Chapter 2 - Her Story

Lavandeir

...

'Wag po! Maawa po kayo!'

"Hoy gising! May pasok ka pa!"

'Gusto kong umiwas nang makita kong sasampalin niya ako pero 'di ko alam bakit hindi ako makakilos.'

'Wag! Tama na!' 'yon lang ang tangi kong masabi pero walang tunog na lumalabas sa aking bibig.

"Hoy manang gising na! Hoy!"

'Bigla niya akong kwinelyuhan at...'

Bigla kong naimulat ang aking mata at kunot-noo kong tiningnan si kuya. Ba't nandito siya? Tiningnan ko ang paligid at doon ko lang napagtantong nakaupo na ako ngayon sa kama ko habang hawak-hawak ni kuya ang magkabila kong braso.

'Panaginip lang pala 'yon!'

Bumuntong-hininga ako at tiningnan si kuya nang masama nang pwersahan niya akong itinayo.

"Binabangungot ka! Hoy gising! Gissiiinggg!"

"Kuya ano ba! Gising na ako oh ito oh! Tinayo mo na ako eh!"

Bigla niya naman akong binatukan. "Ilang beses na kitang nakitang binabangungot ah! Okay ka lang? May nangyayari ba sa 'yong 'di ko alam?" nakapamewang niyang tanong.

Kinabahan naman ako nang suriin niya ang katawan ko na parang pinagsususpetyahan niya ako kaya wala sa sarili kong dinampot ang unan at hinampas sa kanya.

"Maliligo na po! Lumabas ka na kuya!"

Tiningnan ko ang samsung ko'ng cellphone na keypad at 5:30 pa lang ng umaga at ang una ko'ng klasi ay 8am. Napabuntong-hininga ako sa sobrang aga. Pero no choice, kasi maglalakad pa ako patungong ECU kaya maaga talaga.

Pagkatapos ko'ng maligo at magbihis ay bumaba na ako at pumunta sa kusina. Maliit lang ang kusina namin at iisa lang iyon sa sala. May apat na upuan na white na monoblock at isang square na mesa na nakapwesto sa gitna. Sa gilid nito ay doon kami magluluto at sa right side ang lababo.

Nakita ko si lolo at si kuya na kumakain ng tinapay na pinarisan ng milo, pero kay lolo ay 'yong paborito niyang tsaa.

"Goodmorning po lo."

"Goodmorning din apo, mag-almusal ka na rito baka maubos pa ng kuya mo ang tinapay."

Umupo ako at kumuha ng tinapay nang biglang nag-aalburoto si kuya, "kay lolo nag-good morning tas sa'kin wala? Grabi nito," sabi pa niya at binato pa talaga ako ng tinidor. Iyong joke lang na pagbato pero nabitawan niya iyon at natamaan pa rin ako.

Mabilis akong napayuko at hawakan ang aking mata pagkatapos kong matanggal ang eyeglasses ko.

Nakita ko namang mabilis siyang napatayo at natatarantang lumapit sa 'kin.

"Kuya ano ba! Buti at nakasalamin ako kundi ang mata ko talaga ang natamaan, ayan tuloy may malaking crack na," sabi ko habang pinapahiran ang salamin ng panyo para malinaw na malinaw.

"Aasarin lang sana kita, 'di ko sinadyang bitawan 'yon," sabi pa niya at sinuri ang aking mata. Pilit pa niyang pinapalaki ang mata ko na parang doctor na chine-check ito. "Nakikita mo pa ako? Manang?"

"Che!" itinulak ko naman siya at pilit na pinaupo sa upuan niya. Natawa naman siya at napapailing pa.

"Sorry! 'Yaan mo sweldo ko bukas bibilhan na lang kita ng bago," nagtatrabaho kasi siya sa Mcdo.

"Ang mahal nito kuya, 'yong pinakamura na lang bilhin mo."

"What do you think of me? Walang ipon?" nakapameywang pa niyang tanong at tinaasan ako ng kilay. Pa-english-english pa! Bumuntong-hininga na lang ako at 'di na siya pinansin.

Xian Black Trinidad, ang dakilang kuyanemy ko. 22 years old na pero kung kumilos parang bata pero sanay na ako sa kanya. Working student siya at nag-aaral sa public school. 3rd year college pa siya ngayon kasi tumigil siya noong last year para makapagtrabaho at makaipon pang-tuition niya.

Kumpara sa akin sa high class talaga. May nag-sponsor lang sa 'kin at hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala ang sponsor ko. Si lolo lang kasi ang nag-process about sa sponsor na iyan, matalik na kaibigan niya daw iyon. 1st year college pa ako at nag aaral sa Elites College University. 19 years old. Matagal din akong nakapag-aral kasi wala pa akong sponsor noon, dapat sana 3rd year na ako ngayon.

Wala kasing budget si lolo pero may pension naman siya, nakakapagtaka nga malaki 'yong pension niya. Ilang years kaya siyang nagtatrabaho? Si lolo na lang ang magulang namin ni kuya. Basta long story raw sabi niya kaya 'di ko na lang siya tinanong pa kung bakit... kahit na curious ako kung nasaan ang mga magulang namin. Iniiwasan din kasi ni kuya ang topic na iyon.

"Ahm nga pala kuya, day off mo ngayon?" tumingin siya sa 'kin at ngumisi. Problema nito?

"Hulaan mo."

Automatic na dumikit ang kaliwang palad ko sa noo. Isip bata talaga 'to!

"Hays makaalis na nga! Umagang-umaga, isip bata agad makaharap ko eh." Tumayo na ako. Kukunin ko na sana ang isa pang tinapay nang maunahan niya ako.

"Aba't aalis na nga lang may gana pang magnakaw. Tsupi!" sabi pa niya at nag-gesture pa na parang isa akong asong tinataboy. Umirap ako sa kanya at nagpaalam na kay lolo.

Pwede ko kayang ipaampon sa iba si Kuya?

...

Nandito na ako sa maliit na gate ng ECU pero 'di pa ako pumasok. Dito ako lagi dumaan kasi walang masyadong dumadaan dito. Kasi nga doon sila sa malaking gate kung saan doon puro mga may sasakyan ang dumadaan. Ako lang kasi ang wala.

Huminga muna ako ng malalim bago pumasok, kasi 'pag nasa loob na ako, maging famous na ako. Sikat ako rito, 80% ng studyante rito kilala ako.

Nakayuko akong naglalakad tsaka nakasanayan ko na ito, last sem pa lang.

"Hoy loser, buhay ka pa pala? Hahaha," sabi ng isa babae. Hindi ko ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad.

Kakasimula pa lang ng 2nd semester ngayon kaya 'yun agad ang tanong niya. Pagkatapos ng nangyaring iyon, pinayagan akong mag-home study muna at sinu-submit ko lang dito 'yong mga project na pinapagawa o kaya nagpapasa ng exam. Sa second semester kailangan na kasi dito at 'di na pwede mag-home study. Wala akong choice.

Buti na lang talaga at busy si kuya n'on sa trabaho at skwela kaya 'di kami masyadong nagkikita. Palagi nga akong naka-long sleeve n'on para maitago ang mga pasa.

Sana hindi na ako naging rank 2 rito. Simula noong makalaban ko ang leader ng Elites sa isang competition ay naging miserable na ang buhay ko. Hindi ko naman kasi alam na maging ganito ang trato nila sa akin. Lalong-lalo na nang malaman nilang isa lang akong scholar, mas maraming ayaw sa akin. Hindi ko pa naman kasi kilala ang Elites noon at kung ano ang kaya nilang gawin at ano ang role nila rito. Ang akin lang, ayokong sayangin ang pagkakataong ito at kailangan kong makakuha ng malaking grades at magsipag.

May bigla naman humarang sa harapan ko, isang babae at tatlong lalaki, di ko kilala sila pero sila kilala ako, iba talaga maging famous. Wala ba silang magawa at ako na naman ang napagtripan?

"Hey los kumusta? Bagong buhay na ba?" natatawang tanong ng isang lalaking ang gulo ng porma ng buhok niya. Yumuko na lang ako at hindi na umimik pa. Ganito ako, mute rito.

"Improving si nerd hahaha, mas lalong naging mute at..." Tiningnan naman ako no'ng isang babae at he-nead to foot. "... pumanget pft hahahahaha!" Umalis na sila habang tumatawa. Ginulo pa ng lalaki ang buhok ko tsaka umalis.

Kinagat ko 'yong labi ko at nagpatuloy sa pag-lalakad. Kailan kaya matatapos 'to? Impossible!

Tumingala ako at inilibot ang aking paningin sa kabuoan nitong ECU.

Nakikita ko ang malalaking building ng iba't-ibang course sa harapan ko. At ang main building kung saan nasa pinaka-gitna pagkapasok mo pa lang sa entrance. May malaking nakalagay sa itaas ng bahagi nito na 'ELITES COLLEGE UNIVERSITY'. Building 'yan kung saan ang office ng mga teachers at ng mga facilities. Nandiyan din ang room ng student council at ng head nitong school. Pati na rin ang Elites, may room din sila diyan. Iba pa iyan sa room nila sa headquarter.

Mayroong fountain din sa kaliwang bahagi kung saan dadaan ang mga kotse. May napakalaking parking lot sa gilid na bahagi ng main gate.

Maraming estudyante. Lahat puro mayaman. Lahat may magagarang gamit.

Maaliwalas ang University na ito dahil na rin sa mga magagandang halaman na pantay-pantay ang pagkakaayos at uniform pa ang color nila. Hindi rin masyadong mainit since umaga pa lang. At sana maaliwalas din ang aking 1st day.

May isa pa akong pinaka-iniiwasan dito, ang Elites. Sana lang talaga hindi ko makasalubong ang Elites ngayon.

Kahit ngayon lang. Kakasimula pa lang ng klase at ayokong maalala ulit ang noon.

Iniling ko ang ulo para mawala ang mga iniisip ko. Hindi ko muna dapat isipin iyon. Ang mahalaga ay ang matapos ang first day nang matiwasay.

Commerce kinuha kong course and major in Office Administration. Si kuya naman ay Business Administration kinuha  niya. At kung sakaling maging successful kami pareho, ako ang secretary niya. Napangiti naman ako nang maalala kong sinabi niya iyon sa 'kin. Para daw mautos-utusan niya ako. Abno talaga!

Nang marating ko na ang elevator ay pinindot ko ang button at nanalangin na sana walang ibang tao sa loob.

Pagkabukas nito ay nagpapasalamat akong wala ngang tao. Pero nang tumigil ito sa 4th floor, bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan. Tumunog ang elevator. At unti-unti itong bumukas.

Parang nag-slomo ang paningin ko nang pumasok ang tatlong babae at apat na lalaki.

Nanglalaki ang mga mata ko at nakaramdam ng paninindig ng balahibo. Agad akong yumuko. Bakit nandito sila? Bakit napadpad sila sa building na ito?  732a kasi ang room ko at ilang floor pa bago ako makapunta ro'n.

Nagtataka pa akong pinindot ng isa sa kanila ang 5th, 6th and 7th floor. Kutob ko ay para matagalan kaming makapunta ro'n...

'H-hindi pwede!'

...