"Mindy, hindi ka ba nagkamali ng lugar na tinukoy?" kunot-noong tanong ni Maia kay Mindy na kabababa lamang ng kalesa.
Isang sira-sira at tila ay abandonadong gusali na ang bumungad sa kaniya na tila ay gigiba sa kaunting hangin. Kahit siya ay nag-aalangang pasukin ito nang walang armas. Sa itsura nito, hindi nakapagtataka kung lungga ito ng mga kawatan sa mundong ito kahit pa napaliligiran ito ng iba't-ibang tindahan at mga bahay.
"Ah... Paumanhin po, Binibini. Hindi po diyan." Tinuro ni Mindy ang maliit na kalye sa may kaliwa ng gusali. "Papasok po tayo doon."
Nawala ang kunot sa noo ni Maia at ang tensyon sa kaniyang katawan. Tumango siya at nagsimulang maglakad at napansin niyang siya ang nauuna. Nasa bandang kaliwa niya si Einar habang si Mindy ay nasa likod naman.
Kaugalian ito sa mundong ito. Ang mga taong may 'mababang katayuan' sa lipunan ay hindi dapat maglakad sa harap ng isang Maginoo nang walang pahintulot. Isang kabastusan o kalapastanganan kung gagawin iyon ng isang karaniwang tao.
Kaya masasabi niya na tunay na walang galang kay Malika ang mga tagapaglingkod sa palasyo sapagkat ang lahat doon ay nauunang maglakad dito sa tuwing nagtutungo ito sa bagong palasyo.
Para kay Maia, ayos lang naman iyon. Wala naman siyang pakialam sa kaugaliang iyon. Kahit maglakad sa harap niya si Mindy o si Einar ngayon, wala lang sa kaniya. Ngunit hindi niya maiwasang malungkot para kay Malika. Dahil sa mundong may ganoong kaugalian, harap-harapan talaga kung bastusin ito.
"Binibini," pagkuha ni Mindy sa kaniyang atensyon na nagpahinto sa kaniyang mga iniisip. "...iyon po ang tindahan na aking tinutukoy. Iyon po na may kulay pula na pintuan."
Agad na nakita ni Maia ang tinutukoy ni Mindy dahil sa lahat ng mga bahay at munting gusali na nasa kalyeng ito, natatangi iyon na may kulay pula na pinto. At taliwas sa una niyang akala at sa sinabi ni Mindy, hindi talaga tindahan ang kanilang pupuntahan kundi ay isang payak na bahay.
Si Einar ang unang lumapit at kumatok matapos humingi ng pahintulot kay Maia. At ilang segundo lamang ang lumipas nang may babae na sa tingin niya ay nasa dalawampu't lima hanggang tatlumpung taong gulang ang nagbukas ng pinto, may pagtataka sa ekspresyon nito. "Sino po si---"
Pinutol nito ang pagtatanong nang makita ang mukha ni Mindy. Nagsalit-salit ang tingin nito sa kaniya at kay Mindy na tila ba ay natataranta. "P-Paumanhin po." Binuksan nito nang tuluyan ang pinto, ang atensyon nito ay natuon sa kaniya. "T-Tu... T-Tuloy po kayo... B-Binibini."
Kung may isa siyang nakalimutang banggitin kay Mindy, iyon ay ang ilihim na galing siya sa isang maginoong pamilya. Ngunit kung iisipin, marahil ay mabuti na rin na nalimutan niya ang bagay na iyon dahil mahihirapan rin siyang itago iyon lalo na kung may kasama pa siyang kabalyero.
Binigyan na lamang niya ng maliit na ngiti ang babae upang kahit paano ay makatulong na bawasan ang kaba na mayroon ito dahil kay Malika at agad na siyang pumasok sa loob.
Malinis at maayos ang loob ng bahay. At ang kahoy na sahig ay napakakintab. Mabuti at bago makapasok sa loob ay may munting espasyo kung saan maaaring tanggalin ang suot na sapatos at hindi nagdalawang-isip si Maia na tanggalin ang kaniyang suot sa paa.
Halos lumuwa ang mga mata ni Mindy na kahit nasa labas pa ay nakita ang kaniyang ginawa at ganoon din si Einar na tila ay napako sa kinatatayuan nito. Samantalang namutla naman ang may-ari ng bahay.
"M-Mahal na Binibini, hindi niyo po kailangang tanggalin ang inyong sapatos," natatarantang sambit nito. "Maaaring madumihan pa po ang inyong mga paa."
Alam ni Maia na hindi niya kailangang magtanggal ng sapatos dahil ang bagay na iyon ay ginagawa lamang ng mga pangkaraniwang tao at alipin sa mundong ito. At alam rin niya na hangga't maaari ay kailangan niyang magpanggap bilang si Malika at umarte na isang maldita at maarteng maginoo.
Ngunit kahit pa sabihin na nasa loob siya ng katawan ng iba, hindi pa rin niya maiwasang makaramdam ng hiya kung itatapak niya ang sapatos na nilakad niya sa labas sa malinis na sahig na mayroon sa bahay na ito. Isa pa, alam niya na hindi madali ang paglilinis ng bahay.
Tinignan niya ang babae na ayon kay Mindy ay nagngangalang Yara. "Tila ay imposible naman na madumihan ang aking mga paa kung napakalinis ng inyong tahanan, Aling Yara."
Nagulat ang tatlong tao sa paligid niya dahil sa kaniyang sinabi. At halos mapanganga si Aling Yara marahil sa pagbanggit niya sa pangalan nito. "M-Maraming salamat po, Binibini," mahinang sambit nito. "A-At kahit Yara na lamang po ang inyong itawag sa akin."
Tumango si Maia sa hiling nito at napansin niya na bumaba ang mga balikat nito na tila ay huminahon na ito mula sa kabang nadarama. At masasabi ni Maia na isang magandang bagay iyon.
Sa mga alaala pa lamang ni Malika, napapagod na siya sa mga reaksyon ng mga 'karaniwang tao' sa tuwing makahaharap ang mga ito. At ang masaksihan iyon ng harap-harapan ay isang bagay na ayaw niyang maranasan. Pagod na siya kay Mindy pa lamang at tama na iyon.
Tuluyan na siyang pumasok sa sala ng bahay at sinuri ang paligid. Maliit na sala, maliit na kusina katapat ng sala, maliit na hagdan katabi ng kusina...
At pinto na dumudugtong sa isang silid na sa tingin niya ay kasing-laki ng buong bahay na ito.
Maaaring iyon ang silid kung saan gumagawa at nananahi ng damit si Yara ngunit sa impormasyon na galing kay Mindy, tiyak si Maia na iyon ang silid kung saan gumagawa ng armas ang asawa nito.
Hindi nga siya nagkamali nang may lumabas na lalaki na malaki ang pangangatawan mula sa silid na iyon.
"Magandang araw po, Binibini," pagbati nito sa kaniya at binaling din nito ang tingin nito kay Einar at kay Mindy. "Ako po si Namar, asawa po ni Yara."
Sa unang tingin, mapagkakamalan na matanda na ito dahil sa ika-ika nitong paglalakad at sa makapal nitong balbas ngunit kung titignan nang mabuti ay masasabi niya na ilang taon lamang ang tanda nito sa asawa.
At ang isang bagay na tunay na kumuha ng kaniyang atensyon ay ang reaksyon nito. Hindi ito nabigla pagkakita sa kaniya at ang paraan ng pananalita at pagbati nito. Tila ay sanay itong humarap sa mga maginoo.
Marahil ay dati itong nagsisilbi sa isang maginoo...
Bumaba ang tingin ni Maia sa kaliwang binti nito. π π₯π’π΅πͺπ―π¨ π¬π’π£π’ππΊπ¦π³π°.
"Noong nabanggit po sa akin ng aking asawa na may isang Binibini na nais siyang kunin na mananahi ay hindi po ako naniwala. Ngunit ngayon, pawang katotohanan pala ang lahat ng iyon."
Palihim na siniko ni Yara ang asawa at bumulong, "Kailan ba ako nagsinungaling?"
Tumawa lamang si Namar bago nagsalitang muli. "Kung ganoon, huwag na nating paghintayin pa ang Binibini at pumanhik na kayo sa itaas. Ako na ang bahalang magdala ng tsaa..." Alanganing tumingin ito sa kaniya. "...kung iyon po ay ayos lamang sa inyo, Binibini?"
Nagbigay si Maia ng maliit na ngiti. "Wala pong problema. Maraming salamat."
Sa pagkakataong iyon, nabigla si Namar kasabay ng lahat na hindi niya napansin dahil agad na siyang tumalikod sa mga ito upang umakyat sa ikalawang palapag ng bahay. Tinawag niya si Mindy na agad nakabawi sa pagkagulat nito at sumunod sa kaniya.