"Elenaaaaaa!!!!" Malakas na pagtawag sa akin ng aking ina noong sandaling makapasok ito sa loob ng aming Carinderia.
"Elena anak, halika dali!" Dagdag pa niya.
Awtomatiko namang napakunot ang aking noo.
"Nay, bakit ho 'yun?" Tanong ko naman habang nagpupunas ng aking basang kamay.
"May naghahanap sa'yo sa labas. Bilis! Bilis!"
Parang hindi ito mapakali na animo'y natutuwa at hindi maintindihan kung ano ang gagawin.
"Nay naman, kumalma nga kayo. Busy pa ako rito sa pagluto. And'yan naman sa Lester. Siya na muna ang paharapin mo sa mga customer." Wika ko at nagpatuloy sa paghihiwa ng mga gulay na ihahalo ko sa niluluto kong pancit.
Pero sa halip na kumalma ang aking ina ay mas lalo pa yata itong nataranta.
"Ikaw nga ang kailangan, anak. Ikaw ang hinahanap!" Muling pangungulit pa niya.
"Eh sino raw ho ba kasi ang naghahanap sa akin?" Tanong ko na mayroong pagtataka.
"Basta." Malawak ang ngiti na sabi nito. "Matutuwa ka kapag nakita mo siya anaaaaak! Kaya bilisan mo!" Hindi ko tuloy mapigilan ang matawa sa itsura ng aking ina.
Daig pa nito ang teenager na kinikilig sa love life ng iba.
"Nay, paki sabi na lang ho busy pa ako. Hindi ko pwedeng iwan itong niluluto ko. Mag-iiba naman ang timpla kapag iba ang humawak nito. Ayoko. Hindi pwede." Pagdadahilan ko.
Isa pa, matutuwa ako kapag nakita ko 'yung naghahanap sa'kin?
Bakit? Siya ba si Kassandra Moreno para matuwa ako?
Eh si Kassandra lang naman ang bukod tanging nagpapangiti at nagpapasaya sa akin mula noon, hanghang ngayon. Wala ng iba.
Kaya nagmatigas ako at pinili na maging mas abala pa sa aking ginagawa. Kahit na ang totoo ay curious din akong malaman kung sino nga ba talaga 'yung naghahanap sa akin.
Eh totoo rin naman kasi na hindi ko pwedeng iwan itong niluluto ko.
Katatapos ko lamang sa paghiwa ng repolyo nang biglang may magsalita mula sa aking likuran.
"Uhmm...hello?"
"Ay palaka!" Hindi ko mapigilang banggitin dahil sa gulat nung may ibang boses na nagsalita. Agad naman na narinig ko ang mahinang pagtawa nito.
"I'm sorry, nagulat ba kita?" Paghingi nito ng tawad but in a sarcastic tone. Iyong para bang mayabang na ewan.
Teka nga lang. Sandali...
'Yung boses na iyon. Kahit na hindi ko pa man nakikita 'yung itsura niya. Kilalang-kilala ko na agad kung sino ang nagmamay-ari nito.
Dahil dito ay dahan-dahan na binitiwan ko ang hawak kong kutsilyo at parang slow motion pang napalingon sa kung sino man ang nagsalitang iyon.
At gayon na lamang ang laking gulat ko noong sandaling makita ko na nakatayo sa aking harapan ang nag-iisang Kassandra Moreno.
Ang superstar na si Kassandra.
"K-K-Kassandra---"
"Yes. I'm the one who's looking for you." Mabilis na putol nito sa akin.
Habang ang aking ina naman ay himpit ang tili na napapalakpak pa at walang sabi na umexit sa eksena.
Ngunit sa halip na magsalita pa akong muli at sagutin si Kassandra, ay mabilis ko siyang tinalikuran kasabay ang malakas na pagkabog ng aking dibdib.
Parang wala rin sa sarili na basta na lamang akong naglakad palabas ng kusina habang pilit na ikinakalma ang aking sarili.
Parang halos hindi ako makahinga!
Nakakagulat!
Pagkatapos ng limang taon, bigla siyang susulpot sa harapan ko?
Anong ginagawa niya rito?!
Napahawak ako sa magkabilaang pisngi ko.
Namukhaan ba niya ako? Nakilala ba niya ako?
Paano kapag nandito siya para singilin ako dahil basta na lang akong nawala na parang bula noon at hindi man lang nagpaalam sa kanya?
Pero hindi! Nag-iwan ako ng sulat noon. Siya itong hindi sumipot sa lugar kung saan ko siya hinintay. Tapos ngayon, nandito siyang muli sa harapan ko?
Anong kailangan niya sa akin?
Noon ko lamang din napansin na napakaraming tao ngayon ang nasa labas ng Carinderia namin.
At lahat sila, syempre, inaabangan na makita si Kassandra na lumabas muli mula sa loob.
Sino ba naman kasi ang palalampasin ang ganitong pagkakataon? Hindi ba?
Hayst.
Bigla akong napatampal sa noo ko.
Oo nga pala! Mayroon silang scene na kailangang i-shoot dito sa Palawan. Pero bakit naman kasi sa lawak ng Palawan, dito pa sila napadpad sa Puerto Princesa?
Ano ba kasing ginagawa niya rito?! Especially dito sa kusina ko?! Kukuyugin siya ng mga fans niya sa ginagawa n'ya eh!
Napapakamot sa batok at mabilis ang mga hakbang na bumalik ako sa loob ng kusina.
Naabutan ko naman itong prenting nakaupo sa bakantang silya na naroon habang nakapangalumbaba at para bang inaantok na rin noong maabutan ko.
"Ano ba kasing kailangan mo?"
Wow. Congrats self at hindi ka nautal.
Si Kassandra 'yang nasa harap mo ha?
Awtomatiko naman na gumuhit ang nakakalokong ngiti sa kanyang labi.
"Sabi ko na nga ba at hindi mo rin matitiis. Babalik ka rin dito sa loob." Sagot niya at muling tumayo bago humakbang palapit sa akin.
Habang ako naman ay mabilis na napaiwas ng tingin sa kanyag mukha. Natatakot na baka bigla na lang niya akong sampalin or what.
Harujusmiyo! 'Yung dibdib ko napakalakas ng kabog na animo'y sasabog sa sobrang kaba.
Pero pinipilit kong kumalma. Isa pa besh, ang hot niya kahit napaka simple lang naman ng suot niya.
Nakasuot lamang kasi siya ng oversize t-shirt, maong na shorts at naka-ponytail ang kanyang buhok, habang naka tsinelas lamang sa pang ibaba.
'Yung ayos niya sa mismong teleserye na ginagawa niya ngayon na kasalukuyang isinu-shoot nila at dahilan kung bakit sila nandito sa Palawan.
Halatang tumakas lamang din siya mula sa set at sinadya talagang pumunta rito.
Nakayuko ako at agad na napapikit ng mariin noong sandaling isang hakbang na lang ang layo nito mula sa akin.
Amoy na amoy ko ang pamilyar na perfume niya na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang amoy.
Gustong-gusto ko siyang yakapin at iuwi na ngayon din. Kasi sobrang miss na miss ko siya.
Pero hindi pwede kasi---
"Elena." Biglang pagtawag nito sa pangalan ko.
Noong sandaling banggitin nito ang pangalan ko.
Ewan ko, parang bigla akong nabuhayan at nabunutan ng tinik sa aking dibdib.
Alam ko kasi na safe na ako. At alam ko rin na hindi niya ako nakikilala. At hindi n'ya ako namumukhaan.
At okay na 'yung gano'n, mas matatahimik ang buhay ko.
Never niya kasi akong tinawag dati sa pangalan ko eh. Ngayon pa lang.
Dahil dun ay lakas loob na muling inangat ko ang mukha ko at sandaling tinapunan siya ng tingin. Magsasalita na sana ako nang magpatuloy siya.
"I'm here to tell you that I need you." Seryoso ang mukha na sabi niya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko.
Bigla na lamang akong nasinok dahil sa mga titig niya. At dahil sobrang kinakabahan na naman ako.
Uma-acting lang ba 'to or what?
Napakamot ako sa batok ko at mabilis na umalis sa harapan niya.
Iinom muna ako ng tubig. Mahihimatay yata ako sa sobrang kaba dahil sa dyosa na'to.
Pero ang siste. Ayaw ako tantanan. Agad pa rin niya akong sinundan. Kukuha lang naman ako ng tubig.
Ikaw ba naman ang sabihan ng isang Kassandra Moreno ng 'I need you'? Kaninong puso ang hindi magwawala sa sobrang saya?
"I need you as my personal chef." Pagpapatuloy nito kaya natigilan ako sa pagsalin ng tubig mula sa pitsel na hawak ko.
At sandali na muling inilapag ito sa lamesa.
"Chef?" Tanong ko sa kanya habang may pagtataka.
Wala pang may nag-alok sa akin niyan. Siya pa lang. Sa dami ng mga bigating tao na kumakain rito sa Carinderia namin. Siya lang ang nabubukod tanging nagsabi niyan sa akin.
Napa-cross arms ako.
"B-Bakit? Natikman mo na ba 'yung luto ko?" Taas noo na tanong ko sa kanya.
Dahan-dahan naman itong napatango.
"Yes." Diretsahang sagot niya bago napangiti. "Nagustuhan ko 'yung lasa ng lahat ng niluto mo para sa amin."
"Lahat?!" Nagtataka na tanong ko. "Para sa inyo?" Dagdag ko pa bago mabilis na napatakip sa aking bibig, noong ma-realize ko na 'yung lahat ng niluto ko kaninang umaga ay para sa kanila.
Hindi ko naman alam na 'yung order na yun ay para pala sa kanila.
At dahil dito, naalala ko na isa sa mga niluto ko roon ay 'yung paborito niyang cordon blue. Na kahit minsan ay NEVER niyang nabanggit sa mga interviews niya.
Dahil palagi siyang nagsisinungaling sa paborito niyang pagkain.
"Look, I really want you to be my personal chef. I'm a very picky person pagdating sa pagkain, so I'm here right now in front of you to offer you a job." Mahinahon na paliwanag nito sa akin.
Hindi ko mapigilan ang mapangiti sa loob ko. Hindi pa rin pala talaga siya nagbabago. Pihikan pa rin sa pagkain hanggang ngayon.
So lahat talaga ng interviews niya kasinungalingan lang? Eh paanong hindi ko masabing nagsisinungaling siya, sabi niya kasi never daw siyang naging pihikan sa pagkain at lahat ng luto kinakain niya.
Hmp!
"I will pay you fair or more than you earn here in your restaurant. I will provide your apartment and your car. You don't have to spend anything." Dagdag pa niya.
Edi wow sa kanya. Siya na ang mayaman.
"I will also give you many benefits if necessary. Just accept the job I offer you." Pagpapatuloy niya.
"Please?" Pakiusap pa nito sa dulo at nagpa-cute pa nga sa harap ko.
Oh my gosh!
Kassandraaaa! Papatayin mo talaga ako sa lakas ng tibok ng puso ko.
Napahinga ako ng malalim.
"Okay. Pag-iisipan ko." Sabi ko sa kanya.
Napatango naman ito habang mayroong pigil na ngiti sa kanyang labi.
"Thank you. Thank you so much, Elena." Pormal na pagpapasalamt nito sa akin.
Binigyan ko lamang ito ng isang ngiti.
"P-Pwede na ba akong uminom ng tubig? Hehe." Nahihiya at napapakamot sa batok na tanong ko sa kanya.
"Sure! Sure!" Wika naman niya at akmang tatalikod na sana sa akin nung parang may naalala siya.
"Uhh, nga pala, before you refuse my offer, gusto ko lang sabihin na, nakapag-send na ako ng advance payment to your bank account na bigay ng nanay mo---"
Bigla na lamang akong nabilaukan at napaubo habang nag-iinom ng tubig dahil sa sinabi niyang iyon.
"Oh my gosh! Are you okay?!" Concern na tanong nito sa akin.
"ANOOOO?!" Gulat na gulat na tanong ko sa kanya at muling tinignan siya.
May pagkaalanganin naman nitong napangiti sa akin.
"Hehe. Sorry, naisip ko lang na gawin 'yun kaagad so you can't say no." Pagkatapos ay napakagat pa siya sa kanyang labi.
"So, tawagan mo na lang ako kapag nakapag-decide ka na. Nag-iwan na rin ako ng contact number ko sa nanay mo." Pagpapaalam nito sa akin bago tuluyang tumalikod na.
Sa likod na ng kusina kung saan ako lumabas kanina siya dumaan. Agad naman siyang sinalubong ng kanyang PA at manager.
Habang ako naman ay hindi mapakali sa aking kinatatayuan.
"Naaaaaayyyyyyy!!!" Malakas na pagtawag ko sa aking nanay.
Kung bakit naman kasi.
Hayst!
Bahala na nga!