Chapter 71 - Chapter 71

Itinuon na ni Elysia ang pansin sa kanilang daraanan at tunay ngang napakakapal ng niyebe roon. Kung hindi lang dahil sa sanay ang mga hayop na ginawa nilang transportasyon ay paniguradong mahihirapan silang tawirin iyon. Dahil sa kapal ng yelo sa lupa, mabagal ang naging usad nila sa paglalakbay. Umaga ng umalis sila sa palasyo at halos tanghali na nang marating nila ang Bayan ng Helda. Agad na nanlumo si Elysia nang makita ang sitwasyon ng lugar, halos matakpan na ng yelo pati ang bubong ng mga bahay at hindi na rin magamit ng mga ito ang kanilang pintuan dahil sa nakaharang na sa bukasan nito ang makapal na yelo. 

Kahit saan lumingon si Elysia ay puro puti lamang ang kaniyang nakikita. 

"Mukhang mas malala pa ang sitwasyong ito sa inaasahan ko prinsesa. Dati, hindi naman ganito kalala, sadyang tuloy-tuloy ang pag-ulan ng niyebe at kung huminto man ay nasa higit isa o dalawang oras lang," saad ni Raya habang pinagmamasdan nila ang paligid.

Malakas na napabuga ng hangin si Elysia, bago nagtuloy-tuloy na naglakad sa isang malaking kainan na inupahan nila sa dalawang matandang nakausap ng grupo ng dalaga.

"Maligayang pagdating Elysia, este, prinsesa. Pasensiya na kung hindi kayo namin nasalubong nitong asawa ko, matanda na kami at hindi na namin kaya ang lamig sa labas," bati ng matanda, bahagya itong umubo, pagkuwa'y binuksan ng malaki ang tarangkahan upang makapasok ang grupo ni Elysia.

"Ginang Sol, Elysia na lang po, mas komportable po ako kapag ganoon ang tawag niyo sa akin. Naiintindihan po namin, maraming salamaty dahil pumayag kayong ipagamit itong puwesto ninyo. Sa lahat ng narito, itong kainan niyo lamang ang mas may malaking espasyo at matibay na maaari naming gamitin bilang tanggapan." Masayang tugon naman ni Elysia.

Agad niyang napansin ang tila panginginig ng matanda, kung kaya sinenyasan niyang magmadali ang mga kasama sa pagpasok upang maisara na nila ang tarangkahan. Bagaman nakasuot ng makapal na kasuotan ang matanda, hindi ito sapat upang maprotektahan ang katawan nitop sa sobrang lamig na nasa labas.

Matapos maisara ang tarangkahan, ay mabilis namang nag-set up ang mga kasama niya ng malalaking kawa at sabay-sabay na nagsiga ng apoy, gamit ang mga bitbit nilang malalaking tipak ng uling. Hindi basta-basta uling iyon dahil gawa ito sa isang uri ng puno na kapag nasisigaan ay hindi madaling matupok, tumatagal din ang ningas nito ng kahit isang linggo, sa tulong na rin ng mahika ng mga Mystic na kasama nila.

Nakahinga naman nang maluwag ang dalawang matanda nang makaramdam ng sapat na init sa kanilang mga katawan. Pinainom naman sila ni Elysia ng gamot na siya ring pinainom sa kaniya ni Loreen upang maibsan ang panlalamig ng mga ito.

"Aba! Isang himala, hindi na nanginginig ang mga kalamnan ko," bulalas ng matandang lalaki na si Fernan. Nangingislap ang mga mata nitong napatingin sa asawa bago binalingan ng tingin si Elysia.

"Oo nga, nakakatuwa, ang buong akala ko ay maninigas na sa lamig ang lahat ng mga buto at kasu-kasuan ko," sang-ayon naman ni Sol. "Pero hija, napakaraming tao na ang apektado ng mahabang taglamig na ito. Bawat araw tila ba lalong lumalamig ang panahon. Marami na ang nagkakasakit at may mangilan-ngilan na rin ang mag binawian ng buhay kamakailan." Salaysay ni Sol. Inilapag niya ang tasa sa mesa at pinahid ang nangingilid na luha sa kaniyang mga mata.

"Huwag ho kayong mag-alala Ginang Sol, tutulong ho kami sa abot ng aming makakaya. Ang mga dala namin ay sasapat sa lahat, kung kulangin man, maaari akong magpabalik ng isang kawal sa palasyo para magpadala mg dagdag tulong." Ginagap ni Elysia ang kamay ng matanda at pinakalma ito.

Nang araw ding iyon ay nagbahay-bahay ang mga kawal upang ipahatid ang mga damit at gamot sa bawat pamilyang naroroon. Ang mga taong walang maayos na bahay ay inanyayahan naman ng mga ito na sumama doon sa kainan ni Ginang Sol.

Laking tuwa ng mga ito na magkakaroon sila ng mainit na tirahan sa panahon inaakala nilang wala na silang pag-asawa. Ilang araw na rin ailang nagtitiis sa lamig at ang tanging naging sandalan nila ang ay isa't isa.

Buhat nang kumapal ang niyebe sa labas ay hindi na nila nagawa pang lumabas, nagkasya na lamang sila sa mga pagkaing naimbak nila. Ang mga gulay ay hindi na nila napakinabangan pa dahil maging ito ay nagyelo na. Wala na rin silang makuhaan ng tubig na maiinom dahil ang mga sisidlan nila ay nagyelo na rin.

Masaya silang kumakain na tila ba iyon na ang una at huling makakain nila sa araw na iyon.

"Dahan-dahan lang ho, hindi po kayo mauubusan,may sapat na pagkain po para sa lahat. Kumain lang po kayo at bumawi ng lakas." Anunsiyo ni Elysia at sabay-sabay na nagpasalamat ang mga tao sa kaniya.

Matapos kumain, ay pinagmasdan naman ni Elysia ang mga ito habang nagpapahinga. Katatapos lamang nilang inomin ang gamot na ginawa ng mga mystics. Nasa limang pamilya rin ang sumama sa kanila roon at iilan sa mga ito ay may mga bata at matatandang kasama.

"Bukas, babalikan naman natin ang mga taong may malulubha ng sakit. Kailangang madala natin sila rito upang malunasan ang kanilang karamdaman. Magtatayo tayo ng tent sa labas kung saan magpapakulo tayo ng tubig at lalagyan ng tsaa, mas marami mas mainam." Wika pa ni Elysia kay Raya.

"Sige po prinsesa, aabisuhan ko ang mga kapatid ko na ihanda ang mga kailangan. Mamayang gabi darating ang grupo ng mga Yuri para magdala ng halamang gamot na gagamitin natin sa tsaa. Mabisa raw iyon na magpalakas ng katawan lalo ngayong taglamig, hindi madaling magkakasakit." Wika naman ni Raya.

"Oo ganoon nga ang gagawin natin Raya. Sige na, sabihan mo sila, magpahinga na rin kayo ng maaga dahil maaga rin tayo bukas, ako na ang maghihintay sa mensaher ni Apo Gwirem." Utos ni Elysia at agad namang sumunod si Raya. Nang makaalis na ito ay tinungo naman niya ang itaas na bahagi ng kainan. May balkonahe sa taas kung saan kitang-kita niya ang buong paligid.

Panaka-naka siyang nakakakita ng mga bahay na nagsisindi na ng mga gasera nila. Hindi pa man pumapatak ang ika anim ng gabi ay madilim na sa paligid, dahil na rin siguro sa kapal ng ulap na siyang tumatakip sa liwanag ng araw at buwan.

Nang tuluyan nang lamunin ng kadiliman ang lugar ay siya namang pagdating ng mensahero ng mga Yuri. Isang malaking sisidlan ang iniwan nito sa kaniya at nag-iwan lang din ng paalala bago umalis sa kinaroroonan niya.

Pumasok na siya sa loob ng kainan at isinara ang balkonahe. Dinala naman niya sa kusina ang sisidlan at doon ito sinuri.

Samo't saring halamang ugat ng naroroon at mga dahon na sa pakiwari niya ay siyang ginagamit naman sa paggawa ng tsaa.

Matapos maisaayos ang mga ito ay tinungo naman niya ang kuwartong ibinigay sa kaniya ng mag-asawa. Nagpahinga na siya matapos magpadala ng liham kay Vladimir.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay nakagayak na si Elysia. Suot ang makapal niyang kasuotan ay pinangunahan niya ang paggawa ng siga sa labas ng kainan.

Siya na rin ang nagsalang ng mga ilalagang tsaa, sa tulong na rin nina Raya, Raion at Kael.

Nang matapos naman ay saktong nagsilabasan na rin ang mga tao sa mga bahay nila. Gulat at pagkamangha naman ang makikita sa mga mukha nila habang lumalapit sa harap ng kainan ni Ginang Sol. Ang ibang pinatuloy nila sa kainan ay nagpresenta narin tumulong sa pagsasalin ng tsaa sa mga basonv naroroon.

"Grabe, ang sarap naman ng tsaang ito. Ngayon lang ako nakatikim ng ganitong uri ng inomin. Lasang-lasa mo ang mahalimuyak nitong dahon at ramdam mo ang hagod ng init sa lalamunan patungo sa kaibuturan ng iyong katawan." Puna ni Kael nang matikman ang tsaang ibinibigay nila sa mga tao.

"Oo naman, ang sabi ni Apo Gwirem, sila nag nagtanim ng halamang pinagkunan ng dahon at tumutubo lang ito doon sa lugar nila." Sabad naman ni Raya. Maging ay nakiinom na rin at sarap na sarap pa sila. Maging ang mga tao ay nasiyahan sa kanilang natitikman. Bukod sa nagpapainit ito ng nanlalamig nilang katawan, ay guminhawa na rin maging ang mga iniinda nilang sakit bunga ng sobrang lamig.

Ilan pa nga sa kanila ay nagsimula nang pagpawisan at bahagya na ring niluwagan ang mga kasuotan nila.

"Napakabisa naman ng tsaa, prinsesa. Nakakahanga." Wika ng isang lalaki na sinegundahan naman ng iba. Umugong ang bulung-bulungan sa mga tao at halos lahat ng mga ito ay pinaparating ang paghanga nila kay Elysia na kahit sa ganoong sitwasyon ay hindi sila nagawang talikuran.

Tulad ng naunang plano ni Elysia ay tatlong araw ang itinagal niya sa bayang iyon. Sinigurado niyang nasa maayos na ang lahat bago sila bumalik sa palasyo.