Chereads / Easy To Get But Don't Regret / Chapter 1 - Chapter I: Althea del Rosario

Easy To Get But Don't Regret

🇵🇭Tyo_Caloy
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 7.6k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter I: Althea del Rosario

Pumasok na walang-wala, lumabas na nagniningning sa dami ng ahas sa katawan. Ganito ang pangaraw-araw na ganap sa isang restaurant na pinuputakti ng mga customer. Hindi dahil sa mayroon silang raffle, kundi dahil sa isang dalagang nagngangalang Althea del Rosario: ang nagmamay-ari ng nasabing negosyo.

"Ayaw ko pang mamatay!"

"Walang lalaking tatagal sa'yo!"

"Malandi! Amasona! Kahit si Son Gokou hindi ka matatagalan!"

Ganoon ang kadalasang sinasabi ng mga kalalakihang nagtatakbuhan palabas na pawang mga naging nobyo ni Theya. Nagkaroon man sila ng nagkikinangang alahas ay mas kapansin-pansin ang dugong umaagos mula sa kanilang mga sugat sa mukha. Kagagawan ito ni Theya; masyado kasi siyang selosa. At kapag sumiklab na ang nagngi-ngitngit niyang galit ay ganoon ang kinalalabasan. Maswerte pa nga sila dahil nagawa pa nilang tumakbo. Ang iba kasi ay kinakailangang isakay ng stretcher dahil sa naging bali; mayroon pang mga nawalan ng malay.

Naiiba sa lahat ng babae si Theya. Sa simpleng ngiti at titig maaari mo na siyang napaibig. Sa isang tingin lang 'daw' niya sa isang lalaki ay alam na niya ang ugaling mayroon ito. 'Mabait s'ya sigurado!'

Ngayong araw ay isa na namang binata ang susubok na paamuin ang isang dragon. Pasipol-sipol siya habang naglalakad sa tabihan ng abalang kalsada. Nakasuot siya ng kulay itim na sunglass. Papaling-paling pa ang kaniyang ulo sa kung saan-saan. Kapag may nakakasalubong siyang babaeng may maikling kasuotan ay ibinababa niya ang kaniyang sunglass para mas maaninag ang tanawing nais niyang makita. May suot siyang maroon na cowboy hat, asul na maluwang na long sleeve polo, itim na pantalon at tsinelas na may malaking butas. Kung hindi lang talaga makapal ang kalyo niya sa paa ay hindi niya magagawang maglakad nang matagal.

Moreno at matangkad, pero kahit sa dark ay hindi siya handsome. Hindi nga niya magawang isara ang kaniyang bibig dahil sa laki ng ngipin niya sa unahan. Mataas din ang kumpyansa nito sa sarili. Maangas siyang maglakad. Para siyang hari sa lansangan na kaniyang nilalakaran.

Ilang hakbang pa ang kaniyang ginawa nang bigla na lamang siyang napahinto. Ibinaba niya ang kaniyang sunglass at binasa ang pangalan ng restaurant na nasa kaniyang harapan.

"Althea's kictchen," aniya, habang nakatingin sa pangalan ng restaurant na makikita sa pagitan ng ikalawa at unang palapag.

Inalis niya nang tuluyan ang kaniyang sunglass. Isinabit niya ito sa bulsa ng kaniyang polo at lumapit sa gate ng restaurant. Sarado pa ito kaya tinawagan niya ang isa sa dalawang security guard na kaniyang nakita.

"Mamang guard, pabukas naman ng gate."

"Sarado pa kami, sir," tugon ng gwardya. "Humanap ka na lang ng ibang restaurant para busugin ang bulate mo sa t'yan. Baka ikaw pa ang kainin n'yan!"

Pinagtawanan siya ng dalawang gwardya na naroroon. Malulutong ang bawat halakhak na kaniyang naririnig. Nainsulto siya nang labis. Humawak siya sa gate at makailang ulit niya itong itinulak at hinila. Para bang gusto niya itong wasakin gamit ang kaniyang pisikal na lakas.

"Bakit n'yo ako pinagtatawanan? Naliliitan ba kayo sa'kin? Buksan n'yo 'to! Magsuntukan tayo!"

Lalo lang lumakas ang tawanan.

"Para kang galit na unggoy!"

"Mas mukha kayong mga unggoy—mga pangit! Hindi n'yo ba nakikilala kung sino ako?"

"Bakit? Sino ka ba?"

"Ako lang naman si Piolo!"

Mas lumakas pa ang tawanan. "Ang pogi mo, Piolo!"

"Piolo Rosales Dantes ang buong pangalan ko!" sigaw niya bago sipain nang paulit-ulit ang gate.

Nang mga sandaling yun ay natigil na ang tawanan. Para silang nakakita ng multo. Kabilin-bilinan kasi ng kanilang amo na tanging ang lalaking nagngangalang Piolo Rosales Dantes lamang ang may permisong pumasok.

"Pa-pasensya na, Sir Piccolo este Piolo pala!" wika ng isang gwardya habang binibuksan ang gate. Nanginginig ang kaniyang kamay dahil na din sa takot.

Nang makapasok na si Piolo ay binatukan niya ang dalawang gwardya na nang-insulto sa kan'ya. "Pasensya-pasensya! Masyado kayong mapang-mata! Kahit ano pang sabihin ninyo—mas cute pa din ako kaysa sa inyo—mga pangit!"

"Opo! Sorry na po."

"Lagyan mo ng bossing!"

"Sorry po bossing!"

"Good! Matuto kayong kumilala ng amo ninyo!"

Ngayong girlfriend na niya si Theya, ay amo na din siya ng mga empleyado ng dalaga. Pinagmasdan ni Piolo ang restaurant. Transparent ang mga bubog na nasa harapan nito. Maraming mga kalalakihang nakasuot ng itim na suit; ilan sa kanila ay may mga hawak na two way radio.

"Sila siguro ang mga bodyguards namin," natatawa niyang sambit.

Napangiti siya't huminga nang malalim nang makita ang luntiang hardin na pumapalibot dito. Napatakbo naman siya nang makakita ng mga sports cars at big bikes na nakagarahe sa parking lot; matatagpuan ito sa harapan ng restaurant.

Hinalikan niya ang isa sa mga ito nang siya ay makalapit. "Hello my dear! Daddy is here! Bring me up in the air!"

Isa sa mga bodyguard ni Theya ang lumapit sa kan'ya at bigla siyang hinila. "Lumayo ka d'yan! Baka magasgasan 'yan dahil sa laki ng ngipin mo!"

"Sobra ka namang manlait!" tugon ni Piolo. "Ang pogi mo eh no!"

"Alis na sabi."

"Boyfriend ako ni Theya."

"Pumasok ka na lang sa loob, kanina ka pa n'yang hinihintay," paliwanag nito.

Lumayo na lang si Piolo. Hindi din naman ang mga sasakyan na 'yun ang dahilan kung bakit siya naroroon. Kaya siya pumunta sa lugar na yun ay para makipagkita sa kaniyang girlfriend.

Nagsimula siyang maglakad nang maangas patungo sa kinaroroonan ng front door. "My name is Piolo Rosales Dantes! I repeat... Piolo Rosales Dantes!"

Binuksan ng gwardya ang double acting swing door na yari sa bubog, nang marinig ang pangalan nito. Hindi maganda ang tingin niya sa binatang paparating. Kahit yata bagyo ay mahihiya sa lakas ng hanging mayroon ito. Hindi niya inalis ang paningin niya dito hanggang sa makapasok ito sa loob.

"Yabang," bulong ng gwardya.

Sa wakas ay nagawa na ding makapasok ni Piolo sa loob ng restaurant ni Theya. Namangha siya sa disensyo nito. Yari sa kahoy ang sahig na araw-araw na pinakikintab ng mga empleyado. Sa magkabilang gilid ng unang palapag ay may tig-isang hagdan na nag-uugnay sa dalawang palapag ng gusali.

Itim, dilaw at brown ang tanging kulay na makikita sa loob. Kulay dilaw ang bawat cover ng mahigit pitong daang couches, itim ang bawat stand ng mga mesa at brown ang kulay ng ibabaw nito. Kulay dilaw din ang paligid ng mga magkakadikit na hugis na mayroong limang sulok; itim naman ang kulay ng loob nito. Makikita ang mga nasabing mga hugis sa buong kisame at pader ng restaurant na nagsisilbing disenyo.

Isang dalagang may makislap na itim na buhok, matangos na ilong at labing kakulay ng mapupulang rosas ang umagaw sa kaniyang atensyon. Maamo ang kaniyang mukha na para bang laging kalmado. Sa unang tingin ay aakalain mong hindi nito kayang kumitil—kahit na langaw lang.

Itim ang kulay ng nakakasilaw niyang mata. Kulay rosas ang ibabang bahagi nito na mas lalong nagbigay sa kaniya ng kaakit-akit na itsura. Hilig niyang magsuot ng mga damit na hindi magkukubli ng kaakit-akit niyang balikat at pusod niyang nakakatakam titigan. Gusto din niyang ibinabandera ang malusog niyang dibdib, maging ang nakakasilaw niyang hita. Siya si Althea del Rosario anak ng isa sa mga pinakamayamang tao sa buong asya at ang nagmamay-ari ng restaurant; siya na nga ang girlfriend ni Piolo.

Sa edad na 26 ay hindi niya masasabi sa sariling naging matagumpay na s'ya. Kilala niya kung sino siya. Ang restaurant na kaniyang pag-aari ay ibinigay sa kan'ya ng kaniyang ama. Bukod dito ay may natatanggap pa siyang limang daang libong dolyar dolyar kada buwan. Wala naman kasing kinikita ang kaniyang negosyo kahit na singko, dahil napupunta ito sa lahat ng kaniyang mga empleyado. Wala naman itong problema kay Theya. Masaya na siyang makitang gumaganda ang buhay ng mga taong nagtatrabaho para sa kan'ya.

Tila huminto ang mundo ni Piolo, nang makita niya sa loob ang isang binibining nagpabilis ng pintig ng kaniyang puso. Nakaupo ito sa harapan ng mesang matatagpuan sa pusod ng dining hall at nakikipagtitigan sa kan'ya. Napapikit siya at napakagat sa ibabang bahagi ng kaniyang labi. Binasa din niya ito ng kaniyang laway para magmukha siyang nakakaakit. Pero ang katotohana'y pinandidirihan siya ng mga empleyado ni Theya na inaabangan ang susunod na mangyayari.

"Siguradong sabog ang nguso ng mayabang na 'yan! Ipupusta ko ang isang buwang sweldo ko! Laban ka?" wika ng isang empleyado ni Theya.

"Kunwari ako ang naghamon ng pustahan. Isang buwang sweldo mo laban sa isang taong sweldo ko!"

"Wa-wag na lang pala."

Nanatiling tulala si Piolo, habang pinagmamasdan ang isang binibining tila ba isang tala na kumikinang. Pero bigla siyang kinabahan nang mapansing parang may mali. Hindi kumikinang si Theya—nag-aapoy ito sa galit. Ang nanlilisik nitong mga mata ay nagbigay sa kaniya ng matinding takot; nanigas siya na parang yelo.

Gamit ang hintuturo ay sinenyasan siya ni Theya na lumapit. Dahil na din sa nararamdamang takot ay hindi nagawang kumilos nang maayos ni Piolo. Para siyang taong gumagalaw dahil sa mekanismo.

Nang makalapit siya dito'y unti-unti niyang itinaas ang kanan niyang kamay. Naka-heart shape pa ang kaniyang hinlalaki at hintuturo. Nanginginig ang kaniyang panga. Ang kaniyang mukha na dinadaluyan ng napakaraming pawis ay hindi na maipinta.

"He-hello baby," wika ng binata. "Mu-mummm-mwuaapsszzzzzzzzzz!"

Halatang hindi natuwa si Theya. Umangat ang itaas na bahagi ng labi nito. Habang pinagmamasdan siya ni Piolo ay parang may napansin siyang pangil mula sa napakagandang dalaga.

"Kung hindi ka nahuli ng dating, baka sakaling kinilig pa ako," marahan pero madiing pagkakasabi ni Theya.

Napaatras ang binata nang makita niyang tumayo si Theya. Limang talampakan lang ang height ng dalaga pero labis ang panginginig ng kaniyang tuhod. Gusto na niyang tumakbo pero para bang may kung anong nagpako ng kaniyang paa sa loob ng restaurant.

Binuksan na ng gwardya ang pintuan para makatakas si Piolo; subalit hindi na ito nangyari pa. Napaluhod siya nang sipain ni Theya ang maselang bahagi ng kaniyang katawan. Isa-isang tinakpan ng kaniyang mga empleyado ang kanilang mga mata. Ayaw na nilang makita pa kung paano ba parusahan ng kanilang amo ang kaawa-awang binata. Lumabas ito ng restaurant na dumudugo ang ilong at bibig habang umiiyak. Hinabol siya ni Theya pero hindi siya lumabas ng pintuan.

"Break na tayo!"

Sa mabilis na panahon ay napaibig nga ng binata si Theya. Pero hindi pa tumatagal ng dalawampu't apat na oras ay nawala din ito kaagad sa kaniya. Hindi niya sukat akalain na ang babaeng mayroong kaakit-akit na mukha ay may ikinukubli palang halimaw sa loob niya..

Nang makalayo ang lalaki ay siyang namang panlalambot ng mga tuhod ni Theya. Napalupagi ito dahil sa nangyari. Nilapitan naman siya kaagad ng isang dalawampu't anim na taong gulang na dalaga. May taas itong anim na talampakan at may katabaan. Itim ang kulay ng tuwid at makintab niyang buhok. Manipis ang kaniyang kilay, ganoon din ang kaniyang mga mata. Malaki ang kaniyang boses, bihira at marahan din itong magsalita. Siya si Janice: ang manager ng restaurant at ang best friend ni Theya.

"Pang four thousand nine hundred ninety seven na s'ya. Ayos ka lang ba?"

Tumingala si Theya. Paulit-ulit na nagpapaling-paling ang kaniyang ulo nang pakaliwa't pakanan. Nagtutubig na din ang paligid ng kaniyang mata; hanggang sa tuluyan na ngang bumagsak ang luhang pinipigilan niyang kumawala.

"Hindi! Hindi ako ayos," umiiyak niyang tugon.

"Kailangan mo ba ng tulong?"

Tumango si Theya. "Oo!"

Pumunta si Janice sa gawing likuran ni Theya. Hinawakan niya ito sa ulo at biglang hinila. "Init na naman kasi ng ulo ang pinairal mo. Nalate lang yung tao nakipagbreak ka na agad."

"Nangako kasi siyang darating siya sa tamang oras," tugon ng dalaga, habang hawak-hawak ni Janice ang buhok niya.

Nang makatayo si Theya ay inalalayan siyang maglakad ni Janice. Pinaupo niya ito sa pinakamalapit na couch na matatagpuan ilang hakbang lamang mula sa front door. Nanatili namang nakatayo si Janice sa kaniyang tabi.

"Kumuha kayo ng tubig!" utos ni Janice sa kanilang mga empleyado.

"Opo Ma'am Janice!"

Dali-dali kumuha ng isang baso at pitsel na may tubig ang isang empleyado at ibinigay ito kay Janice. Sinalinan ni Janice ng tubig ang baso at itinapat ito sa ulo ni Theya.

"Wag mong ibubuhos," wika ni Theya na nakatingin sa kawalan.

"Sigurado ka ba?"

"Oo."

Ibinaba ni Janice ang baso sa mesa. Sunod ay ibinuhos niya ang tubig na nasa pitsel sa ulo ni Theya. Wala itong kibo habang nababasa. Nang maubos na ang tubig na nasa pitsel ay tinangka naman ni Janice na ihampas sa ulo ni Theya ang hawak niyang bagay.

"Ayaw ko pang matulog," malumanay nitong bigkas, habang nananatiling tulala.

Hindi na itinuloy pa ni Janice ang kaniyang binabalak. Ibinitang niya ang pitsel sa mesa. Matapos yun ay napagpasyahan niyang lumabas ng restaurant para ipaalam sa mga gwardya na nagbabantay sa gate na tatanggap na sila ng mga customer. Wala nang date ang kanilang amo kaya oras na para magtrabaho.

Nakagawian nang isara ni Theya ang kaniyang restaurant tuwing mayroon siyang date. Mayroon namang mga private room sa ikalawang palapag na maaari nilang gamitin, pero ang gusto ni Theya ay maiparamdam sa kaniyang boyfriend kung gaano ito ka-espesyal para sa kan'ya.

Hindi tumututol sa desisyon na ito ang manager niyang si Janice. Ito din kasi ang makabubuti para sa kanila. Sa oras kasi na magwala si Theya ay maaaring maapektuhan ang iniingatan nilang pangalan. Walang silbi ang pintuan ng private room sa oras na makawala sa selyo ang nahihimbing na dragon.