Chereads / Moonville Series 2: Maybe This Time / Chapter 17 - Homecoming: Chapter 6

Chapter 17 - Homecoming: Chapter 6

Lunch break nina Darlene nang puntahan siya ni Ryan sa CPRU. Nagulat pa ang walong-taong gulang na estudyante, pero natuwa naman siya sa biglaang pagdating nito.

"Ninong!" Kaagad siyang lumapit kay Ryan at nagmano.

"Lunch break n'yo na?" tanong naman ni Ryan sa kanya. Bumalik na ang dating maganda nilang relasyon dahil nagawa na ni Ryan na himasin ang ulo niya kagaya ng nakagawian nito.

"Opo."

"Tara, lunch tayo."

Nagningning ang mga mata ni Darlene. "Libre n'yo po ako?"

Napangiti naman si Ryan sa tuwang ipinamamalas niya. "Oo ba. Kahit anong gusto mo."

"Yey!"

Nagpunta ang dalawa sa may school cafeteria. Maganda ang design ng buong elementary department cafeteria at vey child friendly ang ambience. Ang sahig nga ay dinisenyo na parang mga puzzle pieces ang itsura. Pero hindi naman ito masyadong colourful to the point na mao-OP na ang mga katulad ni Ryan. Kulay grey naman kasi ang mga mesa at blue ang mga plastic chairs. Ang mga teachers at iba pang empleyado ng elementary department ay doon din kumakain.

Pero hindi tulad ng sa high school at college department cafeterias, ang school cooperative ang natatanging concessionaire ng elementary cafeteria. Gusto kasing siguraduhin ng pamunuan ng CPRU na healthy lahat ang ihahaing pagkain sa mga pinakabata nilang estudyante.

Puro mga Pinoy dishes ang inihahain sa elementary cafeteria. Si Darlene ay chicken and pork adobo ang inorder habang sinigang na baboy naman ang kay Ryan. Pareho silang may tig-isang order ng rice at pareho ding mango juice ang inumin.

"May kasalanan ka sa akin," bigla'y wika ni Ryan. Nangangalahati na sila noon sa kanilang pagkain.

"Hmm?" Napatingin sa kanya si Darlene na kasalukuyang sumusubo ng kinakaing adobo with rice.

Imbes na ipaliwanag ay ibinigay ni Ryan sa kanya ang bangle na suot niya noong Sabado. Natigilan naman si Darlene.

"Ibinalik kanina ni Jenneth sa shop. Mabuti at wala ang daddy mo at nasa meeting siya. Kung hindi ay baka mataranta ako sa pag-eexplain at masabi ko sa kanya iyong tungkol sa sulat ng mommy mo."

"Sorry po." Napayuko ang lumungkot na si Darlene, guilty sa kasalanang ginawa. "Nagawa ko lang naman po iyon kasi gusto kong makita ulit si Tita Jenneth. Eh kasi baka hindi kayo pumayag kapag nagpasama ako sa inyo. 'Di po ba, ayaw na ninyong ituloy ko iyong pagtupad sa wish ni Mommy?"

"Naiintindihan ko naman, eh. Alam mo bang napahanga mo ako sa ginawa mo? Kanino ka kaya nagmana sa pagka-wise mo, ano?"

Napatingin si Darlene kay Ryan.

"Minsan iniisip ko, ako yata ang tatay mo at hindi si Kenneth. Eh imposible naman iyon. Hindi naman kami nagkaroon ng relasyon ng nanay mo. Hindi ko kaya siya type!"

Napangiti si Darlene sa sinabi ni Ryan. Saka siya natigilan sa sumunod na sinabi nito.

"Tinanong ko si Jenneth kanina tungkol kay Sam. Well, iyon na nga. Ang alam nga lang daw niya tungkol kay Sam ay nasa America ito at may boyfriend na. Baka nga doon na daw ito mag-asawa at tuluyang manirahan."

Hindi na naitago pa ni Darlene ang pagkadismaya sa narinig. Mukhang wala na nga talagang pag-asa iyong mission niya para sa mommy niya. Pero…

"Paano po kung mali tayo ng akala?"

"Huh?"

"Kasi ang sabi n'yo po, nakalimutan n'yo na iyan ng matagal na panahon. Tapos bigla n'yo lang nakita. Bakit n'yo nakita? Ibig sabihin, nakatakda n'yo talaga siyang makita. Destiny nga po."

"Hayan na naman iyong destiny theory mo," ani Ryan sa kanya. "Masyado ka na yatang nawiwili sa mga teleserye. Huwag ka kasing sumaling manood sa Lola Marie mo."

"Baka ipinakita iyon sa inyo ni Mommy, Ninong, kasi may gusto siyang mangyari."

"Kung meron mang gustong mangyari ang mommy mo, siya na lang sana ang gumawa noon. Tutal naman mas malapit siya kay Lord. Siya na lang mismo ang humiling na matupad iyong kung anumang wish niya para sa daddy mo. Kasi tayo dito sa lupa, wala na tayong magagawa pa."

Natahimik si Darlene. Nagpatuloy naman si Ryan sa pagpapaliwanag.

"Oo nga at alam natin na nasa America si Sam. Pero ang laki-laki ng America. Fifty states iyon, at kung sakali mang matukoy natin kung saang estado siya, saang city naman? Napakakumplikado. Hindi rin tayo pwedeng magpunta doon ng basta-basta. Baka magtaka ang daddy mo kung magpaalam ako sa kanya na magbabakasyon ako sa America. Baka magpabili pa ng rubber shoes iyon."

Hindi na nagawa pang ngumiti ni Darlene sa biro ni Ryan. Para kasing unti-unti na rin siyang nawawalan ng pag-asa na magawa iyong wish ng mommy niya.

"I'm very sorry, Lene..."

Mukhang tama nga ang Ninong Ryan niya. Mukhang wala na talaga silang magagawa pa. At tama din ito sa sinabing ang mommy na lamang niya ang gumawa kung anuman ang gusto nitong mangyari.

"Tama po kayo, Ninong," aniya. "Si Mommy na lang po sana ang gumawa ng paraan para maging masaya ulit si Daddy." Nginitian niya ang kanyang ninong, pero malungkot pa rin ang mga mata nito.

Nahawa na rin si Ryan sa kalungkutan niya. Hinawakan nito ang kamay niya. "Huwag kang mag-alala. Hindi naman pababayaan ng mommy mo si Kenneth. Labs na labs niya iyon. Gagawin ni Tin ang lahat para maging masaya ulit ang daddy mo."

Sinubukan ulit ngumiti ni Darlene, pero katulad kanina ay hindi iyon umabot sa kanyang mga mata. Mukhang nalungkot na rin si Ryan. Tahimik na lamang nilang ipinagpatuloy ang pagkain ng kanilang lunch.

*********************************************

After ng lunch meeting ni Kenneth ay bumalik kaagad siya sa opisina. Naabutan pa niya ang ilang mga empleyado niya na inaayos ang bagong living room set na inilagay nila sa kanilang showroom.

"Good afternoon, Sir!" bati ng mga ito sa kanya.

"Good afternoon." Tumigil muna siya upang hangaan ang magandang set ng sofa at center and side tables na inaayos ng kanyang mga staff.

"Ang ganda po, ano Sir?" tanong sa kanya ng isa niyang empleyadong lalaki.

"Ang galing talaga ng Sir Ryan ninyo," aniya. Si Ryan halos ang nagdidisenyo ng mga itinitinda nila sa shop, katulad na lamang iyong inaayos ngayon ng mga empleyado nila.

"Oo nga Sir. Kaya binabalik-balikan tayo ng mga kliyente natin," anang lalaking staff.

"Huwag kang mag-alala. Marami pang bagong design iyon sa imagination niya kaya marami pa tayong maititindang bago dito sa shop. Lalo na ngayon nasa momentum siya. Siguradong marami na namang design ang mabubuo noon."

"Siguro Sir, dahil inspired."

"Huh?" Napatingin siya sa empleyado niya.

"May bumisita po kasi sa kanya kanina. Babae. Ang ganda Sir. Kaninang umaga iyon nang kaaalis n'yo lang papuntang meeting with the client. Siguro iyon iyong nagbibigay inspiration kay Sir kaya ang gaganda ng mga design niya."

Mukhang medyo na-lost in space siya sa bagong information na iyon. Wala naman kasi siyang nalalamang dine-date ng best friend niya for the past eleven months. Sino naman kaya ang babaeng tinutukoy ng empleyado nila?

Well, there's only one thing to find out. Para na rin maputol na ang pagtsitsismis ng empleyado niya sa kanyang business partner ay nagpaalam na siya at sumakay na ng elevator paakyat ng third floor. Pero hindi sa opisina niya siya pumunta. Dumiretso siya sa opisina ni Ryan, at doon ay narinig niya ang parang kasagutan sa tanong niya kanina. Medyo nakaangat ang pintuan kaya narinig niya ang pagmo-monologue ng best friend niya sa loob ng opisina nito.

"Nine years... Nine years ko nang hindi nakikita iyon. Tapos babalik na lang siya bigla. Babalik na lang siya bigla sa buhay ko ng ganun-ganun na lang. Like nothing happened… Kung umasta siya kanina, parang wala na talaga iyong mga nangyari sa amin noon. Has she really, totally moved on?"

Kenneth frowned. Base sa sinasabi ni Ryan, matagal na nitong kakilala iyong nakita niya kanina. Someone whom he met nine years ago… Isa lang naman ang alam niyang naging girlfriend nito nine years ago. Napangiti siya na naisip.

"Bakit ba sobrang ganda niya ngayon? Sobrang sexy? Hindi naman ganoon iyon dati, ah. Hindi nga marunong mag-ayos iyon noon. Tapos ngayon may make up na. Ang ganda na ng suot. Iyon ba ang nagagawa ng pagtira sa Manila? Gumaganda at umaayos ang porma? Wala na rin pala siyang salamin. Lalong gumanda iyong mga mata niya... Oh shit!"

Napatingin si Ryan sa may pintuan, at noon nito nakita si Kenneth. The latter chuckled at his friend's misery.

"What the heck!"

Lalong natawa si Kenneth sa reaksiyon ni Ryan. Para itong nakakita ng multo or something.

"Kanina ka pa ba diyan?" Parang nagpa-panic na ito bigla.

"At nag-eenjoy talaga ako," sagot ni Kenneth habang palapit siya sa mesa nito.

"Shit!" Napasandal ito sa kanyang swivel chair at napapikit.

"Okay lang iyan, Pare. Minsan-minsan ikaw naman ang nabu-bully."

He looked at him sharply, na lalong nagpatawa kay Kenneth.

"Tigilan mo na ako, Ken, ha? Hindi na ako natutuwa."

"Mas gumanda ba talaga si Jenneth? Mas sumexy?"

"Tama na nga!" Mukhang naiinis ito dahil sa pagkapahiya.

Sigurado na talaga siya na si Jenneth ang naging bisita kanina ng kaibigan. Kay Jenneth lang ganoon mag-react si Ryan. "Lalo ka bang nabighani sa kanya, Ry?"

"Hindi mo talaga ako titigilan, ano?"

Umiling ang natatawang si Kenneth.

Sa huli ay natawa na rin lang si Ryan dahil sa pagiging miserable niya.

"Sa dinami-dami pa ng makikitang dating kakilala, si Jenneth pa," anito.

"Baka naman kasi meant to be? Baka nakatadhana kayong magkita ulit at magkabalikan?"

"Ikaw yata ang kasamang nanonood ng teleserye ni Darlene, eh. Pareho kayo ng pinagsasasabi."

Natawa ulit si Kenneth. "Si Mama iyon. Pero naririnig ko naman iyon mga pinapanood nila."

"Kaya pala..."

Kenneth smiled. "Dumalaw daw siya dito kanina?"

"Kanino mo nalaman iyan?" Andun na naman iyong panic sa pagkatao ni Ryan.

"Sa staff natin. Kaya daw inspired ka sa mga design mo." He grinned.

"May… ano… may ibinalik lang sa akin." Napaiwas ito ng tingin.

"Alin, iyong puso mo?"

"Hindi ka talaga nanonood ng mga teleserye?"

Kenneth grinned again. "O iyong puso niya? Ibinalik ba niya ulit sa iyo ang puso niya?"

Napaiwas ng tingin si Ryan. Saka ito bumuntong-hininga. "Hindi na kami magkakabalikan ni Jhing. I had my chance. I ruined it and let her go."

Natahimik si Kenneth sa sinabi nito.

"I had the most perfect girlfriend, but I was too dumb I let her go," ang sabi pa ni Ryan.

Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Kenneth. Bigla itong naawa sa kaibigan. Batid kasi niya ang kalungkutan na dulot mg pagkakamali ni Ryan sa naging desisyon nito noon. Gayundin ang guilt at panghihinayang nito.

"Mabuti nga hindi niya ako pinagsasampal doon sa The Coffee Club kasi talagang nakakahiya iyon."

Mukhang hindi joke ang pagiging miserable ngayon ng kaibigan niya. Mukhang may pinagdaraanan talaga ito na hindi pwedeng ipam-bully. Kailangan yata niyang tulungan ito at libangin para makalimutan nito ang ex-girlfriend nito.

"Alam mo, tama na nga itong pagmumukmok mo. Ang mabuti pa, maglaro na lang tayo ng basketball."

"Basketball na naman?" Lalong napasimangot si Ryan. "Tapos ano? Tatalunin mo lang na naman ako ulit?"

"At least malilibang ka kahit papaano. Halika na. Pahihiramin na lang kita ng panlaro mo."

"So ikaw na ang nagpapahiram sa akin ng damit ngayon?"

He smiled. "Mayaman na rin ako ngayon kaya pwede na kitang pahiramin ng damit. Kung gusto mo ibigay ko na rin sa'yo iyon."

"Ang yabang."

"Nahawa lang ako sa'yo," ang sabi naman ni Kenneth. "Halika na!"

"Wala pang alas-singko," muli'y tanggi ni Ryan.

"Sino ba ang may-ari nitong kumpanya?" tanong niya dito.

"Teka, kailan ka pa natutong umabuso sa kapangyarihan mo?"

Kenneth smiled again. "Huwag ka na ngang kumontra at baka magbago pa ang isip ko. Halika na!"

Magkasunod na lumabas ng opisina ang magkaibigan.