Chapter 2 - Chapter 2

Alas-dose ng tanghali nang mag-lunch break sina Kenneth. Ang buong klase nila ay diretso na sa canteen. Maliban na lamang sa kanya.

Alam ni Kenneth na katulad ng mga mayayaman niyang kaklase, pangmayaman din ang mga pagkaing nakahain sa school cafeteria. Siyempre, pangmayaman din ang presyo. Kaya naman batid niya na hindi niya kayang bumili ng pagkain doon. Dahil doon ay nagbaon na lamang siya ng kakainin ngayong lunch break nila.

Ang problema, saan naman kaya siya kakain? Ayaw niya sa canteen kasi nahihiya siyang ilabas ang baon niya doon. Baka mamaya ay pagtsismisan na naman siya ng mga sosyal niyang kaklase. Alam niyang isa siya sa mga topics ng mga kaklase niya ngayong lunch break.

May mga student lounges na ginagawa sa ilang bahagi ng CPRU, pero dahil nga hindi pa tapos ang mga iyon ay hindi pa iyon pwedeng tambayan. Kaya naghanap na lamang ng ibang makakainan si Kenneth. Nang mapadako siya sa may basketball court.

Walang tao noon sa court kahit pa nga lunch break. Hindi kaya bawal ding tumambay doon? Hindi naman siguro. Wala namang nakapaskil na bawal ngang tumambay doon. Kaya doon na lamang pumuwesto si Kenneth.

Pritong itlog at ketchup ang ulam niya sa araw na iyon. Ang nanay niya ang nagluto noon. Iyon lang kasi ang nakayanan nitong ipabaon sa kanya. Ganoon sila kahirap. Ang totoo ay ayaw naman talaga niyang mag-aral sa CPRU. Pakiramdam niya kasi ay hindi naman siya bagay doon. Itsura pa lamang ay batid niyang kaiba siya sa mga mayayaman niyang kaklase. Meron pa ngang isa sa mga ito na anak ng may-ari ng pribadong ospital.

Naalala niya iyong kaklase niyang iyon. Namangha siya dito nang malamang accelerated pala ito from grade four. Napahanga siya nito. Tapos, dahil sa kwentuhan ng kanyang mga katabi ay nalaman niyang anak ito ng may-ari ng Tarlac General Hospital. Wala naman siyang gaanong alam sa ospital na iyon, maliban na lamang sa katotohanang mahal ang singil sa serbisyong medikal doon.

Siguro ay nabibili nung Sam na iyon ang lahat ng libro na gusto nitong basahin kaya tumalino ito ng ganoon. Kapag nga naman mayaman ka, kaya mong makuha ang lahat. Alam niya iyon dahil naranasan din naman niya ang ganoon. Noong bata siya, nakukuha din niya ang lahat ng gustuhin niya. Pero ngayon ay hindi man lang siya makabili ng bagong damit na isusuot sa presitihiyoso niyang school at nagkasya na lamang siya sa puting t-shirt at kupas na maong. Hindi nga siya makakain sa school cafeteria at nagtitiis na lamang sa pritong itlog na baon niya.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang lapitan siya ng isang lalaking nasa mid-thirties na naka-suot ng polo shirt na may tatak ng CPRU name and logo. Official shirt yata iyon ng mga empleyado doon.

"Mukhang hindi ka na-inform na bawal kumain dito sa court," bungad nito kay Kenneth.

Gulat na napatayo ang kumakaing si Kenneth. Napangiti ang lalaki.

"I'm Cesar Corpuz. Ako ang basketball coach ng high school department at in-charge dito sa basketball court na kinakainan mo."

"Sorry po, Sir." Nahihiyang napayuko na lamang si Kenneth.

"Bakit dito ka kumakain? Dapat sa canteen ka mag-lunch. Okay lang naman na magdala ng baon doon."

Napatingin si Kenneth sa baon niya. Hindi niya masabi kay Mr. Corpuz ang sagot niya sa tanong nito. Pero mukhang nakuha naman ito ng batang guro.

"Masarap naman ang fried egg. Mayaman pa iyan sa protein. Energy booster… Er… Tama ba iyon? Mahina ako sa Science, eh. Kaya Physical Education ang minajor ko."

Napatingin si Kenneth kay Mr. Corpuz. Nakangiti ito kaya medyo nabawasan ang kabang nararamdaman ni Kenneth.

"Okay lang naman na kumain ka dito, provided na hindi ka magkakalat. Ayoko kasi ng makalat na gym."

"Opo Sir." Natuwa naman si Kenneth sa permisong nakuha niya mula dito.

"Sige. Aasahan ko iyan."

Napangiti na si Kenneth. Nang bigla siyang may naalala.

"Ah, Sir, sabi n'yo po, kayo ang coach ng basketball team?"

"Oo," sagot ni Mr. Corpuz. "Interesado ka ba? May mga try outs kaming gagawin these coming days. Baka gusto mong sumali?"

"Eh, baka po hindi ko makayanang pagsabayin ang pag-aaral tsaka ang paglalaro. Scholar po kasi ako. Iyon lang po ang dahilan kaya ako nakapag-aral dito. Baka po mawala iyon kapag nasali ako sa team."

"Hindi naman namin pinapa-prioritize sa mga estudyante ang sports. Siyempre, una pa rin ang studies. Kaya kapag may conflict ay ang studies ang mas pinapaboran namin. Pero siyempre, may mga pagkakataon na kailangang i-prioritize ang basketball. Iyon ay tuwing may mga inter-school competition lang naman."

Napaisip si Kenneth. Si Mr. Corpuz naman ay parang lalong naengganyong kumbinsihin siya.

"Subukan mo lang naman. Malay mo magawa mong pagsabayin. Player ka ba sa dati mong school? Try mong sumali. Marami din namang benefits ang mga player dito. May mga allowance sila tapos may mga considerations lalo na kapag inter-school seasons. May additional grade pa lalo na kapag nanalo kayo sa competitions."

"Player po kasi ako doon sa dati naming school. Point guard po."

"Talaga? Alam mo kailangan namin ng point guard kasi nag-graduate na iyong iba naming point guard. Sumali ka sa try outs, ha?"

"Pag-iisipan ko po…" Nahihiya siyang ngumiti.

"Huwag mo nang pag-isipan. Sumali ka na, ha? Kapag nakasali ka sa team, pwede ka nang kumain dito anytime you want… Ano na nga pala ang pangalan mo?"

"Kenneth po."

"Aasahan kita sa try out, ha, Kenneth?"

Ngumiti na lamang si Kenneth.

"Sige, maiwan na kita at nang makakain ka na."

"Sige po."

Natutuwang nagpatuloy sa pagkain si Kenneth. Bukod sa nabigyan siya ng permisong mag-lunch sa court ay nabigyan din siya ng chance na makasali sa basketball team. Sobrang gusto niya talaga ang paglalaro ng basketball. MVP nga siya noon sa school nila dahil sa pagmamahal at dedikasyo niya sa kanilang team.

Siguro ay kaya rin naman niyang pagsabayin ang pag-aaral at paglalaro ng basketball. Nagawa naman niya iyon sa dati niyang school. Magagawa rin naman siguro niya iyon sa CPRU. Isa pa, pangdagdag puntos din sa scholarship niya ang pagsali sa mga ganoong activities. Kaya malamang makatulong pa iyon sa kanya pati na rin ang allowance na ibibigay nila kapag may laro sila.

Sa unang pagkakataon ngayong araw ay sumaya siyang napadpad siya sa CPRU. Para ngang biglang sumarap ang itlog na kinakain niya kapartner ang manamis-namis na ketchup at puting kanin.