mo ako mapipigilan hindi ba?" Hinawakan ni Elysia ang kamay mg binata at bahagya itong pinisil.

"Nagbabakasakali lang naman na sa unang pagkakataon ay manalo ako sa'yo. Alam ko naman, pero Ely, mapanganib sa labas at ayokong maging dahilan nag unos na ito para mapahamak ka."

"Alam ko naman, mag-iingat naman ako. At isa pa, hindi ka makakaalis dahil sa dami ng inaasikaso mo. Hayaan mong gampanan ko ang tungkulin natin sa mga nasasakupan natin. Hindi rin naman ako mapapalagay kapag hindi ko nakita na nasa maayos na kalagayan na ang Nordovia. Hindi ako lalayo, ipapaubaya ko na sa mga kawal ang mga bayang malalayo rito." Sagot naman ni Elysia at marahas na napabuntong-hininga si Vladimir. Napangiti naman ang dalaga dahil alam niyang napapayag na niya ito. Niyakap ni Elysia ang binata at hinagkan ito sa pisngi.

"Pangako, mag-iingat ako. Ipapahanda ko sa mga katiwala ang mga kailangan dalhin. Tutungo na rin ako sa bodega ng mga kayamanan ng palasyo. Kukuha ako ng mga bagay doon na magagamit natin at maaaring maipamigay sa mga nangangailangan. At magpapagawa na rin ako ng mga gamot sa mga mystics." Wika pa ni Elysia at napapailing na lamang si Vladimir habang naririnig itong magtala ng mga kailangan niya habang papalabas ng bulwagan.

"Mahal na Hari, magiging ayos lang ba ang prinsesa?" Nagtatakang tanong ng kawal.

"Kaya na niya ang sarili niya. Ano pa ang iuulat mo? Kumusta ang Kanlurang hangganan?" Tanong ni Vladimir. Maagap naman iyong sinagot ng mensahero at detalyado nitong inilahad ang lahat ng mga pangyayaring nalaman niya.

Sa kabilang banda naman ay isa-isang tinungo ni Elysia ang mga dapat niyang abisuhan sa kaniyang gagawing paglabas ng palasyo. Matapos maisangguni sa mga mga ito ay tinungo naman niya ang kamalig ng kayamanan sa palasyo.

Doon ay kinuha niya ang talaan ng mahahalagang bagay na hawak ng tagabantay at pinasadahan iyon ng tingin.

"Maaari mo bang ilabas ang mga telang maaari natin gamitin para gawing makapal na kumot at damit panlamig? Isama mo na rin ang mga nakaimbak na halamang gamot." Utos ni Elysia . Nanlalaki naman ang mata ng tagabantay ngunit hindi ito nagreklamo o nagsalita man lang.

Maagap nitong tinawag ang kaniyang mga kasama at inilahad ang nais niya sa mga ito.

"Prinsesa, lalabas ba kayo sa palasyo? Paumanhin sa pagtatanong ko."

"Walang problema, oo lalabas ako, pero kailangan ko munang maghanda. Sa ngayon ito muna ang ipapauna kong ilabas, dahil ibibigay ko pa iyan sa mga mananahi at sa mga mystics. Babalik ako para sa ibang mga bagay, o magpapautos na lamang ako sa susunod. " Sagot niya at tumango-tango naman ang tagabantay. Nang makaalis na si Elysia ay naiwang napapailing na lamang ito habang malapad na nakangiti.

Naging maugong sa buong palasyo ang ginagawa ng dalaga, kung kaya halos lahat naman ay nagpresentang tutulong. Naging mas mabilis ang kanilang paghahanda at maging si Galathea ay tumulong na rin kay Elysia sa paglilipat ng mga damit na natahi sa mga karitong gagamitin nila sa paglabas ng palasyo.

Dahil makapal ang nyibe sa labas ay hindi nila magagamit ang karwahe at hindi rin kakayanin ng mga kabayo ang lumabas. Dahil dito gagamitin nila ang mga kariton at hahatakin naman ito ng mga puting uso at mga asong niyebe na mas nakakatagal sa lamig.

"Nakahanda na ba ang lahat?" Tanong ni Galathea sa isang kawal.

"Opo at hinihintay na lang ang mga gamot na manggagaling sa mga Mystics."

Pagkasabi nito ng kawal ay siya rin namang pagdating ni Loreen kasama ang mga estudyante nitong may dala-dalang mga sisidlan.

"Ely, narito na ang lahat. Tulad ng mga inihanda niyo ay pauna lamang ito. Ang iba ay pinadala ko na sa ibang grupo na naatasan sa ibang bayan. Ito naman ang parte niyo. Mag-iingat kayo sa labas, malamig at huwag niyong kalimutang uminom ng gamot upang manatiling mainit ang inyong katawan." Paalala ni Loreen. Inayos rin nito ang suot na makapal na kasuotan ni Elysia. Maging ang makapal nitong sombrero ay inayos rin ni Loreen sa pagkakatali upang hindi ito basta-basta liparin kapang biglang lumakas ang hangin.

"Maraming salamat Aunti. Mag-iingat kami. At isa pa,natatandaan ko pa rin naman ang spell para makagawa ako ng apoy. Babalik kami pagtapos ng tatlong araw. Siaiguruhin ko lang na nasa maayos ang lahat." Nakangiting tugon ng dalaga.

Tumango si Loreen at tinapik ng marahan ang pisngi ni Elysia.

"Ipagdarasal ko ang kaligtasan niyo. Sige na, bago pa kayo abutin ng muling pag-ulan ng niyebe. "

Matapos makapagpaalam ay nilisan na nila ang palasyo. Tumingala naman si Elysia nang makalabas na sila at nakita niyang nakatanaw sa kanila si Vladimir mula sa malaking bintanan na nakaharap sa kanila. Itinaas niya ang kamay at kinawayan nito at nakita niya itong tumugon ng kaway. Napangiti si Elysia bago muling itinuon ang pansin sa kanilang daraanan.