𝐉𝐮𝐧𝐞 𝟏𝟗𝟗𝟒
First day of class ngayon sa Carlos P. Romulo University. Maaga pa lang ay nagsisidatingan na ang mga estudyante. Ang iba ay kasama pa ang kanilang mga magulang, lalo na ang mga grade one at first year students sa high school. Ang ibang parents naman ay inihahatid lamang ang kanilang mga anak at pagkatapos noon ay aalis na at pupunta sa kani-kaniyang trabaho o negosyo.
Isa sa mga iyon si Samantha de Vera. Inihatid siya ng kanyang amang si Sebastian de Vera, na kilala rin sa tawag na Don Baste. Ang usapan ay ihahatid siya ng kanyang daddy hanggang sa university lamang, pero parang gusto niyang pahatid pa dito hanggang sa classroom nila mismo.
"Excited?" tanong ng kanyang daddy.
Mukhang naitanong iyon ni Don Baste dahil hindi nito nakikita ang nakasimangot niyang mukha. Nakatingin kasi siya sa labas ng bintana ng kanilang dark green Toyota Corolla.
"Scared, actually," aniya sabay ismid.
"Scared? Bakit naman?"
Napatingin si Sam sa ama. "Dad, ayoko na yata. Pwede bang bumalik na lang ako sa elementary? Grade five na lang ako. Iyon naman ang dapat, hindi ba?"
"Hindi ba ikaw rin naman ang gustong ma-accelerate ka?" ani Don Baste sa bunso. "Ginusto mo rin na tumalon mula grade four papuntang first year high school."
"Oo pero…" Paano ba niya ipapaliwanag sa ama ang pangambang nararamdaman niya?
"Natatakot ka kasi matanda ng dalawang taon sa iyo iyong magiging classmates mo, ano?"
Tumango siya sa sinabi ng ama.
"What's the big deal if your classmates are older than you? Ang mahalaga, kaya mong makipagsabayan sa kanila pagdating sa studies mo. Hindi ka naman ia-accelerate kung hindi ka pumasa sa mga exams na ibinigay sa iyo, hindi ba? I'm sure you'll be okay."
"Hindi naman po iyon ang ikinakatakot ko, eh."
"Eh ano pala?"
"Eh kasi, for sure iyong mga kaklase ko kilala na nila ang isa't isa. For sure, sila-sila rin lang ang classmates sa elementary. Tapos bigla akong masasali sa kanila…"
"Oh! So you're scared na wala kang maging kaibigan sa kanila?"
Tumango siya.
Hinawakan siya ni Don Baste sa ulo. "Huwag mong isipin iyan. For sure kaagad kang magkakaroon ng kaibigan. Ang bait mo kaya!"
Lalo siyang napasimangot sa sinabing iyon ng kanyang ama. Pinisil na lamang ng natatawang si Don Baste ang pisngi niya.
"Come on. You don't want to be late on your first day."
Kahit medyo tutol pa ang kalooban ay wala na ring nagawa pa si Sam kundi ang kunin na lamang ang kanyang asul na backpack.
"I'm sure you'll be fine. Aren't you excited? High school ka na!"
Isang buntong-hininga ang isinagot niya dito.
"Sige na... See you later."
Humalik siya sa ama at saka nagpaalam na dito. Saka na siya lumabas ng kotse at pumasok na sa tarangkahan ng CPRU.
Sa totoo lang, excited din naman siya na pumasok ngayon. Sino ba ang hindi na-excite sa first day ng high school life niya? Ang kaso, feeling niya ay hindi pa siya ready na pumasok sa kabanatang iyon ng buhay niya. Pero, gaya nga ng sabi ng daddy niya, ginusto rin naman niya ang ganoon. Ginusto rin naman niyang ma-accelerate para mapadali ang pag-aaral niya at makapag-Med school na kaagad siya.
Nine years old pa lang siya, turning tem that December, at dapat ay grade five pa lang siya sa pasukang iyon. Iyon nga lang, overqualified na daw siya pagdating sa academic skills at pwede na niyang lampasan hindi lang ang isang taon kundi ang dalawang taong natitira pa sa kanyang elementary life. Kaya naman binigyan siya ng series of exams at sa kauna-unahang pagkakataon ay nag-accelerate ang CPRU ng isang estudyante. Kaya siya naging high school bigla.
Pagpasok niya sa classroom nila ay naramdaman kaagad niya ang pagtingin ng lahat sa kanya. Ganoon naman siguro sa lahat ng pumapasok ang mga iyon, pero hindi pa rin niya maiwasang ma-conscious dahil nga sa hindi naman siya ordinaryong estudyante. Bukod kasi sa hindi naman niya ka-batch ang mga ito ay hindi rin siya masyadong nag-aattend ng mga social gatherings sa social circle nila. Sa mga event lang nila sa Tarlac General Hospital siya pumupunta at pili lang din ang mga dinadaluhan niya. Iyong mga importante lang talaga at kailangang nandoon siya.
Mukha ngang totoo ang hinala niya na kilala ng mga kaklase niya ang isa't isa. Mukha ngang magkakaklase ang mga ito noong elementary. May kanya-kanyang grupo pa nga ang mga ito. Pero kahit isang grupo ay walang nag-abalang i-approach at kausapin siya.
Isang estudyanteng lalaki ang pumasok sa kanilang classroom. Naupo ito sa may gilid ng classroom malapit sa may pintuan. Pagpasok nito ay dito napukol ang usap-usapan ng kanyang mga kaklase. Mukhang katulad niya ay wala ring nakakakilala sa bagong dating nilang kaklase.
Pansin ni Sam na parang napakapayak ng suot ng lalaki. Puting t-shirt lang at maong na pantalon ang suot nito. Hindi tulad ng iba niyang kaklaseng lalaki na sobrang porma ng suot. Kagaya na lamang noong isang kaklase nila na lalaki. Hindi maiwasan ni Sam na mapansin ito dahil sobrang ingay nito. Ang dinig niya ay kabilang ito sa mga Arcilla na may-ari ng pinakamalaking patahian sa Tarlac.
Samantala, ang bagong dating na lalaki ay napaka-plain ng suot. Tingin pa nga ni Sam ay medyo kupas na ang suot nitong maong. Ang t-shirt na suot nito ay halatang luma din. Pero ganoon pa man ay maayos naman ang itsura ng lalaki.
Ilang sandali pa ay dumating na rin ang kanilang guro. At siyempre, dahil unang araw ng klase ay ipapakilala muna nila ang kanilang mga sarili kahit pa nga halos magkakakilala na ang mga kaklase niya dahil magkakasama na ang mga ito since elementary. Siya nga lang ang napasama sa kanila.
At pati pala iyong lalaki.
"Okay, para maiba naman, sa likuran natin simulan," ang sabi ng teacher nila.
Biglang kinabahan si Sam. Nasa may likuran kasi siya at siya ang isa sa unang magpapakilala sa klase. Actually, panglima siya mula doon sa kaklase nilang unang nagpakilala.
Nadoble ang kabang iyon nang siya na ang magpapakilala. Pero tumayo pa rin siya at ginawa ang utos ng kanilang guro.
"Good morning. I'm Sam. I'm from CPRU Elementary School… Nice to meet you all."
Alam niyang napakaikli ng sinabi niya, pero wala na siyang gusto pang sabihin. Tumingin na lamang siya sa kanilang guro to indicate na tapos na siyang magpakilala.
"That's all?" tanong ng guro sa kanya.
Tumango siya.
"Hindi mo ba sasabihin sa amin iyong apelyido mo?" napapangiting tanong ng guro niya.
Alam niyang wala namang masamang intensiyon ang guro nila, pero feeling niya ay lalo siyang napahiya sa nangyari. Gusto tuloy niyang umupo na lamang ulit, o kaya ay pwede rin namang maglaho na lang siya bigla sa kanyang kinatatayuan. Kung pwede lang sana.
Still, sinagot pa rin niya ang tanong ng teacher.
"De Vera… I'm Samantha de Vera."
Nakita ni Sam na napatingin sa kanya halos lahat ng mga kaklase niya. Mukhang alam na ng mga ito kung sino siya. Malamang na nabalitaan na ng lahat na ang bunsong anak ni Don Baste na si Samantha de Vera ay na-accelerate mula grade four papuntang first year high school. Hindi malayo iyon dahil isa lang naman ang social circle na ginagalawan ng mga ito.
Ang tanging iba ang reaksiyon ay iyong lalaking naka-puting t-shirt at kupas na maong. Parang random information lamang iyong sinabi niya at poker faced itong nakatingin lamang sa kanya.
"Oh! So you're the accelerated student," ang sabi naman ng teacher nila. Parang bigla itong na-excite sa narinig nito.
At iyon na nga ang ayaw ni Sam. Ang ma-mention ang obvious. Kasi feeling niya lalong nae-emphasize ang kaibahan niya sa kanyang mga kaklase. Lalo tuloy siyang nahihiya. Iyon namang lalaking naka-white t-shirt, parang na-amaze sa narinig. Full of curiosity na tuloy itong nakatingin sa kanya ngayon.
"Wow! Nice to meet you too, Sam," ang sabi ng guro nila.
Nginitian na lamang niya ang guro at saka na siya umupo na ulit. Pakiramdam niya at nadako ang tingin ng lahat ng kanyang mga kaklase sa kanya. Siguro feeling ng mga ito ay napaka-weird niyang tao. Sana naman ay huwag siyang layuan ng mga ito at baka lalo siyang mawalan ng kaibigan.
Nagpatuloy sa pagpapakilala ang buong klase. Lahat ng mga ito ay mula sa mga prominenteng pamilya sa Tarlac. And then, there's the guy in white shirt and faded jeans. Mukhang lahat ng mga nandoon ay nakinig sa pagpapakilala nito sa sarili.
"Magandang umaga po. I'm Kenneth Oliveros. I'm thirteen years old. I live in Brgy. Bato-bato, Gerona, Tarlac. I graduated from Bato-bato Elementary School."
Si Sam naman ang namangha sa narinig. Now she knows who this guy is. Hindi dahil sa narinig niya ang pangalan nito. Nalaman niya kung sino ang lalaki dahil sa sinabi nitong pinanggalingan nitong eskwelahan.
"Oh! So you're the scholar," anang teacher nila sa lalaki. "Class, for those of you who do not know, meron nang scholarship program ngayon ang CPRU high school. Dati kasi sa college lang iyon. And your classmate here, si Kenneth, is one of the recipients. Actually, siya lang ang nakapasok this school year. So, I hope you welcome Mr. Oliveros since this is his first time in CPRU."
Hindi naiwasang ma-amaze ni Sam sa narinig. Alam niyang hindi madali ang requirements para maging scholar sa CPRU. Hula niya ay valedictorian ng kanilang batch si Kenneth. Isa kasi iyon sa requirement pati na ang mataas na final average. Na-curious tuloy siya sa bago nilang kaklase. Higit sa lahat ng naroon ay ito ang gusto niyang makilala ng husto.