Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 15 - Chapter 15

Chapter 15 - Chapter 15

"At ayon pa sa kuwento, lahat ng naninirahan doon ay may dugong kakaiba. Dugong hinahanap ng lahat ng masasamang nilalang sa paniniwalang ang dugong iyon ang nakapagbibigay ng walang hanggang buhay at kapangyarihan walang sukat." Dugtong pa ng isang engkanto.

Napatahimik naman si Milo at malalim na nag-isip. Napapaisip siya sa kung ano ba ang gagawin nila sa lugar na iyon at nais na tumawid doon ng magkapatid.

"Milo tatandaan mo lagi, ang mga nilalang na naninirahan sa parteng iyon ng mundo ay higit na mas nakakataas sa aming mga nandito sa mundo ng mga tao. Ang kanilang kagubatan, ilog, at maging ang dagat na siyang naghihiwalay sa kanila sa mundo natin ay napakahiwaga." Halos pabulong na wika ng kapre. Animo'y ayaw nitong marinig ng kung sino ang kaniyang sinasabi.

"Hintayin mo lang ang pagdating ng magkapatid, ipapaliwanag nila sa'yo kung bakit kailangan niyong malatawid sa lugar na iyon." Sabi pa ni Karim sa kaniya.

"Nasaan ba sila ngayon?" Tanong niya at napatingin si Karim sa puno ng balete.

"Sa mga oras na ito, kasalukuyang isinasaayos ng magkapatid na babaylan ang mundo ng mga engkanto na sinira ng itim na engkanto. Tulad ng sinabi namin kanina, hindi lamang sila sa mundo nananalanta, kun'di pati na rin sa mundo ng mga engkanto." Seryosong sagot ni Karim. Napatingin naman si Milo sa balete at napabuntong-hininga.

Sa paglalim ng gabi ay unti-unti nang naramdaman ni Milo ang biglaang pag-ihip ng maalinsahang hangin. Naalerto naman ang mga kasamahan niya at maging si Karim ay napatayo na rin sa kinauupuan nitong lupa.

Inamoy niya ang hangin at agad na umangil kasabay ng mahinang paghalinghing.

"Milo, kunin mo ang tabak na ibinigay sa iyo ng magkapatid. May mga bisita tayo." Biglang wika ng tikbalang. Dali-dali namang pumasok si Milo sa kubo at naabutan niyang nagdarasal si Lolo Ador sa harap ng altar na nasa gilid ng kubo nila. Taimtim at walang tigil ito sa pagdarasal kaya hindi na niya ito inistorbo.

Paglabas niya ay agad niyang tinitigan ang kapre.

"Kaibigan, maaari ka bang manatili rito upang bantayan si Lolo. Mas mapapanatag ako kung may iilan sa inyo ang magpapaiwan para protektahan ang ating tahanan," mahinahong wika ni Milo at tumango naman ang kapre matapos itong bumuga ng usok mula sa hinithit nitong tabako.

"Kung iyon ang nais mo, iyon ang masusunod. Humayo kayo nang panatag ang inyong kalooban na babantayan namin ang ating tahanan," tugon ng kapre at napangiti si Milo.

Nang magbigay ng hudyat ang tikbalang ay agad na silang lumisan. Kasama ni Milo ang dalawang engkantong kausap niya kanina at ang iilan sa mga lambana na siyang nagbibigay mg liwanag sa kanila sa madilim na daan sa palayan patungo sa sentro ng baryo.

Sa kanilang pagdating sa bukana ng baryo ay agad silang nakarinig ng sigawan ng mga tao. Kasabay nito ang tila paglalas ng hangin habang nakakarinig sila ng pagaspas ng pakpak na tila ba galing sa malaking ibon.

Pagkarinig nito ay agad na tumakbo si Milo para saklolohan kung sino man ang mga ito. Dahil sa malakas na pagsisigawan ay agad nilang natunton ang pinanggagalingan nito.

Bahay pala iyon ni Nardo.

"Hoy! Ano'ng ginagawa mo diyan sa bubong ng bahay ng kaibigan ko? Bumaba ka rito at ako ang harapin mo!" Matapang na bulyaw ni Milo sa malaibong nilalang na nagpupumilit na sirain ang bubong ng bahay. Gawa na sa yero ang bubong nina Nardo kaya naman hirap na hirap ito sa ginagawa.

Pagkarinig ng sigaw ni Milo ay ahad na napatingin sa kaniya ang nilalang at napaangil. Umungol ito ng nakakakilabot at halos magsigawan na ang mga tao sa loob ng bahay dahil sa sobrang takot. Narinig pa niya noon si Nardo na sinasabing nasa labas si Milo.

"Nardo, diyan lang kayo sa loob at huwag kayong lalabas hangga't hindi ko sinasabi!" Sigaw ni Milo sa kaibigan.

"Si Milo. 'Tay, sabi ko sa inyo nasa labas si Milo. Ligtas na tayo. " Wika pa ni Nardo.

"Mahabaging Diyos, salamat naman." Narinig niyang wika ng tatay ni Nardo.

Muling hinarap ni Milo ang umaangil na nilalang nang walang anu-ano'y bigla itong lumikha ng isang nakakapangilabot na tunog na tila ba nagtatawag ito ng mga kasama.

Naging alerto naman ang mga kasamahan ni Milo at agad nila itong pinalibutan. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng iilan pang pag-angil sa paligid at mga pagaspas ng pakpak. Pagtingala nila sa kalangitan ay doon bumungad sa kanila ang mga nilalang na may malalapad na pakpak na animo'y gawa sa balat ng kung anong hayop. Nangingitim ang buong katawan ng mga ito at ang wangis nito ay mainhahatalintulad mo sa napakalaking uwak, meron itong tuka na ubod ng laki na kapag bumubuka ay halos kakasya ang ulo ng isang tao. Nanlilisik ang namumula nitong mga mata habang sa tuka nito ay tumutulo ang malapot at mabaho nitong laway na kapag pumapatak sa lupa ay tila asidong lumulusaw ng kahit anong bagay na madantalan nito.

"Ano ang mga nilalang na iyan?" Tanong ni Milo nang maramdaman niya ang pagtabi ng tikbalang sa kaniya.

"Wakwak, isang uri ng aswang na may wangis ng isang ibon. Mag-iingat ka sa matutulis nitong kuko dahil kasing talim nito ang pinatalas na kutsilyo. Kaya nitong wakwakin ang mismong katawan mo. Magtaas ka ng bakod at poder Milo," wika ni Karim, agad namang nag-usal si Milo para itaas ang bakod at poder niya sa katawan. Nagsambit na rin siya ng iilang palipad hangin upang malimitahan niya ang galaw ng kaniyang mga kalaban. Sumpa iyon na ibinubulong niya sa hangin upang gapusin ang mga nilalang na kaniyang kalaban nang hindi nila namamalayan.

Hindi pa man din natatapos ang pag-uusap ni Milo ay nagsimula nang umatake ang mga nilalang. Mabilis itong sinangga ng dalawang engkantong kasama nila upang mabigyan ng oras si Milo na matapos ang mga usal niya.

Nakipagbuno ang mga engkantong iyon sa mga wakwak na nasa himpapawid gamit ang kani-kanilang mga sandatang dala. Si Karim naman ay nanatili sa tabi ni Milo para bantayan ito.

Nang tuluyan nang matapos ni Milo ang kaniyang usal ay agad niyang binato ng tigalpo ang isang nilalang na malapit sa kaniya dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Doon nasilayan ni Milo sa malapitan ang nakakatakot nitong wangis na maihahalintulad mo sa isang malahalimaw na uwak.

Dali-daling binunot ni Milo sa taguban ang kaniyang tabak at mabilis na itinarak iyon sa puso ng nilalang. Doon napatunayan ni Milo ang angking talim ng tabak na sinasabi sa kaniya ng magkapatid.

Nang makita ng mga engkanto na handa na si Milo ay agad nilang pinunterya ang mga pakpak ng kanilang kalaban dahilan upang magsibagsakan ang mga ito sa lupa na kaagd din naman sinugod ng binata. Umatungal ang mga ito ng ubod ng lakas na siyang bumulabog sa maliit na baryo ng Talisay. Nagbukas ng bintana ang iilan sa mga ito subalit agad ding nagsara nang makita ang mga nakakatakot na nilalang na nasa labas.

Habang patuloy na nakikipaglaban si Milo sa mga wakwak na noo'y nasa lupa na ay mabilis niyajg pinuputulan ang mga ito ng ulo o di kaya naman ay itinatarak sa puso ng mga ito ang kaniyang tabak.

Naging madali ito kay Milo dahil na din sa suporta at tulong ng kaniyang mga kasangga sa laban. Ang buong akala niya ay nasa panig na nila ang pagkakataon subalit masyadong nakampante si Milo.

Hindi nila namalayan ang isang nilalang na palihim na gumagapang sa isang nakasaradong bahay. Lumuaot ito sa napakaliit na siwang sa may binata at matagumpay na naisagawa ang kaniyang balak.

Nagulantang na lamang sina Milo nang biglang may sumigaw na babae kasabay ang paghagulgol nito ng iyak. Napabagsak na ni Milo ang lahat ng wakwak kaya naman nagulat siya sa sigaw na iyon.

Nanumbalik ang katahimikan sa lugar at muling umihip ang malinis at malamig na hangin. Ang taning natitirang ingay ay ang palahaw ng isang babae.

"Wala na ba sila?" Tanong ni Nardo sabay silip sa pintuan.

Narinig din nito ang iyak at agad na nakilala ito ng binata.

"Si Aling Lina 'yon ah. Mukhang may nangyaring masama sa bahay nila. Milo,ayos ka lang ba?" Tanong ni Nardo. Lumabas agad ito ng bahay nang makitang wala na halos aswang sa paligid. Nakatayo si Milo sa harap ng bahay nila habang ang mata'y nandoon sa bahay ni Lina kung saan naririnig nila ang iyak nito.

Kinutuban ng masama si Milo at agad siyang nataranta. Mabilis na nilapitan ni Milo ang bahay ni Lina at malakas na kumatok doon.

"Aling Lina, buksan po niyo ang pinto, si Milo ito. May nangyari po ba?" Sigaw ni Milo habang kumakatok.

Narinig niyang huminto sa pag-iyak si Aling Lina at agad na nagbukas ng pinto. Halos manlumo si Milo sa nakita.

Bitbit ni Aling Lina ang isang sanggol na halos dalawang buwan pa lamang, wala na itong buhay at wakwak ang buong dibdib nito patungo sa tiyan. Nangingitim na din ang sugat na tinamo nito.

Napaluhod si Milo sa harap ni Aling Lina sa sobrang panlulumo. Muling pumalahaw ng iyak si Lina habang yakap-yakap ang walang buhay na katawan ng kaniyang munting anak.

Maging si Nardo na nanonood lang ay hindi napigilan ang pag-iyak. Dahil sa ramdam din nito ang sakit ng pag-iyak ni Aling Lina. Nagsilabasan na din ang iba pa nilang kapitbahay nang mga oras na iyon at wala nang nagawa si Milo kun'di ang humingi ng tawad dito at lisanin ng tahimik ang baryo.