Chereads / Kasangga: Ang Pagtuklas / Chapter 14 - Chapter 14

Chapter 14 - Chapter 14

"Mukhang napakalalim naman ng iniisip mo Milo?" Puna ni Nardo. Kasalukuyan silang nagpapahinga sa ilalim ng lilim ng puno ng mangga.

"Oo nga, ano bang iniisip mo?" Sang-ayon naman ni Ben na nagtataka na din sa kaibigan dahil tila ba lumilipad ang isip nito sa kung saan.

"Wala naman, kahit sabihin ko naman sa inyo hindi niyo ako maiintindihan. Kayo pa na puro kalokohan lang ang nalalaman." Wika pa ni Milo. Humagalpak naman ng tawa ang dalawa.

Sa kanilang pagpapahinga ay bigla naman nilang nasipat ang isa nilang kababaryo na tumatakbo papalapit sa kanila.

"Milo, Milo, pinapatawag ka ng Lolo Ador mo." tawag nito kahit pa nasa malayo pa ito. Sa pagmamadali nito ay halos kamuntikan pa itong madapa nang hindi sinasadyang mapadaan ito sa mabatong parte ng bukid nila.

"Bakit daw Mario? At bakit para kang nakakita ng multo, may nangyari bang masama sa baryo?" Tanong ni Ben.

Agad namang nagligpit ng gamit si Milo at hindi na hinintay ang sagot ni Marion. Pagkakuha ng kaniyang mga sisidlang buslo ay agad na din silang naglakad pabalik sa baryo. Sa daan pabalik na inilahad ni Mario ang mga pangyayari. Hindi namna gaanong nabahala si Milo sa kalagayan ng kaniyang lolo dahil alam niyang naroroon ang mga engkanto sa balete para bigyan ng proteksyon ang matanda sa oras ng kagipitan. Ang inaalala niya ay ang mga kababaryo nilang walang alam sa maaring mangyaring masama sa kanila.

"Ben, pagdating natin mamaya sa kubo, maaari mo bang himukin ang mga kababaryo natin na bumalik na sa kanilang mga bahay? Kayo din ni Nardo, umuwi na muna kayo. Saka ko na ipapaliwanag sa inyo ang mga pangyayari. Sa ngayon, magtiwala muna kayo sa amin ni Lolo Ador. 

Hindi man maitindihan nina Nardo at Ben ang nais ipahiwatig ni Milo ay mas minabuti nilang sundin ang sinabi nito. Higit kanino man ay maniniwala sila sa sinasabi ni Milo dahil alam nilang tunay nila itong kaibigan at lahat ng sinasabi nito ay para sa kanilang kabutihan.

Pagdating nila sa kubo ay agad nilang hinatak papauwi ang mga kababaryo nilang nakikiusyuso roon. Mabilis namang pumasok si Milo sa kanilang kubo at naabutan niya si Lolo Ador na may ginagamot na isang batang babae. Natatayang nasa anim na taon ang bata at halos mapuno ng sugat ang buo nitong katawan. Mga sugat na alam niyang hindi nakukuha sa simpleng sakit lamang.

"Lo, ano pong nangyari diyan?" agad na tanong niya pagkalapit niya sa matanda.

"Madali ka Milo, kailangan ko ang tulong mo. Kaya mo bang makakuha ng halamang babanggitin ko sa madaling panahon? Alam kong naituro na sa iyo ni Karim ang mga dapat mong gawin. Oras ang hinahabol natin kaya hindi natin maaring sayangin ang kahit ilang segundo ngayon dahil kung hindi ay mamamat*y ang batang ito,"salaysay ni Lolo Ador.

Mabilis na tumango si Milo at nagsimulang gumuhit sa lupang nagsisilbing sahig ng kanilang kubo. Taimtim siyang nagdasal at nakiusap sa mga kaibigan niyang mga nilalang na tulungan siya sa paghahanap ng lunas para sa sakit ng bata. Segundo lamang ang pagitan nang may unti-unting tumubo sa lupang dinadasalan niya. Kulay lila ang liwanag na nakapalibot dito habang ang mismong halaman naman ay kulay dugo, namumukadkad din ang maliliit na bulaklak nito na maihahambing mo ang wangis sa isang gumamela ang kaibahan lamang ay kasing-liit lamang ito ng talulot ng bulaklak ng mangga.

Nang makuha na ito ni Milo ay agad niya itong pinitas at dali-daling ibinigay sa kaniyang Lolo Ador. Mabilis na sinimulan ng matanda ang pagpapausok habang nag-uusal. ang dahon naman ay dinikdik nito at inilapat sa mga sugat ng bata habang ang bulaklak ay ibinabad niya sa mainit na tubig at tinakpan ng isang uri ng kahoy. 

Nagmamasid lamang si Milo at mangilan-ngilang lambana ang nasisipat niya sa bintana na nanonood din sa kanila. Ang iba sa mga ito ay tila may ibinibigay na pahiwatig sa kaniya at ang iba naman ay tila tinatawag siya. Nang hindi na niya maatim ang ginagawang pagpapapansin ng mga ito ay minabuti na niyang lapita ang mga nilalang.

"May problema ba mga kaibigan?" bungad na tanong niya.

"Mag-iingat kayo Milo, may nararamdamang kaming papalapit na panganib. Hanggang ngayon ay hindi pa namin batid kung saan ito magmumula ngunit nakakakilabot ito. INutusan kami ng mga nakatataas na engkanto na ibigay sa inyo ang babalang ito. Marami pa ang magkakasakit at malalason ang mga lupa. Subalit huwag kayong mag-alala dahil ang luoang kinatitirikan ng puno ng balete at ang nasasakupan ng inyong lupain ay hindi magiging apektado." halos sabay-sabay na wika ng mga lambana at lumikha ito ng isang nakakamanghang tunog na nagpatindig sa balahibo ni Milo.

"Alam niyo ba kung kailan ito magaganap?"

"Walang eksaktong araw o oras na inilahad ang mensahero subalit isa ang tiyak, isa sa mga araw na ito mag-uumpisang kakalat ang sumpa. Maging mapagmatyag ka Milo. Hangga't maaari, huwag mong hayaang masira nila ang pinangangalagaan natin kalikasan." tugon ng mga lambana at mabilis din nilang nilisan ang lugar. Bumalik na siya sa tabi ng kaniyang lolo at agad na isinalaysay ang babalang iniwang ng mga lambana sa kaniya.

"Siyanga po pala lo, ano po ang nangyari sa batang ito?" Tanong ni Milo sa matanda. Nagpahid naman ng pawis si Lolo Ador gamit ang malinis nitong tuwalya. Dinampot nito ang isang basong gawa sa kawayan at uminom ng tubig mula sa tapayan na nasa tabi nito.

"Napaglaruan ng masasamang tamawo. Naglalaro ang bata sa gilid ng kanilang bahay, hind sinasadyang natamaan niya ng laruan niya ang dumaang tamawo, ayos lang sana kung puting tamawo iyon subalit hindi, nagkataon pa na isang itim na tamawo ang kaniyang nasaktan." tugon ni Lolo Ador. Agad na napakunot ang noo ni Milo dahil napakababaw naman ng rason ng nilalang na iyon para parusahan ng kamatayan ang bata at isa pa, batang paslit pa lamang ito at siguradong hindi naman alam ng bata na nakasakit siya.

"Para 'yon lang lo? Sobra naman yata ang ibinigay na parusa ng nilalang na iyon." Galit na sambit ni Milo. Napangiti naman si Lolo Ador at marahang tinapik ang balikat ng binata.

"Hindi lahat ng nilalang ay mapagpatawad apo. Lalo pa't nasa panig ng kasamaan ang nilalang na iyon. Kawawang bata, dahil napakabata pa niya para maranasan ang ganoong pananakit. Hindi biro ang ginawa sa kaniya ng tamawo, kung hindi natin ito naagapan ay maaring dahan-dahang nilulusaw na ng nilalang na iyon ang lamang-loob ng bata hanggang sa ito ay mamat*y." salaysay ni Lolo Ador.

"Ano naman po ang ginawa mo sa nilalang?" tanong ni Milo

"Naalala mo ang halamang pinakuha ko? May kakayahang gumamot iyon ng kahit anong uri ng sakit na gawa ng mga nilalang ng kaliwa at isa pa sa kinagandahan ng halamang iyon, kaya din nitong ibalik ang sumpa sa kung sino man ang may gawa. Lahat ng inilapat niyang sakit sa kaniyang biktima ay kusang babalik sa kaniya ng sampung ulit. Malamang sa mga oras na ito ay naghihingalo na ang tamawong iyon." Sagot ng matanda at napatango naman si Milo.

Isang kaalaman na naman ang naibahagi sa kaniya ng kaniyang Lolo Ador. Hindi niya inaasahang napakabisa ng maliit na halamng iyon. Kinahapunan ay matagumpay na ngang napagaling ni Lolo Ador ang bata. Kaagad na din iniuwi ito ng kaniyang mga magulang.

Pagsapit ng gabi ay agad na napansin ni Milo ang pag-usbong ng nakakabalisang awra sa paligid. Kasalukuyan siyang nakaupo sa harap ng puno ng balete habang pinagmamasdan ang kalaliman ng gabi. Sa tabi niya ay ang mga nilalang na natural na naninirahan sa puno at ang iilan sa mga naging kaibigan niya sa kahabaan ng kaniyang pagsasanay.

"Dahan-dahan nang nararamdaman ng ibang mga kasamahan namin ang salot na kumakalat sa paligid." Wika ng kapre na minsang nakalaban ni Milo sa kaniyang pagsasanay.

"Hindi lamang sa mundo ng mga tao kumakalat ang salot, maging sa mundo ng mga engkanto. " Dagdag na wika ang isang engkantong may kulay berdeng katawan at wangis.

"Kaya nga naging abala rin ang mga babaylandahol sa mga salot na sumpa. Hanggang ngayon palaisipan pa rin sa lahat kung saan at sino ba ang puno't dulo ng kaguluhang ito."

"Nangangahulugan lamang na nalalapit na ang pagbubukas ng lagusan sa Ilawud. Kailangan nang makatawid nina Milo." Sabi pa ng isang engkanto na may ginintuang buhok. Kulay asul din ang mga mata nito at tila lumulutang naman sa hangin ang buhok nito na tila ba nasa tubig.

Muli na namang narinig ni Milo ang tungkol dito. Pakiramdam tuloy niya ay napakalaki ng gagampanan niya sa mga nangyayaring ito. Hindi pa nga sila nagsisimula ay pakiramdam niya ay napakalaki na ng batong nakapatong sa kaniyang balikat at ulo.

"Saan ba ang Bur'ungan na iyan mga kaibigan? Nabanggit na sa akin ng magkapatid ang lugar ngunit hindi pa nila indinidetalye ang lahat." Napaoakamot na tanong ni Milo.

"Ang Bur'ungan ay isang nakatagong isla na kusa lamang lumilitaw kapag nagsalubong ang init ng araw at bagyo sa gitna ng Ilawud. Mahiwaga ang lugar na iyon at pinaniniwalaang tirahan ng mga sinaunang engkanto. Ayon pa sa kuwentong napagpasapasahan na sa mundo mg mga engkanto, hindi lamang malalakas ang mga naninirahan sa islang iyon, may angking talino rin sila sa lahat ng aspeto."