Chapter 9 - VIII

"Binibini, ano po ba ang inyong hinahanap? Hayaan niyo po sana na ang taga-silbi na ito na ang maghanap."

Kasalukuyang nasa silid-pambihisan si Maia at Mindy. Ngayon ang araw na lalabas siya ng palasyo upang bumili ng isusuot na damit para sa darating na piging ngunit bago iyon ay kailangan niyang makahanap ng mahabang damit o balabal.

Kinuha niya ang kulay asul na parang roba na nakasabit at tinitigan nang mabuti bago ito ibinalik. Masyadong mahaba.

Nilingon niya si Mindy at tinitigan ito mula ulo hanggang paa. Mas maliit ito kumpara sa kaniya at hindi siya tiyak kung may damit si Malika na magkakasiya dito.

Naghanap muli siya. Sa dami ng mga damit na nandito, imposible naman siguro na wala siyang makita kahit isa.

"Binibini?"

Patuloy niyang hinalungkat ang mga damit na nakasabit at hinugot ang kulay dilaw na roba. Itinapat niya ito sa katawan ni Mindy.

"Binibini...?"

Dumapo ang kanang kamay niya sa baba niya. "Hmmm.. Mukhang ayos naman. Isuot mo ito."

"Binibini?!" Halos lumuwa ang mga mata ni Mindy at may takot sa mukha nito. "H-Hindi ko po maaaring gawin iyon, Binibini. Hindi po ako magtatangkang suotin ang mga mamahalin niyong kasuotan!"

Tinanggal ni Maia sa pangsabit ang roba at inabot muli ito kay Mindy. "Utos ito, Mindy. Utos. Isuot mo na. Ipapatong mo lang naman iyan."

Hindi maatim ni Maia na lumabas kasama si Mindy na ang suot nito ay hindi naman matatawag na damit. Maaaring sanay si Malika, si Mindy, at ang sangkatauhan sa mundong ito sa uri ng pananamit ni Mindy ngunit siya ay hindi. Kahit pa sabihin na nabuhay siya sa isang modernong mundo, hindi normal sa kaniya na makakita ng taong halos hubad na rin sa pampublikong lugar.

Umatras si Mindy. "P-Paumanhin po, Binibini, ngunit hindi ko po masusunod ang inyong utos."

Bumuntong-hininga siya at lumapit kay Mindy. Siya na ang nagpatong ng roba sa katawan nito.

"B-Binibini?!"

"Mindy, huwag kang mag-alala, ngayon mo lang gagawin ito," pagkumbinsi niya dito. Wala na siyang balak pilitin itong muli na magsuot ng damit ni Malika at isa pa, may naisip na rin siyang solusyon para sa kasuotan nito.

"K-Kung... Kung gayon po, naiintindihan po ng taga-silbing ito. Iingatan ko po ang damit na ito."

"Huwag mo nang isipin ang maliliit na bagay, Mindy." Lumayo siya dito at tinitigan ang pagkakakasiya ng roba at kinagat niya ang kaniyang ibabang labi.

Kung si Malika ang magsusuot nito, marahil ay nasa gitna ng lulod nito ang haba ng roba ngunit kay Mindy ay sayad na sayad. Pati ang mga manggas ay itinago na ang buong kamay ni Mindy.

Tila ay pinagsakluban ng langit at lupa si Mindy. "Binibini... Mukhang hindi po talaga maaari---"

Marahang tumawa si Maia sa reaksyon nito samantalang nabigla naman si Mindy sa kaniyang pagtawa. "Sandali lang, Mindy. Magagawan pa iyan ng paraan."

Kumuha si Maia ng sinturon at sinimulang ayusin ang roba na angkop sa taas ng pangangatawan ni Mindy.

Kung titignan, hindi naman talaga maliit si Mindy. Tama lang naman ang tangkad nito para sa edad nito. Si Malika lang talaga ang matangkad kumpara sa karamihan ng mga babae sa mundong ito.

Kung hindi siya nagkakamali, halos magkaedad sila ni Malika---labinsiyam na taong gulang na ito habang siya ay magdadalawampu. Ngunit ang taas nito ay matangkad pa sa kaniya. Kung sa mundo niya, pasok na pasok ang taas nito upang makapasok sa mga patimpalak ng kagandahan o sa pagmo-modelo.

Sinimulan niyang ayusin ang haba ng roba sa tulong ng sinturon at pagkatapos ay itinupi niya ang mga manggas upang umiksi. At nang matapos siya ay tinitigan niya muli ang kaniyang gawa.

Makalipas ng ilang segundo ay tumango-tango siya na tila ay nasiyahan sa kaniyang obra maestra. "Hayan. Maganda."

Nagsimula niyang ipatong ang talukbong ng suot na kapa sa kaniyang ulo bago inangat ang tingin sa mukha ni Mindy na tila ay nahihiya. "Halika na. Maaari na tayong umalis."

Alanganing tumango si Mindy bago siya sinundang lumabas. At nang nakarating sila sa harapan ng palasyo, nakaramdam na naman ng inis si Maia.

Wala ang kalesa na sasakyan nila dito. Ngunit kung sabagay, bakit nga ba nagtataka pa siya? Kung hindi si Malika ang kakausap sa kutsero, hindi dadalhin dito ang kalesa.

Isa pa, maaaring nangialam din ang Akila na iyon. Sapagkat sa reaksyon nito noong nagpunta siya sa bagong palasyo mas nais yata nitong lumabas siya sa harap ng palasyo kung saan mapapalayo pa ang kaniyang lalakarin.

Mukhang nang-iinis talaga ang lalaking iyon. Hindi na siya magtataka kung iyon ang unang gagantihan ni Malika kapag nakabalik na ito.

Madali niyang binura ang ideyang iyon sa isip. Mali iyon. Isa pa, kung iisipin ay maliit at napakawalang-kwenta lang naman niyon. Bata lang ang gagawa ng mga ganitong pang-iinis at hindi naman kamatayan ang katumbas niyon.

Huminga siya ng paulit-ulit upang alisin ang mga pangit at nakaiinis na alaala. Iisipin nalang niya na sa araw na ito ay makabibili siya ng maayos na pagkain.

Ngunit ang magandang isipin na iyon ay naglaho rin nang makita niya ang 'kawal' na sasama sa kanila sa lakad na ito.

"Binibini."

Hindi alam ni Maia kung pagbati iyon o tanong kaya tinignan niya ang mukha ng kabalyero na si Einar at tulad niya ay may kunot din sa noo nito.

"Saan po kayo galing?" tanong nito.

Lumalim ang kunot sa noo ni Maia. Sa totoo lang, wala masyadong alaala si Malika sa lalaking ito bukod sa katotohanan na ito ang kanang-kamay ng Lakan. At sa kadahilanang iyon ay hindi niya alam ang iisipin sa pagtatanong nito.

Hindi siya tiyak kung gaano katagal na itong naglilingkod sa Palasyo Raselis ngunit base sa alaala ni Malika, may kutob siyang matagal na rin. At kung ganoon bakit kailangan pa nitong tanungin kung saan siya nanggaling?

Nang-aasar ba ito?

Ano namang pakialam nito kung naglakad siya mula sa lumang palasyo hanggang dito?

Maaawa ba ito sa kaniya? O baka naman ay pagtawanan siya kapag nakatalikod na siya?

O marahil ay iniutos iyon ni Akila upang ibalita dito ang mga maliliit na paghihirap ni Malika sa palasyong ito?

Tinanggal niya ang tingin dito. "Kailangan ba na akin iyang sagutin?"

Kumurap si Einar at agad na yumuko. "H-Hindi po, Binibini. Ipagpatawad niyo po ang aking pagtatanong."

Hindi na ito pinansin ni Maia at naglakad patungo sa kalesa.

"Binibini, magandang umago po," salubong sa kaniya ni Mang Silas, ang karaniwang nagmamaneho para kay Malika. Matanda na ito ngunit malakas pa at kumpara sa karamihan ng nagsisilbi sa palasyong ito, maayos ang pakikitungo nito kay Malika. "Saan po tayo ngayon?"

"Mindy," pagtawag niya kay Mindy at ito na ang nagpaliwanag kung saan sila tutungo.

Noong araw na inatasan niya si Mindy na maghanap ng mapagkakatiwalaan na mananahi at panday, agad itong umalis at nang araw ding iyon ay nakahanap ito agad na tunay niyang ikinabigla. Hindi niya inaasahang makakahanap agad ito.

Minsan ay napapaisip siya dahil sa mga kilos at reaksyon ni Mindy ngunit tunay na maaasahan ito.

"Binibini, kung maaari po akong magsalita?" ani Einar matapos ipaliwanag ni Mindy ang pagtuturo sa direksyon ng kanilang pupuntahan.

"Ano iyon?" walang gana niyang tanong. Kung maaari lang ay ayaw niyang kausapin ito dahil hindi niya maalis sa isip niya na isa ito sa maaaring umibig kay Selina at ang maaaring pumatay kay Malika.

Ngunit may posibilidad na ligtas pa siya sa ngayon dahil wala pa si Selina dito. Wala naman siguro itong dahilan na patayin si Malika sa ngayon.

"Nasa lugar po ng mga pangkaraniwang tao ang nais niyong puntahan, Binibini. Maaaring hindi po ligtas na magtungo kayo doon."

Saglit na tumahimik si Maia. π˜—π˜’π˜―π˜¨π˜¬π˜’π˜³π˜’π˜―π˜ͺ𝘸𝘒𝘯𝘨 𝘡𝘒𝘰...

Ano ang nais nitong ipahiwatig? Kung iisipin, hindi ba ay pangkaraniwang tao rin ito bago naging isang maharlika? Isa pa, mas mababa pa nga ang tunay na katayuan ni Malika kaysa sa mga 'pangkaraniwang tao' na tinutukoy nito.

At sa sitwasyon ni Malika, mas ligtas pa nga ito sa tabi ng mga 'pangkaraniwang tao' kaysa sa mga taong maginoo at maharlika katulad ng kabalyero na nasa kaniyang harapan.

"Gat Einar..." Tinitigan niya ito sa mga mata. "Maaari mo bang sabihin sa akin kung ano ang ginagawa mo dito ngayon?"

Bahagyang lumaki ang mga kulay abo nitong mga mata bago yumuko, marahil ay hindi inaasahan ang kaniyang tanong. "Ang samahan po kayo at siguraduhin ang inyong kaligtasan, Binibini."

Nais umirap ng mga mata ni Maia. Ang 'siguraduhing ligtas' siya ay nangangahulugan na hindi siya gagawa ng gulo. Maaaring iyon talaga ang inutos dito ng Punong Lakan pati na rin ng Lakan.

"Kung ganoon, aking ipagpapasalamat kung iyon mismo ang iyong gagawin." Tumalikod na siya dito at ibinaling ang tingin kay Mang Silas. "Umalis na po tayo."

Agad na siyang sumakay sa kalesa nang walang kamalay-malay na nabigla niya ang tatlong taong kasama.

Una, dahil sa magalang niyang pakikipag-usap kay Mang Silas at pangalawa, ay dahil sa pagsakay niya sa kalesa nang walang alalay.